Kabanata 1

[Chapter 1]

"BAKIT ka nagsusulat?" napangiti ako sa tanong na iyon. Hindi ko masyado makita ang mga tao dahil sa lakas ng liwanag ng ilaw na nakatutok sa entablado.

May malaking screen sa likod at dalawang upuan sa gitna kung saan ako kasalukuyang nakaupo. Nasa tabi ko ang host. "Sa totoo lang, hindi ko rin alam" panimula ko sabay ngiti na sinabayan nang pagngiti ng karamihan.

"Siguro dahil may mga gusto akong sabihin na hindi ko masabi. May mga bagay na mas madali nating napaparamdam sa paraan ng pagsusulat" patuloy ko, tumango at ngumiti naman ang host. Nasa kalagitnaan kami ng live interview at pagkatapos nito ay booksigning na.

Nakangiti ang mga tao sa ibaba ng entablado, may mga hawak silang libro. "Marami na ring nagtatanong nito, bakit ba raw mahilig ka sa mga tragic stories?" sunod na tanong ng host na sinabayan niya ng tawa.

Napaisip ako sa tanong na iyon, doon ko lang napagtanto na halos lahat nga ng nobelang isinulat ko ay puro malulungkot ang katapusan. Narinig ko ang pagsang-ayon ng mga tao sa paligid dahilan para mapangiti ako. Kung pagbabasehan ang mga isinulat kong kwento, masasabing hindi talaga ako mahilig sa mga happy ending.

Itinapat ko ang mic sa bibig ko, "Hindi ko rin alam kung bakit" saad ko sabay ngiti, may mga bagay na hindi ko kayang sagutin dahil hindi ko rin lubos na kilala ang sarili ko. Bakit nga ba? Bakit mahilig ako sa mga malulungkot na kwento? Maging sa mga pelikula, mas gusto ko ang mga palabas na may malungkot na wakas.

"Dahil siguro mas nakikita ko ang ganda mula sa mga kwentong nagwawakas sa kalungkutan" patuloy ko na sinang-ayunan ng host at sabay kaming tumawa, maging ang mga audience.

Marami pa siyang itinanong, mga tanong na may kinalaman sa librong isinulat ko. Lumipas ang ilang minuto, sumenyas na ang direktor na malapit nang matapos ang live interview. "Bago tayo magtapos, congratulations sa iyong bagong libro, ano ba ang dapat naming abangan?"

Itinapat sa akin ang camera, iyon na ang cue na titingin ako ng derecho roon at ipapakita ang librong isinulat ko. "Available na po sa lahat ng bookstores nationwide ang Salamisim. Maraming salamat po sa lahat ng mga sumusuporta. Salamat po sa inspirasyon at pag-asa" ngiti ko na sinabayan nang palakpakan ng lahat. Kasunod niyon ay sumenyas na ang direktor na tapos na.

Inilagay na sa entablado ang mesa at maayos na pumila ang lahat. Isa sa pinakamasayang pakiramdam bilang isang manunulat ay ang makausap mo ang mga mambabasa at makilala sila. Ang malaman kung paano nabago ang buhay nila dahil sa nobelang isinulat mo.

"ANG lalim ng iniisip mo, ah" natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Pia. Ang bestfriend ko na siyang palagi kong kasama sa mga booksigning. Siya ang nagmamaneho ng kotse ngayon, pasmado at nanginginig ang kamay ko kapag pagod na.

"Hindi ko pa rin makalimutan 'yung ending ng story mo. Bakit ganon? Bakit hindi sila pwedeng magkatuluyan?" hirit niya, kasalukuyan naming tinatahak ang maluwag na express way. Papalubog na ang araw at medyo makulimlim ang langit.

Kinuha ko ang libro na nakapatong sa dashboard at binuklat iyon, "Ang sakit sa puso. Pati ba naman sa story, masasaktan din ako" habol pa niya, napangiti na lang ako habang nakatingin sa bawat pahina ng libro. Hindi ko rin maitatanggi na ako ang unang lumuha nang matapos ko isulat ang kwentong ito.

