Kabanata 10

[Chapter 10]

"KUMUSTA ang iyong anak? Kailan siya babalik dito?" panimula ni Don Antonio nang buksan niya ang pinto sa kaniyang opisina. May maliit na uwang ang aparador dahilan upang makita ko ang kanilang pagpasok. Nakasunod sa kaniya si Don Severino.

"Ayon sa kaniyang liham, marahil ay sa katapusan dadaong ang barko" tugon nito sabay hithit ng tobacco. Naupo si Don Antonio sa kaniyang silya at inimbatahang maupo ang kaibigang Don. Ang anak ni Don Severino ay si Roberto na isa ring Heneral. Natauhan ako nang mapatikhim ng mahina si Sebastian. Hindi ko namalayan na hindi na pala siya makahinga ng maayos dahil sa higpit ng pagkakayakap ko sa kaniya.

Gulat ko siyang nabitawan pero bigla siyang nawalan ng balanse kaya mabilis ko siyang niyakap ulit dahilan upang kumalabog ng kaunti ang aparador na pinagtataguan namin. Nakita kong napalingon sa aparador ang dalawang Don. Nagkatinginan sila ngunit biglang lumundag mula sa itaas ng aparador ang pusang alaga ni Don Antonio kung kaya't nagtawanan na lang sila.

"Ano ba ang ibig mong sabihin sa'kin na hindi dapat marinig ng iba?" tanong ni Don Antonio kay Don Severino, nababalot na ng usok ang buong opisina dahil sa sabay nilang paghithit ng tobacco.

Tumawa muna si Don Severnio bago magsalita, "Ibig ko lang sana iparating sa iyo ang tungkol sa mga hakbang ni Sebastian. Bilang isang ama, aking hinihiling na kausapin mo ang iyong anak"

"Anong ibig mo sabihin?"

Tumawa muli si Don Severino saka ibinuga ang usok, "Hindi lingid sa iyong kaalaman na nagkaroon nang hindi magandang pagkakaunawaan sa pagitan naming dalawa nang kampihan niya ang isang serbidora. Sa totoo lang, wala naman akong pakialam kung sino ang paburan niya ngunit ang akin lamang, hindi ko matanggap na nagawa niya akong ipahiya at lapastanganin ang aking reputasyon sa harap ng madla. Inaanak ko pa naman siya" wika nito, dahan-dahan akong napatingala kay Sebastian. Nakatitig lang ito sa dingding ng aparador at pinapakinggang mabuti ang sumbong ni Don Severino.

Napahinga nang malalim si Don Antonio saka inilapag ang kaniyang tobacco, "Huwag kang mag-alala amigo, aking kakausapin ang aking anak" napangiti si Don Severino dahil mukhang pumanig sa kaniya ang kaibigan.

"Pakisabi rin na palayain na niya ang aking mga tauhan. Hindi nakabubuti sa ating alyansa ang pagbihag niya sa aking mga tao. Batid mo naman ang ibig kong mangyari hindi ba amigo?" ngisi muli ni Don Severino, sandaling napatitig sa kaniya si Don Antonio na 'di kalaunan ay nakisabay na rin ito sa pagtawa.

Tumayo na si Don Severino na sinabayan din ni Don Antonio, sabay silang naglakad papalabas sa opisina ngunit bago nito buksan ang pinto ay muling napalingon si Don Severino, "Siya nga pala, kung maaari ay kausapin mo rin si Don Florencio ukol sa kaniyang serbidora" ngisi nito, nanlaki ang aking mga mata sa aking narinig. Ako ba ang tinutukoy niya?

"Sinong serbidora?" nagtatakang tanong ni Don Antonio, tumawa muli ng malakas si Don Severino sabay tapik sa balikat ng kaibigan. "Ang babaeng kinampihan ni Sebastian" napatango na lang si Don Antonio at muling naghari ang kanilang tawanan papalabas sa opisina.

Nang masiguro na naming nakalayo na sila, dahan-dahan kong binitawan si Sebastian. Maingat din siyang bumaba sa aparador paatras at nang makababa siya, hindi niya alam kung dapat ba niyang ilahad ang kaniyang palad sa tapat ko o kung bubuhatin niya rin ba ako tulad kanina. Sa huli, pinili na lang niyang ilahad ang palad niya para alalayan akong bumaba sa mataas na aparador.

