Sa Paskong Sasapit
Ika-24 ng Disyembre
Taong dalawang libo't labing-apat
Araw ng Miyerkules
Alas otso ng gabi
Malamig nanaman ang simoy ng hangin kaya suot ko ngayon ang paboritong cardigan na napaglumaan na ng panahon. Nakita ko kasi itong tinambakan na ng mga bagong damit sa cabinet at sa pagkuha ko nito'y nalalanghap ko parin ang pinaglumaang halimuyak na tila ba'y nangungusap na 'wag ko naman sanang kalimutan ang mga nagdaan.
Hinawakan ko ang magkabilang laylayan nito at in-ekis ang mga braso upang yakapin ang sarili. Masyado nanamang malamig ang panahon, may bagyo nanaman ba? Hindi ko maiwasang mangamba ngunit nang mapatingin ako sa orasan ay bigla nalamang napawi ang namumuntawing takot sa aking puso at agad na nagtungo sa sala. Tinignan ko muna ang sarili sa salamin at inayos ang magulong buhok para maging kaaya-aya naman ako tignan sa paparating na bisita. Nang makuntento na ako sa aking ayos ay lumabas na ako papunta sa front porch ng bahay namin.
Unang dumating ay ang mga pinsan, tiya at tiyo ko na agad namang pumasok ng bahay. Sinalubong sila nina inay at itay at masayang nagkukwentuhan sa loob hanggang sa dumating ang mga kapatid at pinsan ko galing sa paglalaro sa labas. Nginitian ko sila dahil natutuwa akong maramdaman ang diwa ng pasko ngayon, bagama't malamig ang hangin ay tunay nga pala talagang mainit pa sa naihandang pang noche buena ang pagmamahal na tanging pamilya mo lamang ang nakapagbibigay.
Akmang papasok na ako sa loob ng bahay nang mahagip ng aking paningin ang isang pamilyar na pigura mula sa malayo. Naningkit ang mga nasasabik kong mga mata upang kumpirmahin ang aking hinala, at parang hindi magkamayaw ang aking damdamin dahil sa tuwa nang lumakad ito ng ilang hakbang palapit sa akin. Sa wakas ay narito na ang aking pinakahihintay.
Nakangiting sinalubong ko siya ng mainit na yakap. "Parang napatagal yata ang iyong pag-uwi?" pagtatanong ko. Nagkibit balikat lang naman siya kasabay noon ay ang marahang paghaplos niya sa aking buhok. "Bagong graduate palang ako, mahal. Hindi pala talaga madali ang buhay ng isang sundalo, mabuti nalang at nadestino kami sa medyo malapit kaya nabibisita kita ng ganito," mahabang paliwanag niya. Napangiti lamang ako at saglit na mas hinigpitan ang yakap sa kaniya bago ako kumalas.
"Tara na sa loob? Baka naghihintay na sila nanay at tatay sa'tin," pag-aya ko sa kaniya ngunit ngumiti lamang siya at pinisil ang ilong ko. "Mamaya na, gusto pa kitang solohin," pabirong sambit niya kaya napatawa ako, "Ang korni mo. Hindi pwede, nararapat lang na magpaalam tayo bago umalis, okay na ba 'yon?"
Bahagyang sumimangot siya na kalaunan ay naging isang kalmadong ngiti, "Pasensya ka na kung hindi ko na naisip 'yun a? Masyado lang talaga kitang namiss kaya nais kong sulitin 'to. Kailangan ko narin kasing bumalik bago pa man mag alas dose." Hinatak ko na siya papunta sa loob at dinala sa may kusina kung nasaan ang lahat.
"Nako, Caleb, narito ka na pala!" Pagbati ni Tatay. Agad namang lumapit dito ang isa upang magmano, kasunod noon ay ang paglapit niya kay Nanay upang magbigay ng galang, hanggang sa nilapitan niya na ang mga tiyahin at tiyohin ko bago nakipagkulitan sa mga bata.
Natutuwang pinagmamasdan ko naman siya habang ginagawa ang mga 'yun.
