Kabanata 12
[Chapter 12]
"P-PASENSIYA na..." aalis na lang dapat ako ngunit napatigil ako nang makita ko kung sino ang nililiitis ngayon sa hukuman. Nakaluhod siya sa harap, nakatali ang kaniyang kamay sa likuran at may espadang nakatutok sa kaniyang leeg na hawak ng isang heneral.
"Ano ang iyong pakay dito?" seryosong tanong ng punonghukom na kung hindi ako nagkakamali ay si Hukom Unotario Hobillo. Nasa edad animnapu pataas na ito, kilala ito bilang isang matapang na hukom na matindi magpabigay ng hatol.
Nagpabalik-balik ang aking mga mata sa punonghukom, sa mga tao, sa heneral na nakatayo sa gitna at may hawak na espada at kay Sebastian na nakaluhod at nakagapos ang mga kamay.
Nasa ika labing-limang kabanata na nga kami kung saan, natalo ng mga rebelde ang hukbo at nasamsam nito ang mga armas, kagamitan at pagkain sa kwartel.
At dahil sa nangyaring iyon, mas lumakas ang pwersa ng mga rebelde. Ginamit din itong pagkakataon ni Roberto na anak ni Don Severino upang palabasin na may kinalaman si Sebastian kung kaya't nakuha ng mga rebelde ang lahat ng gamit sa kwartel. Napatingin muli ako sa heneral na nakatayo at siyang may hawak na espada sa tapat ng leeg ni Sebastian, siya na ba si Roberto?
"Dalhin ang babaeng 'yan sa bilangguan" utos ng punonghukom dahilan upang matauhan ako. Ngayon ko lang napansin na hindi ko pala sinagot ang tanong niya dahil pilit kong iniisip ang buong pangyayari.
"Ah, sandali! Naliligaw lang po talaga ako, hindi ko alam kung saan ang daan palabas---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil lahat sila ay gulat na nakatingin sa akin. Agad tinakpan ng mga kababaihan ang mata ng kanilang asawa.
Napaiwas naman ng tingin ang mga kawal, hukom Unotario at heneral Roberto. Maging si Sebastian ay napayuko. Nagsimulang magbulungan ang mga babae, parang gusto nila akong ibaon sa lupa mula sa kanilang mga tingin.
Dahan-dahan akong napatingin sa aking suot. Dalawang beses akong nakapurap dahil ang suot ko ngayon ay isang red off-shoulder na long fitted gown at may mahabang slit sa gilid. Kitang-kita ngayon ang balikat at ang binti ko!
"¡ sal de aquí!" (Get her out of here!) sigaw ni punonghukom Unotario, agad naman akong dinakip ng mga guardia. "Sandali! Wala akong kasalanan! Hindi ko alam ang daan palabas! Maniwala kayo sa'kin!" sigaw ko habang hinihila ako ng dalawang guardia papalabas at isinarado na ang malaking pinto ng hukuman.
"ARAY!" itinulak nila ako ng malakas papasok sa isang selda. Kumpara sa dati kong kulungan, mas malaki ito at may makakapal na rehas na gawa sa bakal. Halos anim na selda ang nasa loob ng hukuman. Buti na lang hindi nila ako dinala sa Fort Santiago, siguradong may silid sila roon para sa pagpaparusa.
Umalis na ang apat na guardia, agad akong gumapang at humawak sa rehas. Mukhang walang ibang bilanggo dito bukod sa'kin. Bakit ba lagi na lang ako nakukulong sa kwentong ito?
Napalingon ako sa maliit na bintana sa loob ng selda, nag-aagaw dilim na. Tama nga ang hinala ko, kapag nandito ako sa loob ng kwento, naaalala ko lahat. Pero kapag nakalabas na ako sa nobelang ito, nakakalimutan ko ang lahat ng nangyari.
Napakagat ako sa aking ibabang labi. Marami akong binago at dinagdag sa new version ng Salamisim. Major editing ang ginawa ko rito. Siguradong mas maiipit ako sa panig ng mga rebelde at kagustuhan ni Sebastian.
Kung nasa chapter 15 na nga kami, buwan na ng Nobyembre. Halos dalawang buwan ulit ang lumipas. Anong sasabihin ko sa kanila? Bakit ako nawala ng gano'n katagal?