Agad sumilip si Sebastian sa pinto, "Kailangan mo nang makalabas dito. Ipapahatid kita kay Niyong" wika niya saka isinarado ang pinto at lumingon sa akin. Ngayon ko lang napansin na pinagpapawisan siya, hindi naman gano'n kainit sa loob ng aparador kanina.

"A-ayos lang. Kaya ko namang umuwi. Kasama ko naman sila Lolita" naglakad si Sebastian papunta sa isang mesa at may kinuha ito sa drawer saka lumapit muli sa akin. Ipinatong niya sa aking ulo ang isang manipis na kumot na kulay itim.

"Ipapatawag ko si Niyong, sa likod ng kusina kayo dumaan" saad niya, magsasalita pa sana ako pero binuksan na niya ang pinto at tumango sa akin na sumunod ako sa kaniya papalabas "Dumito ka lang" bilin niya saka mabilis na bumaba sa hagdan.

Napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso. Hindi ko alam kung bakit ang lakas ng kabog nito. Siguro dahil kinakabahan ako ngayon na baka may makakita sa akin dito, bukod doon ay hindi rin mawala sa isipan ko ang sinabi ni Don Severino kanina.

Ilang sandali pa, narinig ko ang tatlong katok sa pinto. Agad akong lumapit doon at binuksan iyon, tumambad sa harapan ko si Niyong. "Binibini, ipinadala ako ni Señor Sebastian"

"Nasaan siya?"

"Kailangan niya pong samahan sina Don Florencio at Señorita Maria Florencita sa hapag. Kanina pa po siya hinahanap"

Napakagat ako sa aking ibabang labi. Kailangan kong makausap si Sebastian upang malaman kung ano ba ang balak niya sa mga tauhan ni Don Severino. Gustuhin ko mang maparusahan silang lahat pero hindi pwede dahil magugulo lang ang mga kwento.

Nakalabas agad kami ni Niyong sa mansion, mas lalong dumami ang bisita sa loob kung kaya't walang nakapansin sa amin. Maging sa kusina na nababalot ng usok mula sa pugon ay wala ring nag-abala pa na tanungin kung sino kami.

Nang makabalik ako sa labas kung saan nakapila ang mga ordinaryong mamamayan para sa pagkaing nakahelera sa mahabang mesa. Naabutan ko sina Aling Pacing at Aling Lucia kasama ang iba pang mga nanay na nagsasayawan sa indak ng musika. Hinahanap ko si Lolita, nasumupungan ko siya sa isang sulok, mag-isang kumakain.

"Lolita!" tawag ko, napatayo siya habang hawak ang piraso ng mansanas. "Ate Tanya, saan ka nagtungo? Bigla kang naglaho kanina" napatingin siya sa kasama ko, nawala ang kaniyang ngiti nang makita si Niyong.

"Ah, may inasikaso lang ako" tugon ko, agad akong kumapit kay Lolita. Kailangan na naming makaalis dito baka makasalubong ko pa si Don Severino sa daan. "S-saan tayo pupunta ate?"

"Uuwi na tayo"

"Ngunit hindi ka pa kumakain"

"Busog pa ako"

"Paano sila inay at aling Pacing?"

"Sinabi na nila kanina na kapag gusto na nating umuwi, magpahatid lang tayo kay Mang Pedro" tugon ko, napalingon si Lolita sa likuran habang hila-hila ko siya papalabas sa lupang sinasakupan ng pamilya Guerrero. Patuloy pa rin ang pagdating ng mga tao na nakakasalubong na namin ngayon.

"Ngunit hindi natin kasama si Mang Pedro"

"Nariyan si Niyong" lumingon muli si Lolita sa likod, nakasunod nga sa amin si Niyong. Agad siyang umiwas ng tingin sa binatilyo at sumabay na sa aking lakad.

"Kung sabagay. Ibig ko na ring matulog. Kanina pa ako nababagot sa pagdiriwang" wika niya, hindi naman malayo ang panciteria mula sa mansion. Natatanaw na namin ito sa 'di kalayuan.

Napalingon ako kay Niyong at nilakihan siya ng mata. Senyales na batiin niya dapat si Lolita. Agad napatindig nang maayos si Niyong at sumabay sa aming lakad. Nasa gitna nila akong dalawa.