Hindi ko sukat akalain na matatanggap nila si Caleb ng ganito. Naalala ko pa dati kung gaano ka-galit 'yung mga magulang ko dahil magsusundalo ang natitipuhan kong maging katuwang sa buhay. Pero wala silang magagawa dahil ipaglalaban ko talaga ang taong alam kong para sa akin.
Hindi na kami nagtagal doon at nagpaalam din kaming aalis. Babalik naman kami bago ang noche buena, 'yun nga lang ay hindi na siya makakasabay sa amin sa pag kain. Nakakalungkot, oo... pero ayos na 'yun, naiintindihan ko naman ang demand ng trabaho nila. Padadalhan nalang namin siya ng mga naihanda at pababaunan ng pagmamahal. Ayon, nagiging corny narin ako.
Kumunot ang noo ko at tinitigan siya ng may pagdududa nang hinawkan niya ang kamay ko pagdating namin sa labas. "Saan ba tayo pupunta?" Pagtatanong ko na ikinangiti niya. Agad niya naman akong hinila palayo sa bahay at nagtungo kami sa kahabaan ng kalsada. "Mahilig ka sa mga stars, 'diba?" Pagtatanong niya habang tumatakbo kami. "Bakit? Manunungkit ka ng bituin para sa'kin?" Natatawang tanong ko dahilan para tumigil siya at pinitik ang noo ko, "Nang go-goodtime ka nanaman," naiinis kunwari na sagot niya kaya mas lalo akong napahalakhak habang hinahaplos ko ang noo. Masakit parin 'yun ha.
"May alam akong lugar na maganda para sa star gazing, nakita ko kanina habang naglalakad papunta rito," sabi niya at nagsimulang tumakbo ulit. Sinabayan ko parin siya kahit ramdam na ramdam ko na 'yung pagod pero wala e. Masaya palang mag running marathon sa gabi, lalo na at pasko ngayon kaya maingay at maaliwalas ang paligid.
Hindi ko mapigilan ang sariling pansinin ang mga magagandang dekorasyong pamasko sa bawat bahay na nadadaanan namin. Hindi mawala-wala ang mga christmas lights na nagbigay ng buhay sa kalungkutan ng gabi. Mayroong iba't-ibang parol na nakasabit sa harapan ng mga pinto nila o kahit sa mga nananahimik na kahoy.
Tumatakbo parin kami ni Caleb ngunit unti-unti ko nang nararamdaman talaga 'yung pagod. "Teka, sandali. Pahinga na muna tayo saglit," sabi ko at bumitaw mula sa pagkakahawak niya. Huminga ako ng malalim at tinignan siya, "Parang nakalimutan mo yata na hindi ako sanay sa takbuhan," sabi ko habang hinahabol ang paghinga. Tinitigan niya naman ako at pigil ang tawa niya habang nagkibit-balikat.
Nanatili muna kami sa tapat ng isang magandang bahay. Ang sala nito ay makikita mula rito sa labas dahil gawa sa salamin ang kanilang dingding. Nakikita ko sa loob ang maganda nilang christmas tree at masayang pamilya na naghahanda para sa noche buena mamaya. "Ang saya nila 'no?" Tanong ko kay Caleb. Naramdaman ko namang tumabi rin siya sa akin at tinignan ang tanawing pinagmamasdan ko.
"Bakit? Hindi ka ba masaya ngayon?" Tanong niya. "Masaya, siyempre. Buo ang pamilya ko tapos kasama na kita ngayong pasko... ano pang maihihiling ko 'diba?" Sagot ko habang nanatili lamang ang tingin sa loob ng bahay na 'yon. Hinayaan ko lang naman siyang ipatong ang braso sa balikat ko at dinamdam ang halik na inilapat niya sa aking noo. "Kaya tara na at baka hindi ka na makaabot sa noche buena, gusto talaga kitang ipasyal sa lugar na 'yun ngayong gabi," excited niyang sabi bago niya hinaplos ng bahagya ang braso ko at hinawakan ulit ang kamay para sabay na kaming maglakad sa kahabaan ng kalsada.
