Sa Huling Araw ng Agosto
Copyright © 2021
girlinparis
All rights reserved.
————
NAPAPIKIT ako saglit at dinama ang hanging humaplos sa aking balat. Hindi ko alam kung ilang buwan na ang nakakalipas pero ito ako, hanggang ngayon, pinagmamasdan pa rin ng palihim ang likuran mo.
Araw-araw akong bumabalik sa mga lugar na pinupuntahan natin dati. Hindi ko nga alam kung bakit eh. Dito ako palagi dinadala ng paa ko. Kahit anong gawin kong iwas, hindi pa rin ako makausad.
Ang sakit lang isipin na hindi ko magawang makalimutan ang lahat, Quen. Kahit na kailangan. Pakiramdam ko ay tumigil na lamang bigla ang oras ng mundo ko. Hanggang ngayon, nananatili pa rin ako sa panahong ako pa rin ang mahal mo.
Napatingala ako sa makulimlim na kalangitan. Kanina lamang ay napakasaya ng sikat ng araw pero ngayon ay mukhang malapit nang umulan. Nakikiramay ba ang langit sa lungkot na nararamdaman ko?
Dire-diretso lamang ang paglalakad mo at hindi na inintindi kung may mabunggo ka mang tao. Mukhang nagmamadali ka. Napahinto ako nang makita kong tinatahak mo ang isang pamilyar na daan. At tama nga ako. Huminto ka sa isang maliit at lumang café na madalas nating tambayan noon.
May pag-aalinlangan sa reaksyon mo. Napansin kong sumilip ka saglit sa dala mong phone at muling tumingin sa loob na parang may hinahanap ka roon. Ilang segundo pa ang nakalipas at humakbang ka na paalis, ngunit muling napahinto nang biglang bumuhos ang ulan. Wala kang nagawa kun'di ang sumilong sa loob dahil nakalimutan mo na namang magdala ng payong.
Hindi ka na talaga nagbago.
Nanatili lamang ako sa labas at doon ka pinagmasdan habang nakasukob sa itim na payong. Halos kabisado ko na ang bawat sulok ng lugar na ito. Mula sa ayos ng mga upuan, sa mga tiklap ng pintura sa dingding, hanggang sa mga alikabok na naiipon sa gilid ng mga bintana.
Walang nagbago sa itsura ng lugar maliban sa mga taong naglalabas-masok dito. Kagaya ngayon, iba na ang kaharap mo sa madalas nating upuan.
Unti-unti kong naramdaman ang pamumuo ng luha sa mga mata ko kasabay nang lalong pagdilim ng kalangitan. Bakit ang dali naman magbago ng nararamdaman mo, Quen? Mabuti pa ang klima, may tagapagsabi kung kailan posibleng uulan o aaraw. Hindi katulad mo na mabilis magbago ng nararamdaman nang wala man lang pasabi.
Biglang bumigat ang pakiramdam ko nang makita ko sa may kahera ang nakapaskil na kalendaryo. Huling araw na ng Agosto. Natatandaan mo rin ba, Quen? Ito ang araw na una tayong pinagtagpo ng tadhana—dito mismo sa eksaktong lugar kung saan nakapako ang mga paa ko.
Simula noong maging tayo, palagi mo akong pinasaya. Tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, hindi ka nakalimot na bigyan ako ng isang tangkay ng rosas araw-araw.
"Para saan 'to?" tanong ko nang iabot mo sa akin ang isang pirasong rosas. "Kakatapos lang ng August 1 kahapon ah! May nagawa kang kasalanan 'no?"
"Wala a!" Hinawakan mo ang kamay ko at hinalikan ito. "Because it's still your birth month, I will make you feel extra special everyday. Hanggang sa huling araw ng Agosto kung kailan tayo unang nagkakilala."
"Bakit ang sweet mo?" Tiningnan kita nang nakakaloko pero nginitian mo lamang ako. Pinisil mo pa ang magkabila kong pisngi at hinalikan ako sa noo.
"Wala lang. Last year kasi, hindi pa tayo magkakilala sa araw na 'to kaya pambawi ko man lang sa tatlumpu't araw na hindi kita nakasama."
Bakit ba tayo naghiwalay, Quen? Bakit hindi ko maalala? Ang babaeng kaharap mo ba ang dahilan?
Napabalik ako sa realidad nang makita kong tumayo ka sa kinauupuan mo at naunang umalis sa babaeng kasama mo. Dali-dali naman akong nagtago sa likod ng isang puno kung saan hindi mo ako makikita.
Nakita kitang lumabas mula sa café at itinalukbong na lamang sa ulo ang suot mong denim jacket. Nakasunod lamang ako sa iyo ngunit malayo pa rin ang distansya sa isa't isa. I can't let you see me.
Dinaanan mo ang hilera ng mga bilihan ng damit at mga sapatos. Kahit na anong ingay at sikip sa lugar dahil nagsisilabasan na ang estudyante sa mga paaralan ay tanging sa iyo lamang nakatuon ang atensyon ko. Nagmumukha na siguro akong stalker pero hindi ko talaga mapigilan ang mga paa kong sumunod sa lahat ng nilakaran mo.
Makulimlim pa rin ang kalangitan kahit tumigil na ang pagbuhos ng malakas na ulan. Nananatiling malamig ang simoy ng hangin kaya patuloy sa pagsayaw ang sanga at dahon sa mga puno.
Itinago ko na ang payong sa dala kong bag. Kinabahan ako bigla nang mapadpad ka sa isang tahimik na lugar. Huminto muna ako para hindi mo mahalatang sinusundan kita. Nakita kong kumaliwa ka sa isang malawak na sementeryo.
