Saking Pagsisiyasat sa Dilim
Hubad pa ang isipan ko noon, samakatuwid ay musmos pa at wala pang kamuwang-muwang sa kalakaran ng mundo. Hindi ko pa alam;
kung pano nila gawing katotohanan ang mga pinagtagpi-tagping kasinungalingan,
kung pano nila mangmangin ang sangkatauhan sa sinasabi nilang naisulat na kasaysayan,
kung panu nila sinasabing kapag nasa liwanag ka ay nasa mabuti ka at kapag nasa dilim ka ay masama,
kung pano linlangin ng media ang magiging at dapat na pananaw ng masa sa tama,
kung papaanong ang labis na kasakiman ang umaalipin sa bawat tao sa mundo,
kung pano isinawalang bahala ang mga nagbuwis ng buhay upang makamit lang ang gusto.
Bata pa ko noon wala pa kong alam ay isinalaysay na sakin ng sinasabi nilang 'kasaysayan' na tayo, tayong mga Pilipino sa katauhan ni Juan Dela Cruz ay isang hamak na alipin.
Isang hamak raw na alipin.
Tayo'y isang hamak lang na alipin?
Juan Dela Cruz, sa katauhang ito inilalahat ang ating lahi na halos katumbas raw ng Uncle Sam at John Doe ng mga Amerikano ayon sa napagtanungan kong mapagtatanungan ng masa, ang wikipedia. Likha ito ni Robert McCulloch Dick sa unang bahagi ng dekada '90 na pinarangalan pa nung 1958 ng The Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature and Creative Communication Arts.
Kadalasan si Juan ay inilalarawan bilang biktima ng Imperyalismong Amerikano ng mga aktibista. Karaniwang nakasalakot, barong-tagalog at tsinelas siya. Kung minsan nama'y madungis na magsasaka at nasa estadong kaawa-awa. Wari bang pasan niya na ang mundo at ginulpi ng kaliwa't kanang problema hanggang sa malumpo. Naabutan ko pa nga saking kamusmusan ang mga karikaturang
si Juan ay alipin lang ng banyaga,
si Juan ay tinatapak-tapakan lang ng iba,
si Juan ay 'di talaga timawa,
si Juan ay mababa - isang hamak na maralita.
Nakakaawa.
Nakakababa.
Sa mura kong edad sinubukan kong unawain kung bakit ganun na lamang ang tingin nating mga Pilipino sa ating lahi?
Isang mababang uri.
Isang hamak na alipin.
Mababa? Hamak? Alipin? Ba-a..kit?
Saking pagpasok sa paaralan ay napagtanto kong marahil ay bunsod ito ng kaisipang nasa ilalim tayo ng soberanya ng mga kastila na humigit kumulang 333 na taon na sa iba kong nakalap na impormasyon ay umaabot pa raw ng 340 na taon ngunit nakalaya na tayo dun.
Nung una pa ma'y ipinaglaban na ni Lapu-lapu ang ating pulo. Pinasundan ng pagkakatayo ng Katipunan sa ilalim ni Gat Andres Bonifacio upang makilala ang ating bansa bilang isang nagsasariling estado mula sa tanikalang hatid ng imperyalismo.
Ngunit may isa pa, ang mga Amerikano.
Malaki ang naging papel ng bansang ito sa atin. Malaki ang pinapel nito sating bansa at malakas din ang naging impluwensiya nito. May mga nagsasabing tinulungan tayo nila mayroon din namang nagsasabing hawak nila ang ating hininga.
Pero kung anu man, ang tingin pa rin natin sating mga sarili ang mahalaga.
Matapos ang pananakop ng Amerikano ay ang siyang pagbayo ng isa pang mananakop, ang mga Hapon at ang pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Marami na ang nagbuwis ng buhay sa ilalim ng tatlong manlulupig na 'to upang ilarawan pa rin ang ating lahi bilang alipin, hamak at mababa. 'Di ata tamang tinitingala ka ng iba gayong mas mababa ka pa pala sa kanila.
