Kabanata 15

[Chapter 15]

"FAYE..." napatigil ako at dahan-dahang napalingon sa kaniya. Halos walang kurap akong nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. Naalala na niya? Kilala na niya ako ulit?

Naglakad siya papalapit sa'kin saka inabot ang isang kuwaderno. Napatingin ako roon, nabasa lang pala niya ang pangalan na nakasulat sa notebook na naiwan ko. Hindi ko alam pero parang bigla akong nalungkot, akala ko pa naman naalala na niya.

Hindi ako nakapagsalita at nanatiling nakatingin sa kuwaderno, iniisip na niya siguro na posibleng pangalan ng tao ang nakasulat sa kuwaderno. "Ah, salamat. Buti na lang hindi nawala, magagalit 'yon sa'kin si Faye" saad ko saka sinubukan kong ngumiti.

Nakatingin lang siya sa'kin saka tumango ng kaunti. Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad pabalik sa mansion. Muli akong lumingon sa kaniya pero nakatingin na siya sa bintana ng silid ni Maria Florencita.

Hindi nagtagal dumating na si Maria Florencita kasama si Mang Juan. Lumayo si Mang Juan nang ilang metro para makapag-usap sina Sebastian at Maria Florencita. Nakatayo lang silang dalawa sa gitna ng hardin.

Nagtago ako sa likod ng matataas na halaman. "Malalim na ang gabi heneral, ano ang nag-udyok sa iyo upang magtungo rito?" magalang na tanong ni Maria Florencita, nakatingin lang si Sebastian ng diretso sa mga mata ni Maria Florencita. Animo'y iniisip niya ng mabuti kung dapat ba niyang sabihin ang tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan.

"May bumabagabag ba sa iyo, heneral?" patuloy ni Maria Florencita, napayuko si Sebastian saka napatitig sa lupa. Huminga siya nang malalim at tiningnan muli ng diretso si Maria Florencita, "Wala. Matulog ka na nang mahimbing" wika niya saka inayos ang kaniyang suot na sumbrero.

Tumalikod na si Sebastian at naglakad na papalayo. Nanatiling nakatayo lang doon si Maria Florencita at nang makasakay na sa kalesa si Sebastian, naglakad na siya pabalik sa mansion kasama si Mang Juan.

Mag-hahatinggabi na, nakaupo lang ako sa kama habang hawak ang aking kuwaderno. May isang kandila lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng aking masikip na silid. Hindi ko alam kung bakit parang may kakaiba akong nararamdaman, parang may mahalagang sasabihin si Sebastian kanina kay Maria Florencita ngunit hindi niya nagawang sabihin.

Pamilyar na sa'kin ang tingin niyang iyon. Gano'n ang reaksyon niya sa tuwing nananaginip siya tungkol sa kaniyang kamatayan. Napatulala ako sa kandila, posible kayang napanaginipan niya ulit ang magiging kamatayan niya? Ngunit iba na ngayon, mas masakit ang sasapitin niya.

Agad kong isinulat iyon sa aking kuwaderno. Malaking palaisipan din sa'kin kung bakit ako nakakapasok dito sa kwento. Hindi rin malinaw kung paano ako nakakalabas.

Ipinikit ko ang aking mga mata, pilit kong inalala ang mga pangyayari mula nang makapasok ako sa kwento sa unang kabanata ng Salamisim. Nakapasok ako dito nang sumalakay ang mga rebelde sa bilangguan. Nakapasok ulit ako nang tinambangan ng mga rebelde sila Sebastian at ang mga kawal nito sa daan. Nakapasok muli ako nang tutukan ni Roberto ng espada sa leeg si Sebastian sa hukuman!

Isinulat ko iyon sa notebook at pinagdugtong-dugtong ko ang mga pangyayari. Sa tuwing nalalagay sa kapahamakan si Sebastian, nakakapasok ako sa kwento. Naalala ko ang sinabi niya noon na palagi akong dumadating sa oras ng kapahamakan at nagiging maayos din ang lahat kapag narito ako.

Ngunit bakit? Bakit si Sebastian? Sa dinami-dami ng characters sa kwentong ito. Bakit tila may koneksyon ang lahat kay Sebastian?