"M-magadang gabi, binibini" bati ni Niyong sabay hubad ng kaniyang sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib. Napataas lang ang kilay ni Lolita saka naupo muli sa silya, "Anong maganda sa gabi?" pagtataray nito, tila nagulat si Niyong sa reaksyon ni Lolita.

Agad kong sinagi si Niyong na halos maihi na sa kaba. Mukhang hindi siya sanay makipag-usap sa babae. Sabagay, ginawa ko ang character niya bilang inosente at torpeng binatilyo. Si Lolita naman ay patay na patay na sa kaniya at siyang gumagawa ng paraan para magkalapit sila.

Nilakihan ko ulit siya ng mata, sa mga ganitong sitwasyon dapat alam niya kung paano palambutin ang puso ng babae, sinenyasan ko siya kung ano ang dapat sabihin. Agad naman siyang tumango nang maitindihan niya iyon, hindi nakatingin sa amin si Lolita, diretso lang ang tingin nito sa daan.

"I-ikaw ay mas maganda pa sa gabi binibini?" wika ni Niyong, napahawak na lang ako sa aking noo, parang patanong pa ang kaniyang tono. Hindi nagsalita si Lolita, patuloy lang kaming tatlo sa paglalakad ng dahan-dahan. Nakita kong nagtaka rin ang mukha ni Lolita dahil parang hindi sigurado si Niyong sa sinabi nito.

Kailangan ko nang umeksena, mukhang sasablay si Niyong. "At dahil magkakilala na kayo, lumabas naman tayong tatlo sa susunod na linggo. Mamangka tayo sa ilog!" ngiti ko saka humarap sa kanilang dalawa, napatigil sila sa paglalakad.

Isa sa mga eksena nilang dalawa sa nobela ay mamamangka sila sa ilog at doon unti-unting mahuhulog ang loob ni Niyong kay Lolita na alam niyang may gusto sa kaniya.

Ngunit iba ang sitwasyon ngayon, ayaw na ni Lolita sa kaniya kaya hindi na ito gumagawa ng paraan para magpapansin kay Niyong. Pero umaasa pa rin ako na magiging malapit pa rin ang loob nila sa isa't isa kapag pinagpilitan ko pa ring mangyari ang mga nakatakda nilang eksena.

"Hindi ako mahilig mamangka, ate" saad ni Lolita at napahalukikip pa ito.

"May trabaho rin ho ako binibini" wika naman ni Niyong, napahinga na lang ako ng malalim saka napapamewang sa harapan nila.

"Sa linggo nga tayo pupunta sa ilog, wala ka kayang pasok sa linggo Niyong" turo ko sa kaniya, napakamot na lang siya sa kaniyang ulo. Humarap naman ako kay Lolita, "At ikaw naman Lolita, alam kong nasisiyahan ka kapag sumasakay sa bangka" napaismid na lang si Lolita, halata namang sinabi niya lang iyon para makaiwas kay Niyong.

"So, ano na? Tuloy tayo sa linggo?" ngiti ko saka nagpalipat-lipat ang aking mata sa kanilang dalawa na ngayon ay bakas sa kanilang mga mukha na hindi sila sigurado. "Isang tanong, isang sagot. Oo? o Oo?" patuloy ko, nagkatinginan silang dalawa at sabay ding napaiwas ng tingin sa isa't isa.

Naunang tumango si Niyong, wala namang nagawa si Lolita kundi ang tumango na lang din. Napapalakpak ako sa tuwa saka kumapit sa braso nilang dalawa. "Aasahan ko 'yan ha, mamamasyal tayo sa linggo!" ngiti ko sabay tawa, wala naman na silang nagawa kundi umayon sa gusto ko. Bukod sa mas nakakatanda ako sa kanila, ako rin ang author kaya ako ang masusunod.

KINABUKASAN, napahinga na lang ako nang malalim pagkababa ko ng kalesa. Napatitig ako sandali sa Fort Santiago, alas-diyes pa lang ng umaga, siguradong nandoon si Sebastian. Bitbit ang isang bilao ng pansit ay buong tapang akong naglakad papalapit sa bukana. Agad akong nakilala ng isang guardia at pinapasok sa loob.

