Kabanata 11

[Chapter 11]

MALAKAS na busina mula sa mga nagdaraang sasakyan ang umalingangaw sa buong paligid. Napahawak ako sa aking ulo, nakaramdam ako ng pagkahilo. Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa tapat ng basurahan. Nababalot ng liwanag ang paligid mula sa mga ilaw ng sasakyan, poste at Post office building.

Dumulas ang bag ko sa aking balikat at bumagsak ito sa sahig, agad kong dinampot iyon at nagsimulang humakbang pabalik sa abangan ng bus.

Naroon din ang iilang mga tao na nag-aabang din ng huling byahe. Napatigil ako nang biglang may motorsiklo na huminto sa tapat ko, "Ngayon ka pa lang uuwi?" tanong niya saka hinubad ang suot nitong helmet.

Hindi ko masyado maaninag ang mukha niya dahil parang nanlalabo pa ang aking paningin at tila umiikot ang paligid. "Faye, okay ka lang?" ulit nito saka hinawakan ang braso ko dahilan upang matauhan ako sa mga nangyayari. "Oo, nahihilo lang ako ng kaunti" tugon ko, napatingin siya sa kalsada.

"May bus pa bang dadaan?" tumango ako sa tanong niya kahit hindi ko sigurado kung nakaalis na ang huling byahe ng bus.

"Halika, sabay ka na sa'kin" inabot niya ang isang helmet, kinuha ko na iyon saka isinuot sa aking ulo. Mukhang wala na akong masasakyan, magkaibigan naman kami ni Mike kaya hindi na dapat ako tumanggi pa.

"SIGURADO ka bang okay ka lang talaga?" tanong ni Mike saka inalapag ang dalawang mainit na bulalo flavor cup noodles sa mesa. Tumigil muna kami sa isang convenience store, nakaharap kami ngayon sa glass window kung saan nakikita namin ang patuloy na pagdaan ng mga sasakyan sa kalsada.

"Sumakit lang 'yung ulo ko, pero uminom na ko kanina ng gamot sa byahe" hinalo na niya ang cup noodles. Napatitig lang ako sa mainit na pagkaing iyon na nasa harapan ko.

"Namumutla ka kasi, hindi ka na dapat nag-oovertime. May pasok pa tayo bukas" saad niya saka tinikman ang noodles pero napakunot ang mukha niya dahil mainit pa ito, mukhang napaso ang kaniyang dila.

"Lipat ka na lang sa department namin. Mababait boss namin at walang masungit sa team. Para kasing lagit sa mundo 'yung boss niyo e" tawa niya, napangiti na lang ako sa sinabi niya. Alam kong sinubukan niya akong patawanin para gumaan ang pakiramdam ko.

"Hindi ako IT, baka masira ko lang lahat ng system at PC sa office. Adik ka talaga" natawa siya sa sinabi ko saka muling napa-aray dahil mainit pa ang noodles.

"Baka naman overfatigue ka na rin lalo na sa pagsusulat" wika niya, saka napalingon sa akin. Tiningnan niya ang binili niyang cup noodles na nasa tapat ko, hindi ko pa ito nagagalaw. "Ayaw mo ba?" natauhan ako, hindi ko alam kung bakit ako natutulala ng ganito.

"Ha? Ah, gusto ko" saad ko saka kinuha ang plastic fork at hinalo iyon. "Mainit pa kasi" patuloy ko, sinubukan kong tikman pero napaso din ang dila ko dahilan upang tumawa siya.

"Ano nga ulit 'yung sinasabi mo kanina?" tanong ko, sumandal siya sa silya saka binuksan ang bottled water at uminom.

"Baka napapagod ka na magsulat" tiningnan ko siya pero ngumiti lang siya.

"Oo nakakapagod magsulat pero alam mo 'yung pagod na masaya ka pa rin. Nakakapagod pero hindi nakakasawa" tumango-tango siya sa sinabi ko.

"Inumpisahan ko na basahin 'yung story mo, nasa chapter six na ko" ngiti niya, napatingin ako sa kaniya.

"Niloloko mo na naman ako. Loko ka talaga" nagpatuloy ako sa pagkain, tumawa lang siya. Alam ko namang hindi siya mahilig magbasa. Palagi pa siyang humihingi ng libro sa'kin pero hindi naman niya binabasa.

"Oo nga! Totoo na 'to promise. Nandoon na ko sa part na engaged na sina Sebastian at Maria Florencita" ngisi niya saka humigop ng sabaw. "Paano ka nagkaroon ng libro? Hindi naman kita binigyan"

"Hiniram ko sa pamangkin ko, reader mo siya. Ayaw nga niya sa'kin maniwala na katrabaho kita e, na palagi kang tumatae sa office" halakhak niya dahilan upang mapatingin sa amin ang cashier. Kaming dalawa lang ang customer ngayon dahil mag-hahatinggabi na.

