Epilogo

[Epilogo] Third Person POV

NAPATITIG sa sariling repleksyon si Marcus sa elevator. Maaga siyang pumasok para tapusin ang lahat ng nakatambak niyang trabaho. Mag-isa lang siya sa loob hanggang sa bumukas ang pinto ng elevator sa opisina nila.

Light blue polo shirt, itim na pantalon, navy blue necktie ang suot niya. Nakasabit sa kaniyang kaliwang balikat ang itim na backpack. Napatigi siya nang may tumapik sa kaniyang balikat, "Ang aga natin ah!" ngiti ni Mike, kakagaling lang nito sa vending machine at sinabayan siya maglakad.

"Sama ka mamaya? Inuman tayo. Last day ko na ngayon" patuloy ni Mike, araw ng Biyernes, ito rin ang huling araw ni Mike sa trabaho dahil nag-resign na siya. Nakarating na sila sa desk ni Marcus. Ibinaba na nito ang bag niya. "May pupuntahan pa ako bukas" tugon ni Marcus, hinawakan ni Mike ang monitor na para bang minamasahe niya ito.

"Booksigning?" usisa nito, tumango lang si Marcus. "Sige na nga, baka magka-hang over ka pa bukas" ngiti nito. "Saan ka na magtatrabaho?" tanong ni Marcus, naupo na ito sa swivel chair. "Bahala na. Gusto ko sa malayo naman"

"Saan?"

"Sa ibang mundo" tugon ni Mike sabay tawa. Napailing na lang si Marcus, kahit kailan ay wala siyang nakukuhang matinong sagot kay Mike. Binuksan na niya ang desktop. "Seryoso nga, ibang mundo naman tutuklasin ko" patuloy nito saka tiningnan ang screen sa monitor ni Marcus.

"Crescent moon" wika ni Mike nang makita ang itim na desktop wallpaper na may buwan sa gitna. Hindi sumagot si Marcus, inumpisahan na niya ang mga hindi niya natapos na trabaho kahapon. Ilang buwan na ang lumipas matapos siyang makabalik sa kaniyang buhay. Wala siyang naaalala mula sa nobelang Salamisim at sa naging karanasan niya sa loob niyon.

"Sumisimbolo sa mithiin ng isang tao na masakatuparan at maging makatotohanan ang kaniyang mga pangarap sa buhay" patuloy ni Mike, napatingin sa kaniya si Marcus. Nagtaka siya sa malalim at diretsong tagalog nito. Tumawa si Mike, "Iyan ang kahulugan ng buwan na iyan" patuloy niya.

"Sabay ka na lang sa'min sa lunch. Libre ko" paalam ni Mike, sumaludo ito kay Marcus saka naglakad papunta sa department area nila. Ibinalik na lang ni Marcus ang paningin niya sa monitor, ngunit tulad ng dati ay parang ang daming gumugulo sa isipan niya kahit wala naman siyang masyadong iniisip.

Hindi niya pa nasundan ang ilang nobelang nagawa na niya. Ilang buwan na siyang hindi makapagsulat. Sumandal na lang si Marcus sa kaniyang upuan saka mabagal na hinila ang drawer na nasa tabi niya. Kinuha niya roon ang isang itim na box at binuksan iyon. Napatitig siya sa crescent moon necklace na hanggang ngayon ay hindi niya alam kung kailan at saan niya binili iyon. Hindi niya rin matandaan kung kanino niya ba ibibigay iyon kung sakali.


ABALA si manang milda sa pagtanggal ng karatula na nakalagay sa harapan ng kaniyng maliit na tolda. Madilim na at batid niyang wala nang magpapahula ng ganoong oras. Pumasok na siya sa loob at itinabi ang bolang kristal na nakapatong sa kaniyang mesa.

Napatigil siya nang marinig ang isang pamilyar na hakbang. Nakasuot ng itim na bota ang lalaking naka-asul na abrigo. "Isasama mo na naman ba ako sa loob ng libro?" reklamo ni manang Milda na para bang alam na niya kung ano ang sasabihin ng bisita.

