Kabanata 14

[Chapter 14]

UMAPAW ang tubig sa bath tub nang lumundag ako pabalik. Tumama pa ang aking noo sa gilid nito. Naistatwa sa gulat si Sebastian ngunit mabilis niya ring isinarado ang pinto.

"P-paumanhin..." wika niya. Dahan-dahan kong iniangat ang aking ulo, nakikita ko pa ang anino niya sa ilalim ng pinto.

Ano bang nakita niya? Wala ng natira sa'kin! Bakit ba kasi sumabit pa 'yung tuwalya?! Wala na akong mukhang maihaharap nito.

Hindi naman niya siguro ako namukhaan. Nakatalikod na akong nang mabuksan niya ang pinto. Iyon nga lang siguradong nakita niya ang aking likuran.

Nawala na ang anino sa pinto at narinig ko ang boses ni Maria Florencita, "Anong nangyari? May narinig kaming malakas na kalabog dito sa itaas" wika nito, napalubog na lang muli ako sa tubig baka buksan na naman nila ang pinto ng palikuran. Bakit ba sira iyon? Sa lahat ba naman ng importanteng pinto sa isang bahay, 'yon pa ang sira!

"Bakit ka narito sa aking silid heneral Sebastian?" patuloy ni Maria Florencita, nakita muli ang anino sa ilalim ng pinto at hinawakan nito ang door knob. Si Maria Florencita na ba iyon? o si Sebastian ulit?

"P-pasensiya na ngunit nakita kong may liwanag mula sa iyong silid at may anino malapit sa bintana ng iyong palikuran. Nang makarating ako sa salas, nakita kong naroon ka kung kaya't inakala kong may kawatan na nagtangkang pumasok dito sa iyong silid" paliwanag ni Sebastian, napahawak ako sa aking pisngi. Nahuli pala siya ng dating, kaya pala si Don Antonio lang ang sinabi ni Ornina ni bisita kanina.

"Paumanhin din kung tumuloy agad ako rito sa iyong silid. Hindi ko ibig na mangamba kayong lahat kung kaya't minabuti kong tuklasin muna kung sino ang narito" patuloy niya, napapikit na lang ako. Gusto kong lumabas at awayin siya. Hindi niya dapat binuksan ang pinto! Unethical 'yon!

Pero anong magagawa ko? Nangyari na. Nakita na niya ang dapat hindi niya makita! Mas lalong uminit ang aking pisngi at napakayap na lang ako sa aking sarili. Mukhang nawala na ang lahat sa akin!

"A-ano ang iyong natuklasan?" tanong ni Maria Florencita, sa palagay ko ay siya ang anino na malapit sa pinto dahil mas malakas at malapit ang boses niya. "W-wala" tugon ni Sebastian dahilan upang makahinga ako ng mas maluwag.

Siguradong mas nahihiya siya malaman ng lahat na nakakita siya ng hubad na katawan kung kaya't nagsinunggaling na lang siya para iligtas ang kaniyang sarili sa kahihiyan. Paano naman ako? Paano ko makukuha ang hustisya?

Narinig kong nagpaalam na si Sebastian, nag-alisan na rin ang ibang mga kasambahay na nasa labas ng silid ni Maria Florencita. Makalipas ang ilang sandali, bumukas ang pinto. Agad akong lumubog ulit sa tubig, "Tanya?" pabulong na tawag ni Maria Florencita.

Iniangat ko muli ang aking ulo mula sa tubig, dumikit sa aking buhok at mukha ang mga bulaklak ng rosas. "Huwag ka mag-alala, hindi naghinala si Sebastian" wika niya, pinagpawisan din siya sa kaba. "Hindi ka rin naman niya nakita, hindi ba?" patuloy niya, napalunok na lang ako sa kaba dahil sa tanong na iyon.

Sasabihin ko ba ang totoo? Na nakita ni Sebastian ang... "Hindi" sagot ko, tumango-tango si Maria Florencita. "Mabuti naman, bababa muli ako, ihahatid ko lang ang aming mga bisita" saad niya saka isinarado muli ang pinto.

Naiwan akong tulala, mukhang gusto ko rin isalba ang aking sarili sa kahihiyan. Ayokong malaman ng iba na may nakakita na ng aking pinaka-iingatan. Napalubog na lang muli ako sa tubig. Ito ang pagkakataon na hinihiling kong makalabas agad sa kwento para makalimutan ko ang nakakahiyang pangyayaring ito.

KINABUKASAN, maaga akong nagising upang maghanda. Hindi rin ako nakatulog ng maayos buong gabi kakaisip sa nawala kong dignidad. Sana lang makalimutan na rin iyon ni Sebastian. Sana paggising niya ngayon, wala na rin siyang maalala tungkol sa nangyari kagabi.