Dalawang taon na ang nakakaraan nang isulat ko ang Salamisim tungkol ito sa nag-iisang dalagang anak ng gobernadorcillo sa isang bayan na si Maria Florencita Garza, umibig siya sa isang binatang si Lorenzo Cortes na nagtatrabaho sa paimprintahan ng dyaryo at miyembro rin ng isang lihim na kilusan sa panahon ng pananakop ng mga Kastila.

Napahinga ako nang malalim, hindi pa rin mawala sa isipan ko ang mga tanong ng host kanina. Bakit ba hindi ako makagawa ng mga istorya na may masayang pagwawakas?

Tulad na lang ng Salamisim at ng iba pang istoryang nagawa ko. "Nagugutom na ako" pag-iiba ko ng usapan, ngumiti siya saka binilisan ang pagmamaneho.

"Sige, mag-drive thru tayo mamaya. Gusto ko rin ng softdrinks" excited niyang sabi, napangiti rin ako dahil pagkain na ngayon ang nasa isip ko at kung ano ang i-oorder ko mamaya.

PINATAY ko na ang ilaw saka humiga sa kama. Nanatiling bukas ang lampshade sa gilid. Kanina pa tulog sila mama at papa sa kabilang kwarto. Habang ang kapatid ko naman ay nasa overnight ngayon dahil birthday ng kaibigan niya. Napatitig ako sa mga glow in the darks na nakadikit sa kisame ng kwarto ko. Kompleto rin doon ang solar system at ang paborito kong Cresecent moon.

Ayoko sa madidilim na lugar kaya hindi ko pinapatay ang lampshade at nagdikit din ako ng maraming glow in the dark sa palibot ng kwarto ko. Minsan na rin sa'king sinabi ni mama na parang pambata ang kwarto ko pero ayoko pa rin ipabago. Ito ang comfort zone ko, dito rin ako nakakapag-isip at nakakapagsulat ng mga kwento.

Kinuha ko ang cellphone saka nag-browse sa social media sandali. Tiningnan ko isa-isa ang mga uploaded pictures sa booksigning. Ito ang mga alaala na lumipas man ang panahon ay hindi na mabubura sa akin. Nakatatak ang bawat ngiti at saya sa bawat pangyayari na nakuhanan ng litrato.

Nang makaramdam na ako ng antok, ibinalik ko na ang phone sa tabing mesa ngunit nasagi ko ang paper bag na nakapatong doon dahilan upang kumalat ang mga liham, regalo at obra na regalo sa akin sa booksigning kanina. Binuksan ko ang ilaw at isa-isang dinampot iyon, nakakatuwa makita ang mga bagay na pinaghirapan. Hindi ito matutumbasan ng kahit anong mamahaling bagay sa mundo.

Napatigil ako nang makita ang isang lumang papel na parang pinunit sa isang libro. Ang bagay na ipinagtataka ko ay kung bakit walang nakasulat doon. Isang lumang papel na naninilaw at amoy luma na rin.

Ilang minuto kong inisip kung ano iyon pero sa huli ay ibinalik ko na lang din sa loob ng paper bag. Baka napunit iyon sa isang libro at nasama lang dito. Tumayo na ako, pinatay na ang ilaw at bumalik muli sa kama.

KINABUKASAN, agad nag-text sa akin si Pia. Niyayaya niya ako mamasyal sa Intramuros, hindi pa namin napupuntahan ang bagong bukas na dungeon. Hapon na nang makarating kami roon, gusto namin mag-night tour, kumain muna kami at nag-libot-libot bago dumerecho sa Fort Santiago.

May iilang tao ring namamasyal. Karamihan ay mga foreigner at kabataan na may kani-kaniyang hawak na selfie stick. Hawak ko rin ang cellphone ko pero nakalimutan kong kumuha ng mga litrato dahil sa ganda ng tanawin. Ang ganda tingnan ng mga ilaw at payapang paligid sa loob ng Fort Santiago.