Hindi sumagot ang lalaki kung kaya't nilingon niya ito. Pinagmamasdan at nilalaro ng lalaki ang alaga niyang parrot. "Sabihin mo panget" utos ng lalaki sa parrot. "Panget! Panget! Panget ka!" tugon ng parrot na tumatalon-talon pa sa loob ng hawla. Natawa ang lalaki.

"Matabil ang dila ng alaga mo" saad ng lalaki habang tumatawa. Napailing na lang si manang Milda.

"Ayoko na sumama sa loob ng kwento na nasa panahon ng Kastila. Ninenerbyos ako, baka ako ang i-garrote nila" wika ni manang Milda, kinuha niya ang walis at nagsimula siyang magwalis sa loob ng tolda.

Natawa ang lalaki saka naglakad papunta sa bakanteng silya at naupo roon na para bang siya ang may ari ng lugar na iyon. "Masaya kaya. Puno ng aksyon at simple lang ang buhay nila doon. Ang dami mo ngang natanim na halaman" tawa nito, ihahampas dapat ni manang Milda ang walis sa lalaki ngunit napatigil siya nang maalala na mahiwaga at makapangyarihan ito.

Ibinaba na niya ang walis, "Ano na naman ang pangalan mo ngayon? Umalis ka na sa trabaho mo doon sa opisina?" tanong ni manang Milda, nakita ng lalaki ang dalandan sa ibabaw ng mesa at sinimulang balatan iyon.

Tumango siya bilang tugon sa matandang manghuhula na matagal na niyang kaibigan, "Wala na akong kailangang obserbahan doon.. Sumasakit din ulo ko sa trabaho. Ilang computer ang nasira ko" tawa nito, natawa na lang din si manang Milda. May pagkamaloko at pasaway ang lalaki ngunit mabuti naman ang kalooban nito.

"Ano na ang balak mong gawin ngayon? May sunod ka bang misyon?" tanong ni manang Milda saka umupo sa katapat na silya. Nangangasim ang mukha ng lalaki habang nginunguya ang prutas dahil maasim ang dalandan. "Ito ba ang pa-freebie mo sa mga parokyano mo rito? Ang asim" kantyaw niya, natawa na lang si manang Milda dahil maasim ang mukha ng lalaki.

Sanay na siya na hindi marunong magsabi ng Po at Opo ang mahiwagang nilalang dahil hindi naman ito tao na kailangang gumalang sa iba at sa nakakatanda. Kung tutuusin ay mas matanda pa siya kay manang Milda. "Hindi mo ba sinasagot ang tanong ko. May sunod ka bang misyon? Idadamay mo na naman ba ako?" natawa ang lalaki dahil parang sumasakit na ang ulo ni manang Milda.

"Sa tingin ko hindi ko muna kailangan ng tulong mo. Madali lang naman 'to" wika ng lalaki saka kinuha sa loob ng suot niyang asul na coat ang isang pulang bookmark.

"Iyan na ba ang huli mong misyon?" tanong ni manang Milda. Napakibit-balikat ang lalaki saka Inilapag nito sa mesa ang pulang bookmark. Kinuha iyon ni manang Milda at binasa.

"Isang babaeng mahilig magbasa at may sakit na Leukemia?"

Tumango ang lalaki bilang tugon. Kahit maasim ang prutas ay patuloy niya pa rin itong kinakain. "Anong gagawin mo? Pagagalingin mo siya?" hindi maunawaan ni manang Milda ang misyon ng mahiwagang nilalang.

"Wala akong kakayahan magpagaling. Tagapagbantay lang ako ng mga libro" tugon ng lalaki, ibinalik ni manang Milda ang pulang bookmark.

"Basta kung anuman ang magiging misyon mo diyan, 'wag mo na ako idamay. Dadalhin mo pa ako sa panahon ng Kastila. Mamamatay ako ng maaga sa nerbyos" natawa ang lalaki dahil para silang mag-lola kung magbangayan.