Ilang sandali pa, dumating muli ang mga guardia, pero sa pagkakataong ito ay hawak nila si Sebastian. Binuksan nila ang bakanteng selda na nasa tapat ko at hinayaang pumasok sa loob si Sebastian.
Napahawak ako ng mahigpit sa rehas, ang unfair! Tinulak nila ako kanina papasok dito sa selda. Pero pagdating kay Sebastian, kusa lang nila itong pinapasok.
Nag-martsa na muli papalabas ang mga guardia, umupo si Sebastian at sumandal sa magaspang na pader. Magkatapat ngayon ang selda namin kung kaya't kitang-kita namin ang isa't isa. May dalawang sulo ng apoy sa gilid na siyang nagbibigay ng liwanag.
Nang masiguro ko na nakaalis na ang mga guardia, idinungaw ko ang aking ulo sa pagitan ng ng dalawang rehas. "Sebastian!" tawag ko sa kaniya, pero hindi niya ako nilingon. "Pssst! Sebastian!" tawag ko muli pero hindi pa rin siya kumibo.
Napahinga na lang ako ng malalim, "Heneral Sebastian!" ulit ko, lumingon na siya sa'kin ngunit wala siyang reaksyon. Tila nalulugmok siya sa kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Magsasalita pa sana ako ngunit may isang lalaki na naglalakad na ngayon ng dahan-dahan papalapit sa aming mga selda. Hindi ko napansin na malapit na pala ito dahil sa maingat niyang paglalakad.
Tumigil siya sa gitna, una siyang tumingin sa'kin sabay ngisi saka tumingin kay Sebastian sa kabilang selda. Ang lalaking iyon ay ang heneral na tumutok ng espada sa leeg ni Sebastian kanina sa hukuman. "Kilala mo ang binibining ito?" tanong ng heneral kay Sebastian. Hindi siya tiningnan ni Sebastian, nanatili lang itong nakasandal sa pader at tulala sa kawalan.
"Aking narinig na tinatawag ka ng babaeng ito kanina" patuloy nito, saka tumingin sa'kin. "Sebastian, huwag ka nang magmatigas, ang hatol na lang sa iyo ang hinihintay ng lahat" ngisi ng lalaki. Natapos na lang siya tumawa ngunit hindi pa rin nagsasalita si Sebastian.
Naglakad ang lalaki papalapit sa'kin at ngumisi ito, "Kung hindi ka magsasalita, ang babaeng ito na lang ang aking tatanungin. Tiyak na---" hindi na nito natapos ang sasabihin dahil nagsalita na si Sebastian.
"Hindi ko kilala ang babaeng iyan" wika niya, gulat akong napatingin kay Sebastian. Napagtanto ko na tama nga ang ginawa ni Sebastian. Hindi niya dapat aminin na magkakilala kami dahil siguradong madadamay ako.
Tama nga ang hinala ko, ang heneral na ito ay si Roberto mismo. Tumawa si Roberto, "Katapusan mo na Sebastian, tiyak na puputulin na rin ni Don Florencio ang nakatakdang kasal ninyo ni Maria Florencita" wika nito na sinabayan din niya ng mahabang pagtawa.
"Kaibigan ang turing ni ama sa pamilya niyo. Ngunit iba ako, kailanman ay hindi ko ituturing na kaibigan ang inyong pamilya" ngisi ni Roberto saka ito naglakad papalabas, sa kaniyang pag-alis ay umalingangaw pa rin sa loob ng bilangguan ang kaniyang pagtawa.
Napatingin ako kay Sebastian, ni hindi ito gumalaw sa kaniyang pagkakaupo. Nakayuko na siya ngayon at nakapikit ang kaniyang mga mata. Muli kong inalala ang Salamisim, kaalyado nga nina Don Antonio at Sebastian si Don Severino ngunit hindi ang anak nito na si Roberto.
Dahil si Roberto ay may matinding galit kay Sebastian. Lihim na kumampi si Roberto sa mga rebelde at ginamit niya ang mga ito upang mapabagsak ang pamilya Guerrero. Sina Roberto at Lorenzo rin ang huling nakita ni Sebastian bago ito bawian ng buhay sa loob ng selda.