Habang lumalayo kami sa mga bahay ay unti-unti naring dumidilim ang paligid, pero hindi ko na 'yun pinansin sapagkat kasama ko naman siya.
"Malayo pa ba ang lalakarin natin?"
"Malapit na."
Ilang saglit pa ay tumataas na ang daan at parang umaakyat kami sa isang maliit na burol. Nang marating namin ang tuktok ay bumungad sa aking paningin ang naggagandahang mga bituin. Sobrang dilim ng paligid kaya mas marami at mas makinang silang tignan, pakiramdam ko'y nasa kalawakan na ako ngayon at nagpalutang-lutang dahil sa nakakapigil-hiningang tanawin.
"Tama ka... ang ganda nga rito," nakangiting pagbulong ko sa hangin. Nakatingalang pinagmamasdan ko ang mga tala nang bigla siyang sumapaw sa magandang tanawin at tinititigan ako, "Maaari ba kitang isayaw rito, binibini?" Seryosong tanong niya ngunit napatawa ako ng marahan bago tinanggap ang kaniyang kamay. Bakit parang bumalik kami sa sinaunang panahon? Ang old school lang pero sobrang priceless.
Sinayaw nga niya ako kasabay ng tugtuging pamasko na maririnig parin namin mula rito kahit nanggagaling iyon sa malayong bahay. Sa pagkakaalam ko ay kanta ito ni Jose Mari Chan na may lirikong "my idea of a perfect christmas..."
Natatawang umikot ako, lumayo ng kaunti bago niya ako hinila ng marahan palapit sa kaniyang dibdib. Napahawak ako sa mga balikat niya samantalang ginagabayan niya naman ako sa pamamagitan ng paghawak niya sa aking baywang. Nakatingalang pinagmamasdan ko ang mga mata niyang mas makinang pa sa mga talang sinasaksihan ang pagmamahalan namin ngayon.
Ilang saglit pa ay inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin at pinaglapat ang aming mga noo.
"Pa'no ba 'yan, hanggang dito nalang yata tayo," nalulungkot niyang sambit ngunit nagawa niya paring maglagay ng ngiti sa kaniyang labi.
"Aalis ka na?" Tanging tanong ko nalang.
Tumango siya bilang pagsagot habang nilalapat ang malamig niyang palad sa aking pisngi. Huminga muna siya ng malalim atsaka bumulong. "Hanggang sa susunod na pasko ulit?"
Mas tinitigan ko pa siya ng matagal. Ayaw ko pa siyang maglaho ngunit unti-unti nang dumilim ang paligid...
Bago pa man siya nawala sa paningin ko ay siyang pagsambit ko ng mga katagang sana ay narinig niya.
"Hanggang sa susunod nitong pagsapit..."
Napadilat lamang ako nang may tumatawag sa akin.
"Mikaela? Naririnig mo ba kami?"
Tinignan ko ang paligid at napansing puro puti ang dingding nitong kwarto.
"Nasaan ako?" Tinignan ko ang isang babaeng nakaputi rin na nakatingin sa akin ngayon.
"Andito ka na ulit sa tahanan mo," nakangiting sambit niya ngunit napaiwas lamang ako. Nagsisinungaling siya.
Inalala ko ulit ang mga pangyayari kagabi at wala sa sariling nagsalita.
"Alam ko kung nasaan ang tahanan ko at hindi dito 'yun... kasama ko ang pamilya ko kagabi... pati si Caleb..."
Hindi ko alam kung bakit ngunit marahan niyang hinaplos ang kamay ko at naiiyak na tinignan ako sa mga mata.
"Mikaela, makinig kang mabuti ha?"
"Two years na silang wala... unti-unti na nating bitiwan 'to ha? Nabigyan ka ng pangalawang buhay for a reason," marahang sambit niya na para bang iniingatan niya ang bawat salitang bibigkasin sa takot na baka makabasag...
Oo nga pala...
Nasalanta kami ng bagyo noong nakaraang taon habang papalapit na ang pasko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top