"Lasing ka ba? Hindi ka pwede mag-drive ng lasing, inangkas mo pa ko tsk" reklamo ko pero tumawa lang siya. "Ang judgemental mo talaga. Hindi ako lasing, bakit naman ako mag-lalasing e may pasok pa bukas. Friday ba ngayon?" depensa niya habang nakangisi.

Nakatingin lang ako sa kaniya dahilan para mas lalo niyang maramdaman na hindi ako naniniwala sa sinasabi niya, tumawa lang siya "Oo nga hindi ako lasing, amuyin mo pa ako" tinaas niya ang kamay niya para ipaamoy sa'kin ang kili-kili niya dahilan para itulak ko siya ng marahan palayo.

"Ang dugyot mo talaga" reklamo ko saka inusog ko ang aking upuan ng kaunti papalayo.

"Hindi nga seryoso. Hindi ako lasing. Galing ako kay lola sa Quiapo. Birthday niya ngayon kaya nag-date kami" ngiti niya, tumango-tango na lang ako. Ilang sandali pa, tumunog ang phone ko, agad kong kinuha iyon sa bag. Tumatawag ang kapatid ko.

Nagtataka kong tiningnan ang aking phone, basag ang screen nito. "Hindi mo ba sasagutin?" tanong ni Mike, napatingin ako sa kaniya.

"Hindi ko alam bakit basag 'to?" saad ko, kinuha niya ang phone ko at tiningnan iyon ng mabuti.

"Hindi mo ba 'to nabagsak?"

"Ah, nabitawan ko kanina 'yung bag ko"

"Nasa loob 'tong phone mo?" tumango ako sa tanong niya. "Baka ito nga 'yung diretsong tumama sa sahig" patuloy niya, nawala ang tawag ngunit nanatili pa rin akong nakatitig sa phone ko, hindi ko malaman kung bakit nabasag ang screen nito nito.

KINABUKASAN, hindi ako nakapasok sa office. Maaga akong nag-text sa supervisor at kay Quin na hindi ako makakapasok ngayon. Tanghali na nang magising ako, naabutan ko si mama na nagluluto para sa tanghalian. "Okay na ba pakiramdam mo?" tanong niya saka inilapag ang kanin mesa.

Kumuha ako ng tubig sa ref at ininom iyon. Mabigat pa rin ang ulo ko pero kumpara kahapon ay mas okay na ako ngayon. Lumapit sa'kin si mama saka hinawakan ang noo at leeg ko, "Wala ka namang lagnat. Nasobrahan ka siguro sa trabaho sa office niyo, gamitin mo na ang vacation leave mo para makapagpahinga ka" umupo ako silya saka nagsimulang kumain. Inihain na ni mama ang tinolang manok at sabay kami kumain.

Alas-dos na ng hapon, nakaupo ako sa sofa at nanonood ng TV pero lumilipad ang utak ko kahit pa nagkakasiyahan ang lahat sa noontime show. Pakiramdam ko ay may dapat akong maalala pero kahit anong gawin ko ay hindi ko pa rin maalala kung ano iyon.

Nag-online na lang ako at nagbasa ng mga feedback sa nobela kong Salamisim. Parang mas lalong bumigat ang pakiramdam ko nang makita na mababa ang rating nito sa mga online reviews. Nagbasa ako ng mga comment.

Okay naman 'yung story kaya lang masyadong mabagal ang progress. Palagi pang natatalo ng mga guardia ang mga rebelde. Ito 'yung story na mukhang kontrabida ata ang maghahari sa kwento.

So far, it's a good book. However, hindi lang makatarungan ang ending. Dapat mas maparusahan ng mabigat ang mga antagonists. Unfair sa part ni Lorenzo at ng mga rebelde.

I can't feel any love between Lorenzo and Maria Florencita. It seems like love at first sight like wow, 'yun na 'yon? Even with General Sebastian, he's not madly inlove sa female lead. Dapat may deeper cause kaya mo ipaglalaban ang pag-ibig mo sa isang tao. Sebastian that general fought for his love nang dahil lang sa magkababata sila and engaged sila. It's too shallow for me, sorry.

Napatigil ako sa pagbabasa ng comments nang biglang tumawag ang editor ko. "Faye, are you free right now? Can you come here sa office?" saad niya mula sa kabilang linya. Agad naman akong nagbihis at nagtungo sa publishing company.

"HEY, how are you?" bati sa'kin ni Ms. Crystal, siya ang editor ko. Dalaga, mabait at mestiza at maganda. Sinalubong niya ako sa lobby at ngayon ay papunta na kami sa conference room.

"Ms. Crystal, ngayon na po ba ang pitching?" nasa loob na kami ng elevator. Pinindot na niya ang 18th floor.