Ngunit hindi na iyon ang magiging katapusan ng kwento dahil binago ko na ito. Mamamatay ang mga kontrabida sa Bagumbayan sa paraan ng garrote. Muli akong nakaramdam ng konsensiya, mas lalo kong ginawang masalimuot ang pagkamatay ni Sebastian nang hindi ko nalalaman. Wala akong ideya sa kaniyang nararamdaman at nalalaman nang i-edit ko iyon dahil wala akong maalala nang makalabas ako sa nobelang ito.
ILANG oras ang lumipas, gabi na. Halos hindi siya gumalaw sa kaniyang pwesto. Tila malalim ang kaniyang iniisip. Dumating na rin ang pagkain namin, isang mangkok ng lugaw na malabnaw. Halos wala itong sahog. Tinikman ko iyon ngunit parang kumain lang ako ng kanin na may sabaw na tubig.
Sa huli, wala na akong nagawa kundi kainin iyon dahil nagugutom na rin ako. Wine lang handa sa museum opening na dinaluhan ko at hindi pa ako kumakain ng tanghalian bago ako magpunta roon. Inilapag ko na ang mangkok at kutsara nang matapos akong kumain. Ininom ko na rin ang tubig na nakalagay sa maruming baso, lasang lupa ang tubig. Mukhang hindi pa ito pinakuluan para matanggal ang mga bacteria.
Napatingin ako kay Sebastian, hindi niya ginalaw ang kaniyang pagkain at tubig. Idinungaw ko muli ang aking ulo sa pagitan ng rehas upang tumingin sa kaliwa at kanan baka sakaling may tao roon. Nang masiguro kong wala, tinawag ko muli si Sebastian.
"Sebastian... Alam kong malungkot ka ngayon. Pero 'wag ka mag-alala, makakaalis ka rin agad dito. Tutulungan ka ni Don Florencio" wika ko, hindi siya kumibo. Hindi tuloy ako sigurado kung narinig niya ba ang sinabi ko.
Gusto kong malaman niya na hindi siya makukulong ng matagal dito dahil gagawa ng paraan si Don Florencio para mapawalang-sala siya. Madidiin lang sa mga rebelde ang lahat. Mabibigo si Roberto na idamay si Sebastian sa mga rebelde.
"Sorry---Patawad nga pala kung bigla na naman akong nawala nang hindi nagpapaalam. Hindi ko na sasabihin ang dahilan kung bakit hindi ako nagpakita ng dalawang buwan kasi baka isipin mo na nagdadahilan lang ako" patuloy ko, ang bigat sa pakiramdam. Kasalanan ko 'to lahat kaya siya nagkakaganiyan.
Napabuntong hininga muli ako, "Kumain ka na para hindi ka manghina. Kailangan mo ng lakas para matingnan ng masama si Roberto. Kahit ako nanggigigil sa character---Ah! Basta sa taong iyon" napailing ako sa aking sarili, naalala ko ang nakakainis na mga ngisi ni Roberto. Matanda ito ng halos sampung taon kay Sebastian pero mas successful si Sebastian kaysa sa kaniya. Isa iyon sa dahilan kaya may pinaghuhugutan na malalim na inggit itong si Roberto.
Muli kong tiningnan si Sebastian, halos hindi siya gumagalaw. Bigla akong napahawak ng mahigpit sa rehas, "Sebastian! Buhay ka pa ba?" tawag ko, iginalaw na niya ng kaunti ang kaniyang ulo.
Nakahinga ako ng maluwag, "Alam kong nagtatampo ka sa'kin, sino ba namang hindi magagalit sa isang taong nang-ghosting. Kaya naiintindihan kita, hindi naman talaga ako nang-ghosting. Sadyang wala lang talagang ibang paraan para makapagpadala ako ng mensahe sayo"
"Pero nandito na ulit ako, hindi ko alam kung hanggang kailan. Sisikapin ko pa rin makapagpaalam sayo, kung hindi naman, mag-iiwan ako ng mensahe para naman hindi mo isipin na sumanib na ako sa mga rebelde" patuloy ko, inunat ko na rin ang aking binti dahil namamanhid na ito. Naiinis ako sa mahabang slit sa gilid, masyadong bulgar ang pananamit na 'to para sa kanila.