Sinamahan ako ng guardia papunta sa tanggapan ng heneral. Nakabukas ang pinto sa opisina ni Sebastian, naabutan naming nakatayo siya sa tapat ng helera ng mga libro at may binabasa roon. "Heneral, usted tiene un visitante" (General, you have a visitor) wika ng guardia, napalingon sa amin si Sebastian. Napatingin siya sa'kin, agad kong ibinaling ang aking mata sa kisame dahil hindi ko kayang tumingin ng diretso sa kaniyang mga mata.

Tumango na sa akin ang guardia saka ito bumalik sa labas, nakatayo lang ako sa tapat ng pintuan. Hindi ko tuloy alam kung pumayag na ba si Sebastian na tumanggap ng bisita o dapat ba akong sumunod sa guardia at lumabas na lang din?

Naglakad siya papunta sa mesa at inilapag doon ang librong hawak, hihintayin ko sana siyang umupo muna sa silya bago ako pumasok pero nagulat ako kasi nanatili lang siyang nakatayo saka tumingin muli sa akin, "Bakit?" tanong niya, napahinga na lang ako ng malalim saka naglakad na papasok sa opisina niya. Isasarado ko dapat ang pinto pero naalala ko na mas awkward iyon kaya hinayaan ko na lang itong bukas.

Inilapag ko sa mesa niya ang pansit, "Ah, pansit nga pala. Espesyal 'yan dahil marami 'yang gulay at karne. Best-seller 'yan" panimula ko, napatingin siya sa pansit. "Para saan ito?" tanong niya saka muling tumingin sa akin. Iniisip niya bang sinusuhulan ko siya? Bigla akong natawa sa ideyang iyon.

"P-pasasalamat ko sana, kasi niligtas mo ako noon kay Don Severino. Tatlong beses na nga e kaya heto" saad ko saka tinuro ang pansit. Hindi siya nagsalita, alam ko namang ginawa niya lang 'yon bilang tapat na heneral na nagtatanggol sa bansa at mga tao.

"Tsaka... kukunin ko rin sana 'yung sweldo ko" patuloy ko sabay ngiti. Wala akong pakialam kung mukha akong pera sa mundong ito. Ako rin naman ang nagtakda ng kayamanan nila kaya may karapatan akong humingi. Bukod doon, kailangan ko rin ng budget para sa date nila Lolita at Niyong sa linggo kaya kailangan ko talaga ng pera.

Kinuha niya sa drawer ang salapi at inilapag iyon sa mesa, napangiti ako ng todo, kukunin ko na sana iyon ngunit hinawakan niya ito na para bang ayaw niya munang ibigay sa'kin, nagtataka akong napatingin sa kaniya. "Bakit mo ginawa iyon?" wika niya gamit ang seryoso nitong tono. Sabi ko na nga ba parang may mali sa kaniya ngayon e, akala ko ba friends na kami? Nag-joke na nga siya nung nakaraang gabi e.

"Ha? Ang alin?" napaisip ako, may nagawa ba akong mali? Nanlaki ang aking mga mata nang maalala ko na pinatakas ko nga pala sila Lorenzo at Berning noong nakaraang gabi. Nalaman na ba niya na may nawawalang papeles sa opisina ng tatay niya? Pinagbibintangan niya ba ako?

Napalunok ako sa kaba, napaiwas siya ng tingin saka napatitig sa salapi "B-bakit mo ako niyakap" wika niya na parang nahihiya, ni hindi rin patanong ang sinabi niya. Pinaalala niya sa akin ang nangyari. Napapikit na lang din tuloy ako sa hiya, oo nga pala hindi ko napaliwanag sa kaniya kung bakit ko ginawa iyon.

Pero diba dapat gets na niya na kaya ko siya niyakap ay para hindi siya mawalan ng balanse? Ni hindi rin naman siya nagtanong noong gabing iyon. Sabagay, nagmamadali na kami makalabas doon sa takot na bumalik sila Don Antonio.

Sa mga ganitong sitwasyon kailangan kong ipakita sa kaniya na hindi ako apektado para hindi siya mag-isip ng kung anu-ano. "Ah, kasi diba muntik ka na matumba habang nagtatago tayo, niyakap kita para hindi ka mahulog" paliwanag ko sabay ngiti, hindi niya sana mapansin na nanginginig ang aking labi habang nakangiti. Ngiti lang, go Faye kaya mo 'yan!