"No, actually, it was postponed" tugon niya, mataas ang suot niyang heels at matingkad ang bagong kulay niyang buhok na kulay pink. Hindi ako nakapagsalita sa sinabi niya, sa Thursday na dapat ang meeting para sa pitching ng nobela ko sa mga producers at directors.

Dumami ang pumasok sa loob ng elevator kung kaya't hindi na namin muna pinag-usapan ang tungkol sa meeting. Tinanong ako ni Ms. Crystal tungkol sa work at love life. Masaya siyang kakwentuhan. "Finally, we're here" ngiti niya, lumabas na kami sa elevator. Pagpasok pa lang ay tulad sa office namin na sobrang busy din.

Kaliwa't kanang phone calls, mabibilis na pagtipa sa keyboard at mga employee na nagmamadaling ihatid ang papeles sa office ng boss nila. Naglakad pa kami ng mahaba hanggang sa marating namin ang conference room. May mahabang mesa sa loob at mga swivel chair na halos dalawampu ang bilang. Dito nag-memeeting ang mga executives.

"Sorry, wala na kasi kaming available na meeting room today kaya dito tuloy tayo" ngiti niya, sinundan ko lang siya hanggang sa makarating kami sa unahan kung saan naroon ang malaking projector screen. Nakapatay lang ito. "Please be seated, Faye" wika niya, umupo ako sa tapat. Nasa pagitan namin ang mesa.

May kinuha siyang makapal na folder sa gilid at isa-isang inilabas ang mga papel doon. Dumating ang isang babae at inilapag nito ang dalawang tasa ng kape. Nagpasalamat naman kami sa kaniya.

"Actually, kanina lang namin natanggap 'to galing sa producers na i-memeet sana natin sa Thursday. They're done reading your story Salamisim. And here's their feedback" wika niya saka inilapit sa akin ang makapal na papel. Naka-print out ang novel.

Puno ito ng yellow highlight at red marks. Marami ring note na nakasulat sa gilid. Mga tanong, clarifications, suggestions at comments. Napatingin ako kay Ms. Crystal, ramdam ko na hindi rin siya komportable na ipakita sa akin iyon.

"You know naman, sila ang unang nag-approach sa'tin to create a film based on your story. However, after nila mabasa, ito yung insights nila" napakagat ako sa aking ibabang labi. Alam ko naman na bahagi ng buhay ng isang writer ang makatanggap ng mga kritisismo.

Naniniwala ako na ang mga kritisismo ay makakatulong para mas lalong mag-improve ang isang manunulat. Alam ko na dapat lagi akong handa sa ganito, sa katunayan, ilang maganda at hindi kaaya-ayang kritisismo na rin ang natanggap ko mula sa pananaw ng iba't ibang tao.

Sa huli, natutunan kong tanggapin na hindi ko mapipilit ang lahat ng tao na magustuhan ang aking mga istorya dahil may kani-kaniya tayong kagustuhan.

Pero ngayon, muli na naman akong nakaramdam ng pagdududa sa aking sarili. Ang sinunggaling ko naman kung sasabihin ko na hindi ako apektado. Hindi ko kayang lokohin ang sarili ko na hindi ako nasasaktan.

Maaaring nasanay na pero nasasaktan pa rin. At kahit nasasaktan, alam ko sa aking sarili na hindi ko dapat damdamin iyon. Na dapat sa susunod babawi ako at pagbubutihin ko ang aking mga gagawin.

"Here are the common feedbacks coming from our three producers. First, mabagal ang progress ng story. Hindi nila malaman kung sincere ba si Lorenzo sa feelings niya kay Maria Florencita lalo na dahil parang love at first sight then after that wala na masyadong ganap. Also, with Sebastian, hindi rin nila makita bakit in love si Sebastian kay Maria Florencita. Wala naman silang masyadong pinagsamahan. Love at first sight pa rin ba? They think na hindi deserve ni Sebastian mamatay in the end para sa pagmamahal kay Maria Florencita na hindi naman ganoon kalalim ang love nila to each other"

Binuklat ni Ms. Crystal ang printed script at tumigil siya sa page 100. "Also, parang never daw nananalo o nakakaporma ang mga rebelde sa panig ni General Sebastian. Ang sabi ng producers, kung ganito lang din, kung laging mananalo ang mga kawal edi sana story na lang 'to ng tagumpay ng general. Hindi maganda sa story na palaging nananalo ang kontrabida. Maiinis daw ang mga readers at viewers"

Inilipat niya sa page 180. "Like I said, turn off na sila sa flow ng story kasi palaging nahihirapan ang bida at 'di man lang nakakabawi. One time lang ata sila nanalo, nung sumalakay ang grupo nila Berning without Lorenzo knowing. E, si Lorenzo ang bida, bakit wala pa siyang laban na napapanalo?" napahinga ako ng malalim. Ang bigat sa pakiramdam.