Inilipat ko ang pahina ng kuwaderno at nagpatuloy sa pagsusulat. Nakakalabas naman ako sa kwentong ito kapag kasama ko si Sebastian. Nakalabas ako noong una niyang sinabi sa'kin na napanaginipan niyang namatay siya sa selda. Nakalabas din ako noong sinabi niya na nakita niya si Roberto sa panaginip kasama ang lalaking hindi niya kilala ang mukha. Nawawala rin ang liwanag pagkatapos niya sabihin ang mga iyon dahilan upang makalabas ako sa kwento.

Ngunit nawawala ang alaala ko sa loob ng kwentong ito kapag nakakalabas ako sa nobela. Maging sa daloy ng kwento mismo, napansin ng lahat na parang may mali. Parang kulang at parang may nawawalang tauhan o bagay kaya hindi buo ang kwento. Dahil kahit narito ako sa loob ng Salamisim, hindi iyon naisusulat sa daloy ng kwento mismo kaya nagkukulang ang bawat eksena at pangyayari.

Kailangan kong malaman kung bakit nangyayari ito. Malakas ang kutob ko na may malaking kinalaman si Sebastian.

KINABUKASAN, naalimpungatan ako nang may kumatok sa pinto. Pikit-mata akong bumangon saka binuksan ang pinto, "Ipinapahanda ni Don Florencio ang kalesa---Nasaan si Arturo?" gulat na saad ni Orinina dahilan upang biglang magising ang diwa ko.

Suot ko ang kamiso de tsino pero nakalugay ang mahaba kong buhok at wala rin akong bigote! "Sino ka?" patuloy ni Ornina, napaatras pa siya. Agad kong sinara ang pinto. Hindi nga pala pwedeng malaman ng iba na babae ako. Si Maria Florencita lang ang nakakaalam.

"May nakapasok na estranghero rito!" sigaw ni Ornina dahilan upang mabilis na magtakbuhan papunta sa labas ng aking silid ang mga guardia personal ng pamilya Garza. Mabilis kong kinuha ang isusuot kong damit na itim na kamiso, sumbrero, pantalon, at panyapak sa paa.

Pilit na binubuksan ng mga guardia personal ang pinto. Ibinalot ko na sa sako ang mga damit saka lumundag sa bintana, "Naroon siya!" sigaw ng isang kasambahay. Dali-dali akong tumakbo papalayo at lumundag sa mataas na bakod ng mansion.

"Tigil!" sigaw ng mga guardia personal, pinaputukan pa nila ako ng baril pero hindi nila ako natamaan kaya nakalundag na ako sa kabilang kalsada. Hindi pa rin sila tumigil, lumundag din sila sa bakod at hinabol ako.

Dumaan ako sa kagubatan, sapa at maputik na lupa ngunit hindi pa rin nila ako tinantanan. Patuloy ang pagpapaputok nila ng baril dahilan upang mas lalo akong mapatakbo nang mabilis sa takot.

Ilang sandali pa, napatigil ako dahil nasa dulo na pala ako ng mababaw na bangin. Nasa baba nito ay kalsadang lupa na siyang daan patungo sa bayan.

"Sumuko ka na!" sigaw ng isang guardia personal na hingal na hingal na sa paghabol sa'kin. Hindi ako pwedeng sumuko, malalaman nina Don Severino at Roberto na buhay pa ako. Siguradong paparusahan nila ako. Kailangan kong mahanap si Sebastian at makausap siya tungkol sa panaginip niya. Kung napapanaginipan pa rin ba niya ang kamatayan niya, siguradong makakalabas ako sa kwento at babaguhin ko muli ang nobelang ito.

Napapikit na lang ako saka napayakap sa aking sarili saka lumundag sa mababaw na bangin at nagpagulong-gulong hanggang sa bumagsak ako sa kalsadang lupa. "P*nyeta! Buhay pa siya!" sigaw ng isang guardia, nakatayo sila ngayon sa ibabaw ng bangin. Hindi nila magawang lumundag doon para sundan ako kaya dali-dali silang naghanap ng daan pababa.

Dahan-dahan akong nabangon, puno na ng galos at gasgas ang aking braso at binti. Nababalot ako ng putik. Sinubukan kong tumayo ngunit bago pa ako makatayo ay may paparating na kalesa. Kumakaripas na ito ng takbo papalapit sa akin.

Hinawakan ko na lang ang aking ulo at ipinikit ang aking mga mata. Ngunit mabilis ding huminto ang kabayo at pilit na pinakalma ng kutsero. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, nakita kong lumundag pababa ang lalaking sakay ng kalesa. Bumaba rin ang kutsero at pilit na pinakalma ang kabayo.