"Ngunit isang kapahangasan ang iyong ikinilos" wika niya saka inayos ang butones ng kaniyang kwelyo. Ramdam ko na hindi rin siya komportable na pag-usapan namin 'to. Pakiramdam ko tuloy sobrang laking kasalanan ng ginawa ko at narumihan ko ang pagkalalaki niya.

"Alangan naman hayaan kita mahulog doon edi nabuking tayo. Baka kung ano na namang isipin nila. Bukod doon, ang taas kaya ng aparador, siguradong mababalian ka ng likod kapag nahulog ka doon" wika ko, ikinumpas ko pa ang aking kamay para ipaliwanag sa kaniya na wala naman talaga akong intensyon na hipuan siya. Bakit parang baliktad ata ang sitwasyon namin?

Tumango-tango na lang siya saka tumayo at humarap sa bintana, pinagmamasdan niya ngayon ang pag-eensayo ng mga kawal. May kinuha siya sa isang drawer, sinindihan niya ang tobacco at nagsigarilyo. "Smoker din pala 'to" bulong ko sa aking sarili, napalingon siya sa'kin dahil mukhang narinig niya. Gusto ko sana sabihing cigarette smoking is dangerous to your health kaso baka ipa-translate na naman niya sa akin iyon, hahaba pa ang usapan namin.

Kinuha ko na ang salapi sa mesa at ibinulsa iyon saka tumayo at nagbigay-galang sa kaniya, akmang aalis na sana ako nang maalala ko na may dapat pa pala akong itanong sa kaniya.

"Ah, Heneral Sebastian, ano nga palang mangyayari sa mga tauhan ni Don Severino?" hindi ako sanay na tawagin siyang heneral kaso kailangan baka makulong na naman ako. Naglakad siya pabalik sa mesa at inilapag ang tobacco. Ang daming usok, winasiwas ko pa ang kamay sa ere dahil sa kapal ng usok. Naubo pa ako dahil hindi talaga ako sanay sa amoy at usok ng sigarilyo.

"Haharapin nila ang nararapat na parusa" tugon niya, naupo muli ako sa silya, hindi ko na mapigilang maubo, nang mabawasan ang usok ay nakita kong kanina pa siya nakatingin sa akin. "Hindi ka hiyang sa ganito?" tanong niya, ang hapdi rin sa mata ng usok, amoy sigarilyo na ako.

"Nakakasunog kaya ng baga 'yan. Wala ba kayong smoking area---Ah basta, kalimutan mo na 'yon. Gusto ko malaman kung anong parusa ang ipapataw mo sa kanila?" patuloy ko, kinuha na niya ang tobacco saka pinatay ang sindi nito at ibinalik sa lagayan. Winasiwas niya rin ang kaniyang kamay sa ere upang mawala na ang usok na bumabalot sa loob ng kaniyang opisina.

"Nakasasalalay na iyon sa hukuman" tugon niya, tumayo siya saka binuksan ng malaki ang bintana para makalabas ang usok.

"Hindi mo ba pwedeng pakawalan na lang sila?" tanong ko, kailangan ko siyang makubinse, siguradong magagalit si Don Severino kapag naparusahan ang mga tauhan niya. Magiging hudyat iyon ng away sa pagitan nila.

"Ikaw ba ay natatakot sa mga narinig mong sinabi ni Don Severino?" tanong niya saka lumingon sa akin, nakatayo siya muli sa tapat ng bintana.

"Ako? Matatakot sa Don na 'yon?" saad ko sabay tawa, bakit ako matatakot? Ako ang bumuhay sa kanila, kaya ako dapat ang katakutan nila.

"Kung gayon, hayaan mo na lang ang mga lumalabas sa kaniyang labi" wika ni Sebastian, umaalingangaw mula sa labas ang sabay-sabay na hiyaw ng mga kawal na nag-eensayo gamit ang kanilang mga espada. Napahawak na lang ako sa aking ulo, paano ko ba mapipilit si Sebastian na 'wag nang pakialaman si Don Severino? Nalilihis tuloy 'yung kwento.