"Sa side story naman tayo, hindi rin nila nagustuhan ang story ni Niyong at Lolita. Bakit daw mataray at palaging sinusungitan ni Lolita si Niyong? Wala namang gusto si Niyong kay Lolita so bakit pa sila nagkakasama? Why not, iwasan na lang nila ang isa't isa kung they hate each other"

"Ang suggestion ng mga producers, gawin mong patay na patay si Lolita kay Niyong. Dapat may humahabol sa isa para interesting at cute. Kumabaga, Niyong will start to have feelings kay Lolita dahil hinahabol siya nito" ngiti ni Ms. Crystal, nakangiti siya most of the time para mas magaan ang pagpapaliwanag niya.

Inilagay ni Ms. Crystal ang page sa pinakadulo, "Even the ending, nabawian lang ng yaman ang mga kontrabida at na-exile. Hindi rin satisfied ang mga producers sa ending, namatay lang si Sebastian sa selda. Ang suggestion nila ay dapat ma-garrote sina Sebastian, Don Antonio at ang iba pang opisyal" napatingin ako kay Ms. Crystal, hindi ko rin mapaliwanag sa kaniya kung bakit biglang naging ganoon ang takbo ng kwento.

Kung ako ang tatanungin, pakiramdam ko ay ang babaw din ng pagkakasulat ko ng Salamisim. Wala ba ako sa sarili nang isulat ko ito? Sa totoo lang, napapatango rin ako dahil hindi nga maganda ang kwento.

Ako ba ang nagsulat nito? Kasi kung Oo, siguradong hindi ko hahayaan na walang katarungan ang ending. Bakit exile lang ang parusa na itinakda ko sa mga kontrabida?

"Hope you understand Faye. Alam kong malaki ang pag-unawa mo. Hindi rin basta-basta magbibitiw ng pera ang mga producers. Isipin mo, milyon-milyon ang i-invest nila sa story mo para maging movie pagkatapos ay hindi naman ito magugustuhan ng mga manonood?" patuloy ni Ms. Crystal, ininom ko na lang ang kape na nasa tabi ko.

May point nga naman sila, kung ako mismo ang producer, hindi rin ako willing maglabas ng milyon sa isang story na walang kasiguraduhan na tangkilikin ng madla.

"Anyway, may another offer sayo ang mga producers. If it's okay with you, title na lang at mga characters ang gagamitin sa story mo. Then, 'yung flow ng story, scenes, lines and everything ay babaguhin" wika niya saka pinakita sa'kin ang contract.

"Tatapatin na rin kita, biglang bumagsak ang sales ng Salamisim. I don't know what happened. Pero after ng release, kumonti ang sales. Dumami rin ang negative feedbacks. Pinag-compare ko ang mga feedbacks noong unang release, yung booksigning mo last time. Napansin ko na maganda ang feebacks dati ng Salamisim at mataas ang sales. Then after a week, ngayon, wala na. Parang gumuho lahat" saad niya.

Napatitig ako sa script na puno ng highlight, comments at ekis. Bakit pakiramdam ko okay naman noon ang Salamisim pero parang nagbago ngayon? Hindi na tuloy ako sigurado sa mga nangyayari.

TULALA akong nakatingin sa coffee vending machine habang hinihintay ang kape ko. Lunch time na ngayon pero wala akong gana kumain kaya magkakape na lang ako.

"Baka sumabog 'tong vending machine sa lalim ng iniisip mo" natauhan ako nang magsalita si Mike. Nasa tabi ko na pala siya, may suot siyang hoodie. Nakasuksok ang kaniyang dalawang kamay sa bulsa nito.

"Mike" napatingin ako sa kaniya, lumapit naman siya sa vending machine saka pinindot ang kape na bibilhin niya. "Why?"

"Anong masasabi mo sa story ko?" inabot niya sa'kin ang kape ko. Tumayo ulit siya sa tabi ko habang nakatingin sa vending machine. "Alin 'dun? Ang dami mo kayang story" ngiti niya.

"Yung salamisim" saad ko, napaisip siya at napahawak sa baba niya. "Nasa chapter six pa lang ako e, 'di ako nakabasa kagabi kasi naglaro kami ng video game ng kapatid ko" tawa niya. Kinuha na rin niya ang kape niya pero nanatili lang kaming nakatayo roon.

"Sige, kahit six chapters pa lang nababasa mo. Anong honest feedback mo?" nakatingin ako sa kaniya ngayon. Gusto ko makarinig ng opinyon mula sa isang taong hindi mahilig magbasa.

