Kabanata 13

[Chapter 13]

Malabo man sa aking pandinig pero malinaw ang boses ni mama. 6 years old pa lang ako nang mahulog ako sa swimming pool, nabitawan ako ni mama dahil hawak niya rin si Fate. Dahan-dahan akong hinihila pababa ng tubig, nababalot ng bula ang buong katubigan habang natatanaw ko ang bilog na sinag ng araw mula sa ibabaw.

Mabilis na lumundag si mama sa swimming pool para hilahin ako pabalik. At nang dahil sa pangyaring iyon, hindi ko na sinubukan matutong lumangoy hanggang ngayon.

Nagising ako dahil sa alaalang iyon. Agad akong bumangon mula sa pagkakahiga. Napahawak ako sa aking ulo na ngayon ay tila nabigla dahil sa aking biglang pagbangon. Dahan-dahan kong inilibot ang aking mga mata sa paligid. Hindi ko alam kung nasaan ako, kung kaninong bahay ito.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko na nakasuot na ako ng malaking baro't saya. Nakahiga ako ngayon sa isang maliit na kama na gawa sa kawayan at may sapin na banig. Nasa loob ako ng isang maliit na bahay kubo.

Nakasarado ang bintana at pinto ngunit naaamoy ko ang usok mula sa labas. Tulala kong pinagmasdan ang loob ng bahay. Hindi ako makapaniwala sa mga nakikita ko. Maraming mga voodoo dolls na nakasabit sa bawat dingding at may mga patalim na nakatusok sa mga iyon.

Nagkalat din ang mga palayok sa mesa, may mga manika rin doon na nakalubog sa kumukulong tubig na nasa isang maliit na pugon sa loob. Napalunok na lang ako sa kaba, mukhang napadpad ako sa bahay ng isang mangkukulam. Agad akong tumayo sa kama, mabilis kong hinanap ang mga gamit ko. Hindi ko pwedeng iwan ang damit, sapatos at lalo na ang hikaw at kwintas ni mama.

Nakita ko sa ilalim ng kama ang mga gamit ko na nakalagay sa sako saka mabilis na naglakad papunta sa pintuan pero nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa aking harapan ang isang babae na nasa edad limampu pataas. Hindi pa naman siya gano'n katanda pero halos puti na ang kaniyang buhok.

"Magpahinga ka muna, hija" wika niya saka pumasok sa loob ng bahay. May hawak siyang bilao na naglalaman ng iba't ibang uri ng halaman. Nilagay niya iyon sa mesa saka dinikdik ng mabuti. "S-salamat po sa pagpapatuloy niyo sa'kin pero kailangan ko na po umal---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Kumain ka muna rito ng agahan. Kailangan manumbalik ang iyong lakas" wika niya habang nakatalikod pa rin sa'kin, napatingin ako sa labas ng pintuan, kung tumakbo na kaya ako papalabas? Mahahabol niya ba ako?

Napatingin muli ako sa ale na iyon, kung hindi man niya ako mahabol, baka nakakuha na siya ng hibla ng buhok ko at kulamin ako. Napahinga na lang ako ng malalim saka naglakad papalapit sa kaniya, "Aling..." panimula ko ngunit hindi ko maituloy dahil hindi ko alam ang pangalan niya.

Bukod doon, wala naman akong ginawang mangkukulam na character sa Salamisim. "Hindi mo na kailangan malaman ang aking pangalan" wika niya saka inilagay ang mga dahon sa kumukulong palayok. Hindi ba 'yon ang pinaglalagyan ng manika kanina?

"S-salamat po talaga dahil iniligtas niyo ako. Hindi naman po ako nagugutom, uuwi na po ako. Salamat po ng marami" saad ko at nagbigay galang sa harapan niya. Akmang aalis na dapat ako nang mapatigil siya sa kaniyang ginagawa at tumingin sa akin, "Hindi ako ang nagligtas sa iyo. Hindi ako marunong lumangoy, hija" wika niya saka nagpatuloy muli sa pagdikdik ng mga dahon.

Napatulala ako, lalaki ang natanaw kong lumundag sa ilog para sagipin ako pero hindi ko na nakita nang mabuti ang mukha niya dahil nawalan na ako ng malay bago pa niya mahawakan ang aking kamay. "S-sino po ang nagligtas sa'kin?" tanong ko pero naglakad siya papalapit sa kumukulong palayok, nilagyan niya ito ng iba pang sangkap.