"Sige. Dito ka na lang. Hindi kita tutulungan sa panghuhula mo" ngisi ng lalaki. Napatikhim si manang Milda. "O'siya, basta 'wag lang digmaan o kung anumang krimen ang pupuntahan natin. Aatakihin ako sa puso" bawi ni manang Milda. Malaki ang natutulong sa kaniya ng mahiwagang nilalang lalo na sa kaniyang panghuhula.

Tumayo na ang lalaki at akmang palabas na nang mapatigil siya sa pintuan dahil sa sinabi ng matandang manghuhula.

"Ano bang mangyayari sa kanila? Nakakaawa naman ang dalawang 'yon" tanong ni manang Milda, inihatid niya sa labas ng tolda ang mahiwanag nilalang.

"Hindi ko alam. Pero nagwakas na ang kwento nila. Hanggang doon na lang 'yon" saad ng lalaki, tumango na lang si manang Milda. Tumingala ang lalaki sa kalangitan. Madilim ito at walang buwan sa langit.

"Ngunit sana ay tulad ito ng buwan na naglalaho ngunit bumabalik din" patuloy ng lalaki. Kahit papaano ay naaawa rin siya sa sinapit ng nakaraan niyang misyon. Ngunit wala siyang magagawa, tagapagbantay lang siya ng mga istoryang nailathala.


KINABUKASAN, maagang nakarating si Marcus sa booksigning. Nanatili muna sila sa holding area. Nakasuot siya ng puting shirt sa loob, brown leather jacket, beige pants at white shoes. "Kailan mo ipapasa ang sunod mong novel?" tanong ni Ms. Crystal, kulay asul naman ang buhok nito. Kung minsan ay nagugulat sila dahil paiba-iba ng kulay ng buhok ang kanilang editor.

"Wala pa akong nasisimulan" tugon ni Marcus, tumango habang nakangiti si Ms. Crystal, "Kailangan mo na ata magka-love life para naman may sunod kang maisulat. Tragic na naman siguro 'no?" hirit ni Ms. Crystal, hindi naman nakasagot si Marcus. Magsasalita sana siya ngunit narinig na nila ang pagtawag ng host.

Magkakaroon muna ng short live interview kay Marcus para sa promotion ng kaniyang book bago magsimula ang booksigning. Nagsigawan ang lahat, marami rin ang nagsasabi na dapat na ring pasukin ni Marcus ang showbiz dahil sa kaniyang hitsura.

Matapos ang sandaling pangangamusta ng host ay naupo na sila sa dalawang silya sa gitna ng entablado. "I-share mo naman sa amin Marcus kung bakit ka nagsusulat?" nakangiting tanong ng host kay Marcus. Hindi niya masyadong makita ang mga tao dahil sa lakas ng liwanag ng ilaw na nakatutok sa kanila. May malaking screen din sa likod.

"Writing is one of my way to escape the reality. Sa loob ng kwento, gusto kong magkaroon ng mundo kung saan mangyayari ang lahat ng mga gusto kong mangyari. Kasama na roon ang mga what ifs at mga bagay na imposible kong makuha" namangha ang lahat sa sagot ni Marcus, may ilang sumigaw pa at kumaway sa kaniya. Bihira lang siya ngumiti ngunit ang pagmamahal na nakukuha niya mula sa mga taong tumatangkilik sa mga akda niya ay nagpapangiti sa kaniyang puso.

"Tama nga naman. I agree with you. You can create your own world. Writing is very challenging talaga" komento ng host at nagtawanan sila. "Heto pa, marami na ring nagtatanong nito, bakit ba raw mahilig ka sa mga tragic stories?" tumawa ang host maging ang audience.

"Hindi man natin nakikita pero may mga aral at mabubuting bagay din tayong natututunan sa mga kwentong may malungkot na wakas. Hindi madaling ipaliwanag pero alam mo sa puso mo na tinamaan ka. Sapat nang dahilan 'yon para may matutunan ka. Na ang buhay ay hindi palaging masaya, at sa kabila niyon, makikita mo ang bagong pag-asa, kahit na hindi nangyari ang gusto mong mangyari. Maaaring dahilan iyon para mas maging handa ka sa mga susunod pang unos na darating. Mas magiging matatag ka" pumalakpak ang lahat sa sagot ni Marcus, maging ang host ay napatulala ng ilang segundo.

