🌗SA ILALIM NG BUWAN🌗
Umiibig ako sa dalagang hindi ko maabot.
Nagkukubli sa likod ng mga ulap.
At natatanaw sa layo ng kalangitan.
"Narinig niyo na ba ang alamat tungkol sa prinsesa ng buwan?"
Nagkatinginan at umabot sa tainga ang ngiti ng mga bata nang marinig ang sinabi ko.
Malalim na ang gabi. Malamig na ang simoy ng hangin. Kami ngayon ay nasa labas ng malaking pintuan ng ampunan. Ako ay nakasandal sa isang lumang upuan. Nasa tapat ko nakaupo ang mga bata, na ngayon ay naririto upang muling makinig sa aking mga istorya.
"Lolo Mateo, hindi pa po namin naririnig ang alamat na iyon. Pwede niyo po bang ikuwento sa amin?"
"Oo nga po, lolo. Gusto ko po iyon marinig!" pagsang-ayon naman ng isa. Ngayon ay sabay-sabay na silang sumasang-ayon at hinihintay na simulan ko ang pagkukwento. Napangiti ako. Talagang nakakaaliw ang mga bata. Payak lang ang kanilang kaligayahan.
Napabuntong-hininga na lamang ako at ngumiti.
" Kung gayon, heto na. Ang istorya ng buhay ni prinsesa Luna---ang prinsesa ng buwan,"
Napatingala ako sa kalangitan. Malabo man ang aking paningin, ay natatanaw ko pa rin ang liwanag na hatid ng bilog na buwan.
Kasabay niyon ay ang muling panunumbalik sa aking gunita ng isang ala-alang nagdaan.
Ika-8 ng Nobyembre, 1992
Marahan kong inilapag ang baso ng alak sa mesa tsaka tinanggal ang suot kong salamin sa mata. Napabuntong-hininga ako at napasandal sa aking kinauupuan at napangiti sa kawalan.
Napasilip ako sa bintana ng silid na aking kinaroroonan. Narito ako sa loob ng ampunan. Isang beses sa isang taon lamang ako kung magtungo rito upang maghatid ng donasyon sa mga bata.
Pinanganak at lumaki ako sa Maynila. Kasalukuyan na akong nagtatrabaho sa isang malaking kompanya roon at narito lang ako ngayon para maglaan ng ilang buwan ng bakasyon habang tumutulong dito sa ampunan.
Sariwa ang hangin na tumatama sa aking balat. Maliwanag ang hatid ng kalahating buwan sa kalangitan kasama ang mga bituin. Sa katunayan, kung papipiliin ako, mas gusto ko ang buwan kaysa sa araw. Mas pipiliin ko ang bagay na handang manatili sa tabi ko kahit sa pinakamadilim kong landas.
Payapa ang malamig na gabi. Tama nga ang sabi nila. Mas tahimik ang buhay dito sa probinsiya.
Matapos ang ilang oras ng paglalasing, pasuray-suray pa ang aking katawan nang marating ko ang higaan kung saan ako napahiga.
Bago ko pa man maipikit ang aking mga mata, isang kakaibang liwanag ang nagpakita sa aking paningin. Nagmula iyon sa bintana, subalit hindi ko na nakita nang malinaw. Hindi ko na iyon pinansin.
Ipinikit ko ang aking mga mata at nagsimulang mangarap sa panaginip.
Natulog ako nang mahimbing at umasa sa isang maaliwalas na umagang maghihintay sa akin.
Kinabukasan, nagising ako sa mainit na sikat ng araw na tumatama sa aking pisngi. Agad akong bumangon mula sa aking kinahihigaan para simulan ang araw at-----
"T-teka. S-sino ka? Anong ginagawa mo rito?!" bulalas ko dahil sa labis na pagkabigla.
Isang babae ang nakita ko sa aking tabi. Nakahiga rin sa iisang higaan kung saan ako natulog magdamag. Bakas din ang matinding takot at pagkabigla sa kanyang mga mata na ngayon ay pilit na isinisiksik ang kanyang sarili sa sulok ng silid.
Agad namang dumating ang mga tagapangasiwa ng ampunan dahil sa malalakas kong mga sigaw.
Nahirapan kami nang husto na makausap ang dalagang iyon. Ni pangalan niya ay hindi niya alam. Hindi rin siya tumutugon at walang salita ang lumalabas sa kanyang bibig.
Naisip namin na marahil ay wala siyang natatandaan sa kanyang pinagmulan. Naging malaking palaisipan sa akin ang kanyang pagkatao, at kung paanong nagising ako na kasama siya sa iisang silid.
Dahil hindi niya alam ang kanyang pangalan, tinawag namin siyang Luna.
Sa loob ng ilang buwang pananatili ko sa ampunan, napapansin ko ang kakaiba niyang mga kilos. Madalas kong nahuhuling nakatingin siya sa akin. Kapag ako'y lumingon sa kanya pabalik, binibigyan niya ako ng isang matamis na ngiti.
Kung minsan, hindi ko maiwasang maisip na marahil ay nasisiraan na siya ng bait. Maraming pagkakataon din na sinusundan niya ako nang palihim. At kapag tinanong ko siya, gaya ng dati ay hindi siya nagsasalita. Tanging matamis na ngiti lang ang ibinibigay niya.
Madalas ko rin siyang nakikitang nakikipaglaro sa mga bata. Natututo na rin siya sa mga gawain sa ampunan.
Sa paglipas ng panahon, tila unti-unti ko nang nakakalimutan na alamin pa ang tungkol sa kanyang nakaraan at tunay na pagkatao.
Hindi ko na namamalayan ang aking sarili.
