Chapter 1

"MGA KASAMA!!! Hahayaan ba nating laging magbibingi-bingihan ang gobyerno sa bawat hinaing ng ating mga kababayan na nagpapakahirap sa pagtatrabaho sa ibang bansa? Pababayaan ba nating laging nasasayang ang buhay ng ating tinatawag na mga bagong bayani dahil hindi gumagawa ng kongkretong hakbang ang ating pamahalaan para maipaglaban ang kanilang karapatan? Hihintayin na lang ba natin na isang kababayan na naman natin ang mamatay dahil sa kawalan ng hustisya?" Umaalingawngaw ang boses ni Patty habang nagsasalita sa hawak na mikropono. Tatlong araw na silang nagbabarikada sa harap ng POEA. Mula nang pumutok ang balita tungkol sa isang OFW na nahatulan ng kamatayan sa bansang Indonesia ay hindi na sila tumigil na kalampagin ang gobyerno para bigyan ang agarang aksyon ang trahedyang sinapit ng isa nating kababayan, si Nina Delgado. Nahatulan siya ng kamatayan dahil sa diumano'y pagpatay sa batang kanyang inaalagaan. Napakahirap sa loob ni Patty na ang matalik niyang kaibigan mula pagkabata na walang inisip kundi maiangat ang estado ng pamumuhay ng kaniyang pamilya ay nahaharap ngayon sa masakit na kamatayan. At bakit hindi sasakit? Kilala niya ang kanyang kaibigan. Hayop nga ay hindi ito nananakit, tao pa kaya ang makakaya nitong patayin? Kung namatay man ang batang inaalagaan nito, siguradong inosente ang kanyang kaibigan. Kailan man ay hindi siya maniniwalang ang bespren niyang si Nina ang pumatay sa batang anak ng kanyang amo sa Indonesia. At ngayon nga, isang linggo na lang bago ang takdang araw ng pagsasagawa ng hatol na kamatayan ay mas lalo silang nag-iingay para mapilitan ang gobyerno na kumilos para iligtas si Nina.

"Pauwiin si Nina!" sigaw ng mga taong kasama sa barikada. Lahat sila ay nag-aalab ang damdamin sa tingin nilang walang katarungang paghatol ng kamayatan kay Nina sa bansang Indonesia.

"Buksan muli ang kaso!" sigaw naman ng iba pa. "Wag nating hayaang masayang ang buhay ng isang bagong bayani!"

"Patty!"

Lumingon si Patty sa pinanggalingan ng tinig at nakita niya si Migs, empleyado sa isang Non-Governmental Organization na tumutulong sa mga OFW na nagkakaproblema sa bansang pinagtatrabahuhan nila. May dala itong brown envelope na may lamang mga dokumento.

"Migs, anong balita?"

"Mukhang mahihirapan tayong ilaban ang kaso ni Nina. Peke ang mga dokumentong ginamit niya para makaalis ng bansa. Pati edad niya pineke rin. At yung agency niya, di na rin mahagilap dahil di rehistrado sa POEA."

Nanlumo si Patty. Isang linggo na lang at igagawad na kay Nina ang death penalty. Ayaw niyang isipin na sa ganoong trahedya magwawakas ang buhay ng pinakamatalik niyang kaibigan.

"Anong gagawin natin, Migs. Hindi pwedeng wala. Hindi pwedeng mamatay si best. Kung makikita mo lang ang nanay ni best, nakakaawa. Hanggang ngayon hindi niya matanggap ang sinapit ng kanyang anak. Dalawa na lang sila sa buhay. Siya ang dahilan kaya nagpumilit mangibang bansa si best. Gusto niyang mabigyan ng maginhawang buhay ang nanay niya. Tapos ganito..."

"Ginagawa naman natin ang lahat para matulungan si Nina. Lahat ng posibleng paraan. At hindi tayo titigil hanggang sa huli," pilit na pinagagaan ni Migs ang sitwasyon. "Kakausapin natin ang secretary ng DFA. May appointment ako sa kanya mamaya tungkol sa kaso ni Nina. Gusto mo bang sumama?"