Napaisip muli siya saka tumingin sa'kin, "Hindi ko masasabi na maganda... Hindi ko rin masasabi na panget. Hindi ko 'yon malalaman hangga't hindi ko pa tapos basahin isang istorya" saad niya saka ininom ang kape pero napakunot ang mukha niya dahil napaso na naman ang dila niya.

"Para kasi sa'kin, hindi okay na i-judge ko ang isang novel kung hindi ko naman natapos basahin. Dahil lang ba sa nabasa ko 'yung ilang chapters, huhusgahan ko na agad 'yung buong istorya? Paano kung may malupit na plot twist pala 'yon sa dulo? Paano kung nasa ending pala talaga 'yung moral lesson ng story. Edi napahiya ako kaka-kuda na ang panget ng istoryang iyon, ang bobo ko naman pag 'ganon" tawa niya, naglakad siya papunta sa pantry, sumunod ako sa kaniya.

"I believe na hindi rin kita pwedeng i-judge based sa isang story mo na nabasa ko. Ang dami mo kayang nobela, iba-iba pa ang genre. Nag-iimprove ang isang writer, parang new employee lang. Syempre sa umpisa hindi ka pa magaling pero sooner or later gagaling ka rin. Nung nagumpisa ka ba dito sa company, alam mo na ba agad lahat ng gagawin dito sa office? 'diba hindi pa? Pero look at you now, kahit siguro nakapikit ka, kayang-kaya mo tapusin trabaho mo" tawa niya dahilan upang mapangiti rin ako.

"May sense ka rin pala kausap" biro ko, tumawa lang siya saka muling napaso sa hawak na kape. "At dahil diyan, aabangan ko ang libreng merienda mo sa'kin mamaya" hirit niya saka naglakad na pabalik sa office area nila.

DUMAAN ako sa isang bookstore para tumingin-tingin ng libro, bibili rin ako ng ulam namin mamaya sa dinner. Hindi ako nag-overtime ngayon, wala ring balak mag-overtime si Quin kasama ang maldita naming boss.

Maayos na nakahelera sa isang bookshelf ang mga libro ko. Nasa unahan ang Salamisim. Kinuha ko ang isa at binuklat iyon, sandali kong binasa ang ilang linya. Hindi ko maunawaan kung bakit hindi ko maalala na 'ganon ang plinano kong eksena at linya ng mga characters.

Malapit na magsara ang bookstore, nakita kong nagbibilang na ng pera ang cashier. Lumapit ang isang babae na isa sa mga staff, may dala siyang kahon. Nagulat ako nang kunin niya ang mga nobela kong Salamisim at inilagay iyon sa kahon.

"Wait, Miss, bakit niyo po nililigpit?" napatingin sa'kin ang babae, "I-pupull out na po 'to, ibabalik na namin sa publishing" tugon niya saka nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.

"Ha? Bakit? Wala naman pong damage 'yung mga libro" saad ko, napatingin muli siya sa'kin. Mukhang pagod na siya sa trabaho at wala ng gana magsalita.

"Mababa po kasi ang sales ng librong 'to, may paparating kaming delivery ng mga bagong libro na ipapalit namin dito" sagot niya saka kinuha ang kahon at dinala ito sa stockroom.

Para akong isang ina na inilayo sa kaniyang mga anak. Kinuha na nila ang lahat ng libro at wala na silang balak ibalik iyon sa pinaglalagyan nito. Hindi ko matanggap na ganoon ang sinapit ng Salamisim.

PAGKAUWI ko ng bahay, agad akong dumiretso sa kwarto at binuksan ang laptop. Kinuha ko rin sa drawer ang script na puno ng mga highlight at comments mula sa producers. Kailangan kong iligtas ang istorya ko. Kailangan kong gumawa ng paraan para tanggapin ulit ito ng mga tao.

Buong gabi ako nagsulat, ilang kape ang ininom ko. Hindi ako nakaramdam ng antok o pagod buong gabi dahil tutok na tutok ako sa pagsusulat. Agad kong binago ang karamihan sa istorya, sinunod ko ang mga suggestions ng producers. Kung ako ang tatanungin, ganito rin ang gusto kong mangyari sa istorya. Ang mga bida dapat ang magtatagumpay sa huli, bitter-sweet man ang kahihinatnan ng pagmamahalan nina Lorenzo at Maria Florencita pero dapat mabigyan ng hustisya ang lahat. Dapat harapin ng lahat ng kontrabida ang karumal-dumal na kamatayan.

Umaga na nang matapos ko baguhin ang ilan sa mga eksena at takbo ng kwento. Tumunog na rin ang aking alarm, senyales na babangon na dapat ako para maghanda sa pagpasok sa trabaho. Binuksan ko na ang email, ipapadala ko na ito sa aking editor. Umaasa na magustuhan niya at magustuhan din ng mga producers.