Malapit sa imbakan ng mga alak ang aking maliit na silid. May maliit na kama, banig, unan at kumot. May malaking baul din sa ilalim ng kama upang lagyan ng damit. Mas komportable pa rin ang kwarto ni Amalia noon, pero mas okay na rin ito kaysa matulog ako katabi ang mga voodoo dolls sa bahay ng ale na tumulong sa akin.

Mahigit sampung minuto ko na ring hinahanap ang aking mga gamit na nakalagay sa sako. Nakapusod ng mabuti ang aking buhok at Isinuot ko na ang sombrero upang itago iyon, gumuhit din ako ng bigote gamit ang uling. Itim na kamiso at brown na pantalon ang suot ko, kahit papaano ay kapani-paniwala naman na isa akong lalaki, mabuti na lang dahil hindi malaki ang aking hinaharap, nagawa ko itong takpan gamit ang dalawang ikot ng tela sa aking dibdib.

Pagbukas ko ng pinto, nagulat ako dahil naroon si Maria Florencita, kakatok pa lang sana siya. "Nakita mo ba 'yung mga gamit ko?" tanong ko sa kaniya, napaisip naman siya. "Anong mga gamit?"

"Yung sako na dala ko, naroon ang aking damit at 'yung sapatos ko na patalim" saad ko, napaisip muli siya ng mabuti. "Hindi ba't inilapag mo iyon malapit sa bintana ng aking silid?" tanong niya, napatango ako nang maalala kong inilagay ko nga iyon doon.

"Oo, iyon nga! Naroon pa ba?"

"Sa aking pagkakatanda, wala. Ako pa ang nagbukas ng bintana kanina"

"Hala! Hindi 'yon pwede mawala"

Napaisip ako ng mabuti, malinaw sa aking alaala na nadala ko iyon dito sa mansion at iniwan ko sa kwarto ni Maria Florencita. Hindi iyon pwede mawala, mapunta sa kamay ng iba dahil siguradong hindi ko iyon madadala kapag nakalabas ako sa kwentong ito!

"Ipapahanap ko kay Ornina, huwag ka mag-alala, baka naitabi lang niya" saad ni Maria Florencita, lumabas na ako at isinarado ang pinto ng aking silid.

"Tanya" wika niya, "Hindi na pala kita maaaring tawaging Tanya, ano ang gagamitin mong pangalang panlalaki?" napaisip ako sa tanong niya.

"James Reid" ngisi ko, nagtaka naman ang hitsura niya. "Pangalang banyaga" wika niya, naglalakad na kami ngayon papunta sa labas ng kanilang mansion. Alas-singko pa lang ng umaga, magsisimba muna sila ni Don Florencia bago kumain ng almusal pagbalik.

"Paolo Avelino na lang" saad ko, nakarating na kami sa salas. Tumango siya. Napalingon sa akin ang ibang kasambahay na naglilinis doon. "Ah, alam ko na, Joshua Garcia!" ngisi ko, napatigil kami sa tapat ng pintuan sa salas. "Avelino o Garcia ang iyong apelyido?" tanong ni Maria Florencita, wala nga palang apelyido si Tanya.

"Masyado palang complicated 'no. Ibang pangalan na lang gagamitin ko" patuloy ko, nakarating na kami sa labas. Naroon na rin ang kalesa, hinawakan ko ang kabayo. "Ano?" tanong niya, kailangan unique at hindi agaw pansin ang pangalang gagamitin ko.

"Bogart" tugon ko, napangiti si Maria Florencita. "Ngayon ko lang narinig iyon! Napakagandang pangalan ng isang makisig na binata!" napakurap ako ng dalawang beses sa kaniya. Seryoso ba siya?

Magsasalita pa sana ako nang biglang dumating si Don Florencio, agad lumapit si Maria Florencita at nagbigay galang sa kaniyang ama. "Ama, ipapakilala ko po pala sa inyo ang aking bagong bantay at kutsero" panimula niya, nagsimula na akong maglakad papalapit sa kanila.

Bakit ako kinakabahan? Wala sanang makahalata na mukha akong babae. "Si Bogart po pala, ama" ngiti ni Maria Florencia. Tiningnan ako ni Don Florencio mula ulo hanggang paa. "B-bogart?" nagtataka niyang tanong na parang hindi siya sigurado kung pangalan ba iyon.

"Ah, Arturo po pala ang aking pangalan. Bogart lang ang tawag ng iba" ngiti ko, naisip ko na ibahin na lang dahil hindi ko mapigilang matawa sa aking sarili kapag tinatawag nila akong Bogart.

Napatikhim si Don Florencio, "Kung gayon, malawak ang iyong kaalaman sa pakikipaglaban at pagpapatakbo ng kabayo?" tanong nito, para akong nasa job interview at nasa harapan na ako ngayon ng manager katabi ang kaniyang secretary.