Tumayo ako saka naglakad papalapit sa kaniya, "Hindi kasi natin alam kung gaano kaliit ang utak ni Don Severino, baka gumawa siya ng kung anu-ano. Maaari niyang idamay ang Panciteria at ang mga kaibigan ko. Baka pasabugin niya rin ang bahay niyo. So, pag-isipan mo nang mabuti, hindi ba mas masaya mabuhay ng walang kaaway?" ngiti ko, hawak ko ang aking parehong palad na parang nagdadasal at nakikusap na pumayag na siya sa gusto kong mangyari.

Dahan-dahan siyang lumingon sa akin, ilang segundo niya akong tinitigan, para bang binabasa niya ang aking mga mata. Sana lang ay hindi niya talaga mapansin na nanginginig talaga ang aking labi. "Aking nararamdaman na ikaw ay nangangamba" saad niya, napayuko na lang ako. Kailangan ko bang aminin na natatakot ako?

Nagulat ako nang humakbang siya papalapit sa akin, "Bakit ka nangangamba? Wala ka bang tiwala sa akin?" patuloy niya, gulat akong napatingala sa kaniya, at sa pagkakataong iyon ay muli ko na namang naramdaman ang pagkabog ng puso kong kakaba-kaba.

Naramdaman ko ang biglang panghihina ng tuhod ko, muntik akong mawalan ng balanse, muntikan na rin niya akong hawakan pero pareho kaming nagitla dahil hindi iyon maaari. "Ah, aalis na ako" mabilis kong paalam sa kaniya saka dali-daling lumabas sa tanggapan ng heneral.

TULALA kong pinupunasan ang mesa sa Panciteria, kailangan ko talagang gumawa ng paraan para mapagbati sina Sebastian at Don Severino. Malapit na ring dumating si Heneral Roberto na anak ni Don Severino. Hindi sila pwede maging magkaaway. Napatigil ako at napaupo sa silya nang maalala ko na magiging magkaaway din pala sila sa huli.

Ilang sandali pa, natauhan ako nang marinig kong may pumasok sa Panciteria, alas-singko na ng hapon. Halos walang tao ngayon dahil tapos na ang tanghalian, bihira lang din ang kumakain dito ng merienda. Karamihan ay nag-memerienda sa kani-kanilang mga tahanan.

Natigilan ako nang makita si Lorenzo, nakatayo siya sa tapat ng pintuan, hinubad niya ang kaniyang sumbrerong buri at itinapat iyon sa kaniyang dibdib. Suot niya ang isang puting kamiso de tsino at pulang pantalon. "Magandang hapon, binibini" bati niya sa'kin, tumayo ako at tumango sa kaniya.

"Sandali, tatawagin ko lang si Aling---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya. "Ang totoo niyan, hindi si Aling Pacing ang aking sadya" wika niya saka muling isinuot ang kaniyang sombrero. Mukhang kakagaling niya lang sa trabaho. Hindi tuloy ako sanay na nakikita siya ngayon ng umaga.

"I-ikaw ang sinadya ko ngayon dito" patuloy niya, napaturo ako sa aking sarili. "Ako? Bakit?" bigla tuloy akong kinabahan, may nagawa ba akong offensive sa samahan?

Napakamot siya sa kaniyang ulo, "Ibig ko sanang magpasalamat sa ginawa mo noong isang gabi. Salamat dahil tinulungan mo kami" saad niya, nakahinga ako ng maluwag, akala ko naman may kaso na naman ako. Kung hindi ako makukulong sa bilangguan, ipapatapon naman ako sa gitna ng kagubatan. Hindi talaga ako safe sa nobelang ito.

"Ah, wala 'yon. Ginawa ko lang ang tungkulin ko" saad ko sabay ngiti. Pakiramdam ko tuloy niligtas ko ang buong bansa. Magsasalita pa sana siya nang biglang dumating si Aling Pacing, "Oh, hijo, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Aling Pacing, may hawak itong bilao ng pansit.

Napatingin sa akin si Lorenzo, alam kong alam niya na hindi niya dapat ako ilaglag na kasapi rin ako samahan. "Napadaan lang ho ako aling Pacing, aalis na rin ho ako" ngiti ni Lorenzo, ang gwapo rin talaga ng bida sa nobela ko. Pinoy na pinoy ang kaniyang tindig.