Nauuna ako maglakad kay Pia, may dala siyang DSLR camera at kinukunan niya talaga nang maayos ang paligid. Maganda rin pagmasdan ang mga security guard na nakadamit guardia civil. Kaunti lang ang pila sa dungeon ngayon, may pasok na rin kasi kinabukasan kaya hindi na nagpagabi ang iba. Pangatlo lang kami sa pila nang biglang may tumawag kay Pia, boyfriend niya.

Napatingin ako sa kaniya dahil parang bigla siyang sumimangot hanggang sa maputol ang linya. "Faye, may pangtawag ka?" tanong ni Pia, binigay ko sa kaniya ang phone ko. "Bakit? 'Di ka ba niya pinayagan umalis ngayon?" tanong ko, napahinga na lang siya nang malalim saka di-nial ang phone number ng boyfriend niya at lumayo kaunti para kausapin ito.

Ilang minuto pa sila nag-usap hanggang sa kami na ang susunod na papasok sa dungeon. "Miss, hindi po ba kayo papasok?" tanong ng namamahala roon.

"Wait lang po, hintayin ko lang po 'yung friend ko" tumingin siya sa relo.

"Last na ang batch niyo, magsasara na po kami" saad nito saka tinawag 'yung tatlo pang magkakaibigan na nasa likuran ko. "Sumabay na po kayo miss" wika pa nito, napalingon ako kay Pia na parang nakikipagtalo na sa boyfriend niya. Sumenyas siya sa'kin na susunod na lang siya.

Hindi na lang sana ako tutuloy pero hindi pa umaalis 'yung tatlong magkakaibigan at si kuya na may hawak ng flashlight. Hinihintay nila ako. Napatingin muli ako kay Pia na mukhang wala nang gana mamasyal sa loob ng dungeon. Sumenyas siya sa'kin na mauna na akong pumasok doon habang kausap niya pa rin sa phone ang boyfriend niya.

Namalayan ko na lang ang sarili ko na sumunod na sa kanilang apat papasok sa loob. Nakayuko kaming lahat nang tahakin namin ang pinto paloob. Nahuhuli ako sa kanila, binuksan nila ang flashlight ng kanilang mga cellphone.

Pagpasok pa lang ay sinalubong na kami ng kakaibang lamig. Nangingibabaw din ang amoy ng mga pader na gawa sa matitibay na bato na niluma na ng panahon. Maraming ilaw sa loob kung kaya't hindi ganoon kadilim. Bukod doon ay nag-aasaran pa ang magkakaibigang kasama ko.

"Kuya, ilan po ang lahat ng namatay dito?" tanong ng isa, agad naman siyang hinampas ng mga kaibigan niya. Sa dami ba naman ng itatanong ay iyon pa ang lumabas sa bibig niya.

"Marami. Ilang libo. Karamihan ay nabaon na rin dito" panakot ni kuya na may hawak ng flashlight dahilan para magsigawan ang magkakaibigan. Gusto ko rin sumigaw pero parang nalunok ko ata ang dila ko sa kaba.

Parang gusto ko na bumalik at lumabas pero hindi ko na maalala ang daan palabas kaya sumunod na lang ako sa kanila. Hawak ko ng mahigpit ang sling bag ko. Hinahawakan ko rin ang binti ko na nanlalamig ngayon. Nakasuot ako ng denim skirt at white tshirt na long sleeves at may nakasulat na Hope. Naka-braid ang buhok ko dahilan para maramdaman ko rin ang lamig na dumadaloy sa aking batok.

Ilang sandali pa, napatigil ako nang maramdaman kong may natapakan akong kakaiba. Dahan-dahan kong dinampot ang papel na natapakan ko. Kapareho ito ng lumang papel na walang sulat na nakuha ko rin kasama ng mga regalo sa akin sa booksigning kahapon.

May papel na bumagsak muli sa sahig na katulad ng hawak ko. Wala rin itong sulat, napalingon ako sa kaliwa kung saan may isang bukas na selda roon, may isang lampara na nakasabit sa dingding. Hindi ko malaman bakit may nakasinding lampara doon kahit puro electrical lights ang ilaw dito sa loob. Napalingon ako kay kuya at sa mga kasama ko, tinitingnan nila ang isang selda sa bahaging kanan.