"Opo. Medyo. Pwede na rin" ngiti ko saka napalunok sa kaba. Nagtaka ang mukha niya, "Tila nagbibinata ka palang bata, malamya at matinis pa ang iyong boses" wika niya, gulat kaming nagkatinginan ni Maria Florencita. Nakalimutan ko na dapat mas malalim pala ang boses ko.

Tumawa ako gamit ang malalim kong boses, nasamid pa ako sa dulo. "Marahil nga ay malapit na po akong mag-binata Ho ho ho" patuloy ko saka tumawa na parang si Santa Claus. Tumango-tango si Don Florencio at tumawa na rin saka sumakay sa kalesa. Natawa kami ni Maria Florencita dahil napaniwala namin ang ama niya.

MALAPIT na magsimula ang misa nang makarating kami sa simbahan. Nahirapan pa ako patakbuhin ang kabayo dahil hindi talaga ako marunong. Buti na lang dahil naalala ko ang ginawa noon ni Sebastian para mapatakbo niya ang kabayong sinasakyan namin.

Muntik pang magduda si Don Florencio sa kakahayan ko, sinabi na lang ni Maria Florencita na mukhang matamlay at may sakit ang kabayo nila kaya ayaw nito tumakbo noong una at mabagal din ang takbo nito hanggang marating namin ang bayan.

"Diyan ka muna, doggie" paalam ko sa kabayo habang hinihimas ang kaniyang mukha. Pumasok ako sa simbahan, nauna nang pumasok doon sina Don Florencio at Maria Florencita kanina, magiliw pa silang sinalubong at binati ng mga tao na animo'y dugong maharlika sila.

Napatigil ako sa pintuan ng simbahan nang magsalita ang isang guardia na nagbabantay doon. "Pakitanggal ng iyong sombrero, ginoo" wika nito, napahawak ako sa aking sombrero, bawal nga pala pumasok sa loob ng simbahan na may suot na sombrero sa ulo.

"Ah, sige, mag-yoyosi muna ako doon" ngiti ko, nagtaka naman ang mukha ng guardia ngunit hindi na siya nagsalita. Naglakad ako papunta sa ilalim ng puno. Hindi na ako pumasok sa loob ng simbahan dahil hindi ko pwedeng tanggalin ang aking sombrero.

Ilang sandali pa, umiinit na rin sa ilalim ng puno sa tabi ng simbahan kaya naglakad ako papunta sa gilid ng simbahan. Walang tao roon, napasandal ako sa gilid ng magaspang na pader. Hindi pa tapos ang misa, gusto ko sanang sumilip sa loob ng simbahan baka makita ko si Padre Emmanuel. Gusto kong itanong sa kaniya kung bakit nakita ko siya sa hukuman noong isang araw.

Wala pang ilang minuto, narinig ko ang dalawang pamilyar na boses na nag-uusap. Napatingin ako sa mahabang pasilyo. Natanaw kong naglalakad doon sina Don Severino at heneral Roberto. Dahan-dahan silang naglalakad habang nag-uusap ng seryoso.

"Hindi mo pa rin nahahanap ang babaeng mangkukulam?" tanong ni Don Severino sa anak. Mabagal lang ang kanilang lakad. Agad akong nagtago sa isang malaking pader sa gilid ng simbahan at sinundan sila ng tingin mula roon.

"Hindi pa ama. Malaki ang aking hinala na may kinalaman siya sa mga rebelde" saad ni Roberto, agaw pansin ang suot nitong uniporme pang-heneral na siyang palaging suot ni Sebastian dati.

"Mga rebelde? Hindi ba't kaanib mo ang rebeldeng si Berning?"

"Malaki ang kanilang samahan ama. Nahahati sila sa dalawang panig. Ang panig ni Lorenzo ang kinikilala ng karamihan. Ang panig naman ni Berning ang siyang gagamitin natin laban sa pamilya Guerrero. Marahil ay nasa panig ni Lorenzo ang babaeng mangkukulam"

Tumawa si Don Severino, "Wala akong pakialam kung anuman ang pinapanigan ng babaeng iyon. Ang mahalaga ay dapat natin siyang mailigpit ng maaga. Paano ba siya nakatakas sa inyo?"

"Ayon sa ating mga tauhan ama, matagumpay na nilang naitapon sa ilog ang babae ngunit may umatake sa kanila na isang lalaking may takip na itim na tela sa mukha. Kinalaban sila nito at sinagip ang babae. Hindi na nila nasundan kung saan ito nagtungo dahil matindi ang tama ng ating mga tauhan" napatakip ako sa aking bibig nang marinig ko ang sinabi ni Roberto.

Totoo nga na niligtas ako ng isang lalaki, ngunit sino ang lalaking iyon?