"O'siya, mag-iingat ka hijo" wika ni aling Pacing saka inabot sa akin ang pansit. "Tanya, maaari mo bang dalhin ito sa tahanan nila aling Lucia? Kaarawan ng bunso nilang anak, regalo ko na ito sa kanila" ngiti ni aling Pacing, tumango ako at kinuha ang bilao.

Naunang lumabas si Lorenzo, umakyat muna ako sa kwarto para magdala ng salapi. Baka may magustuhan akong pagkain sa daan mamaya pag-uwi. Binitbit ko na ang bilao saka lumabas ng Panciteria. Nagulat ako nang makita si Lorenzo, nakatayo siya sa gilid ng pintuan.

"Hindi ka pa uuwi?" tanong ko, agad siyang sumabay sa paglakad ko, "Sasabayan na lang kita" wika niya saka kinuha sa kamay ko ang bilao. "A-ayos lang, kaya ko nama---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil binitbit na niya ang bilao.

"Mabigat-bigat din pala ito" wika niya sabay ngiti. Napatango na lang ako sa aking sarili, magugustuhan talaga siya ng mga readers dahil mabait, matiyaga, may prinsipyo, gwapo at higit sa lahat gentleman talaga ang bida sa nobela ko.

Marami rin kaming nakakasabay sa paglalakad, karamihan ay mga tindero bitbit ang kanilang mga baka o kalabaw, hila-hila ng mga ito ang kanilang mga paninda. "Ibig ko rin sanang humingi ng paumanhin dahil dinukot ka namin at tinakot" wika niya, napangiti na lang ako.

"Nako, wala 'yon. Naiintindihan ko naman na hindi dapat kayo basta-basta nagpapapasok ng miyembro sa samahan" saad ko, masaya rin ako na hindi na kalaban ang tingin nila sa'kin ngayon.

"Pasensiya na rin kung pinagkamalan kitang espiya ng heneral. Malinaw na sa akin kung kanino ang iyong katapatan" patuloy niya dahilan upang mapatigil ako sa paglalakad at mapalingon sa kaniya.

Hindi ko alam kung bakit biglang naalala ko si Sebastian sa sinabi niya. Parang bigla akong naawa sa kalagayan ni Sebastian, binigay na niya sa akin ngayon ang tiwala niya pero pinili ko pa ring tulungan ang mga rebelde.

"B-bakit?" natauhan ako nang magsalita si Lorenzo. Hindi ko namalayang nakatitig na pala ako sa kaniya. Hindi ko lang mapigilang maalala ang malaking pagkakaiba nilang dalawa ni Sebastian. Nabanggit niya pa ang tungkol sa katapatan. Hindi ba't dapat maging tapat ako sa bida ng istorya?

Ngumiti na lang ako, "Wala. Naalala ko lang ang layunin ng samahan. Kalayaan at katarungan ang ating ipinaglalaban" wika ko saka nagpatuloy sa paglalakad, agad naman siyang sumabay sa akin. Nagulat ako nang bigla niyang ilahad ang palad niya sa tapat ko, "Lorenzo... Lorenzo Cortes ang aking pangalan" saad niya, gulat akong napatitig sa kaniyang kamay.

Hindi niya maaaring sabihin kahit kanino ang totoo niyang pangalan dahil apo siya ni Don Imo na siyang nahatulang taksil sa bayan. Tatlong tao lang ang nakakaalam ng kaniyang tunay na pagkatao, sina Santino, Tadeo at Berning. At ngayon, bakit niya sinabi sa akin ang totoo?

"KAILAN ka uuwi muli sa Bulakan, ate Tanya?" tanong ni Lolita, nakakapit siya sa aking braso at naglalakad kami ngayon pauwi. Galing kami sa isang burol, pinauwi na kami ni aling Pacing dahil gagabihin pa raw siya sa pagdadasal doon.

Madilim ang gabi ngunit sanay na kaming maglakad ni Lolita. Ilang gabi rin kaming naglalakad pauwi dahil wala naman kaming kalesa. Tinitipid ko pa ang pera ko dito para sa date nila sa linggo. Apat na araw pa bago sumapit ang linggo, puro delivery sa Panciteria ang inaasikaso naming dalawa nitong mga nakalipas na araw.