Hindi ko na namamalayan na napapangiti na pala ako sa tuwing tumitingin siya sa akin.
Napapangiti na ako sa tuwing ngumingiti rin siya sa akin.
Napapangiti na rin pala ako sa tuwing nararamdaman kong sinusundan niya ako nang palihim.
Napapangiti ako sa tuwing pinapanood niya nang nakangiti ang lahat ng bagay na ginagawa ko, kahit pa noong una'y iniisip kong isa siyang weirdo at kakaiba.
Nagising na lang ako isang umaga, na napagtanto ang umuusbong na pagtingin ko sa isang babaeng nakilala ko sa hindi inaasahang pagkakataon, at tila walang alam na salita sa mundo.
Isang bagay lang ang tiyak na nalalaman ko.
Isa siyang mahiwaga.
Hiwaga ang hatid ng kanyang mga ngiti sa damdamin ko.
Sa tuwing gumigising ako, palagi na akong may ngiti sa labi. Dahil alam kong narito pa rin siya. Hinihintay akong makita, makasama, at mapanood ang lahat ng aking mga gawa. Alam kong habang naririto ako, makikita ko pa rin siya. Masisilayan ko pa rin ang tamis ng kanyang ngiti at pungay ng kanyang mga mata.
Ngunit... Nagkamali ako.
Nagkamali ako sa pag-aakalang mananatili ang lahat sa ganito.
Isang umaga, hindi ko na siya nakita pa.
Umabot ng halos isang linggo nang mawala siya sa amin. Kung gaano ka-misteryoso ang pagdating niya, ganoon din naging palaisipan sa amin ang biglaan niyang pagkawala.
Isang linggo na lamang ay kailangan ko na ring bumalik sa Maynila para ipagpatuloy ko ang buhay ko roon. Pero hindi ako papayag na hindi ko siya nakikita.
Ibig ko pa siyang makita... Kahit sa huling pagkakataon.
Hindi ako tumigil sa paghahanap. Halos lahat ng bayan ay nalibot ko na. Nagtanong-tanong na ako sa maraming tao ngunit nabigo ako.
Nabigo akong masabi ang tunay kong nararamdaman.
Naging balisa ako sa mga sumunod na araw. Isinalin kong muli ang alak sa aking baso at sinimulang uminom. Napako ang tingin ko sa higaan. Umaasa akong sa pagpikit ng aking mga mata, siya ang muli kong makikita.
Sa isang iglap, isang kakaibang liwanag ang nagpakita sa aking paningin nang ibaling ko ang tingin ko sa labas ng bintana. Nakita ko siyang muli. Nandito muli si Luna.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at dali-dali siyang pinuntahan. Nakatayo siya sa gitna ng palayan. Nakapikit at dinadama ang simoy ng hangin.
"L-luna,"
Tawag ko sa pangalan niya.
Napalingon siya sa akin. Gaya ng dati, binigyan niya ako ng matamis na ngiti. Sa dami ng nais kong sabihin, tila naging isa akong duwag para ipahayag ang sarili kong nararamdaman.
"S-saan ka ba nanggaling? H-hinahanap kita," wika ko. Naglakad siya papalapit sa akin. At isang bagay ang hindi ko inaasahan.
"Uuwi na ako,"
Iyon ang mga salitang winika niya sa unang pagkakataon, tsaka itinuro ang buwan. Sa mga oras na iyon, siya ay biglang binalot ng isang nakasisilaw na liwanag. Sa mga oras na iyon, napatunayan kong siya nga ay tunay na mahiwaga. Nagningning ang kanyang kagandahan sa nagliliwanag na puting kasuotan. Napuno at nabalot siya ng diyamante at mga ginto.
"Babalik na ako sa aming kaharian. Sa tunay kong pinagmulan. Ako, ang prinsesa at tagapagmana ng trono at kaharian ng buwan," muli niyang wika.
Hindi ako nakapagsalita dahil sa labis na pagkabigla. Muli siyang lumapit sa akin at muling nagwika.
"Bago ko pa man lisanin ang inyong mundo, may ibig pa akong malaman mo...."
"Iniibig kita, Mateo."
"Ikaw ang prinsepe ko sa mundong ito,"
Dahan-dahan siyang lumapit muli sa akin. Siya ay hindi lang mahiwaga. Kundi isa ring makapangyarihan.
Nagawa niyang tanggalin ang lahat ng ala-ala ko tungkol sa kanya...
Sa pamamagitan ng isang matamis na halik.
" Nakakalungkot po pala ang istorya ni Luna. Pero nagustuhan ko po!" puri sa akin ng mga bata matapos akong magsalaysay. Napangiti naman ako at sinubukang itago ang nangingilid na luha sa aking mga mata.
"O siya, malalim na ang gabi. Matulog na kayo," pag-iiba ko ng usapan. Sabay-sabay nilang tinungo ang kani-kanilang mga silid.
Naiwan akong mag-isa habang hawak ang isang makapal na aklat. Isang aklat kung saan ko isinulat ang lahat ng mga ala-ala namin ni Luna, pinilit kong isulat dahil sa pagnanais kong hindi siya makalimutan.
Napatingala ako sa buwan at ngumiti.
Narito ako ngayon,
Sa tagpuan natin sa ilalim ng buwan.
Palagi akong maghihintay.
At mangungulila nang walang lumbay.
Dahil batid kong sa aking pag-idlip,
Mayroon akong prinsesang saki'y naghihintay.
Mabubuhay ka sa ala-ala ko kailanman.
Ikaw ang daan na muling babalikan.
Sa bawat dilim na daraanan,
Liwanag mo at hiwaga ang tanging susundan.
Hihintayin kita, Luna.
*WAKAS*
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top