Respeto, ang pinakaunang itinuturo sa paaralan maging sa loob ng tahanan subalit ito rin ang pinakahuling salita nating natutunan matapos ang ating mga kahunghangan.
Libre lang ito kung tutuusin. Hindi mo ito mabibili sa tindahan, malilimos sa mga tao sa daanan, maani kung ika'y mayaman, matatamasa kung ika'y gahaman at sakim sa kasikatan. Hindi mo makukuha ito sa ibang tao ng sapilitan. Hinding hindi kahit gaano pa kataas ang iyong nilipad at tinaas ng iyong pinag-aralan. Hinding hindi mo mapipilit ang ibang tao sapagkat kusa nilang ibinibigay ito.
Ngunit nakakalungkot, nakakalungkot na kung sinu pang mga may pinag-aralan sila pa ang madalas makakalimot sa salitang 'to. Sintido komon na lang nga ang dapat gamitin. Hindi na kailangan pa ng sandamakmak na papel para balik-aralan ito, hindi na kailangang magsaliksik, hindi na kailangan pang magsunog ng kilay at gugulin ang lahat ng oras upang pagnilayan. Napakapayak lang kung tutuusin ngunit ginawang komplikado ng mga taong hindi talaga natuto o hindi man lamang alam ni katiting sa salitang ito, respeto.
Respetuhin naman natin ang mga nakibaka upang makalaya tayo sa kamay ng mga dayuhan, respetuhin naman natin ang dugo't pawis na ibinuwis nila para makilala ang ating bansa.
Pahalagahan naman natin.
Bigyan natin ng galang at pagpupugay.
Iangat mo naman ang tingin mo sayong sarili. Isipin mo na lang;
Papaanong makikibaka ang alipin kung may sinusunod siyang iba?
Papaanong hahawak ng tabak o pluma ang aliping tanging alam lang ay makinig at sumunod sa nagmamay-ari sa kanya?
Papaanong magagawa ng isang alipin ang naisin niya kung kamay at paa niya'y nakatanikala?
Sige nga, sabihin mo sakin kung paano? Paano?
Wala na tayo sa kuko ng mga Hapon, tali ng mga Amerikano at soberanya ng mga Kastila. Nasa sa atin na ang kapangyarihan, ang kapangyarihan ng pagbabago.
Nasa demokrasyang bansa na tayo at walang ibang nag-utos satin upang lumaya sa ilalim ng kamay ng banyaga.
Walang nag-utos satin.
Hindi tayo inutusan.
Buhat ito ng ating sariling kagustuhan.
Ang kagustuhang lumaya sa mga kamay nila sapagkat nanalaytay sa ating ugat ang dugong bughaw ng Pilipino. Kung kaya't buhat noon iwinaksi ko na saking isipan ang pagkakaalipin ng aking lahi. Lagi ko ng kinokontra ang mga kaisipang nagdudulot ng pagpantig ng mga tenga ko sa mga salitang nauugnay sating lahi at sa salitang alipin. Sapagkat tayo'y ganap ng malaya at nasa sa atin ng mga kamay ang pagpapasya.
Ngunit mas pinili pa rin ng iba na hamakin ang sarili nila.
Nakakalungkot.
Nakakalungkot.
Malaya na tayo. Malaya na tayo ngunit palagi na lang may ganyan, lagi na lang may humaharang. Lagi na lang may humihila pababa.
Kung panung may bida sa palabas ay mayroon ding kontrabida.
Kung papaanong kaakibat ng kasiyahan ang kalungkutan ganun rin ang kasaganahan at kahirapan.
Lalo na ang katotohanan at ang kasinungalingan.