"Hindi mo na rin kailangan malaman" tugon niya, ilang minuto pa ang lumipas. Gusto ko na talagang umalis dahil natatakot na ako sa mga ritwal na ginagawa niya. "Kung ibig mo nang umuwi, maaari ka nang lumakad" wika niya nang hindi lumilingon sa akin.

Muli akong nagbigay galang at nagpasalamat sa kaniya saka lumabas na ng pinto at umalis sa lugar na iyon. Nagpatuloy ako sa paglalakad sa masukal na kagubatan, sinundan ko ang kalsadang lupa na papuntang bayan.

MAGTATAKIP-SILIM na nang marating ko ang bayan, abala na ang mga tao sa pagsasara ng kani-kanilang mga tindahan. Napapalingon ang mga tao sa akin, mukha na naman akong palaboy na nasiraan ng bait. Maluwag masyado ang suot kong baro't saya na kupas na ang kulay at marami pang butas.

Nakalugay din ang aking buhaghag na buhok. Wala rin akong sapin sa paa, gusto ko sanang isuot ang high heels ko kaya lang mas masakit maglakad gamit iyon. Bukod doon, siguradong agaw pansin ito sa mata ng lahat.

Ramdam ko na ang pagod, gutom at pagkauhaw habang mabagal na naglalakad sa gitna ng bayan yakap-yakap ang sako na naglalaman ng aking damit at sapatos. Napalingon ako sa gilid nang mapadaan ako sa isang dingding kung saan may mga taong nagkukumpulan doon.

Napatigil ako sa paglalakad at sandaling pinagmasdan kung ano ang pinagkakaguluhan nila. May libre bang pagkain doon? Nagsimula akong humakbang papalapit, sila na ang kusang tumabi nang makita akong paparating. Mukhang natatakot silang masabunutan o magulpi ng isang baliw.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung ano ang nakapaskil sa pader. Isang sketch ng babae na kahawig ko! "Sino ang babaeng iyan sa larawan?" tanong ng isang manong sa isang ale. Nasa unahan ko sila, tinititigan nilang mabuti ang drawing.

"Ayon sa sabi-sabi, isang babaeng bayaran daw iyan na nagnakaw ng malaking salapi kay Don Severino" tugon ng ale na iknagulat ng mga taong naroroon.

"May mga babae talagang ganid sa salapi. Tiyak na nahumaling at nalinlang si Don Severino ng babaeng iyan" wika ng isa na sinang-ayunan ng lahat. Dahan-dahan akong umatras, nakayuko lang ako na parang multo para hindi nila mamukhaan na ako ang babae sa iginuhit na larawang iyon.

"Babaeng mapagsamantala at mukhang salapi!" inis na wika ng isang manong, kani-kaniya namang batikos ang iba sa larawan ko. Napapikit na lang ako sa inis, gustuhin ko mang sumigaw doon, ipagtanggol ang sarili ko at sabihin sa kanilang lahat na fake news ang pinapakalat ni Don Severino pero hindi pwede dahil baka mahuli ako. Ayokong bumagsak ulit sa loob ng bilangguan.

Mabilis akong nakaalis doon at naglakad patungo sa Panciteria ala Pacita. May mga batang naglalaro sa labas ang napatakbo papasok sa kani-kanilang mga tahanan nang dumaan ako. Mukha akong multo sa haba ng buhok ko na ipinangharang ko rin sa aking mukha nang sa gayon ay walang makakilala sa akin.

Pagdating ko sa Panciteria, naabutan kong nagbibilang ng salapi sa isang mesa si aling Pacing, pinupunasan naman ng maigi ni Mang Pedro ang mga mesa. "Aling Pacing! Mang Pedro!" tawag ko sa kanila saka dali-daling pumasok sa loob.

Gulat silang napatingin sa akin, agad akong umupo sa bakanteng silya sa tapat ni aling pacing at inayos ko ang aking buhok. "Bakit? Hija" tanong ni aling Pacing, lumapit naman sa amin si Mang Pedro, nakatayo siya sa likod ng kaniyang asawa at nagtatakang nakatingin sa akin.

"Pasensiya na po talaga, hindi ako nakapagpaalam sa inyo. Dalawang buwan din akong nawala dahil---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita si aling Pacing.