Tumingin muli ako sa kaniya, nakayuko pa rin siya at nakapikit ang kaniyang mga mata. "Kung bigla ulit akong nawala at hindi mo ako mahanap. Maaari bang huwag mong saktan ang pamilya nila Aling Pacing? Wala naman talaga akong ugnayan sa kanila. Ako lang ang kaanib sa mga rebelde" dagdag ko, dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang ulo saka tumingin sa akin.
Gumapang ulit ako papalapit sa rehas at humawak doon. "Patawad talaga, pwede mo ba akong bigyan ng isa pang pagkakataon?" wika ko saka sumenyas sa aking daliri ng isa. Ngumiti rin ako para kahit papaano ay gumaan na ang kaniyang pakiramdam.
"Dubidubidiwapwap?" habol ko, sana marinig ko man lang kahit isang beses mula sa kaniya na sabihin niya ang iconic line na iyon.
"Maaari mo bang itikom ang iyong bibig kahit sandali?" wika niya, walang reaksyon ang kaniyang mukha. Napahinga na lang ako ng malalim sa sinabi niya, mukhang galit pa nga siya sa'kin. Tumango-tango na lang, "Sige, sabi ko nga, tatahimik na ko" wika ko, ibinalik na niya ang kaniyang tingin sa sahig.
Kahit sino naman ay magagalit at magtatampo talaga kapag bigla ka na lang ghinosting ng isang tao. Siguro masyado akong importante kay Sebastian para damdamin niya masyado ang ginawa ko sa kaniya. Hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili dahil sa ideyang iyon, sa madaling salita, sinabi na lang niya dapat na na-miss niya ako.
Napatigil ako sa pagtawa nang mapatingin siya sa'kin, para kaming nasa tahimik na klase ngayon at kasalukuyang nag-eexam tapos biglang tumawa sa likod ang isang estudyanteng tulad ko dahilan para mapatingin ang professor. "W-wala sir, may naalala lang akong nakakatawa" saad ko, hindi naman siya nagsalita.
Tumingin muli ako sa kaniya, may langaw na ngayon ang pilit na dumadapo sa kaniyang pagkain at tubig. "Kainin mo na 'yan" wika ko, napatingin siya muli sa'kin saka sa pagkain niyang nakatengga lang malapit sa rehas. "Hindi masarap 'yung pagkain pero okay na rin kaysa naman sa wala" turo ko sa mangkok.
"Medyo weird din 'yung lasa ng tubig, sensitive pa naman tiyan ko. Feel ko nga baka mag-tae ako pero kasi 'di ko mapigilang uminom, ayoko namang mamatay sa uhaw. So, pinag-isipan ko kanina kung ano bang mas okay, mamatay sa pagtatae? O mamatay sa uhaw?" tinimbang ko iyon gamit ang pagwasiwas ng aking kamay.
Napatakip ako sa aking bibig, "Hala! Parang mas hindi okay na mamatay ako sa pagtatae!" napailing na lang ako sa aking sarili at napasandal muli sa pader. "Baka magkaroon pa tayo ng amoebiasis. Hindi pa naman advance ang medical practice sa era na ito" napatingin ako sa kaniya, nakatingin lang siya sa'kin ngayon pero walang reaksyon ang kaniyang mukha.
Hindi naman matatapos ang character niya sa story dahil lang sa pagtatae. Mukhang ako ang dehado dito. "Pero 'wag kang mag-alala, depende naman 'yon sa katawan ng tao. Malakas naman resistensya mo kasi sundalo ka. Ewan ko lang sa'kin, hindi kasi ako mahilig mag-exercise. Nakakatamad kasi gumising ng maaga para mag-jogging. May pasok pa sa trabaho tapos gabi na makakauwi kaya ang ending, tulog na lang agad. Mapili rin ako sa pagkain pero kapag walang choice kinakain ko pa rin naman. Bawi-bawi na lang ako sa vitamins at food supplement" ngiti ko, nakakainip dito at kahit papaano ay nakakagaan ng pakiramdam kapag may kausap ka, iyon nga lang, ako lang ang nagsasalita.