Gusto ko sanang itanong kay kuya kung bakit may mga papel din doon. Baka may nakaiwan ng libro sa selda pero nagulat ako dahil sunod-sunod na hinangin ang mga piraso ng papel papalabas sa selda. Pumasok ako sa loob, may isang lumang libro na nakapatong sa isang lumang mesa, nakabuklat ang libro at patuloy na nililipad ng hangin ang bawat pahina nito na siyang nagliliparan sa paligid.

Nanlaki ang mga mata ko at hindi ako makagalaw dahil wala namang electric fan o malakas na hangin para tangayin nang gano'n kalakas ang mga papel.

Dahan-dahan akong napaatras, nanlalamig ang aking buong katawan. Hindi ko magalaw nang maayos ang aking binti dulot ng malakas na pagkabog ng puso ko.

Nagsimulang mapundi ang ilaw sa buong paligid, maging ang apoy na sindi ng lampara ay nawawala. "Kuya!" tawag ko sa mga kasama ko ngunit paglingon ko sa kabilang selda ay wala na sila roon.

"Kuya!" napahawak ako sa magagaspang na dingding habang patuloy ang paglipad ng mga papel sa paligid at ang makailang ulit na pagpatay-sindi ng ilaw. Agad kong binuksan ang bag ko ngunit wala nga pala sa akin ang phone ko.

Ilang sandali pa, biglang nawala ang liwanag at namatay ang lahat ng ilaw. Napasigaw ako at napahawak sa dingding. Hindi ako nakagalaw sa aking kinatatayuan. Wala akong makita, wala rin akong marinig. Parang bigla akong nawala sa kawalan at napunta sa kalawakan kung saan walang mga bituin, araw o anumang liwanag.

"Mga hayop!" halos tumindig ang lahat ng balahibo ko nang marinig ko ang malakas na sigaw na iyon na sinundan pa ng sunod-sunod na sigaw at pagmumura.

"Mga demonyo! Pagbabayaran niyo ang lahat ng ito!" isang sigaw din ang narinig ko na umalingangaw sa buong selda hanggang sa sunod-sunod na dumami ang mga boses na karamihan ay nagmamakaawa, nagsusumamo at ang iba naman ay puno ng galit.

May ganito bang presentation dito sa dungeon? Wala naman akong nakitang speaker kanina sa paligid. Napahawak ako sa puso ko, kahit papaano nabawasan na ang kaba ko dahil alam kong may mga tao rin pala dito. Siguradong nandito lang si kuya at ang mga kasama ko kanina. Sana nakasunod na rin sa amin si Pia.

Ilang sandali pa, unti-unting lumiwanag ang paligid. Napapikit ako sa liwanag na natatanaw ko mula sa di-kalayuan. Parang nagmumula sa apoy ang liwanag na iyon na ngayon ay papalapit na ng papalapit. Sabay-sabay na yapak ng sapatos na parang nagmamartsa ang sunod kong narinig.

"¿Quién está ahí?" (Who's there?) sigaw ng isang lalaki na may malalim na boses. Halos lumuwa ang mga mata ko dahil tumatakbo na sila ngayon papalapit sa akin. Napakurap ako sa gulat nang tutukan nila ako ng mahahabang baril.

Dahan-dahan kong itinaas ang kamay ko sa ere, Legit ba 'to? Sarado na agad ang dungeon? Napatingin ako sa relo ko na hindi na gumagana ngayon. Baka sarado na nga, bakit kasi iniwan ako nila kuya? Sinubukan kong ngumiti sa ibang mga guards na nakapalibot sa'kin.

"S-sorry po, hindi naman ako trespasser. May kasama po kami kanina na nag-totour dito, pero hindi ko na alam kung nasaan sila. Nagka-brown out din kaya hindi ako nakalabas agad" nagtataka ko silang tiningnan, hindi naman ako mukhang kawatan at bakit kailangan tutukan nila ako lahat ng baril. Bawal 'to ha!