"Mawalang-galang na hija, ngunit sino ka?" tanong nito saka napatingin sa asawa. Maging si Mang Pedro ay napabalik-balik ang tingin sa akin at kay aling Pacing, iniisip niyang mabuti kung kakilala ba talaga ako ng asawa niya.

"A-ako po si Tanya, 'yung nakitira sa inyo dati..." napatigil ako, hindi ako makapaniwala sa mga pangyayari. Mukhang wala talaga silang ideya kung sino ako. Napatulala ako sa mga pangyayari, kaya pala wala ring ideya si Don Severino na ako 'yung serbidorang kinampihan ni Sebastian.

Ibig sabihin hindi rin ako naalala ngayon ni Sebastian. Kaya pala hindi naman siya nagulat nang makita ako, hindi rin siya interesado malaman kung bakit ako nawala dahil wala talaga siyang maalala. Napakagat ako sa aking daliri, posible kayang may kinalaman ang major editing ko sa Salamisim kaya parang na-reformat ang mga character nila dahilan upang wala na sila ngayong maalala tungkol sa'kin?

Natauhan ako nang magsalita si Mang Pedro, "Hija, marumi ang iyong kuko" wika nito, agad kong ibinaba ang aking kamay. Mas lalo tuloy nilang iisipin na nawawala na ako sa aking sarili. Napatingin ako sa kanila, nagtataka pa rin silang nakatingin sa akin.

Kung wala silang maalala, hindi ko na mapipilit iyon, baka mas lalo nilang isipin na nawala na ako sa katinuan. Kailangan ko ng matitirhan ngayon. Napahinga na lang ako ng malalim, gagamitin ko ulit ang dahilan na ginamit ko sa kanila dati, na matalik akong kaibigan ng anak nilang si Amalia sa Bulakan.

"Kaibigan po pala ako ni---" hindi ko ulit natapos ang sasbaihin ko dahil biglang lumabas ang isang dalaga sa kusina at naglakad papalapit sa amin. "Inay, sasamahan ko lang si Lolita pauwi" ngiti ng dalaga, payat, matangkad, bilugan ang kaniyang mga mata at maganda ang kaniyang ngiti.

"Mag-iingat kayo, huwag magpapagabi" saad ni aling Pacing, tumango ang dalaga saka napatingin sa akin. "Siya nga pala Amalia, dalhin mo rin pala ang natirang talbos kay aling Lucia" wika ni Mang Pedro, gulat akong napatingin sa dalagang iyon. Siya si Amalia! Nandito na siya sa Maynila!

Napaisip ako ng malalim, buwan na nga pala ng Nobyembre ngayon. Nandito na siya sa Maynila dahil sa susunod na buwan na mag-uumpisa ang kaguluhan sa kanilang pamilya.

"Ano pala ang sasabihin mo hija?" tanong ni aling Pacing, napatingin ako sa kanila at kay Amalia na nakatingin din sa akin. Hindi ko pala pwedeng sabihin na matalik akong kaibigan ni Amalia dahil siguradong itatanggi niya ako.

"Ah, maaari po ba akong mamasukan dito? Kahit serbidora o tagahugas ng plato" pakiusap ko, nagkatinginan ang mag-asawa. Nagbigay galang na si Amalia saka bumalik sa kusina.

"Pasensiya na hija ngunit walang bakante rito. Mahina rin ang kita ngayon ng Panciteria" tugon ni aling Pacing dahilan upang mapatulala na lang ako sa kawalan.

Magsasalita pa sana ako ngunit natanaw na namin ang mga guardia na nagmamartsa sa daan. Malapit na dumilim at magsisimula na ang curfew. "Maaari ba naming makita ang iyong cedula?" tanong ni Mang Pedro, napapikit na lang ako. Wala akong cedula, siguradong mapapahamak ang pamilya nila kapag nalaman ng mga guardia na may unregistered dito.

"Sige po, uuwi na po ako. Salamat po sa inyong oras" saad ko saka tumayo at nagbigay galang sa kanila. Malungkot akong naglakad papalabas ng Panciteria, nakita kong nakatanaw pa sila sa akin ngayon sa bintana, malungkot din ang hitsura nila ngunit alam ko na wala rin silang magagawa.

NAPADAAN ako sa pa-imprintahan ng mga dyaryo na pagmamay-ari ni Don Florencio. Nagliligpit na ang mga trabahador doon. Napatigil ako sandali saka kumuha ng isang dyaryo na nakapaskil sa labas. Hindi pa nila ito napapasok sa loob.