Tumawag din sa'kin kagabi si Ms. Crystal, sinabi niya na na-pull out nga raw ang Salamisim sa mga bookstores dahil sobrang baba ng sales nito. Marami pang paparating na bagong libro kaya kinailangang gawin iyon.

Sinabi rin niya na hindi na sila mag-rereprint ng Salamisim dahil hindi rin maganda ang feebacks. Tinanong ko siya kung pwede kong i-edit ulit ang Salamisim at kapag nagustuhan niya baka pwedeng i-print ito ulit. Pumayag naman siya at ang head ng publishing company. Kaya ngayon buong pagsisikap kong inayos ang Salamisim.

Pinatay ko na ang alarm, pinatay ko na ang laptop at iniligpit ang aking mga gamit. Binuksan ko ang drawer para ibalik doon ang script ngunit napatigil ako nang makita ko ang isang papel kung saan doon ko drinawing ang isang lalaking heneral.

Hindi ko alam kung bakit ko iginuhit iyon. Wala rin akong ideya kung sino siya. Pero pakiramdam ko ay kilala ko ang lalaking iyon sa larawan.

"IT was great! Seryoso ka ba na overnight mo lang inedit lahat?" ramdam ko ang saya ni Ms. Crystal mula sa kabilang linya, nasa coffee shop ako ngayon kasama si Pia. Kakatapos lang ng trabaho ko sa office at tumambay muna kaming dalawa dito.

"Actually, sinend ko na agad kanina sa mga producers, wala pa silang feedback ngayon baka binabasa pa lang nila. Pero so far, nagustuhan ko. Ang daming scenes involved ang dalawang bida. Gano'n dapat kasi para magka-developan sila. Also, kay Sebastian, maganda rin na maraming scenes sila ni Maria Florencita, kaya feel na feel ko na mahal na mahal niya talaga ang ating bida" napangiti ako sa sinabi niya, tumayo na si Pia para kunin ang order naming frappe.

Nasa tabi kami ng bintana ng coffee shop. Nakabukas ang laptop ko para handa ako kung may gustong ipabago si Ms. Crystal. "Kinikilig din ako kay Niyong and Lolita. Crush na crush talaga ni Lolita si Niyong. Sana marealize na 'yon ni Niyong" tawa niya, umupo na si Pia saka inilapag sa tabi ko ang aking frappe. Busy rin siya dahil kausap niya ang kaniyang boyfriend sa videocall.

"Siguradong matutuwa rin ang mga producers dahil nananalo na ang mga rebelde. Kahit hindi naman sila palaging panalo pero dapat nagbubunga ang hirap nila. And most of all, nagustuhan ko rin ang ending" kinabahan ako, para sa akin ang pinakamahalagang part ng story ay ang ending.

"Although sad pero tama lang na pagbayaran ng pamilya Guerrero at ng mga kasabwat nilang opisyal ang lahat ng kasamaan nila. By the way, tatawag ako later, balitaan kita sa feeback ng mga producers. Sana matuloy na ang movie pitching after this" wika niya saka tumawa sandali at naputol na ang linya.

Inilapag ko na ang phone sa mesa saka muling ibinalik ang aking paningin sa laptop. Napabuntong hininga na lang ako, hindi ko alam kung masaya ba ako o malungkot dahil sa magandang feedback ni Ms. Crystal.

"Ano raw balita?" natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Pia, inilapag na rin niya ang phone niya sa mesa. Napahinga muli ako ng malalim, "Okay naman daw, nagustuhan nila" tugon ko, ininom ni Pia ang kaniyang frappe. "Oh, bakit nakasimangot ka pa rin?"

"Hindi ko alam, para kasing hindi ako satisfied sa ending" napatingin ako sa katabi naming bintana, nagsimulang umambon. May nakatayong couple sa labas, binuksan ng lalaki ang payong at pinayungan niya ang babae saka sila naglakad patawid sa kalsada.

"Bakit? Ano na bang bagong ending ng Salamisim?" tanong ni Pia, napatingin ako sa laptop, napatitig ako sa cursor na nag-biblink katabi ng salitang Wakas.

"Nahatulan ng kamatayan ang pamilya Guerrero at ang iba pang opisyal" tugon ko, tumango-tango si Pia. "Paanong kamatayan? 'Yung namatay si Sebastian sa selda?"

Umiling ako, "Hindi. Binago ko na 'yon. Mamamatay na siya sa harap ng maraming tao. Ma-gagarrote sila ni Don Antonio" hindi naman nagulat si Pia, sumang-ayon pa siya sa nangyari. "Parang gusto ko baguhin ulit. Parang hindi tama"

"Paanong hindi tama?" tanong niya, hindi ako nakapagsalita ng ilang segundo. Napabuntong-hininga na lang ulit ako.