"Depende, kapag naka-ipon ako" sagot ko, kahit pa kumita ako ng milyon-milyon dito kung hindi ko pa rin mahahanap ang daan papalabas sa kwentong ito, hindi pa rin ako makakauwi.

"Tiyak na ika'y nangungulila na sa iyong magulang at mga kapatid" wika niya saka sumandal sa aking balikat habang patuloy pa rin kaming naglalakad.

May hawak kaming tig-isang bayong na naglalaman ng dahon ng malunggay. Pinitas iyon ni aling Pacing kanina sa bakuran ng may ari ng bahay kung saan may burol. "Oo, nasasabik na akong makita sila" napabuntong hininga na lang ako.

Ilang sandali pa, napalingon kami sa likod nang marinig namin ang pagdating ng kalesa. Hindi rin naman kami isasakay ng mga mayayaman kung kaya't nagpatuloy na lang kami sa paglalakad. Napatigil kami nang biglang tumigil ang kalesa sa tabi namin.

Agad hinubad ni Niyong ang kaniyang sombrero, siya ang kutsero ng kalesa. Umikot ang mata ni Lolita nang makita siya.

Tatanungin ko sana si Niyong kung pwede kami makisakay nang biglang bumukas ang kurtina ng kalesa at tumambad sa harapan namin si Sebastian na lulan niyon.

Bumaba si Sebastian sa kalesa bitbit ang isang lampara. "Maaari ba kitang makausap?" tanong niya, gulat ko siyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Pawis na pawis siya at nakasuot ng puting polo na tulad ng dati ay mukhang bumangon lang siya mula sa pagkakatulog.

"Sa katunayan, papunta kami sa tahanan niyo binibini" sabat ni Niyong, napalingon kami ni Lolita sa kaniya.

"Maaari ba? Kahit sandali lamang" ulit ni Sebastian, tila hapong-hapo ito, para siyang tumakbo ng ilang kilometro ang layo kahit pa nakasakay naman siya sa kalesa.

Napatango na lang ako bilang tugon sa kaniya, nagulat si Lolita nang hawakan ni Sebastian ang pulso ko at dalhin ako papalayo sa kalesa.

Nang makalayo na kami sa kanila ay tumigil siya at humarap sa akin. "Bakit? Anong angyari sayo?" hindi ko malaman kung bakit siya pawis na pawis na parang hinabol ng malayo.

"Hindi ba't nakikita mo ang mangyayari sa hinaharap?" wika niya, napalingon ako kina Lolita at Niyong na nakatayo sa tabi ng kalesa. Ilang metro ang layo namin sa kanila kung kaya't sigurado hindi nila kami naririnig.

"Muli akong nanaginip" patuloy ni Sebastian dahilan upang mapatingin ako sa kaniya. Bakit ba siya ginugulo ng mga nakatakdang mangyari sa nobelang ito?

"Doon pa rin sa loob ng seldang iyon ako babawian ng buhay. Ngunit..." umihip ang hangin dahilan upang mapasayaw ang mga puno sa paligid namin. Naglaglagan ang mga patay na dahon. Napatingin ako sa lamparang hawak niya, sinasayaw na rin ng hangin ang apoy na sindi nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang lamparang iyon!

"Ngunit bago ako malagutan ng hininga, nakita ko si Roberto na pumasok sa selda kasama ang isang lalaki na hindi ko kilala" wika niya, mas lalong lumakas ang hangin, maging ang maalikabok na kalsada na gawa sa lupa ay tinatangay na ng hangin kasama ang mga patay na dahon.

"Malakas ang aking kutob na ang dalawang iyon ay may kinalaman sa aking kamatayan" patuloy niya, bakas sa kaniyang mga mata ang bangungot na dala ng kaniyang kamatayan. Sino ba namang hindi matatakot sa oras na malaman mo kung paano ka mamamatay.

Hindi ko maialis ang aking paningin sa kaniyang mga matang puno ng pangamba. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang sabihin sa kaniya na hindi si Roberto at Lorenzo ang pumatay sa kaniya. Dahil ang katotohanan ay ako mismo ang nagtakda ng kaniyang kamatayan.

Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang namatay ang apoy sa loob ng lamparang hawak niya. At kasabay nito ang muling paghari ng kadiliman sa buong kapaligiran.

*********************
#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top