Nakasalin ito sa wikang Kastila. Napahinga na lang ako ng malalim, kahit hindi ko mabasa iyon. Siguradong ang laman ng balita ay ang matagumpay na pag-atake ng mga rebelde sa kwartel at ang paghirang sa bagong heneral na si Roberto.

"Mawalang-galang na ngunit isasara na namin ito, nay" wika ng isang lalaki na nakatayo na pala sa gilid.

"Nay?" kunot-noo ko siyang nilingon. "Mukha na ba akong nanay?" patuloy ko saka ibinalik ang dyaryo sa pinaglalagyan nito. Masyado nga palang maluwag ang suot ko at mukha sabog-sabog na rin ang aking buhok.

"Paumanhin, binibini" bawi niya saka napatingin sa suot ko. Nanlaki ang aking mga mata nang makilala ko na ang lalaking iyon ay si Lorenzo!

"Lo---" napatigil ako at hindi ko na naituloy na tawagin siya sa kaniyang pangalan dahil siguradong hindi niya rin ako naaalala.

"Bakit mo kinakausap ang baliw na 'yan?" wika ng isang matandang lalaki na nakatayo sa pintuan at nakapamewang. "Pumasok ka na dito!" utos nito, tumango si Lorenzo sa kaniyang amo. "Layas baliw!" sigaw ng matandang lalaki sa'kin. Aawayin ko sana siya kaya lang may napadaan na mga guardia mula sa di-kalayuan. Siguradong dadalhin na naman nila ako sa bilangguan.

Napabuntong hininga na lang ulit ako saka tumingin kay Lorenzo. "Pagbutihin mo ang iyong tungkulin. Malapit na maging movie ang kwentong ito kaya good luck sa'tin" wika ko, nagtaka naman ang hitsura ni Lorenzo at napakamot pa siya sa kaniyang ulo.

Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Umaalingangaw sa paligid ang sigaw ng mga guardia na isang oras na lang ay simula na ng curfew. Napatigil ako nang matanaw ko ang mansion nila Sebastian. Sa higpit ba naman ni Don Antonio, siguradong hindi ako basta-basta makakapasok bilang trabahador nila.

Pero ang mas ikinalulungkot ko ay ang katotohanan na hindi na rin ako naaalala ni Sebastian. Sa isang iglap lang bigla na niya akong nakalimutan ng gano'n. Akala ko pa naman prinotektahan niya ako kay Roberto nang sabihin niya na hindi niya ako kilala para hindi ako madamay. Mas nakakalungkot pala malaman na totoong hindi niya talaga ako kilala dahil wala siyang maalala.

Halos isang oras na rin akong naglalakad nang marating ko ang kagubatan. Wala akong dalang kandila o lampara. Mabuti na lang dahil maliwanag ang kabilugan ng buwan kung kaya't kahit papaano ay naaninag ko ang diretsong daan.

Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyayari, hindi ko akalaing ang sakit pala malaman na nakalimutan na nila akong lahat. Pareho lang din kami, kapag nakakalabas ako sa nobelang ito, wala rin akong naaalala tungkol sa kanila. Ito pala ang pakiramdam na makalimutan ka ng mga taong inaasahan mong makakaalala sa iyo.

Babalik na lang ako sa bahay ng mangkukulam kanina. Magpapakabait na lang ako para hindi niya ako kulamin. Ilang sandali pa, napatigil ako nang mapadaan ang isang kalesa. Iniisip ko kung kakawayan ko ba iyon upang makisabay kaya lang naisip ko na mas mabuti na rin siguro na hindi ako makipagkaibigan sa mga character sa librong ito para hindi ko magulo ang buong kwento.

Lumagpas na ang kalesa sa akin. Ni hindi ko nakita kung sino ang lulan nito. Napatango na lang ako sa aking sarili. Mas makakabuti nga kung mananahimik lang ako habang nandito ako. Magiging invisible na lang ako at kakain ng limang beses sa isang araw, matutulog at magtatanim ng kung anu-ano para may madikdik na halaman ang ale na tumulong sa akin.

Napatigil ako nang makitang biglang umatake ang grupo ng mga kalalakihan na nagtatago sa gubat. Inatake nila ang kabayo at ang kalesa nito. "Saklolo!" sigaw ng isang dalaga na sakay ng kalesa. Binugbog naman ang kaniyang kutsero hanggang sa mawalan ito ng malay.