Makalipas ang ilang sandali, nagsimula na ang booksigning. Napapatingin ang ilan dahil inakala nilang may artista sa event center ng mall.

Napatigil si Marcus nang makita ang isang pamilyar na babae na hindi niya inaasahang makikita niya ngayon. Maputi, bilugan ang mata at kulay brown ang buhok. Ngumiti ito sa kaniya, "Pa-sign po Mr. Author" ngiti ni Pia, nakasuot ito ng pulang corporate dress at black blazers.

"I'll wait for you" wika ni Pia nang matapos pirmahan ni Marcus ang libro. Tumagal ng isa pang oras ang booksigning. Pagkatapos nito ay nagkita sina Marcus at Pia sa parking lot. "Sorry, hindi kita nasabihan na pupunta ako" wika ni Pia, sumakay na sila sa kotse ni Marcus.

"Birthday ng boyfriend mo tomorrow, hindi ba dapat bumyahe na kayo ngayon papuntang Batangas?" tanong ni Marcus, iniatras na nito ang kotse. "Change plan. Mag-dinner na lang daw kaming dalawa sa hotel" tugon ni Pia, napansin ni Marcus ang malungkot na tono nito.

"Anyway, you look good kanina. All the time naman" saad ni Pia saka tumawa, sinadya niyang ibahin ang usapan. "Your answers during the interview were impressive. Kaya mas lalong marami ang na-fafall sayo" patuloy nito, diniin niya pa ang huling sinabi dahilan para mapatingin sa kaniya si Marcus sandali saka muling ibinaling ang tingin sa daan.

"Where do you live? Lumipat ka ba ulit ng apartment?"

"No. Doon pa rin sa dati" tugon ni Pia, ang tinutukoy nito ay ang apartment na binili ni Henry para sa kaniya.

"Okay, I'll drop you off"

"Wag muna" napatingin si Marcus kay Pia dahil sa sinabi nito. "I want to talk to you. Like before, sa tapsilogan malapit sa dorm natin" wika ni Pia, hindi kumibo si Marcus. Ang tinutukoy nitong dorm ay ang magkatapat na dormitory na tinutuluyan nila noong kolehiyo. Madalas din silang kumain at magkwentuhan sa tapsilogan na malapit doon.

"Hindi ka pwedeng gabihin. Mahaba pa ang byahe pa-Batangas"

"Wala na. Hindi na kami matutuloy bukas" nakayukong saad ni Pia, traffic sa daan at nababalot ng pulang back lights ang kahabaan ng kalsada. Hindi na nagpatuloy sa pagsasalita si Pia. Hindi rin naman nagsalita si Marcus. Nanatili silang tahimik hanggang sa marating nila ang tapsilogan.

Tapsilog ang kay Pia, iyon ang palagi niyang in-oorder. Bangsilog ang in-order ni Marcus dahilan upang magtaka si Pia. "Ayaw mo ng tapsilog? Hindi ba paborito mo rin 'yon?"

Uminom ng tubig si Marcus, hinubad niya rin ang suot na leather jacket dahil mainit. Plain white shirt lang ang suot niya ngunit makikitang malinis at bagay na bagay na iyon sa kaniya. "Hindi na" tugon ni Marcus. Tumango na lang si Pia.

Napayuko si Pia saka naptitig sa mapupula at mahahaba niyang kuko. "Marcus, does love fades away?"

Sandaling napatitig si Marcus kay Pia, matagal na niyang sinabihan ito na hindi mabuting lalaki si Henry. Ngunit hindi ito nakinig sa kaniya. Mas pinili ni Pia ang bulgarang panunuyo ni Henry na hanggang sa umpisa lang naman. Freelance model at rising actor si Henry.

"If it's true, it doesn't fade away"

"How will you know if it's true love or not?"