Nakatingin na ulit siya sa sahig, mukhang malalim ang iniisip niya. "Pagpasensiyahan mo na rin kung bakit ganito ako magsalita. Sanay naman ako magsalita ng malalim na tagalog para sa mga sinusulat ko kaya lang parang napapagod masyado ang brain cells ko kakalakbay sa utak ko kung saan nila huhugutin 'yung malalim na salita. Nakakadugo rin ng utak" patuloy ko, napatingin siya sa'kin nang sabihin ko iyon.
Ngumiti ako saka itinaas ang aking kamay, naalerto siguro siya nang marinig niya ang nagdudugong utak. "Ah, ang ibig ko sabihin sa nagdudugong utak ay parang... Parang nakakapagod masyado mag-isip ng sasabihin. Hindi 'yung literal na dumudugo 'yung utak ah"
"Kasi diba nasabi ko sayo dati na sanay ako magsalita ng ingles. Nag-aadapt---Nakikibagay pa ako sa bansang 'to, matagal din kasi kami namalagi sa Hongkong ni papa" ako na mismo ang tumango sa aking sarili at ngumiti sa kaniya. Wala naman siyang reaksyon saka muling tumingin sa sahig.
Napabuntong-hininga muli ako, "Naiintindihan ko naman na nagtatampo ka pa, pero sana naman mapatawad mo na ako. Makakabalik ka rin sa pwesto mo kaya 'wag ka na mag-alala masyado. Hintayin lang natin si Don Florencio" tumingin ako sa kaniya saka humawak muli sa rehas.
"Kapag natulungan ka na ni Don Florencio, tulungan mo rin akong makalabas dito please" pagmamakaawa ko sa kaniya, tumingin lang siya sa'kin. "Ibig ko nang matulog. Tumahimik ka na kung maaari" iyon lang ang sinabi niya saka humiga na sa sahig.
"Ha? Sandali, marami pa akong ikwekwento para naman hindi ka na magtampo" habol ko pero tinalikuran niya lang ako at taimtim na natulog nang nakatalikod sa akin. "Sige, good night" saad ko saka sumandal na lang muli sa magaspang na pader. Maalikabok sa loob at may ilang tinik pa ng isda sa sahig. Bakit ang dumi ng seldang ito?
Gusto ko sanang humiga rin sa sahig tulad ng ginawa niya kaya lang ang daming kalat at may mga langgam pa. Sa huli, sumandal na lang ako sa rehas at ipinikit ko ang aking mga mata.
Naalimpungatan ako nang marinig ko ang sunod-sunod na yapak ng paa. Nagulat ako nang biglang buksan ng mga guardia ang selda ni Sebastian at inilabas ito roon. "Hoy! Saan niyo siya dadalhin?" tawag ko sa kanila pero hindi nila ako nilingon, hindi rin umalma si Sebastian at tahimik siyang sumama sa kanila.
Ngunit bago sila tuluyang makalabas sa bilangguan ay napalingon sa akin si Sebastian sa huling pagkakataon.
MALALIM na ang gabi, hindi na ako makatulog. Mas nakakatakot dito sa loob ng bilangguan, ako lang ang mag-isa. Siguradong nakauwi na si Sebastian sa bahay nila dahil tinulungan na siya ni Don Florencio. Iyon nga lang kailangan niya magsumikap ulit para maibalik sa kaniya ang posisyon bilang heneral. Si Roberto na ngayon ang bagong heneral.
Tumayo ako at dumungaw sa rehas nang marinig ko ang pagdating ng mga guardia. Si Sebastian na ba iyon? Isasama niya ako papalabas sa bilangguan? Ngunit napawi ang akin ngiti nang makita si Don Severino, umbok ang tiyan nito, balbas sarado at tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
"Ano ang iyong pangalan binibini?" panimula niya sabay hithit ng tobacco, nakangisi siya sa akin dahilan upang manginig ako sa pandidiri. Hinawakan ko ang mahabang slit sa gilid upang hindi lumabas ang aking binti.
"Hindi ko na aalamin kung paano ka nakapasok ng hukuman. Maaaring isa ka ring babaeng bayaran na nagbibigay aliw sa punonghukom o ng iba pang mga hukom na naririto" wika niya, nanlaki ang mga mata ko sa sinabi sinabi niya. Ano? Iniisip nilang isa akong babaeng bayaran?