Agad akong tumakbo papalapit sa kanila. Nagulat ako nang makita si Maria Florencita na hinihila ng mga kawatan. Napalingon ako sa paligid, nasaan na si Lorenzo? Ito na ang eksena kung saan ililigtas siya ni Lorenzo at mas lalong magiging malalim ang patitinginan nila.

"Pakiusap! Tulong!" sigaw ni Maria Florencita, nakita na niya ako. Napahinga na lang ako ng malalim saka kinuha ang pares ng high heels ko sa sako at dali-dali akong tumakbo papalapit sa mga kawatan saka hinampas sa kanila ang dulo ng sapatos.

Napasigaw na lang ako saka pilit na hinahampas sa kanila ang aking heels. Natumba ang dalawa, hinila ng isa aking paa kaya sa kaniya ko binato ang sapatos na diretsong tumama sa kaniyang ilong dahilan upang magdugo ito.

Nagsitakbuhan ang mga kawatan, agad nilang binuhat ang mga kasamahan nilang nawalan ng malay. Napahawak ako sa tapat ng aking puso, kung hindi bilangguan lagi akong nakikipagsuntukan sa mundong ito.

Napatingin ako kay Maria Florencita, tulala siyang nakatingin sa akin at nanginginig pa rin siya sa takot. Lumapit ako sa kaniya saka inilahad ko ang aking palad, humawak siya sa aking kamay at inalalayan ko siyang tumayo.

"S-salamat" wika niya, tumango ako. "Wala 'yon. Marami talagang masasamang tao dito. Dapat may kasama ka" tugon ko saka dinampot ang aking sako at ibinalik doon ang heels. Napalingon ako sa paligid, bakit wala pa rin si Lorenzo?

"Sumama ka na sa amin, ipapahatid kita sa inyong tahanan" wika ni Maria Florencita, nagkaroon na rin ng malay ang kaniyang kutsero. Napalingon ako sa kaniya nang marinig ko iyon. Hindi ko namalayan na napangiti ako sa bagong ideyang pumasok sa aking isipan.

"KUNG gayon, wala kang matitirhan dito sa Maynila? Tanya" tanong ni Maria Florencita saka pinunasan ang kaniyang mga mata na naluluha na ngayon. Narito kami sa balkonahe ng kaniyang kwarto. Lihim niya lang akong pinapasok sa kanilang tahanan dahil ayaw niyang malaman ng kaniyang ama na muntik na siyang malagay sa kapahamakan para lang dalawin si Lorenzo sa tahanan nito na nasa gitna ng kagubatan.

Mag-iisang oras na kaming nagkwekwentuhan, interesado siya sa buhay ko. Nag-imbento na lang ako ulit ng aking background. Isang ulilang babae mula sa Norte na tumakas sa mapanakit na amo at ngayon ay ibig makipagsapalaran sa Maynila. Nauna siyang nagpakilala sa akin habang nasa kalesa kami kanina, Tanya ulit ang ginamit kong pangalan.

"Gano'n na nga" tugon ko saka nagkunwaring punas din ng luha gamit ang panyong inabot niya sa'kin kanina. "Napakamasalimuot ng aking karanasan. Ibig pa akong gawing babaeng bayaran ni Don Seve---ng isang Don na masama ang ugali" patuloy ko saka suminga sa panyo para mas maging makatotohanan ang aking kwento.

Sorry Maria Florencita, kailangan ko lang gawin ito upang maka-survive. Nawa'y pumayag ka na manatili ako dito sa mansyon niyo. Hindi ako mag-iingay o gagawa ng anumang kahina-hinala. Hindi rin ako makikialam sa bawat characters para hindi na maging magulo ang lahat. Kailangan ko lang talaga ng matutuluyan at makakainan habang hindi ko pa nahahanap ang daan papalabas.

"Sino ang Don na iyong tinutukoy? Pinapahanap ka pa rin niya ngayon? Paano ka nakatakas sa kaniya?" tanong niya, ramdam ko ang matinding awa sa'kin at simpatya sa kaniyang mga mata. Nagpaikot-ikot ang aking mata, dapat ba akong mag-name drop? Huwag na lang baka magulo na naman ang kwento.

"Oo, ipinapahanap niya pa rin ako, mahabang kwento. Nasasaktan ako sa tuwing naaalala ko" hagulgol ko, tinapik-tapik naman niya ang aking balikat.