"Sa iyong palagay ay kasapi ng rebeldeng grupo sa panig ni Lorenzo ang misteryosong lalaking iyon?" tanong ni Don Severino sa anak. Napatango naman si Roberto bilang tugon.

"Sikapin niyong mahanap ang babaeng mangkukulam. Mas makakabuti kung matunton niyo rin ang sumagip sa kaniya"

"Ano po ba ang inyong pakay? Bakit ibig niyong mahanap ang babaeng iyon? ama"

"Dahil magiging alas din natin siya laban kay Sebastian" nagtaka si Roberto sa sagot ng kaniyang ama. Napatigil sila sa paglalakad.

"Hindi ba't dumating ang babaeng iyon noong nasa kalagitnaan tayo ng paglilitis kay Sebastian sa hukuman? Nang dahil sa kaniya nagkaroon ng pagkakataon ang punonghukom upang ibaling sa ibang bagay ang atensyon ng mga tao at ipagpaliban muna ang paglilitis sa kaso ni Sebastian" saad ni Don Severino at nagpatuloy siya sa paglalakad, nakasunod naman sa kaniyang likuran si Roberto at taimtim itong nakikinig.

"Kung hindi sumulpot ang babaeng iyon, tiyak na nababa na ang hatol kay Sebastian. Ngunit ngayon nagkaroon tuloy sila ng sapat na oras para mapaliban ang kaso at nagawan ng paraan ni Don Florencio ang lahat para iligtas ang magiging asawa ng kaniyang anak" lumingon si Don Severino kay Roberto.

"Hindi mo ba napansin ang ginamit nilang taktika? Nilihis nila ang atensyon. Nabaling ang atensyon ng lahat sa babaeng bayaran at napagpaliban ang paglilitis. Sapat na oras at pagkakataon ang naging dahilan kung kaya't nakakilos si Don Florencio at napasawalang-sala si Sebastian" tinapik ni Don Severino ang balikat ng anak at tiningnan ito ng diretso sa mata.

"Kung kaya't huwag mong hahayang mawala sa iyong paningin si Sebastian. Bantayan mo ang kaniyang bawat galaw. Gamitin natin ang babaeng bayaran na iyon upang lalo idiin si Sebastian na kaanib ng mga rebelde"

TULALA kong hinahalo ang pansit na aking kinakain. Kasalukuyan akong nasa Panciteria ala Pacita, tapos na ang oras ng trabaho ko at naisipan kong mag-merienda sandali nang matanggap ko ang paunang sweldo mula kay Maria Florencita kanina.

Naaayon pa rin naman sa takbo ng kwento ang gustong mangyari nina Don Severino at Roberto. Kailangan nilang gawin iyon para madiin si Sebastian at manalo ang mga rebelde sa wakas ng kwento. Ngunit ang hindi ko maintindihan, ano ang mangyayari kung magtagumpay sila na mahuli ako at gamitin laban kay Sebastian? Wala naman iyon sa kwento.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang makita si aling Pacing, dumaan siya sa aking harapan at sinalubong si aling Lucia. Nasa tabi ni aling Pacing si Mang Pedro.

"Nababagabag talaga ako Lucia, nakita ko sa bayan ang nakapaskil na larawan ng isang babae na hinahanap ngayon ng mga guardia. Siya ang babaeng lumapit sa amin kagabi at nakiusap na magtrabaho rito" wika ni Aling Pacing, bakas sa kaniyang mukha ang kalungkutan.

"Marahil ay may malaking kasalanan sa isang opisyal ang babaeng iyon. Mabuti na lang hindi niyo siya pinatuloy. Tiyak na madadamay ang inyong pamilya" saad ni aling Lucia, napayuko si Mang Pedro.

"Ngunit naaawa ako sa kaniyang kalagayan. Wala siyang matuluyan at pinaghahanap pa siya ngayon. Kawawang bata. Pakiramdam ko ay para ko na rin siyang anak, tila matagal ko na siyang kilala ngunit hindi ko lang maalala" saad ni aling Pacing at napahawak siya sa kaniyang dibdib.

Nabitawan ko ang tinidor dahilan upang bumagsak ito sa pinggan. Napatingin sila sa'kin, agad akong napayuko. Hindi naman nila ako makikilala ngayon dahil nakabihis panglalaki ako.

"Malakas din ang aking pakiramdam na nakilala na namin siya noon. Hindi malinaw sa aming alaala kung saan o kailan ngunit tila matagal na naming kilala ang batang iyon" dagdag ni Mang Pedro saka hinawakan ang balikat ng asawa.

Dahan-dahan akong sumulyap sa kanila. Posible kayang maalala nila si Tanya na nakilala nila noon bago ko i-edit ang Salamisim?