Lumuhod ang lalaki sa tapat ko saka tiningnan ako ng diretso, "Anong nangyari sa iyo?" tanong nito, napatigil ako nang makilala ko ang boses na iyon. Gulat akong napatingin sa kaniya, maging siya ay nagulat din nang makilala ako.

"I-ikaw..." wika ni Sebastian. Magsasalita pa sana siya ngunit narinig na namin ang paparating na mga guardia personal ng pamilya Garza. "Uhm, 'wag mo akong ituro sa kanila... please" pakiusap ko at mabilis akong gumapang papunta sa likod ng isang malaking puno. Sumandal ako roon at tinakpan ang aking bibig.

Dahan-dahan akong sumilip mula sa likod ng puno, tumigil ang mga guardia personal at sumaludo kay Sebastian. "Bakit kayo narito?" tanong ni Sebastian. Tumindig nang maayos ang mga guardia personal ng pamilya Garza.

"May hinahabol lang po kaming babae na nakapasok sa tahanan ni Don Florencio" tugon ng isang guardia, hinihingal pa siya mula sa malayong pagtakbo ngunit pilit niyang kinokontrol ang kaniyang paghinga.

"Nakita ho niyo ba señor kung saan nagtungo ang babae?" tanong ng isa pang guardia, nagkatinginan si Sebastian at Niyong na kaniyang kutsero. "Lumundag ho siya sa bangin at dito ho siya bumagsak" patuloy ng guardia.

Napatikhim si Sebastian sabay turo ng diretso sa daan. "Tumakbo siya papuntang bayan" tugon niya, agad sumaludo ang mga guardia personal at dali-daling tumakbo patungo sa bayan. Agad akong nagpatuloy sa pagtakbo sa gitna ng kagubatan. Tinahak ko ang daan pabalik sa mansion ng pamilya Garza.

Agad akong nagpalit ng damit. Binalutan ko ng tela ang aking dibdib, isinuot ang itim na kamiso na mahaba ang manggas at puting pantalon. Itinali ko pataas ang aking buhok at itinago iyon sa ilalim ng sumbrerong buri na aking suot. May siga ng apoy na naiwan sa tabi ng isang puno, agad kong kinuha ang sunog na bahagi nito at iginuhit ko sa aking nguso upang gawing bigote.

Malayo pa lang natanaw ko na ang bantay saradong mansion ng pamilya Garza. Nasa labas ang mga kasambahay kausap ang ibang guardia civil. Inaalam nito ang nangyari, naroon din sa labas sina Don Florencio, Maria Florencita, Ornina at iba pa. Kausap nila si Roberto kasama ang mga kawal nito.

"Narito na si Arturo!" sigaw ni Ornina sabay turo sa'kin, napalingon sa akin ang lahat. Siguradong nag-iimbestiga na sila kung sino ang babaeng nakita ni Ornina sa kwarto ko. Napahinga ako nang malalim, hangga't maaari, pilit kong pinapakalma ang aking sarili upang hindi sila maghinala.

Agad lumapit sa'kin si Maria Florencita at sinabayan niya ako maglakad "Saan ka nagtungo? Kanina ka pa nila hinahanap" bulong niya pero diretso lang sa daan ang tingin namin upang walang makahalata sa pinag-uusapan namin.

"Niligaw ko sila sa gubat. Ibinaon ko rin doon ang damit ko" saad ko, halos seryosong nakatingin sa akin ang lahat lalo na sina Roberto at Don Florencio. "Sinabi ko na lang sa kanila na kasintahan ni Arturo 'yung babaeng nakita ni Ornina sa silid" saad ni Maria Florencita dahilan upang gulat akong mapalingon sa kaniya.

Napakurap ako ng dalawang beses. Hindi ako makapaniwala, magkasintahan si Arturo at Tanya na parehong ako!

"Arturo, saan ka nagtungo?" bungad ni Don Florencio, nakatayo na kami ngayon sa tapat nila. "Ah, p-pinakain ko lang po 'yung mga alaga kong bibe sa sapa" tugon ko, kahit ako napapikit dahil sa sinabi ko. Nagtatakang napatingin sa'kin ang lahat.