Hindi nakasagot si Marcus. Nagsusulat siya ng mga nobelang may kinalaman sa pag-ibig pero maging siya ay hindi sigurado. "If that love never ends. May nagbabago, may nababawasan at may nakakalimot pero hindi iyon matatapos. Pareho niyong mamahalin ang isa't isa nang walang katapusan. Kahit pa malayo siya, nagbago siya, o wala na siya"

Dumating na ang order nila, sandali silang napatigil hanggang makaalis ang waitress. Ngumiti si Pia, ang kaniyang ngiti ay may bahid ng lungkot, "O baka naman hindi niya talaga ako minahal. Ako lang ang nagmahal sa kaniya" agad pinahid ni Pia ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata.

"Why unreciprocated love exists?" patuloy ni Pia, napasandal lang si Marcus sa silya saka pinagmasdan ang mga sasakyan at motor na natatraffic sa masikip na one-lane na kalsada.

"Because there's someone who's better and more deserving of your love" tugon niya. Napatigil si Pia at napatingin kay Marcus, tulala naman ang binata sa magulong kalsada. Hindi alam ni Pia kung siya ba ang tinutukoy ni Marcus o may iba itong tinutukoy. Maari ring dahil isa siyang manunulat kaya ganoon kalawak ang isipan niya.

Hindi mabatid ni Marcus kung paano pumasok sa isip niya ang sagot mula sa tanong na iyon. Matagal na rin niyang tinatanong iyon sa sarili mula nang magkagusto siya noong kolehiyo kay Pia. Bakit hindi kayang suklian ni Pia ang pagtingin niya? Ngunit ngayon ay tila nahanap na niya ang sagot. Ngunit hindi niya alam kung kanino niya napagtanto ang bagay na iyon.


BIRTHDAY ni Fate, kumain lang sila sa isang buffet restaurant dahil ayaw nito mag-debut party. Magkatabi sina Fate at Marcus habang nasa tapat nila ang kanilang mga magulang. Housewife ang kanilang ina, retired general naman ang kanilang ama.

"How's your work? Your mom told me that you've been promoted" saad ni General Vasquez. Matagal na niyang gustong papasukin sa PMA ang anak pero mas gusto nito ang maging graphic artist. Ngumiti si Mrs. Vasquez saka inabot kay Marcus ang platito ng macaroni salad na walang pasas.

Pareho silang mag-ina na hindi kumakain ng pasas. Bilang paglalambing din ni Mrs. Vasquez sa mga anak kaya tinatanggalan niya ng pasas ang mga pagkain may halo nito. "I'll leave next month. We'll be having our training in Universal Studios" nanlaki ang mga mata ng mag-asawa at ng kapatid niya.

"Why you didn't tell us, Kuya?!" reklamo ni Fate, nagkatinginan naman si Mr. and Mrs. Vasquez. "Kanina ko lang din nalaman sa office" tugon ni Marcus na para bang hindi naman siya madaling masurpresa sa mga bagay-bagay.

"We're so proud of you anak! Another success to celebrate!" ngiti ni Mrs. Vasquez saka tinaas ang wine. Tinapik naman ni General Vasquez ang balikat ni Marcus. "You never failed to make me proud and you keep on proving that you made the right decision in choosing that career" ngiti nito. Kahit papaano ay gumaan na ang loob ni Marcus, ramdam niya ang suporta at pagmamahal ng kaniyang mga magulang.

"Oh no, alam na ba 'yan ni ate Pia?" tanong ni Fate. Napangiti tuloy si Mrs. Vasquez. Matagal na itong boto sa kaibigan ni Marcus.

"What's your status na ba kuya? That Henry feeling star is no longer with her. Make some move naman" kantyaw ni Fate dahilan para matawa si Mrs. Vasquez. Tiningnan lang ni Marcus ang kapatid, tumahimik din ito dahil siguradong hindi siya makakahingi ng pera sa kuya niya pambili ng mga bagong libro.

"Invite Pia to join us some time. Probably dinner. I want to see her too" ngiti ni Mrs. Vasquez. Tumango na lang si Marcus, ang totoo ay hindi rin siya sigurado sa nararamdaman kay Pia. Matapos ang pag-amin nito noong nakaraang linggo na wala na sila ni Henry. Madalas siyang i-text o tawagan ni Pia.