"Oo, Migs. Sasama ako."

"MAGANDANG hapon po."

"Maupo kayo," paanyaya ng kalihim ng DFA. "Anong maipaglilingkod ko sa inyo?"

"Sir, narito po kami para ihingi ng tulong si Nina Delgado, yung nahatulan ng death penalty sa Indonesia."

Tumango-tango ang kalihim. "Pinag-aralan namin ang kaso niya. Nagpadala ang gobyerno ng tulong sa kanya. Siniguro ng tanggapan ko na mabigyan siya ng abogadong magtatanggol sa kanya. Ginawa namin ang lahat para iligtas siya," saglit na huminto sa pagsasalita ang kalihim. "Mabigat ang ebidensiya laban sa kanya. Mismong ang ama ng bata ang nakakita kung paano niya itinulak ang bata na naging sanhi ng pagkakauntog ng ulo nito sa pader na naging dahilan ng pagkamatay nito."

"Hindi po 'yan totoo," sagot ni Patty. "Dala ko ang kopya ng mga chat namin ni Nina. Nakalagay dito kung gaano niya kamahal ang batang inaalagaan niya. Nakasulat dito kung gaano niya iniingatan ang anak ng amo niya. Ni minsan, walang binanggit sa akin si Nina na naging pasaway ang batang inaalagaan niya. Ang medyo hindi magandang naikuwento niya sa akin ay nang minsang mahuli niya ang amo niyang lalaki na binobosohan siya habang naliligo. Hindi naman siguro dahilan iyon para sa bata gumanti si Nina."

"Sir, wala po ba tayong magagawa para hindi matuloy sa isang linggo ang pag-firing squad kay Nina?" tanong ni Migs. "Kahit ipaantala lang muna natin ang paggawad ng hatol habang umaapela ang gobyerno na muling buksan ang kaso niya."

"Hindi naman tayo tumitigil sa pagbibigay ng suporta kay Nina. Katunayan, tatlong araw mula ngayon ay dadalhin namin sa Indonesia ang nanay ni Nina para magkita silang mag-ina."

"Alam ko po 'yun. Kasama po ako dun. Ako ang pinili ni nanay Lita para samahan siya sa Indonesia," paliwanag ni Patty. "Pero sir, hindi sapat na magkausap lang sila. Ang dapat ay mapabuksan ulit ang kaso ni Nina para lumabas ang katotohan na hindi siya mamamatay-tao. Hindi siya kriminal. Hindi kriminal ang best friend ko," nangingilid na ang luha sa mga mata ni Patty.

"Ginagawan naman namin ng aksyon 'yan, pero sana maintindihan n'yo rin that we can only do so much. May sariling batas ang Indonesia at di na sakop ng Pilipinas kung paano nila ipatutupad ang batas nila."

"Pero walang kasalanan ang kaibigan ko! Hindi niya pinatay ang bata. Sigurado ako doon."

"Iba ang sinasabi ng saksi. Iba ang itinuturo ng mga ebidensya. Ang magagawa na lang natin sa ngayon ay magdasal at umasa na papayag ang gobyerno ng Indonesia na pabuksan muli ang kaso. Ginagawa namin ang lahat."

"Nakaapekto po ba sa kaso yung pagiging ilegal ng mga dokumentong ginamit ni Nina para makapagtrabaho sa Indonesia?" Bakas ang labis na pag-aalala sa mukha niya.

"Ibang kaso 'yun na isinampa na rin laban sa kanya. Pero mas tinututukan muna namin yung murder case niya dahil buhay ni Nina ang nakasalalay dun. Isang linggo na lang ang natitira. Kapag wala pa rin tayong nagawa, hindi na natin mapipigilan ang pagpataw ng parusang kamatayan kay Nina," paliwanag ng kausap nila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top