Sa Iyong Tingin
Sa isang sulok naroon ka at umiindayog ang katawan sa saliw ng musika. Nais mong i-enjoy ang bawat galaw sa saliw ng musika. Tama, sumasayaw ka upang makatakas sa realidad, sa iyong mundong walang kasiguraduhan at panghuli, dahil mahal mo ito.
Gumuhit ang ngiti sa iyong labi habang nangangarap na sa isang malaking entablado ka naroon.
Nagkatinginan kayo ng ng katabi mo na aliw na aliw din sa pagsasayaw. Iisa lang ang goal ninyo ang malayang sumayaw at manalo sa nalalapit na dance competition na inyong sinalihan.
Papatapos na ang tugtog nang mapadako ang iyong mata sa gilid. Nahuli mo siyang nakatingin at agad siyang nag-iwas. Bumaling sa pag-i-spray sa pader. Hindi maitago ang iyong galak dahil pagdating niyo pa lang sa park na ito ay napansin mo na agad siya. Parang hinihinala ka ng misteryoso niyang awra.
***
Huminto kayo sa pag-eensayo upang magpahinga.
Siniko ka ni Joy. "Hoy. Baka matunaw."
"Huh?" Kinuha mo ang tuwalya sa iyong bag.
"Tingnan mo, mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang isang 'yan. May hitsura nga, mukha namang basagulero. Bakit balot na balot at naka-hood pa, e ang init naman dito."
"Judgmental teh? Hmm, he's hot kaya and artistic." Nginuso mo ang pinipinta niya.
"Huh? Ano 'yon? Taong ibon na may sugat sa paa? Wait, may bubog ang paa. Weird. And now, parang Earth naman ang ginagawa niya. Medyo creepy huh", komento ni Joy.
Napatitig ka sa imaheng nagawa ng lalaki. "Sira. It has a deep meaning, for sure."
"Sa bagay, mukhang kakaiba nga siya", sang-ayon ng iyong kaibigan.
Nagpatuloy kayo sa pagpa-practice. Minsan nahuhuli mong napapasulyap ang lalaki sa iyo dahilan upang matuwa ka at mas lalo pang galingan.
***
Sa wakas ay natapos na rin kayo. Naglalakad kang mag-isa pauwi nang may pumasok sa iyong isipan.
Tumakbo ka pabalik sa lugar na iyon, umaasa na naroon pa siya. At hindi ka nga nagkamali. Nakatayo siya sa harap ng kaniyang obra, isang malaking mundo ang kaniyang nagawa sa tabi ng taong ibon na may sugat ang paa.
Lumapit ka at tumabi sa kaniya. "Ang ganda." Nakangiti mong turan.
Rumehistro ang pagkagulat sa kaniyang mukha pero nang mapagtanto na ikaw ang nasa tabi niya, nagpakawala siya ng kiming ngiti.
"Salamat" aniya.
"Ako nga pala si Yuri, ikaw?"
"Ken." Tipid niyang sagot.
"Nice to meet you." Inabot mo ang iyong kamay na tinanggap naman niya.
"Marunong ka ring sumayaw hindi ba?" Tanong mo bago bitawan ang kanyang kamay.
"P-Paano mo nalaman?"
"The way you watched at me, pakiramdam ko alam ko ang mga titig na iyon. Iyong kinang sa iyong mga mata habang nanonood, parang nagsasabi na hinahangaan mo ang bawat galaw ko." Napatakip ka ng bibig at nakaramdam ng hiya. Nais mong pagalitan ang sarili.
Narinig mo siyang tumawa ng mahina. "Yeah. Tama ka."
Nanlaki ang iyong mga mata. "At tama rin ako na marunong kang sumayaw?" Hindi siya sumagot.
Kinuha mo ang iyong cellphone at naghanap ng kanta. Pinili mo ang Huwag Mong Ikunot ang Iyong Noo, inilapag mo ang cellphone at nagsimulang sumayaw. Natatawa ka habang nakatingin sa kaniya. "Come on Ken. Kaya mo ito hindi ba?" Natatawa siya ngunit hindi ka tumigil sa pagsayaw.
Naapakan mo ang isang paint spray at nawalan ka ng balanse. Ngunit bago ka pa bumagsak ay nasalo ka ni Ken. Hawak ka niya sa beywang, sobrang lapit ng mga mukha ninyo. Napatitig ka sa maamo nitong mukha, sa mapupungay na mga mata, matangos na ilong at napadako sa perpektong arko ng kaniyang labi. Biglang lumakas ang tibok ng iyong puso.
"Ayos ka lang?" tanong niya. Tumango ka.
Itinayo ka niya at marahang kinuha ang iyong kamay. Pinaikot ka niya, at namalayan mo na lang na isinasayaw ka na niya. Para kang isang prinsesa sa isang fairy tale at siya naman ang prinsipe. Naputol ang lahat ng iyong imahinasyon nang biglang mamatay ang musika at nag-ring ang iyong cellphone. Huminto kayo at kinuha mo ito.
"Hello, ma-"
"Nasaan ka na'ng bata ka ha? Ang paalam mo ala-sais. Anong oras na?"
"P-Pauwi na po."
Nakasimangot ka matapos kayong mag-usap ng ina.
"Kailangan ko nang umuwi."
"Ah sige", sagot ni Ken. Waring may nais pa siyang sabihin ngunit hindi maituloy.
"Sige bye."
Tumalikod ka sa kaniya at ganoon din siya. Ngunit halos sabay kayong napalingon muli.
"By the way, tama nga ako ang galing mong sumayaw."
"Mas magaling ka. Good luck sa competition."
"Hmm. Manonood ka ba?" Umasa ka na "oo" ang sagot niya pero nginitian ka lang niya bago namulsa at naglakad palayo.
***
Lumipas ang mga araw na hindi mo na siya nakita. Habang nagpa-praktis sa parehong parke ay di mo mapigilang mapatitig sa pader kung nasaan ang kaniyang obra. Parang may kulang sa'yo.
Hanggang sa dumating ang araw bago ang mismong kompetisyon. Naglalakad ka papuntang venue nang madaanan mong muli ang kaniyang pininta sa pader.
Nanlaki ang mga mata mo nang makita na sa itaas ng drawing ng mundo ay may malaki at makulay na salitang "LOVE". Lumapit ka rito at tinitigan ito. Hanggang sa makita mo na may nakasulat pa sa ibaba nito. Maliliit ang mga titik na ginamit.
See you soon.
Halos di ka nakagalaw sa kinatatayuan. Pakiramdam mo ikaw ang sinasabihan nito.
***
"Yuri dito! Bakit late ka?", tanong ng isa mong ka-miyembro. Hindi ka nakasagot.
"Buti na lang di pa nag-uumpisa. Look. Magpe-perform daw muna yung champion last year. Garuda Dance Troupe ang pangalan ng group nila."
Napasilip ka sa may stage kung nasaan sila. Nag-umpisang sumayaw ang grupo na may limang miyembro. At napako ang atensyon mo sa nasa pinakagitna.
"Wait! siya yung nag-spray sa park! Ang angas! Wow! Ang galing!", sigaw ni Joy.
Naalala mo ang pininta niyang taong ibon.
"Garuda?", mahina mong bulong habang nakangiti.
Naghiyawan ang mga tao. Nakipalakpak ka rin sa kanila nang biglang mapadako ang mata ng sumasayaw na si Ken sa iyo. Kumindat siya na siyang halos magpahulog sa iyong puso. Ngayon, ikaw naman ang nanonood sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top