"May alaga pong mga bibe sa sapa si Arturo" sabat ni Maria Florencita, "Kung gayon, sino ang babaeng natagpuan sa iyong silid?" tanong ni Roberto sa'kin, napalunok na lang ako at napatingin kay Maria Florencita. Kailangan ko na lang panindigan ang sinabi niya sa kanila kanina para mas maging makatotohanan.

"K-kasintahan ko siya" tugon ko, halos husgahan na nila akong lahat sa pamamagitan ng kanilang mga tingin. Napapailing pa ang ilang kasambahay na may katandaan na. "Hijo, hindi magandang tingnan na nasa iisang silid kayo ng isang babae kahit pa kasintahan mo iyon" pangaral ni Don Florencio.

"Nahanap niyo na ba ang babae?" tanong ni Roberto sa mga kawal niya. Umiling ang mga ito maging ang mga guardia personal ng pamilya Garza.

"Huwag po kayo mag-aalala, marahil ay umuwi na siya sa kanilang tahanan. Sasabihan ko na lang din po siya na hindi na siya maaaring magtungo rito. Paumanhin po sa gulong naidulot ko" saad ko, tumango-tango na lang si Don Florencio, habang ang mga kababaihan at matatanda naman ay napapailing sa'kin.

"Salamat heneral Roberto dahil nagsadya ka pa rito" wika ni Don Florencio sakay kinamayan si Roberto. "Wala ho iyon Don Florencio, nagkataon na patungo na ako sa kwartel nang maulinigan kong nagkakagulo rito sa inyong tahanan kung kaya't minabuti kong alamin sandali" wika ni Roberto saka tumingin kay Maria Florencita.

"O'siya, Arturo, ihanda mo na ang kalesa. Hinihintay na kami ng mag-amang Guerrero" agad akong tumango saka sumunod sa kanila, ngunit napatigil ako nang humarang si Roberto sa aking harapan. "Tila pamilyar ang iyong hitsura" wika niya habang nakatitig sa'kin nang mabuti. Agad akong yumuko at napaiwas ng tingin.

"Paumanhin, heneral ngunit kailangan ko na pong umalis" saad ko saka mabilis na nagtungo sa kwadra ng mga kabayo para ihanda ang kalesang sasakyan nina Don Florencio at Maria Florencita.

ALAS-DIYES na nang marating namin ang tahanan ng pamilya Guerrero. Agad sinalubong nina Don Antonio at Sebastian ang mag-amang Garza. Pumasok na sila sa loob ng mansyon. Naiwan naman ako sa labas at pinakain ko ang kabayo sa lilim. Nakita kong lumingon pa sa'kin si Sebastian bago siya pumasok sa loob ng bahay.

Naglakad ako papunta sa hardin ng pamilya Garza, may maliit na sapa roon kung saan malayang lumalangoy ang mga makukulay na isda. Napahawak ako sa aking braso, mas lalo itong humahapdi dahil hindi ko pa nagagamot.

Siguradong magtataka ang iba kapag nalaman nilang may ganito akong sugat. Mamayang gabi ko na lang gagamutin, magpapatulong ako kay Maria Florencita. Ilang sandali pa, napatayo ako nang may narinig akong mga boses na naglalakad patungo sa hardin.

Napangiti si Maria Florencita nang makita ako, "Manang, si Arturo na lang po ang magiging bantay namin" ngiti ni Maria Florencita habang nilalambing ang mayor doma ng pamilya Guerrero na si Manang Conching.

"O'siya, magbibilad pa ako ng bigas" ngiti ng matandang babae, siya rin ang nag-alaga kay Don Antonio at Sebastian mula pagkasilang ng mga ito hanggang ngayon.

Nauna nang maglakad sina Sebastian at Maria Florencita, malawak ang hardin ng pamilya Guerrero. Hindi naman mahilig sa bulaklak ang mag-ama pero iyon na lang ang alaala nila sa ina ni Sebastian kaya matiyagang inaalagaan at pinapalago ni Manang Conching ang mga bulaklak sa hardin.

Limang hakbang ang layo ko sa kanila. Ilang minuto na silang naglalakad nang mabagal ngunit ni isa sa kanila ay wala pa ring nagsisimulang magsalita. Sigurado akong si Lorenzo ang tumatakbo ngayon sa isipan ni Maria Florencita dahil isa ito sa mga eksena ng Salamisim kung saan binabagabag na siya ng nararamdaman niya kay Lorenzo kahit pa nakatakda na siyang ikasal kay Sebastian.