Dinaanan mo ang isang lumang estatwa ni Mama Mary at and dalawang haligi na may krus sa gitnang itaas. Walang katao-tao sa lugar kaya nag-aalanganin kaagad akong sumunod sa iyo. Ilang minuto na ang nakalipas ngunit rinig na rinig ko pa rin ang yabag ng mga paa mo mula dito sa puwesto ko. Who are you trying to see here, Quen?
Napahawak ako sa kaliwang dibdib nang maramdaman ko ang biglaang paglakas ng tibok ng puso ko. Humakbang na ako papasok at hinanap ang bakas ng mga paa mo. Punong-puno ng mga sariwang bulaklak ang bawat puntod na nadaanan ko kaya napakabango rito. Kalat na kalat rin sa buong lugar ang mga naglalaglagan na tuyong dahon mula sa mga puno. Sinubukan ko itong iwasan lahat para hindi mo ako marinig.
Pagdating ko sa kinatatayuan mo ay narinig kitang may kausap sa telepono. Ramdam ko ang lungkot sa boses mo tuwing nagsasalita ka. Hindi ko na rin napigilang mapaiyak nang marinig kitang humikbi.
Gustong-gusto kitang lapitan pero natatakot ako na baka ipagtabuyan mo lamang ako. Kaagad ko rin namang pinahid ito at humakbang patalikod. Hindi dapat ako ang nandito. May iba nang kinakasama si Quen ngayon, hindi na ako.
Aalis na sana ako nang bigla mong banggitin ang pangalan ko. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at sinubukang pakinggan ang sinasabi mo sa telepono.
"Hinding-hindi ko makakalimutan si August, Tita May. Tandaan niyo 'yan."
Narinig kitang kausap si Mama sa telepono.
"I'm with her right now."
Pagkasabi mo noon ay lumuhod ka sa harapan ng isang lapida. Nanatili lamang akong nakatago sa likod ng isang estatwa malapit sa puwesto mo—nakikinig pa rin sa pag-uusap niyo.
"Okay, ingat po kayo."
Binaba mo na ang telepono pagkatapos noon. Ilang minuto ka pang nakatitig sa lapidang nasa harapan mo at hindi nagsasalita. Maya-maya ay bigla ka na lamang napatakip sa mukha mo. Nakita kong nagtaas-baba ang balikat mo at sunod-sunod na ang malalakas mong hikbi. Ito ang unang pagkakataon na nakita kitang umiyak, Quen.
"Huling araw na ng Agosto pero tandaan mo 'to, Augustine. Araw-araw... buwan-buwan... taon-taon ka pa ring nandito sa puso ko. Hangga't may buwan ng Agosto sa loob ng taon, mamahalin kita," narinig kong sabi mo.
Napatakip ako sa bibig nang mapagtanto ko ang lahat. Saka lamang bumalik sa akin ang mga nangyari. Ang huli kong kaarawan, ang pagtakbo ko sa kalsada, ang malakas na busina ng isang kotse at ang napakaliwanag na ilaw na unti-unting lumalapit sa akin.
N-NO! It can't be. I can't be dead.
Napatingin ako sa magkabila kong kamay nang bigla na lamang itong lumiwanag. Hindi ko na maramdaman ang init at bigat ng katawan ko. Kaagad akong tumakbo palapit sa iyo at lumuhod sa harapan mo.
Mula sa pagkakatungo ay bigla ka na lamang tumingin sa akin ng diretso. Nakahawak ka pa sa dibdib mo. Hindi ko napigilang mapaluha nang makita kitang nakangiti kahit walang tigil pa rin ang pagpatak ng luha sa mga mata mo.
"I know you're still here, August. I still feel you everyday... beside me. But don't worry now, my love. Okay na ako. Tanggap ko na. Tanggap ko na na hindi ka na babalik sa akin. I need to move forward. Para sa akin at para sa 'yo."
He is looking straight at me... pero alam kong wala siyang nakikita. Hindi na niya ako nakikita.
May inilabas ka mula sa suot mong jacket at ipinatong ito sa lapidang nakaukit ang pangalan ko. Lalo akong napaiyak nang makita ko ang ilang mga tuyong rosas na nakahiwalay sa sariwang bigay mo ngayon.
Hanggang ngayon, hindi mo pa rin pala nakalimutan.
"Alam ko nandito ka pa, Augustine nang dahil sa akin. I'm sorry. Hindi kasi kita kayang pakawalan eh. I love you so much it hurts."
Lumapit pa ako lalo sa iyo at pilit kang hinagkan. Napahagulhol na lamang ako nang makita kong para akong isang hangin na tumatagos lamang sa katawan mo.
Please! Let me hug, Quen for the last time.
Ngunit kahit anong pilit kong hawakan ka ay alam kong hindi mo pa rin nararamdaman. Pinanood lamang kitang pumikit habang nanginginig ang iyong mga labi.
"I'm here, Quen. Right in front of you."
"It's time for you to rest, now, my love. Tanggap ko na ang kapalaran nating dalawa. Sana mapatawad mo ako dahil hindi kita pinagpahinga kaagad. Pinapalaya na kita. Pinapaubaya na kita sa Panginoon, August. Until we meet again."
Matapos mong sabihin iyon ay biglang umangat ang katawan ko at lalo na itong lumalabo sa paningin ko. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nakita kong biglang nabuhay lahat ng rosas na ibinigay mo. Tumingala ka sa kalangitan at tumingin kung saan ako nililipad ng hangin.
Hindi ko alam kung talagang nakita mo ako sa huling sandaling iyon pero alam kong napaabot ko ang laging isinisigaw ng puso ko para sa iyo.
Mahal na mahal kita, Quen. Hanggang sa muli.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top