Ngunit hindi maintindihan ni Marcus kung bakit parang wala na siyang nararamdaman para sa dating sinisinta. Hindi niya rin alam kung bakit biglang nawala. Totoo kaya na love fades away? Pero kung totoo ang pagmamahal niya kay Pia, hindi dapat iyon maglaho.

Napatingin na lang siya sa glass window ng buffet restaurant na kinakainan nila. Gabi na ngunit maraming tao ang masayang nakapila at nanonood sa mga rides ng Mall of Asia. Kung dati ay hindi niya gusto ang mga lugar na maraming tao. Ngunit ngayon, sa tuwing mag-isa siya. Mas gusto niyang panoorin ang mga tao sa paligid. Madalas din siyang pumunta sa mga piyesta kahit pa wala naman siyang kakilala sa lugar na iyon.


BUWAN ng oktubre, umiiyak sina Fate at Mrs. Vasquez nang ihatid nila sa airport si Marcus. Tahimik naman si General Vasquez ngunit bakas sa mukha nito na mamimiss niya ang anak. "Ang tagal ng two years kuya! Hindi mo naman siguro ako makakalimutan padalhan ng pera, diba?" saad ni Fate habang yakap-yakap si Marcus. College na ito pero parang bata kung umiyak.

Tumango si Marcus, hindi malaking bagay para sa kaniya ang pera. Kung minsan ay napagsasabihan na siya ng nanay nila dahil umaabuso na si Fate kakahingi sa kuya niya. Nang bumitaw si Fate sa pagkakayakap kay Marcus, sunod namang yumakap si Mrs. Vasquez.

"Tell me if you need anything ha. Don't forget to take your vitamins. Sleep early and don't be pressured if you can't write anything. Okay?" tumango si Marcus, hindi siya sanay na hanggang ngayon ay baby pa rin kung ituring siya ng ina. Ngunit kahit gano'n ay mamimiss niya pa rin ang mga lambing nito.

"You can do it, my son" wika ni General Vasquez saka mabilis na inakap ang anak habang tinatapik ang balikat nito. Tumango na si Marcus sa kanila saka kinuha ang isang itim na maleta. Nakasabit din sa kaliwang balikat niya ang isang itim na backpack.

Kumaway siya sa mga magulang bago pumasok sa loob. Yellow shirt, white jacket, white shorts at white shoes ang suot niya. Kinuha na rin niya ang white cap na nakasabit sa strap ng kaniyang bag at sinuot iyon.

Kalahating oras na ang lumipas, nakaupo lang siya sa waiting lobby sa boarding area. Nabasa niya ang text ni Quinn, nag-aalala ito dahil natraffic daw siya. Pareho silang na-promote at magtatraining sa ibang bansa.

"Marcus!" tawag ni Quinn, isang maliit na pink na maleta ang hand carry nito. Batid ni Marcus na nasa luggage ang malalaking maleta ni Quinn. "Why so init talaga sa labas. Kaimbyerna rin ang traffic, gosh" umupo si Quinn sa bakanteng upuan sa tabi ni Marcus. Sanay na si Marcus sa mga reklamo at girly look ng kaibigan at katrabaho.

Tiningnan ni Quinn si Marcus, "Buti ka pa fresh" komento nito, may crush din si Quinn kay Marcus ngunit mas loyal siya sa boyfriend niyang gym instructor. "Bibili lang ako ng tubig" wika ni Marcus, napansin din niya na hapong-hapo ang kaibigan. Bukod doon ay nauuhaw na rin siya dahil pinakain pa siya ng siopao ni Fate kanina sa sasakyan pero wala naman pala silang dalang tubig.

Iniwan ni Marcus ang itim niyang backpack sa tabi ni Quinn saka nagtungo sa vending machine para bumiling dalawang mineral water. Naihulog na niya ang barya at nakapili ng tubig. Kinuha na niya iyon saka naglakad pabalik sa kinaroroonan ni Quinn.