Nagkatinginan lang sila na parang hindi nila ako naiintindihan. "Uhm...p-pwede po bang ibaba niyo 'yung mga baril. Dalhin niyo na lang ako sa security office, I'll explain myself" patuloy ko, hindi ko maintindihan bakit ang seseryoso ng mukha nila. Masyado silang dedicated sa trabaho.

"¿De qué habla?" (What are you talking about?) sigaw ng isang guardia civil na balbas sarado dahilan para matameme at masindak ako. Sinubukan kong ngumiti para pagaanin ang tensyon. Nakatutok pa rin ang mga baril nila sa'kin.

Magsasalita pa sana ako nang biglang dumating ang isa pang grupo ng mga gaurdia civil. Ngunit sa pagkakataong ito ay may kasama silang heneral na nangunguna sa paglalakad. Agad napatindig nang maayos ang mga guardia na nakapalibot sa'kin kanina at buong galang nilang sinalubong ang heneral.

Napatulala ako sa paparating na heneral, matangkad, mestizo, matangos ang ilong, puno ng tapang ang kaniyang mga mata na masasabi kong nakakahalina rin. Kompleto ang suot na uniporme na napapalamutian ng medalya. Sa aking palagay ay nasa edad dalawampu pataas lang siya.

Tumigil siya sa harapan ko, nakatingin lang siya sa'kin na parang wala siyang pakialam. Agad sumalubong at bumulong sa kaniya ang isang guardia, napalunok na lang ako. Pati ba head ng security naka-costume din?

"Se supone que no debes estar aquí" (You're not supposed to be here) saad ng heneral, ang lalim din ng boses niya. Napakagat ako sa aking ibabang labi, "Bakit kayo nag-kakastila?" nagtataka kong tanong saka tiningnan sila isa-isa ngunit wala silang reaksyon at anumang oras ay handa nila akong balatan ng buhay.

"Ah, may performance ba kayo dito ngayon? O may shooting?" tanong ko, posibleng may shooting nga ngayon dito dahil halos walang tao kanina. Pero bakit pinapasok pa rin kami dito kung gagamitin 'to sa shooting?

"El General, esa mujer merece morir por entrar ilegalmente" (General, that woman deserves to die for trespassing) sigaw ng isang guardia, ituturo ko sana siya para sabihing mag-tagalog siya kaya lang agad nilang hinawakan ang magkabilang braso ko at sapilitang pinaluhod sa sahig.

Napasigaw ako sa inis at pilit na nagpupumiglas, inakala siguro nilang bubunot ako ng baril kanina. Nagsimulang humakbang papalapit sa'kin ang heneral at lumuhod siya sa tapat ko. "¿Quién es" (Who are you?) tanong niya dahilan upang matulala ako. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagsalita at nanatiling nakatitig sa mga mata niya.

Kasunod niyon ay muli kong narinig ang sigaw ng mga taong humihingi ng pagkain at tubig. Tiningnan ko ang kisame at ang sahig, wala na ang mga ilaw na kanina lang ay naroroon. Wala ring CCTV camera. "Cómo llegó?" (How did you get here?) patuloy niya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko.

Sa pagkakataong iyon ay mas lalong hindi ko maintindihan ang nangyayari sa paligid. May mga bilanggo sa loob ng bawat selda na ngayon ay nagsisigawan muli at isa-isang pinapatahimik at hinahampas ng mga guardia. Patuloy ang pagliliyab ng apoy mula sa sulo na hawak ng isang guardia. Wala ba silang flashlight?

Magsasalita na sana ako nang biglang may isang guardia mula sa malayo ang kumakaripas ng takbo papalapit sa amin. "El general! Un mensaje urgente del gobernadora" (General! An urgent message from the governor!) sigaw nito sabay abot ng isang sobre sa heneral.

Agad nitong binuklat ang sobre at binasa ang liham na nasa loob niyon, bumagsak sa sahig ang sobre at laking gulat ko nang mabasa ang pangalan ng lalaking nasa tapat ko ngayon. El General Sebastian Guerrero.