Nababalot ng bulaklak na mirasol (Sunflower) ang buong hardin. Bukod sa paborito ng ina ni Sebastian ang bulaklak na ito. Paborito ko rin ito. Napatingin muli ako sa kanila, si Sebastian ang unang babasag ng katahimikan kahit pa hindi naman siya palasalita.

Kumusta? Iyan ang sasabihin niya. Mabuti naman, ang isasagot ni Maria Florencita. May bumabagabag ba sa iyong isipan? Itatanong ni Sebastian dahil kanina pa hindi umiimik si Maria Florencita. Ngingiti ng kaunti at iiling ito at sasabihing, Iniisip ko lang kung anong nangyayari sa buhay mag-asawa.

Nagbilang ako sa aking daliri hanggang sa magsimula na nga magsalita si Sebastian. Patuloy pa rin ang paglalakad nila.

"Kumusta?"

"Mabuti naman"

"May bumabagabag ba sa iyong isipan?"

"Iniisip ko lang kung anong nangyayari sa buhay mag-asawa."

Napangiti ako sa aking sarili, tama nga ako. Napatigil ako nang mapalingon silang dalawa sa akin. Agad akong tumindig nang maayos saka kunwaring tumitingin sa bulaklak. Nagpatuloy na muli sila sa paglalakad. Alam kong wala nang kasunod iyon dahil wala na ulit iimik sa kanilang dalawa. Maiisip lang lalo ni Maria Florencita si Lorenzo hanggang sa makabalik sila sa loob ng mansyon para magsimulang kumain ng tanghalian.

Ngunit nagulat ako nang magpatuloy si Sebastian, "Wala namang nakatitiyak kung ano ang kinakahinatnan ng buhay mag-asawa. Batid kong nangangamba ka sa maaaring mangyari sa pagsasama nating dalawa" wika niya habang nakatingin kay Maria Florencita, napatigil ang dalaga at napatingin sa kaniya. Nakuha niya ang atensyon ni Maria Florencita.

"Hindi ko maipapangako na araw-araw kang magiging maligaya sa aking piling. Darating ang panahon na masusubok ang pagsasama natin. Gayunpaman, isang bagay lang ang aking panghahawakan" patuloy niya saka inabutan si Maria Florencita ng sunflower.

"Tanggapin mo sana ang aking pagsinta" dagdag niya habang nakatingin ng diretso kay Maria Florencita, dahan-dahang kinuha ni Maria Florencita ang bulaklak at pinagmasdan itong mabuti. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat sa mga sinabi ni Sebastian.

Maging ako ay gulat ding nakatingin sa kanila. Anong nangyari? Wala iyon sa eksena. Wala akong matandaan na may sasabihing gano'n si Sebastian. Humakbang si Sebastian papalapit kay Maria Florencita at akmang hahalikan ito.

Napasigaw ako, "Waaait!" napatigil silang dalawa at gulat na napatingin muli sa'kin. Agad akong lumapit at napatitig sa bulaklak na hawak na ni Maria Florencita. Tiningnan kong mabuti si Sebastian, paano niya nagawang dagdagan ang mga dapat niyang sabihin at kumilos alinsunod sa gusto niyang gawin?

"S-sandali, magtutungo lang ako sa palikuran" wika ni Maria Florencita, halatang gusto niya lang umiwas dahil nabigla siya sa sinabi ni Sebastian at sa balak nitong halikan siya. Mabilis siyang naglakad pabalik sa mansion. Susundan dapat siya ni Sebastian pero hinarangan ko ito.

Anong ginawa niya? Siguradong magugulo ang kwento dahil inunahan niyang umamin si Lorenzo kay Maria Florencita. Siguradong magugulo na naman ng matindi ang Salamisim!

"Hindi mo dapat ginawa 'yon" sermon ko sa kaniya, wala na akong pakialam kung ipabilanggo niya ako o hamunin ng suntukan pero mas mahihirapan akong ayusin ngayon ang kwento. Nakatingin lang siya sa'kin, animo'y binabasa niya ang reaksyon ko at kung ano ang tumatakbo sa aking isipan.

Napaiwas ako ng tingin, "Ayan, nahiya tuloy siya. Masyado kang mapusok. Hindi mo dapat sinabi iyon nang diretso" hindi niya dapat inunahan si Lorenzo! Si Lorenzo Cortes ang bida sa kwentong ito. Siya dapat ang unang aamin kay Maria Florencita!