"Malapit na ang boarding!" tawag ni Quinn, mabilis na naglakad si Marcus papalapit saka inabot ang tubig kay Quinn. "Ang tagal nila. Bakit wala pa sila? Thank you, prince" saad ni Quinn, madalas niyang asarin nang gano'n ang kaibigan. Tumatango lang ito at sinasakyan ang kalokohan niya.

Tumayo na rin si Quinn, sumabit ang keychain na nakasabit sa bag ni Marcus. Ginawang keychain ni Fate ang crescent moon necklace na palaging hawak ng kuya niya. Dadamputin na dapat ni Marcus iyon sa sahig ngunit may babaeng unang nakadampot niyon.

Napatulala si Marcus sa babae. Nakatirintas ang mahabang buhok nito. Yellow dress, white cardigan at beige sandals. May dala rin itong maliit na itim na maleta. Napatingin sa kaniya ang babae, natauhan si Marcus nang iabot sa kaniya ang crescent moon necklace.

"T-thanks" tugon ni Marcus, hindi siya nagpapasalamat kaninuman. Hindi siya sanay banggitin ang salitang iyon ngunit sa hindi malamang dahilan ay nagawa niyang sabihin iyon sa isang estranghero. Magsasalita sana ang babae ngunit biglang sumigaw si Quinn.

"Girl! Bakit ang tagal niyo?!" patakbong lumapit si Quinn sa babae saka bumeso sa dalawang pisngi nito. Lumapit na rin ang dalawa pang lalaki na nasa edad apatnapu na. Binati sila ni Quinn, hindi naman maialis ni Marcus ang tingin niya sa babaeng nakapulot ng kuwintas.

"Worried kami baka hindi kayo dumating. Sayang ang ticket hay nako!" saad ni Quinn, natawa ang tatlo. "By the way, Marcus, sila 'yung mga kasama nating mag-train sa Universal Studios. Galing sila sa kalaban nating company" biro ni Quinn dahilan para matawa silang lahat.

"Anyway, mamaya na tayo mag-chika. Naka-board na silang lahat!" matinis ang boses ni Quinn sabay turo sa pila na ngayon ay lima na lang ang naroon. Tumango ang dalawang mas nakatatandang lalaki, sinabayan sila ni Quinn at sinimulang kausapin.

Nahuli naman si Marcus at ang babae, sinabayan niya ito maglakad. Papalubog na ang araw kung kaya't kulay kahel na ang langit. Tumatagos ang kahel na liwanag sa malalaking glass window ng airport.

Napatikhim muna si Marcus bago niya ilahad ang kaniyang palad sa tapat ng babae habang naglalakad sila nang mabagal. "Marcus" pakilala niya, ngumiti ang babae sa kaniya saka hinawakan ang kamay niya.

"Faye" tugon nito. Sa hindi malamang dahilan ay nagawang ngumiti ni Marcus. Hindi niya rin maintindihan ang sarili kung bakit nagagawa niyang ngumiti sa babaeng iyon na ngayon pa lang niya nakilala. Ngunit hindi na mahalaga iyon.

Ang alaalang nabaon sa limot ay hindi na maibabalik pa ngunit maaari naman silang bumuo muli ng panibagong alaala. Ang Salamisim na ang siyang bahala.


(Wakas)

********************

#Salamisim

Note: No to Spoilers! May mga na-mute/block na ako dito sa comment section. Nagbigay na ako ng final warning kaya paumanhin na lang. Bigyan natin ng pagkakataon na magkaroon ng excitement ang ibang readers sa pagbabasa ng isang akda at sila mismo ang makatuklas ng mga rebelasyon sa kwento. Huwag tayong maging bida-bida. Entendido?

Sa mga nagtatanong paano nakalabas sa libro si Faye, masasagot lahat ng iyan sa next surprise ko sa inyo. Ang Salamisim ay Series. Na-publish ko na dito sa wattpad ang Ikalawang serye, "Hiraya".

Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang tagpuan at panahon sa istoryang ito ay panahon pa ng pananakop ng mga kastila sa Pilipinas. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang mga pangalan, kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan. Hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Plagiarism is a crime punishable by law.

© All Rights Reserved 2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top