"Huwag ka mabahala, tapos na ang serbisyo mo sa kaniya. Binayaran ko na ang nararapat mong halaga" patuloy niya. Napatingin ako sa aking sarili, masyado ngang revealing ang suot kong damit pero grabe naman manghusga ang Don na 'to.
"Kung hindi mo ibig sabihin ang iyong pangalan, bibigyan na lang kita" ngisi niya saka naglakad papalapit sa rehas dahilan upang mapahakbang ako paatras. Tinakpan ko rin ang aking ilong dahil hindi ako makahinga sa usok na binubuga niya.
"Felistancia" ngiti niya, napataas ang aking kilay.
"Seryoso ka ba? Bakit ikaw mag-dedesisyon ng pangalan ko?" sumasagad na talaga sa buto ang pagkainis ko sa character na 'to.
Tumawa siya ng malakas, nagkatinginan pa ang mga guardia dahil hindi nila alam kung nababaliw na ba si Don Severino, wala namang nakakatawa pero kung makatawa siya ay wagas.
"Dahil simula ngayon ay pag-aari na kita" tawa niya, napakunot ang aking noo. "Makakalaya ka na sa bilangguang ito. Isasama na kita sa aking mansyon. Doon ay mabubuhay ka na tila hawak mo ang lahat ng alahas, salapi at karangyaan sa mundo" patuloy niya sabay tawa muli ng malakas.
Napatulala ako sa gulat, hindi ko rin mapigilang mandiri sa mga sinabi niya. "Iniligtas kita sa panganib kung kaya't marapat lamang na gantihan mo ako ng kabutihan, hindi ba binibini?" patuloy niya saka tiningnan muli ako mula ulo hanggang paa.
Napapikit na lang ako sa inis saka itinuro siya, "Hoy! Matandang hukluban na amoy lupa! Para sabihin ko sayo, utang mo ang lahat ng yaman at kapangyarihan na 'yan sa'kin! Bakit? Sabihin mo bakit!..." sigaw ko, nasindak silang lahat, nabitawan pa ni Don Severino ang hawak niyang tobacco sa matinding gulat.
"Dahil ako lang naman ang nagbigay ng yaman sa katauhan mo at ng anak mong inggitero! Humanda ka talaga sa'kin, ipaparanas ko sa inyo ang buhay na mas mahirap pa sa daga! Ginigigil mo talaga ako. Umiiral na naman 'yang pagka-manyakis mo. Ako pa ang bibiktimahin mo! Nakakagigil ka talaga!" napakurap ng dalawang beses si Don Severino, maging ang mga guardia ay naistatwa sa dami ng sinabi ko.
Napahawak ako sa aking dibdib, tumataas ang dugo ko. Quota na talaga 'to sa'kin si Don Severino ha. Napatikhim si Don Severino, agad kinuha ng isang gaurdia ang nahulog na tobacco at inabot iyon sa Don.
"Tila nagkamali ako ng akala, sa likod ng marikit mong pagmumukha ay may nakatagong demonyo. Aking nararamdaman na isa kang mangkukulam" seryosong wika niya, mukhang hindi siya natuwa sa pagbubunganga ko sa kaniya. Dapat lang, wala siyang karapatan na gawin akong babaeng bayaran!
"Igapos ang babaeng 'yan at paslangin!" galit na utos ni Don Severino, ibinato niya pa sa akin ang hawak niyang tobacco at tiningnan ako ng matalim. "Kung hindi ka magiging akin, papaslangin na lang kita. Tiyak na gagantihan mo ako gamit ang itim na mahika" wika niya saka tumalikod at tuluyan nang umalis.
Napasigaw ako at pilit na nagpupumiglas nang kaladkarin ako ng mga guardia papalabas ng selda. "Manahimik ka!" sigaw ng guardia, kung kanina ay isang babaeng bayaran ang tingin sa'kin, ngayon naman ay mangkukulam na nawawala pa sa katinuan.
MAHIGPIT ang pagkakagapos sa aking kamay. Makapal na lubid din ang nakapaikot sa aking braso, itinali rin nila ang aking paa at tinakpan ang aking bibig. Nakahiga ako ngayon sa mahabang kariton na hinihila ng dalawang kabayo. Natatakpan ako ng mga damo na siyang pagkain ng kabayo.