"Faye ang pangalan niya hindi ba?" tanong ni Sebastian dahilan upang mapatingin muli ako sa kaniya. Hindi pa ako tapos sa pag-sermon tungkol sa kapusukan niya ngunit mas lalo akong nagulat sa suno na sinabi niya.

"A-anong?"

"Nabanggit ni Don Florencio kanina kung bakit sila nahuli ng dating. Nahuli raw ang isang babae sa iyong silid. Ang babaeng iyon ay hinabol ng mga guardia sa kagubatan" wika niya, napalunok na lang ako. Ang bilis naman kumalat ng balita dito.

"Nabanggit din niya na kasintahan mo raw ang babaeng iyon" dagdag pa niya, nagpaikot-ikot ang aking mga mata. Patuloy lang ang pag-ihip ng sariwang hangin sa hardin. "Bakit iniiba mo ang usapan? Hindi pa ko tapos sa sinasabi ko sayo---"

"Pinapangaralan mo ako tungkol sa kapusukan ngunit ikaw mismo ang nagdala ng babae sa iyong silid" saad niya saka sumilay sa kaniyang labi ang kaunting ngiti. Kailan pa naging maloko ang tahimik na Sebastian Guerrero?

Napapikit ako sa inis, bakit ba nagbaback-fire sa'kin lahat ng sinasabi ko?

"Sa aking palagay, siya rin ang babae na aking nakita sa palikuran ni Maria Florencita" dagdag niya dahilan para mas lalong mamula ang aking mukha.

Bakit ba pinapaalala na naman niya ang nakakahiyang pangyayaring iyon?!

"Iyong nabanggit kagabi na pag-aari ng iba ang kuwaderno. Marahil, Faye nga ang kaniyang pangalan. Nakita ko pala siya kanina. Siya pala ang babaeng gumawa ng eksena sa hukuman at nakasama ko sa bilangguan" hindi ako nakapagsalita. Kahit saang anggulo tingnan, konektado ang landas naming dalawa.

"S-siguradong nauuhaw na si doggie, mauna na ako" paalam ko sa kaniya saka mabilis na tumakbo papalayo.

ALAS-OTSO na ng gabi, ginagamot ni Maria Florencita ang mga sugat ko sa braso at binti. "Bakit ka kasi lumundag sa bangin? Sumuko ka na lang sana Tanya. Ako na ang bahalang makiusap kay ama na palayain ka" wika ni Maria Florencita, nasa loob kami ng kaniyang silid.

Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na magkakampi talaga sina Don Florencio at Don Severino kaya wala akong tiwala sa kaniyang ama. Bukod doon, madaldal pa si Don Florencio, siguradong mababanggit niya kay Don Severino na nasa bahay nila ako.

"Hindi naman siguro sila naghinala" saad ko saka humiga sa kama niya. Gusto ko sanang makitulog sa malambot niyang kama kaya lang baka kaming dalawa naman ang ma-issue. "Sandali, hindi ko pa nalalagyan ng gamot ito" wika niya saka hinila ako paupo at tinapalan ng gamot ang mahaba kong sugat sa siko.

"Narinig ko nga kanina sina Ornina at ang iba pang mga kasambahay, pinag-uusapan ka nila. Nararapat daw pakasalan mo ang iyong kasintahan dahil sinipingan mo na ito"

"Ano? Paano 'yon? Papakasalan ko sarili ko?"

Tumawa si Maria Florencita. "Pasensiya na talaga. Dapat pala sinabi ko na lang na kapatid mo ang babae na nakita ni Ornina sa iyong silid"

Tiningnan ko si Maria Florencita, tawang-tawa siya sa mga pangyayari. Single ako sa totoong buhay. Single din ako nang mapunta ako sa kwentong ito. Pati ba naman sa pagpapakasal, sarili ko pa rin ang kasama ko?

"Siya nga pala, agahan mo na ang gising mo bukas para hindi ka na katukin ni Ornina"

"May pasok bukas?" tanong ko, nagtaka si Maria Florencita saka tinapalan ang sugat ko.

"Anong ibig mong sabihin?"

"May trabaho bukas?"

"Oo, wala namang bagyo"

"Sabado bukas e"

"Ano naman kung sabado?" nagtataka niyang tanong. Napapikit na lang ako nang maalala ko na hindi pala uso ang day off sa sinaunang panahon. Halos araw-araw pumapasok ang mga trabahador, wala ring bonus at holiday. Tuwing may bagyo lang sila hindi nakakapagtrabaho.