"Huwag ka nang tumangis. Isa kang matapang na binibini. Nagawa mong tulungan ako at talunin ang masasamang loob kanina kaya utang ko ngayon sa iyo ang aking buhay" wika niya saka ngumiti ng marahan. Ang ganda talaga ng bida sa aking kwento at sobrang bait niya pa.

Mestiza, mapupungay ang mga mata, matangos ang ilong, mapula ang pisngi at labi at maganda ang kaniyang ngiti, iyan ang bidang babae sa aking nobelang Salamisim. Idagdag pa natin ang busilak niyang kalooban at pagiging matulungin sa kapwa.

"Sabihin mo lang sa akin kung ano ang iyong nais, handa kitang tulungan" ngiti niya saka nagpunas ng luha. Masyado siyang nadala sa nakakalungkot na background story ko.

Napahawak ako sa kaniyang kamay sa sobrang tuwa, "Maaari ba akong tumuloy dito?" tanong ko, minsan na rin akong sumali noon sa theater play noong high school ako, sana madala siya sa aking kakayahan sa pag-arte. "Kahit ano ay kaya kong gawin, kaya kong maglinis, maglaba at magluto" habol ko.

"Ngunit hindi ba't ipinapahanap ka upang gawing babaeng bayaran?" saad niya, napaisip ako doon. Matalino rin pala ito si Maria Florencita, dapat pala hindi ko na sinabi iyon sa kaniya. Tumango-tango na lang ako saka humagulgol ulit sabay singa sa panyo.

Napatigil ako nang hawakan niya ang aking magkabilang balikat. "Huwag ka mag-alala, may naisip akong paraan. Ako ang bahala sa iyo" wika niya, napakurap ako ng dalawang beses. Kung anong paraan man iyon basta malayo kay Don Severino at makakakain ako ng limang beses sa isang araw, payag ako.

"ITO na lang ang kulang! Isa ka ng ganap na lalaki!" ngiti ni Maria Florecita saka ginuhitan ako ng bigote. Nakatayo kami ngayon sa harap ng kaniyang malaking salamin sa loob ng kaniyang kwarto. Binihisan niya ako ng damit pang-lalaki.

Itim na coat, pantalon at sombrero. Napakurap ako sa salamin, mukha akong bansot na illustrado. "Uhm, Maria Florencita, hindi ba ako mukhang mini me ni Don Florencio?" tanong ko, napaisip naman siya sa sinabi ko. "Minimi?"

"Ah, ang ibig ko sabihin, parang anak ni Don Florencio? Maraming magtatanong kung bakit ganito ang suot ko kung tarabahador lang din naman ako dito sa inyong mansyon" napatango-tango siya sa sinabi ko saka muling binuksan ang isang baul at naghanap ng mga damit doon.

"Sabagay, may punto ka. Maging si ama ay magtataka kung ganiyan ka rin manamit. Sandali, hahanapan kita rito" saad niya habang naghahalungkat ng kaniyang gamit. Nagpaikot-ikot ako sa harap ng salamin, napangiti ako sa aking sarili dahil likas na ang ganda ko palang lalaki pag nagkataon.

"Heto!" wika niya saka tumakbo papalapit sa akin at pinakita ang isang itim na kamiso de tsino at brown na pantalon. Kinuha niya rin sa loob ng baul ang isang sumbrerong buri (gawa sa banig).

"Ikaw ang magiging bantay ko at kutsero, nawala na sa sarili si mang Anding at hindi na raw ito babalik sa trabaho sabi ng kaniyang asawa kanina" wika niya, nalungkot siya nang sabihin iyon. Napahamak pa ang kaniyang kutsero.

"Ngunit... Hindi ako marunong magpatakbo ng kabayo at lumaban" napailing si Maria Florecita. "Madali mo lang matututunan ang pagpapatakbo ng kabayo. Tungkol naman sa pagiging aking bantay, nagawa mo nga akong iligtas gamit ang kakaibang patalim" saad niya sabay ngiti. Napatango-tango na lang ako, mukhang mas marami pa palang labanan ang pagdadaanan ko. Pwede ba mag-back out?