'Di mo mapaghihiwalay yan. Kahit hiramin mo pa ang bagwis ni Milo na gawa sa balahibo ng Minokawa. Imposible mo itong mapaghiwalay 'di tulad ng mga naglalanturang magkasintahan na wala ng privacy at wagas kung makapaglampungan at pagdating ng kinabukasan, hiwalayan.
Kaya maraming 'di naniniwala sa forever eh.
Walang katotohanan kung walang kasinungalingan.
Paanu mo masasabing nagsisinungaling ako? Kung alam mo ang totoo. At papaano mong masasabing may katotohanan ang sinasabi mo at nagsisinungaling ako?
Tulad na lang ng dilim at liwanag; 'di magniningning ang mga bituin sa langit kung walang kadiliman, 'di mabibigyang tanglaw ng buwan ang mundo sa tuwing babanigan ito ng dilim kung maliwanag naman at pansinin mo kahit maaraw at maliwanag anjajaan pa rin ang anino sa iyong likuran kung kaya't kahit anung subok mo 'di mo mapaghihiwalay ang dalawang magkasalungat na magkaugnay.
Sabi sa inyo may forever eh.
Ganun rin ang nakaraan at hinaharap at may pakulo kumbaga sa mga palabas may twist... Ang kasalukuyan.
Oras at panahon. Ang oras at panahon ang masasabi kong pinakamahalaga at pinakawalang kwenta. Paano? Mahalaga ito sa mga nagpapahalaga. Walang kwenta naman ito para sa mga nagsasawalang bahala. Ganun tayo, napagtatanto lang natin ang halaga sa oras na ito'y wala na.
Katulad ng oras marami tayong ginugugol na panahon para paghandaan lang ang oras na mamahinga tayo.
Ang panahon, maraming panahon ang ibinigay sating palugit ngunit sa kasamaang-palad ay sinasayang lamang natin ito at tinatanggap ang ating magiging kapalaran.
Napag-iiwanan tayo.
Napag-iiwanan tayo ng panahon.
Napag-iiwanan tayo ng panahon at ang masama'y maluwag lang nating tinatanggap ang ating sinasabing kapalaran. Ang kapalaran natin ay 'di nakaguhit sating mga palad bagkos ang kapalaran ay nasa sa ating mga kamay.
Nasa sa ating mga kamay ang magiging kapalaran ng bawat-isa.
Nasa sa atin kung tatanggapin na lang natin na hanggang jan na lang tayo ngunit paumanhin kapatid, hindi ako makikisabay sa inyo. Hindi ako katulad ng karamihang ganun na lamang kung tanggapin nila ang kanilang kapalaran ng walang ginagawang hakbang upang mabago ito.
Hindi ko hahayaang tawaging alipin ang aking lahi, 'di ko hahayaang; yurakan, alipustahin, apakan, duraan, maliitin, hamakin ang itinuturing kong tahanan ng mga ginintuang binhi.
'Di ko na 'to palalampasin ang pagkakataong ito upang gumawa ng hakbang tungo sa pagbabago.
Nasa ating mga kamay na ang pagbabago. Hindi ko na hahayaang lapastanganin ang minamahal kong bayan.
Ibigin muna natin ang sarili nating wika bago natin mahalin ang salita ng banyaga sapagkat ika nga ni Rizal, alam kong alam niyo na 'to miske mga bata kabisa 'to, sabay-sabay tayo isa, dalawa, tatlo
"Ang hindi marunong magmahal sa sarili niyang wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda."
Palakpakan *klap klap klap klap klap klap* pero hindi talaga iyan ang iiwan kong katagang iniwan ni Rizal sa atin kundi ang mga katagang
"Habang pinapanatili ng mga mamamayan ang kanyang wika, napapanatili niya ang marka ng kalayaan ng kanyang bansa."
Halika, samahan mo kong siyasatin ang dilim at gisingin ang nahihimlay na asul na bituin sa atin. Magbunyi ka, magdiwang, ipagmalaki mo na ikaw ay Pilipino!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top