Halos sampung minuto na ang paglalakbay, nakasunod pa ang dalawang kalesa sa likod na siyang lulan ng mga tauhan ni Don Severino. Nang mailabas nila ako sa bilangguan ng hukuman kanina, nag-aabang sa likod ng hukuman ang mga tauhan ni Don Severino. Tinakpan na nila ang aking mata kaya hindi ko na alam kung saan nila ako dadalhin.
Pilit akong kumakawala mula sa mahigpit na lubid. Hindi ko alam ang mangyayari kung sakaling mamatay ako sa loob ng kwentong ito. Magigising ba ako sa kwarto ko? Iisipin ko bang panaginip muli ang lahat ng ito? At tulad ng dati, wala na naman ba akong maaalala?
Ilang sandali pa, tumigil na ang sinasakyan ko. Tinanggal ng mga marurungis na tauhan ni Don Severino ang damo sa ibabaw ko saka hinila ako papalabas doon. Pilit akong sumisigaw sa kabila ng mahigpit na tela na nakatali sa aking bibig.
Naramdaman ko na lang ang mabasa-basang lupa at damo nang itulak nila ako nang malakas. Tumawa sila, tila malayo kami sa lugar kung saan maraming tao dahil nagagawa nilang tumawa ng gano'n kalakas. Nagulat ako nang biglang may humila sa buhok ko at kinaladkad ako ng malayo.
Tumama ang aking likod sa mga maliliit na bato at piraso ng kahoy sa lupa. Ramdam ko ang maputik na kalupaan, senyales na malapit kami sa ilog o lawa. "Kung pumayag ka na lang kasi magbigay aliw kay Don Severino, makakaranas ka pa sana ng marangyang buhay" bulong ng isang lalaki sa tenga ko saka ako hinila patayo at itinulak muli. "Ngunit isa ka pa lang mangkukulam. Higit na kinasusuklaman namin ang mga mambabarang"
Tumama ang aking siko at tuhod sa matigas na kahoy. Tinanggal nila ang nakapiring sa aking mga mata. Nasa bangka na kami ngayon habang tinatahak ang isang madilim at masukal na ilog. Malalim na ang gabi at walang katao-tao sa paligid. May hawak na sulo ng apoy ang isang lalaki sa bangka, nagsasagwan naman ang isa. Nakatayo ang kalbong bungal na pinuno nila sa unahan ng bangka at ngumunguya ng nganga.
Naiwan naman sa pampang ang iba nilang kasamahan. Binabantayan nito ang kariton at ang mga kalesa. Tumayo na ang kalbong pinuno at lumapit sa akin, idinura niya pa sa ilog ang nginguyang dahon.
"Ito na lang ang huling kabutihang magagawa namin para sa iyo" wika nito saka hinila nila ako patayo. Nanginginig ang aking buong katawan sa takot, hindi ako makagalaw at hindi ako makahinga ng maayos. "Tunghayan mo ang mundo bago mo harapin si kamatayan. Adios!" patuloy niya saka itinulak ako ng malakas papunta sa ilog.
Buong lakas akong kumakawala sa lubid habang dahan-dahang hinihila ng tubig pailalim. Hindi ko maikumpas ang aking mga kamay at paa para makalangoy pataas dahil sa higpit ng pagkakatali sa akin. Dahan-dahan kong nakikita ang papalayong liwanag mula sa bangka. Malabo sa aking paningin ngunit malinaw sa aking isipan na malayo na sila.
Hanggang sa nawalan na ako ng lakas. Hindi ko na maigalaw ang aking mga kamay at paa. Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan ko ang natitirang butil ng liwanag mula sa ibabaw. Masyado na akong malayo upang maabot ko iyon. Hindi ko na kayang gumalaw pa at tuluyan nang naghari ang malamig na tubig sa aking buong kalamnan.
Ngunit baago ko ipikit nang tuluyan ang aking mga mata. Natanaw ko ang isang lalaki na lumundag sa ilog dahilan upang muling mayanig ang katubigan. Lumalangoy siya ngayon papalapit sa akin, lumalangoy ng buong pwersa pababa upang mahawakan ang dulo ng aking kamay.
*********************
#Salamisim
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top