"Naaawa kasi ako" tugon ko, nagtaka naman ang hitsura ni Pia. "Kanino?"

"Kay Sebastian" tiningnan niya ako na parang sinisiguro niya kung seryoso ba ako sa sinabi ko.

"Naaawa ka kay Sebastian? Eh, ang dami niyang pinapatay sa kwento diba. Ang dami niya ring pinahirapang bilangggo. Nasasakal din si Maria Florencita sa pagiging mahigpit niya. Anong nakakaawa 'don?" wika niya sabay inom ng frappe.

"Besides, dapat may hustisya talaga sa kwento. Kailangan harapin ng mga kontrabida ang karma nila. Kung naaawa ka sa kaniya, naawa ba ang character niya sa lahat ng taong pinahirapan niya at pinapatay? Dapat lang siyang mamatay sa ending" saad ni Pia, naiintindihan ko naman siya. Madalas siyang madala sa kwento at teleserye na pinapanood niya. Palagi niyang sinusumpa at binabash sa social media ang mga kontrabidang characters dahil pinapahirapan nito ang mga bida sa kwento.

Napabuntong-hininga na lang ako muli, bakit pakiramdam ko parang may mali? Parang mali na maging malupit ako sa mga kontrabida.

ARAW ng sabado, naimbitahan ako sa opening ng isang book collection museum sa Intramuros. Kasama ang buong publishing team at ang iba pang mga authors. Naroon ang old collection ng mga libro, paintings at antigong kagamitan.

Tanghali nagsimula ang formal opening party. Formal long dress ang suot ng mga kababaihan, formal suit and tie naman sa mga lalaki. Pagkatapos ng opening pictorial ay malaya na kaming makakalibot sa buong museum.

Old building ito na matagal ng nakatayo sa loob ng Intramuros. Ang sabi nila, dating hukuman daw ito na naging opisina ng iba't ibang opisyal, kampo ng mga sundalong amerikano at hapon at ngayon ay naging museum.

Red long gown ang suot ko na may mahabang slit sa gilid. Off shoulder ito na long sleeve. May silver lining din ito sa baywang. Nakapusod ang buhok ko na nilagyan ni Pia ng silver payneta. Suot ko rin ang silver necklace at earings na pinaka-iingatan ni mama.

Dahan-dahan lang ang bawat paghakbang ko dahil hindi ako sanay sa suot kong silver shoes na mataas ang heels. Nakatayo ako sa isang old painting ng isang anghel nang may tumapat na wine glass sa akin. "Congratulations, Faye" ngiti ni Ms. Crystal, napangiti ako sabay kuha ng inaabot niyang red wine.

"It all went well. Nagustuhan ng producers ang edited version ng Salamisim. Nag-set na agad sila ng meeting for us. No need to pitch na daw kasi they will definitely make it a movie!" ngiti niya, napatigil ako sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na magiging ganoon kabilis ang lahat.

"Our executive producer, Mr. Roman said that he really likes the ending. Gusto ka na nga niya ma-meet. Na-imagine na rin niya ang lalabas sa screen. He wants a dramatic scene sa pag-garrote kay Sebastian at sa iba. He's thinking if we can change it to firing squad" hindi ako nakapagsalita sa gulat, si Mr. Roman ang kilalang veteran actor na successful producer na ngayon. Halos lahat ng movie na pinoproduce niya ay nagiging blockbuster.

"Also, we're planning na i-publish ang new version ng Salamisim. Mapapansin ng mga readers na mas kaabang-abang ito, mas cruel, bloody, more action at may justice talaga sa huli" itinaas niya ang hawak niyang wine glass saka ininom iyon.

Magssalita pa sana si Ms. Crystal pero may lumapit na isang katrabaho niya, pinapatawag siya ng manager nito dahil ipapakilala siya sa isang producer. Hinawakan ni Ms. Crystal ang balikat ko, "Anyway, congrats again Faye and cheers for more stories to come" ngiti niya, tumango ako saka sinundan siya ng tingin hanggang sa makarating siya sa grupo ng mga producers.

Napahinga na lang ako ng malalim saka diretso kong ininom ang wine at inilapag sa isang mesa. Ibinalik ko na muli ang tingin ko sa painting ng isang anghel. Gusto ko ng umuwi, hindi ko alam kung bakit parang bumigat lalo ang pakiramdam ko. Hindi ba dapat masaya ako ngayon kasi naayos ko na lahat ang tungkol sa Salamisim?

Naglakad na ako papunta sa isang hallway, pilit kong tinatandaan ang daan palabas. Abala ang mga bisita sa pakikipagkwentuhan sa iba, pare-pareho nilang pinag-uusapan kung anong mga simbolo at mga lihim na kahulugan ng mga painting na nakasabit sa dingding.