MABAGAL akong naglalakad pabalik sa mansion ng pamilya Garza. Hindi mawala sa aking isipan ang posibilidad na maalala ako ulit ng mga characters sa istoryang ito. Pero paano? Ano ang kailangan kong gawin para tuluyan nila akong maalala?

Napatigil ako nang mapadaan sa tindahan ng mga libro na pagmamay-ari ni Sebastian. Kailangan kong bumili ng kuwaderno at pluma, dapat kong isulat ang lahat ng mga nangyayari dito para hindi ko makalimutan ang lahat kung sakaling makalabas na ulit ako sa kwentong ito.

Binuksan ko na ang pinto, naabutan ko si Niyong na nakatungtong sa maliit na hagdan para ayusin ang mga libro sa pinakataas. "Magandang hapon po" bati niya, bumaba siya sa hagdan at buong giliw na sumalubong sa'kin.

Tiningnan ko siya ng mabuti, mukhang hindi rin niya ako naaalala. "Ano ang maitutulong ko ho sa inyo, ginoo?" patuloy niya, magalang na bata. Medyo pasaway lang siya noong kaharap niya ako bilang Tanya.

"Ibig ko sanang bumili ng kuwaderno, pluma at tinta" tugon ko, agad siyang tumango at sinamahan ako papunta sa isang mahabang mesa kung saan naroon ang mga blankong notebook at papel.

"Gaano ho ba kakapal ang ibig niyo ginoo?" tanong niya, tumingin ako sa kaniya "Mga gan'to lang" saad ko, saka sumenyas gamit ang aking daliri.

Gustuhin ko man ipaalala sa kaniya na ako ang pinaka-boss at may gawa ng mundong ito sa loob ng kwento kaya lang baka itaboy niya ako at isiping nasisiraan ng bait.

Napatagilid ang kaniyang ulo saka ginaya gamit ang kaniyang daliri ang sukat na sinabi ko, "Ilang pahina ho ba ginoo?" patuloy niya, nagpatuloy ako sa pagtitingin-tingin ng mga libro. Nagbabakasakali na makita ko rito ang libro ng Salamisim.

"Mga Two hundred"

"Tuhandred?"

Napalingon ako sa kaniya, napakamot siya sa ulo dahil sa sinabi ko. Nakakamiss utuin ang batang ito. Sayang nga lang hindi ko na ma-iispoil sa kaniya ulit ang background ng amo niya. "Ah, dalawang daan" tugon ko, tumango-tango siya saka mabilis na inasikaso ang mga pinamili ko.

Namiss ko tuloy mag-shopping kasama siya. Siguradong nawala na rin 'yung mga pinamili ko noon para sa kaniya.

Aalis na dapat ako ngunit nagsalita siya, "Ginoo, kayo ho ba ang bagong kutsero at bantay ni señorita Maria Florencita?" tumango ako bilang tugon sa tanong niya.

"Ikinagagalak ko po kayong makilala. Ako po si Niyong, ako ang kutsero ni señor Sebastian, ako rin ho ang bantay sa tindahan na ito" ngiti niya, hinubad niya ang kaniyang sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.

Tumango ako saka ngumiti, gustuhin ko man tanggalin ang aking sombrero at gawin ang pagbibigay-galang na ginawa niya ngunit hindi maaari dahil makikita ang aking nakapusod na buhok. "Nagagalak din akong makilala ka. Arturo nga pala" malalim ang boses na ginamit ko, kumpara sa aming dalawa siya ang nag-bibinata, hindi ako.

"Paano mo pala nalaman na ako ang bagong kutsero at bantay ni Maria---Ah, ni señorita Maria Florencita?"

"Nakita ho namin kayo kaninang umaga sa simbahan. Tinanong ho ni Señor Sebastian sa akin kung sino ka, aking napagalaman na bagong manggagawa kayo sa hacienda kung kaya't iyon ang sinabi ko sa aming señor" tugon niya, napakurap ako sa sinabi niya. Nandoon pala sila kaninang umaga? Namukhaan ba ako ni Sebastian? Naalala pa kaya niya ang nangyari kagabi?

"Huwag kayo mag-alala ginoo, hindi naman ho kayo pinaghihinalaan ni señor Sebastian. Tunay na maingat lang ho talaga ang aming señor sa mga bagong taong nakakasalamuha ng kanilang pamilya at ng pamilya Garza" patuloy ni Niyong. Magsasalita pa sana ako ngunit biglang bumukas ang pinto ng tindahan.

"Magandang hapon ho, señor" bati ni Niyong kay Sebastian. Gulat akong nakatingin sa kaniya, sandali siyang sumulyap sa'kin saka naglakad patungo sa isang silid. Napahawak ako sa tapat ng aking puso, kinakabahan ako. Mukhang hindi naman niya ako nakilala.

"Bakit ho namumula ang inyong mukha, ginoo? Masama ho ba ang pakiramdam niyo?" tanong ni Niyong dahilan upang matauhan ako.