"Ipapakilala kita kay ama bukas. Hindi naman iyon mahigpit. Madalas siyang sumasang-ayon sa aking mga kagustuhan" ngiti niya saka hinawakan ang aking balikat at iniharap ako muli sa salamin. "Mas mabuti na rin na ikaw ang kasama ko, mas panatag ako kasama ang isang babae" wika niya, magsasalita pa sana ako nang biglang may kumatok sa kaniyang pinto.

Agad akong hinila ni Maria Florencita, pinapasok sa kaniyang palikuran at isinarado iyon. "Señorita, nariyan po sa ibaba si Don Antonio kausap ang inyong ama. May ibig po silang sabihin sa inyo" wika ng kaniyang tagapagsilbi na si Ornina.

"Malalim na ang gabi, ano ang pakay ni Don Antonio?" nakasandal si Maria Florencita sa pinto ng kaniyang palikuran.

Idinikit ko naman ang aking tenga sa pinto upang marinig ko ang kanilang pinag-uusapan. "Hindi ko po batid binibini, hinihintay na po nila kayo sa salas" tugon ni Orinina. "Susunod ako, mag-aayos lang ako sandali" saad ni Maria Florencita, isinarado na ni Ornina ang pinto.

Mabilis na binuksan ni Maria Florencita ang pinto ng kaniyang palikuran. "Tanya, haharapin ko lang ang aming bisita sandali. Maligo ka na muna rito at magpalit ng damit. Ipapasama kita kay Ornina mamaya patungo sa iyong silid" wika niya saka muling inabot sa akin ang kamiso, pantalon at sumbrerong buri.

"Sige, salamat" saad ko, mabilis siyang nagsuklay sa harap ng salamin at lumabas ng pinto. Kinuha ko ang lampara na nakapatong sa tabi ng kaniyang kama at dinala iyon sa loob ng palikuran. May maliit na bath tub doon na gawa sa mamahaling marmol.

Gawa naman sa kahoy ang inidoro na hugis kahon at may malaking butas na bilog. Hinubad ko na ang aking damit at inilapag iyon sa gilid saka lumublob sa maligamgam na bath tub na puno ng mga rose petals at mamahaling pabango.

Mabuti na lang dahil tama ang desisyon ko na sumama kay Maria Florencita. Kahit papaano ay nararansan ko ang marangyang buhay dito. Nilaro ko sandali ang tubig. Dalawang araw na pala akong narito at hindi pa ako nakakatikim ng ligo. Ang sarap sa pakiramdam maligo ng ganito at ang bango pa ng mga nakahalong pabango sa paliguan ni Maria Florencita.

Ako naman ang nagtakda ng kayamanan nila kaya may karapatan din ako makibahagi sa karangyaan ng pamilya Garza. Ipinikit ko sandali ang aking mga mata at dinama ang hangin mula sa bukas na bintana sa gilid. Napapangiti ako sa aking sarili, sana dati ko pa naisip ito.

Ilang sandali pa, narinig kong bumukas na ang pinto sa kwarto ni Maria Florencita. Iminulat ko ang aking mga mata, "Nandito lang ako sa loob Maria Florencita, ihahatid na ba ako ni Ornina sa aking silid?" tanong ko ngunit hindi siya sumagot.

Pinakiramdaman ko ang kaniyang paglakad. Nagtataka ako kung bakit parang mabagal at maingat ang kaniyang bawat hakbang. Si Maria Florencita ba iyon? o ibang tao?

Agad akong umahon sa bath tub, kinuha ko ang tuwalya at itinapis iyon sa aking katawan saka sumilip sa maliit na uwang ng pinto. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Sebastian. Nakatayo na siya sa tapat ng pintuan ng palikuran, hawak niya sa kaniyang kaliwang kamay ang doorknob at hawak niya sa kabilang kamay ang isang patalim.

"Nasa salas si Maria Florencita, sino ka?" tanong niya mula sa likod ng pinto. Anong ginagawa niya dito? Bakit nandito siya? Bakit naman kung kailan naliligo ako?

"Huwag mo nang ituloy ang iyong masamang balak. Wala kang masasaktan o makukuha sa pamamahay na ito" patuloy niya. Agad kong hinawakan ang doorknob upang i-lock iyon kaso sira pala ito!

Mabilis na nabuksan ni Sebastian ang pinto, dali-dali akong tumalikod, balak ko sanang lumundag na lang pabalik sa bath tub ngunit sumabit ang suot kong tuwalaya sa door knob dahilan upang matanggal ito sa aking katawan!

****************************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top