Hindi ako makakapayag. Hindi pwedeng wala akong day off sa mundong ito. Humarap ako kay Maria Florencita, "Makinig ka, may mahalang-mahalaga akong sasabihin sa iyo" panimula ko, ngumiti siya, mukhang nasasabik siya sa sasabihin ko.

"Ano iyon?"

Napahinga ako ng malalim, "Kailangan niyo nang simulan ang pagsunod sa karapatan ng mga mangaggawa" patuloy ko na parang speaker sa seminar.

"Karapatan ng mangagawa?" napatagilid ang kaniyang ulo, huminga muli ako nang malalim. Mukhang mahaba-habang paliwanag ang gagawin ko. Sinimulan kong ipaliwanag sa kaniya ang kahalagahan ng dalawang araw na day off. Sabado at linggo dapat.

Walong oras lang kada araw ang trabaho, kapag sumobra doon kailangan nilang magdagdag ng sweldo para sa mga mag-oover time. May bayad din dapat ang sick leave at vacation leave kapag regular na o matagal na ang trabahador na naninilbihan sa kanila.

"Isa ka bang abogado o naninilbihan sa hukuman? Napakarami mong nalalaman tungkol sa mga bagay na ikauunlad pa ng ating bayan" papuri ni Maria Florencita, inilista niya pa ang lahat ng sinabi ko para raw mapakita niya sa kaniyang ama.

Napangiti ako sa aking sarili, "Sa unang araw pala ng buwan ng Mayo, araw ng mangaggawa iyon kaya walang magtatrabaho"

KINABUKASAN, nagulat ako nang muling may kumatok sa aking pinto. Agad akong nagtaklob ng kumot dahil bumukas na ang pinto, "Arturo, magbihis ka. Pinapatawag ka ni heneral Sebastian" wika ni Ornina.

Alas-sais pa lang ng umaga, sumisikat pa lang ang araw. Nakatayo ako ngayon sa itaas ng isang mababang bundok. Katabi ko si Niyong, nakatayo din siya at tulad ko ay pilit niya ring nilalabanan ang kaniyang antok.

"Nasaan na ba 'yang amo? Ang aga-aga niya tayong pinapunta dito pero ma-lalate naman pala siya" reklamo ko sabay hikab. Sinubukan kong mag-unat-unat pero napahawak na lang ako sa aking balakang na tila kumakalas na ang aking buto.

Nagulat kami nang makita si Sebastian bitbit ang dalawang sako ng bigas na parang papel lang ang nakapatong sa kaniyang balikat. Ibinaba niya iyon sa tapat namin saka tiningnan kaming dalawa, "Mula ngayon, araw-araw ko kayong sasanayin dito" panimula niya dahilan upang gulat kaming magkatinginan ni Niyong.

Inakala lang namin na kakausapin ako ni Sebastian nang pribado para alamin kung nasaan ang kasintahan ko pero mukhang may pisikal na kaganapan ngayon. Itinaas ko ang aking kamay, "Uh, day off--- Wala dapat akong trabaho ngayon. May trabaho din ako mula lunes hanggang biyernes. Hindi ako pwedeng mag-workout" saad ko, itinaas din ni Niyong ang kamay niya.

"Maaga ko ring binubuksan ang inyong tindahan ng mga libro señor, walang magbabantay doon" wika niya, pareho kaming nagbabakasakali na makatakas sa ideya ni Sebastian na sanay na sanay magbatak ng buto at muscles araw-araw.

"Kailangan niyo ng pagsasanay na ito. Lalo ka na..." wika ni Sebastian sabay tingin sa'kin, "Kailangan mong mabantayan nang mabuti si Maria Florencita" napapikit na lang ako. Kung alam niya lang kung paano ko siya pinagtanggol dati sa mga rebelde at kung paano ko niligtas si Maria Florencita sa mga kawatan. Siguradong ako ang mas karapat-dapat na maging heneral sa kanilang dalawa ni Roberto.

"Hindi ko na ibig makarinig nang anumang dahilan. Ipasan niyo na sa inyong likuran ang isang sako ng bigas at simulan niyong tumakbo ng dalawang daang bilang" wika niya, napanganga na lang kami ni Niyong. Payatot at binatilyo pa lang si Niyong, siguradong mas kailangan niyang isaing ang buong sako ng bigas at kainin iyon para mabuhat niya ang sako.