Napatikhim ako saka inayos ang aking sombrero, "Matagal kasi ako nakabilad sa araw kanina... Kaya ganito ang aking balat" tugon ko, saka napatingin muli sa silid kung saan pumasok kanina si Sebastian.

Lumapit sa'kin si Niyong saka bumulong, "Ang lalaking iyon ho pala ang aming señor Sebastian Guerrero. Ang mapapangasawa ng inyong pinagsisilbihan" bulong niya, napakagat na lang ako sa aking ibabang labi. Kailangan ko na makaalis dito, baka mamukhaan pa ako ni Sebastian na ako ang nakita niya kagabi sa palikuran.

"Heto na ho" saad ni Niyong saka inabot sa'kin ang aking pinamili. Inabot ko na rin sa kaniya ang bayad. Aalis na dapat ako ngunit biglang bumukas ang pinto sa silid, lumabas doon si Sebastian. Nagpalit na siya ng damit. Nakaputing polo na siya at itim na pantalon.

Napatulala ako sa kaniya sandali saka natauhan nang magsalita si Niyong, "Ibig niyo ho ba kumain ng merienda, señor?" umiling lang si Sebastian bilang tugon kay Niyong, nakatingin siya sa'kin ngayon. Ang mga matang nakakahalina na ang hirap iwasan.

Umiwas na ako ng tingin saka tumango kay Niyong upang magpaalam pero napatigil ako nang magsalita si Sebastian, "Sandali..." wika niya, dahan-dahan akong napatingin sa kaniya. Nagsimula na siyang humakbang papalapit sa'min ni Niyong habang inaayos niya ang butones sa dulo ng kaniyang manggas.

"Ano ang iyong pangalan?" tanong niya habang nakatingin ng diretso sa'kin.

"Ha?" hindi ko alam kung bakit iyon ang nasabi ko. Napahawak ako sa aking bibig dahil nakalimutan kong gamitin ang malalim kong boses kaya napatikhim ako saka umayos ng tindig. "Ah, Arturo ho ang aking pangalan, señor" tugon ko saka napalunok sa kaba.

"Ilang taon ka na?" habol niya, seryoso lang ang kaniyang mukha. Parang nasa job interview ulit ako.

"Bente tres"

"Saan ka nakatira?"

"Sa mansion ng pamilya Garza"

"Ang ibig ko sabihin ay saan ka nagmula?"

Napakunot ang noo ko, ang gulo magtanong ni Sebastian. Gusto ko sana siya sagutin ng pabalang na Sa tiyan ng nanay ko kaso baka ipabilanggo niya ako dahil sa kawalan ng respeto kaya pinilit kong maging pormal hanggang sa aking makakaya.

"Sa Norte, señor"

"Bakit ka narito sa Maynila?"

"Edi para magtrabaho" hindi ba obvious? Ngumiti ako para hindi niya isipin na sinagot ko siya ng hindi maayos.

"Paano ka nakapasok bilang manggagawa sa pamilya Garza?" napakagat ako sa aking ibabang labi. Mukhang pinagdududahan nga niya ang aking pagkatao.

"Ah, nagkataon na kailangan nila ng bagong manggagawa kaya... Nag-apply ako---Ah, este tinulungan ako ng aking kaibigan" ngumiti ako saka tumango-tango sa aking sarili. Hindi sana nila mahalata na kabado na ako ngayon, nangangatog na rin ang aking tuhod.

"Kaibigan na naninilbihan na rin sa kanila?"

"Oo... Parang gano'n nga" kahit anong pagngiti ko hindi nadadala si Sebastian. Naglakad siya papunta sa isang mesa saka naupo sa silya at nagbuklat ng libro.

"Sinong kaibigan iyon? Ano ang kaniyang trabaho sa pamilya Garza?" napalunok na lang ako. Iniimbestigahan nga niya ako.

"S-sa palimbagan ng kanilang dyaryo" wala na akong maisip na iba pang isasagot. Sana lang hindi siya magtanong doon. Tumango siya saka muling tumingin sa'kin.

"Ano ang nangyari sa iyong noo?"

Napahawak ako sa aking noo, tinapalan ko lang ito ng gamot kanina, nagkaroon ako ng maliit na gasgas sa noon ang tumama ito sa bath tub kagabi.

"Ah, bumangga ako sa pinto. Buti hindi nagkabukol" ngiti ko, napatingin ako kay Niyong na sumenyas lang na kumalma ako dahil sadyang gusto lang linawin ng kaniyang amo na hindi ako espiya o kalaban.

"Hindi ba't ikaw ang bantay ni Maria Florencita?" tumango ako bilang tugon sa tanong niya. "Sino ang babaeng nasa palikuran ni Maria Florencita kagabi?" halos lumuwa ang aking mga mata sa tanong niyang iyon. Maging si Niyong ay nagulat dahil banyo ang pinag-uusapan.