Dahan-dahan kong dinampot ang sobre kung saan nakasulat ang pangalan niya. Bakit kapangalan niya ang isa sa mga character sa nobela ko?

Nagulat ako nang bigla niyang kinuha sa kamay ko ang sobreng iyon. Tumayo siya at agad inutusan ang mga kawal niya sa salitang kastila. Agad sumunod ang mga ito at pumwesto sa bawat lagusan. Itinayo ako ng dalawang guardia at mahigpit pa rin nilang hawak ang magkabilang braso ko.

Tulala akong nakatingin sa sahig, parang wala naman akong nabalitaan na gagawing movie ang story ko. Wala rin akong natanggap na e-mail na nagtatanong kung pwede isadula ang Salamisim.

Napalingon sa akin ang lalaking iyon na naka-damit pang-heneral. May sinabi siya sa dalawang guardia na may hawak sa'kin na hindi ko naintindihan.

Akmang aalis na dapat siya ngunit napatigil siya nang magsalita ako, "Sandali! Sebastian Guerrero ba talaga ang pangalan mo?" lumingon siya sa akin.

"Isang heneral na anak ng kanang-kamay ng gobernador-heneral at siya ring kababata at nakatakakdang ikasal kay Maria Florencita Garza?" patuloy ko na ipinagtaka niya, maging ng dalawang guardiang may hawak sa'kin.

"Te preguntaré por última vez, ¿quién te envió aquí?" (I will ask you for the last time, who sent you here?) sa pagkakataong ito ay mas seryoso na ang boses niya. Hindi ako makapaniwala, mukhang totoo nga ang sinabi ko. Siya nga si Sebastian Guerrero na isa sa mga character sa isinulat kong nobela na Salamisim!

"Grabe! Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o magagalit. Bakit nag-shoshooting na kayo? Bakit hindi ko alam?" natawa na lang ako sa inis. "Sinong direktor niyo? Sinong nagsabi na pumayag na ako gawing movie 'to?" ako na ngayon ang sumisigaw sa kanila.

Sisigaw pa sana ako nang biglang may malakas na pagsabog ang yumanig sa buong paligid. Napadapa kaming lahat, nabalot nang makapal na alikabok at usok ang kapaligiran. Nagsimulang tumakbo ang mga bilanggo na nasa loob ng selda at sinugod ang mga guardia.

Napatulala ako sa paligid, nagkakagulo ang mga tao. Walang camera, stunt man, staffs, make-up artist at mga tent sa labas. Tanging mga taong nagkakagulo, nagtatakbuhan, nagpapatayan ang naghahari sa buong kulungan.

Isang bilanggo ang mabilis na lumusob kay Sebastian. Agad hinugot ni Sebastian ang kaniyang espada at buong tapang na hinarap ang lalaki.

Tatlong hakbang, dalawang pag-iwas at isang kumpas ng espada lang ay agad niyang nagilitan ng leeg ang lalaking iyon na diretsong bumagsak sa sahig. Nanlaki ang mga mata ko, hindi dapat pumatay ng totoo sa shooting!

"Hoy!" awat ko kay Sebastian. Naiintindihan ko na nadala lang siya sa role niya pero baka masaktan niya ang stuntman.

Gigisingin ko sana ang duguang lalaki upang siguraduhin kung peke lang ang dugong bumulwak sa leeg niya kaya lang agad akong hinila ni Sebastian at sa pagkakataong iyon ay napatigil kami dahil sa malalakas at magkakasabay na sigawan ng halos limampung kalalakihan na ngayon ay buong tapang na tumatakbo papalapit sa amin habang hawak ang kani-kanilang matatalim na itak at armas.

"Pabagsakin ang pamahalaan! Iwagayway ang bandila ng kapatiran!" sigaw nila dahilan upang matulala ako sa grupo ng mga kalalakihan na sumusugod ngayon sa gitna ng apoy at sira-sirang selda na dulot ng malakas na pagsabog.

Hindi ko maintindihan kung anong nangyayari ngayon. Ngunit nakasisiguro ako na ito ang umpisang eksena sa isinulat kong nobela!

**************************

#Salamisim

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top