Samantala, isa akong babaeng pandak at mukhang malnourish. Paano ko makakatakbo ng dalawang daang bilang buhat-buhat ang isang sakong bigas?

"Ang mahuli sa inyong dalawa ay kailangang tumakbo ng panibagong dalawang daang bilang" patuloy ni Sebastian, dali-dali kaming nag-unahan ni Niyong sa pagbuhat ng sako at nagsimulang tumakbo.

LUMIPAS ang isang linggo. Araw-araw kaming pinapahirapan ni Sebastian sa pagsasanay. Wala na kasi siyang trabaho sa tangggapan ng heneral dahil si Roberto na ang kasalukuyang nasa pwesto. Marami na siyang oras ngayon.

Sinanay din kami ni Sebastian na sumuntok nang malakas sa pamamagitan ng isang sakong bigas. Susuntukin din namin iyon ng ilang daan beses.

Sa palayan, pinagtanim niya rin kami doon ng ilang daang palay. Paunahan kami ni Niyong makapuno ng isang sakahan.

Sa putikan, nag-agawan lubid kami ni Niyong. Ang matatalo raw ay gugulong sa putik ng dalawampung beses. Tinuruan niya rin kami gumamit ng arnis at espada.

Ngayong araw, tuturuan naman niya kaming gumamit ng baril. Kasalukuyan kaming nasa malawak na lupain na nababalot ng matatas na talahib. May tatlong scare crow na nakapwesto sa malayo. "Nasaan si Niyong?" tanong ko, kanina pa kami dito, si Niyong palagi ang nauuna sa amin.

"Inutusan ni ama" tugon niya habang nilalagyan ng bala ang tatlong mahahabang baril.

"Makakasusunod siya dito?" tanong ko pero hindi siya sumagot. Naglakad siya papalapit sa'kin saka inabot ang isang mahabang baril. Mabigat ang baril, hindi ko lubos maisip kung paano nababaril ng asintado ang kalaban sa bigat nito.

"Hawakan mo nang ganito" wika niya saka itinutok ang hawak niyang baril sa target. Sumasayaw ang mga talahib dahil sa marahang ihip ng hangin. Papasikat pa lang ang araw, kulay asul ang kalangitan.

Ginaya ko ang ginawa niya ngunit hindi ko mahawakan nang maayos dahil sa bigat nito. Bukod doon natatakot ako humawak ng baril, baka kung sino pa ang tamaan ng bala dahil sa'kin.

Nagulat ako nang ilapag niya ang hawak niyang baril saka naglakad papalapit sa'kin at pumwesto sa aking likuran. "Tingnan mo nang mabuti ang iyong patataaman" wika niya, saka hinawakan ang kamay ko at inalalayan ako sa paghawak ng baril.

Ramdam ko ang kaniyang mainit na hininga sa aking leeg sa tuwing nagsasalita siya, "Huwag mong alisin ang iyong mata upang hindi lumihis ang bala" patuloy niya, napalunok na lamang ako. Nasa likuran ko siya at sobrang lapit niya sa akin.

"Kapag nahuli na ito ng iyong paningin, saka mo kalabitin ang gatilyo" hindi ako makapagsalita, tila naistatwa na ako sa aming pwesto ngayon. Animo'y yakap-yakap niya ako mula sa likuran.

Hinawakan niya ang aking kamay saka sabay naming kinalabit ang gatilyo ng baril, umalingangaw ang malakas na tunog nito at diretsong tumama ang bala sa panakot ng mga uwak na nakapwesto sa malayo.

"Aking napapansin na tila hindi ka sanay sa pakikipaglaban o paghawak ng mga armas gayong ikaw ang bantay ni Maria Florencita" saad niya dahilan para mas lalo akong makaramdam ng kaba. Muli niyang hinawakan ang kamay ko at sabay namin kinalabit ang gatilyo ng baril upang tamaan ang isa pang scare crow.

"Maaaring hindi ka lang sanay. O kaya naman..." wika niya at muli naming binaril ang pangatlong scare crow.

"Marahil ay may katauhan kang ikinukubli mula sa kasuotang iyan" patuloy niya. Kasabay niyon ay umalingangaw ang huling putok ng baril na sinabayan ng paglipad ng mga ibon sa kalangitan at pag-ihip ng marahan na hangin na nagpasayaw sa talahiban.

**********************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top