"Señor, may nakita kayong naliligo sa palikuran?" hindi na natapos ni Niyong ang sasabihin niya dahil biglang tumayo si Sebastian. Napagtanto niya na hindi niya dapat tinanong iyon dahil siguradong malalagay siya sa kahihiyan.

Napahawak siya sa kaniyang noo, hindi na ako makahinga. Nakita niya! Nakita niya! Nakita nga niya!

"M-makakaalis ka na" wika ni Sebastian saka sumenyas sa'kin na pwede na akong umalis.

"Señor, ano pong nakita niyo?" habol ni Niyong, bakas sa mukha niya ang pagkagulat. Naglakad si Sebastian pabalik sa silid na pinasukan niya kanina. "A-ano bang merienda ang maaari nating kainin?" pag-iiba niya ng usapan saka pumasok muli sa silid at isinarado iyon.

Naiwan naman akong tulala at paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan ang katotohanan na nakita nga niya!

MAGTATAKIP-SILIM na kung kaya't puno ng tao ang mga kalsada. Naglalakad kami ni Niyong pauwi, nauna na umuwi si Sebastian, sinundo siya ng isang kalesa kanina. Tinulungan ko rin siya sa mga bitbit niya. Marami siyang ikinuwkento sa'kin tungkol sa mga trabaho niya at kung ilang taon na siyang naninilbihan sa pamilya Guerrero.

Kahit papaano nawala na sa isipan ko ang nangyari kanina, buti na lang hindi ako pinaghinalaan ni Sebastian. Mukhang napaniwala ko naman siya na lalaki ako kaya ligtas na ako. "Ginoong Arturo..." tawag ni Niyong.

"Ano ka ba? tawagin mo na lang akong ate—Ayy! Kuya!, masyado ka namang pormal" hindi niya sana napansin na nagkamali ako. Napahawak ako sa aking lalamunan, parang namamaga na ito dahil kanina pa ako nagsasalita gamit ang malalim kong boses.

"Salamat kuya Arturo" ngiti niya, tumango-tango naman ako. Naglakad din ako ng siga na parang mag-aamok ng away sa kanto para mas lalaking-lalaki tingnan. "May pilay ho ba kayo sa paa, kuya Arturo?" tanong ni Niyong saka pinagmasdan ang lakad ko.

Tumawa lang ako saka sinagi ko siya, "Ganito maglakad ang mga siga sa'min. Walang nakakaporma sa'kin kapag nakita na ako ng mga tambay sa daan" pagyayabang ko, saka pinakitaan siya ng kaunting angas.

Napatagilid muli ang kaniyang ulo, "Ano ho? Si-ga? Pora? Tam-bay?" napatigil ako at umayos sa paglalakad. Kahit kailan lagi talagang humahadlang ang pagka-inosente ni Niyong sa mga joke ko. "Wala 'yon, mga tawagan lang namin sa kinalakihan kong barrio" tawa ko saka sinagi ulit siya.

Ilang sandali pa, napatigil kami sa paglalakad nang biglang humarang sa aming daan si Lolita. Abot tenga ang kaniyang ngiti, namuula ang kaniyang pisngi at halos matunaw si Niyong sa kaniyang pagtitig. "Kumusta, Eugenio?" ngiti ni Lolita at pumungay pa ang kaniyang mata ng tatlong beses.

Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinilabutan sa ginawa niya, napasobra ata ang pagkakalarawan ko sa pagkakagusto ni Lolita kay Niyong. "M-mabuti naman" tugon ni Niyong saka napatingin sa mga tao. Palagi siyang nalalagay sa alanganin sa tuwing may kaharap ang babaeng patay na patay sa kaniya.

"May dala akong kakanin para sa iyo" ngiti ni Lolita saka pumungay muli ang kaniyang mga mata. Parang hindi ako makasabay sa pangyayari, parang kailan lang halos kamuhian niya at sungitan ng todo si Niyong. Hindi ako sanay na makita siyang ganito.

"M-maraming salamat ngunit busog pa ako" saad ni Niyong saka tumingin sa'kin. "Kailangan na pala naming umalis" patuloy niya at nauna na itong naglakad. Hinabol siya ni Lolita at pilit na inaabot nito ang hawak na kakanin.

Nagpatuloy na rin ako sa paglalakad at sumunod sa kanila. Kahit papaano cute naman silang tingnan kaya lang parang nakakakilabot makita si Lolita na nagpapa-cute ng gano'n.

Nagulat ang lahat nang madapa si Lolita dahil nasagi ito ng isang batang tumatakbo. Tumilapon sa lupa ang kakanin at sumubsob siya sa maruming kalsada. Hindi siya napansin ni Niyong, patuloy lang ito sa paglalakad.