Unti-unti akong nakaramdam ng pagkahilo, hindi ko maintindihan kung bakit pero imposibleng dahil iyon sa alak na ininom ko. Hindi naman gano'n kabilis dapat ang epekto nito. Nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad, humawak ako sa pader upang hindi ako matumba. Nabangga ko pa ang isang babae na nakatalikod "I-I'm sorry" wika ko, buti na lang dahil hindi naman siya nagalit.

Napahawak na ako sa aking noo, iniwan ko pa naman ang phone ko sa loob ng kotse. Napatigil ako nang mapansin ko ang isang malaking helera ng bookshelves sa gilid. Nasa loob nito ang mga lumang koleksyon ng libro. May makapal na salamin na nakaharang sa mga libro dahil sa kalumaan nito.

Napakurap ako nang mapansin ko ang isang libro na nakabuklat sa loob. Humakbang ako papalapit doon upang tingnan iyon nang mas mabuti. Hindi ako sigurado kung namamalik-mata lang ba ako dahil natatanggal ang mga pahina nito.

Walang sulat ang mga lumang papel pero patuloy pa rin itong kumakalas sa loob ng libro. Nagsimula ring mapundi ang ilaw sa loob ng museo. Napatingala ako sa chandelier at mga antigong ilaw sa kisame. Patay-sindi na ito ngayon pero parang hindi naman napapansin ng ibang mga bisita.

Ipinikit ko na lang ang aking mga mata at napailing sa aking sarili. Siguradong dulot lang ito ng alak. Hindi na dapat ako uminom. Hindi pa naman ako sanay uminom. Iminulat ko na ang aking mga mata at nagpatuloy sa paglalakad sa mahabang hallway. Gawa sa kahoy ang sahig kung kaya't maingay ang aking bawat paghakbang.

Malapit ko na marating ang pinto sa dulo kung saan kami pumasok kanina ngunit napatigil ako nang biglang lumabas sa isang pinto. Isang matandang lalaki na puti na ang buhok at balbas. Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa, nakasuot siya ng damit pang-prayle na tulad ng mga suot sa panahon ng Kastila.

May hawak siyang lampara, napatingin ako sa pamilyar na lampara na iyon at sa pagkakataong iyon ay naalala ko na nakita ko na iyon ng ilang beses.

Sunod-sunod na lumitaw sa aking alaala ang lahat, sa selda nang kausapin ako ni Sebastian, sa madilim na daan pauwi nang sabihin ni Sebastian na nanaginip siya.

"P-padre Emmanuel?" halos walang kurap akong nakatingin sa kaniya, napatakip pa ako sa aking bibig dahil sa gulat. "Hindi dito ang daan palabas" wika niya, biglang namatay ang sindi ng lampara. Kasabay nito ay namatay din ang ilaw sa buong paligid at naghari ang kadilim.

Muling bumukas ang ilaw, nagulat ako nang makita na wala na si Padre Emmanuel sa aking harapan. Naiwan ang lamparang hawak niya kanina, nakapatong ito sa isang maliit na mesa sa tabi ng pinto. Inilibot ko ang aking mga mata, wala ng katao-tao sa loob ng museo. Hindi kaya nasa loob ako muli mismo ng kwentong ito?

Agad akong naglakad pabalik, hindi ako makalakad nang maayos dahil sa suot kong long dress na hapit sa aking katawan at may mahaba itong slit sa gilid. Napatigil ako nang marinig ko ang mahihinang boses mula sa loob ng isang malaking pintuan na dalawa ang pinto.

Nasa pinaka-gitna ito, hindi kami nakapasok dito kanina para sa pictorial dahil hindi pa raw tapos i-renovate iyon ayon sa may-ari ng museum. Idinikit ko ang aking tenga sa malaking pinto na iyon, may mga tao sa loob.

Huminga ako ng malalim saka hinawakan ang pinto at buong tapang na binuksan ng kaunti ngunit dahil sa mabigat ito ay dire-diretso itong bumukas dahilan upang mapatingin sa akin ang lahat ng tao sa loob ng silid na iyon.

Seryosong nakatingin sa akin ang lahat, maging ang punong hukom na nakaupo sa gitna ay nakatingin din sa akin. Nasa loob ako ng hukuman!

"P-pasensiya na..." wika ko, aalis na lang dapat ako ngunit napatigil ako nang makita ko kung sino ang nililiitis ngayon sa hukuman. Nakaluhod siya sa harap, nakatali ang kaniyang kamay sa likuran at may espadang nakatutok sa kaniyang leeg na hawak ng isang heneral.

Maging siya ay gulat ding nakatingin sa akin. Hindi ako makapaniwala na nandito na muli ako sa loob ng Salamisim at nasa ika labing-limang kabanata na agad kami!

*************************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top