Nakatingin ang mga tao kay Lolita, alam kong dapat mangyari iyon dahil bahagi iyong ng eksena sa kwento. Pero hindi ko mapigilang maawa kay Lolita, kahit papaano naging kaibigan ko rin siya at parang kapatid na rin ang turing ko sa kaniya. Palagi siyang nakakapit sa braso ko tuwing naglalakad kami at kasama ko rin siyang kumain ng palihim noon sa loob ng Panciteria kapag may masarap na luto sila aling Pacing.

Naglakad na ako papalapit sa kaniya at tinulungan siyang tumayo. Pinagpagan ko rin ang kaniyang braso at damit na nababalot na ngayon ng alikabok. "Pagpasensiyahan mo na si Niyong. Busog lang talaga 'yon" saad ko saka tumingin sa kaniya.

Nakatitig siya sa'kin at maluha-luha ang kaniyang mga mata, "Kailangan mo munang tiisin 'to lahat. Sa huli, magbubunga rin ang pagtingin mo kay Niyong" patuloy ko sabay ngiti. Sa huli, mapapa-ibig din naman niya si Niyong kaya susubaybayan ko talaga ang takbo ng kanilang kwento.

Pinulot ko na ang mga kakanin niyang natapon sa lupa at inabot iyon sa kaniya. Tumango ako saka sumabay muli kay Niyong sa paglalakad.

KINAGABIHAN, sinimulan kong magsulat sa kuwaderno, may dala rin akong ilang libro na binabasa ko kanina. Sinulat ko sa kuwaderno ang mga dapat kong tandaan. Sa pamamagitan nito, posibleng magkaroon din ako ng clue kung bakit ba nangyayari ito sa'kin. Magkakaroon din ako ng ideya kung paano makakalabas sa kwento.

Malalim na ang gabi, hindi pa ako makatulog kaya lumabas ako sandali at tumambay sa hardin ng pamilya Garza. May mga bantay sa labas. Itinaas ko ang aking paa at ipinatong iyon sa katapat na bench.

May dala rin akong lampara, gusto ko sanang magsulat sa loob ng kwarto kaya lang masyado masikip at baka kumalat ang tinta sa banig. Napaisip ako ng mabuti, mukhang posible rin na maalala ulit ako ng mga characters. Kailangan kong tuklasin kung paano.

Nagpatuloy ako sa pagsusulat, nag-drawing din ako doon. Saktong-sakto ang mga hitsura nila sa kung paano ko sila inilarawan sa nobela. Kaya pala mabigat ang pakiramdam ko sa tuwing nakikita ko ang sketch ni Sebastian. Kilala ko siya ngunit hindi ko lang maalala noong mga oras na iyon.

Napatigil ako sa pagsusulat nang biglang may anino akong nakita mula sa gilid. Gulat kong ibinaba ang aking paa na nakapatong sa isang silya saka tumayo ng maayos. ""Bakit hindi ka pa natutulog, Arturo?" tanong ni mang Juan na tagakatay ng mga hayop. May hawak siyang sulo ng apoy.

"Ah, may tinatapos lang po ako" tugon ko, tiningnan ko nang mabuti ang matangkad na lalaki na kasama niya. "Tatawagin ko lang po si señorita Maria Florencita, señor Sebastian" wika ni Mang Juan sa kausap. Hinubad ni Sebastian ang suot niyang sombrero dahilan upang mamukhaan ko na siya.

Isinabit ni Mang Juan ang sulo ng apoy sa gilid saka pumasok sa loob ng mansion. Nakasuot ng itim na coat si Sebastian. Maluwag na puting kamiso, pantalon at sumbrerong buri naman ang suot ko. Anong ginagawa niya dito sa kalagitnaan ng gabi?

Malamang liligawan siguro si Maria Florencita, bakit wala siyang dalang bulaklak? Kaya lamang talaga si Lorenzo sa kaniya kasi hindi siya marunong manligaw. Samantala si Lorenzo, lagi niyang napapakilig si Maria Florencita.

Napatingin sa'kin si Sebastian, agad akong napaiwas ng tingin saka mabilis na dinampot ang mga libro, kuwaderno, tinta at pluma ko. Napatingin ako sa kaniya saka yumuko ng mabilis at dali-daling naglakad papalayo roon.

Ngunit nakaka-pitong hakbang pa lang ako nang magsalita siya, "Faye..." wika niya, napatigil ako sa paglalakad.

Umihip ang marahan na hangin dahilan upang sayawin nito ang mga halaman at bulaklak sa hardin. Dahan-dahan akong napalingon sa kaniya. Tumitibok ng mabilis ang aking puso sa katotohanang naaalala na niya ang pangalan ko!

**********************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top