Unang Pag-usisa...
Unang Pag-usisa…
Noong Ika-5 ng Marso 2014, habang ako ay nagliligpit sa aking silid ay nakita ko ang ilang mga pinagsusulat ko noon ukol sa ilang nangyari sa akin na may kaugnayan sa kasaysayan ng bansa, kabilang na diyan ang ukol kay Gat Macario Sákay.
Narito yung isa sa mga sinulat ko noong Ika-26 ng Disyembre, taong 2011 araw ng Lunes. Isang buod kung paano ko nakilala ang bayaning si Gat Macario Sákay noon. Tunghayan muna natin. (Walang labis, walang kulang)
-------------*
Isang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
Pasko pa lang, maraming tao na ang nagpapaputok at gumagawa ng anumang ingay dito sa aming barangay.
Hindi na talaga maalis sa PUSO'T ISIPAN ko ang “Huling Mandirigma Ng Katipunan” kung tawagin at bumabalik ang aking alaala kung paano ko siya nakilala sa tuwing may nakakasalubong / nakakakita akong lalaking mahaba ang buhok. Kahapon lamang, habang ako'y naglalakad pauwi galing sa aking tiyahin, may nakita akong isang lalaking mahaba ang buhok na wari'y may hinihintay.
Baitang lima ako noon, oras ng klase (asignaturang HeKaSi), nagtanong ang aming guro na si Gng. Cagalingan:
"Sino ang nagtatag ng Republika ng Katagalugan?"
Walang nakasagot...Inulit niya ang tanong, ni hindi namin mahanap sa libro ang sagot. Maya-maya, may nagtaas ng kamay, at tinawag siya ni Gng. Cagalingan...
At ang kanyang sagot: "MACARIO SÁKAY"
Mas nakilala ko pa kung sino talaga si Heneral Macario Sákay noong ako'y nasa ika-anim na baitang. Salamat sa aming mabuti at palabirong guro namin sa He.Ka.Si. na si Gng. Jocelyn Nebres, hinding-hindi ko siya makakalimutan.
"Ang Pakikipaglaban ni Sákay" - naalala kong paksa sa nabasa kong libro na tinalakay ni Gng. Nebres. Matapos ang kanyang pagtatalakay ukol dito, doon ako nagka-interes na saliksikin ang kanyang buhay. Bigla ako naging interesado sa buhay ng Heneral, HINDI KO NGA MAIPALIWANAG...
Ilang beses na sinabi ni Gng. Nebres na "HINDI SIYA (si Hen. Sákay) BANDIDO, BAYANI SIYA" huwag daw kaming maniwala sa mga nagsilabasan sa mga libro ng kasaysayan na siya ay taksil sa ating bayan.
Sumapit ang uwian, naglakad ako patungo sa terminal ng traysikel na papunta sa aming barangay. Habang ako'y naglalakad, nakita ko ang isang lalaki - na mahaba ang buhok, na isang tindero. Naalala ko ang sinabi ni Gng. Nebres na "Mahaba ang buhok ni Sákay".
Kaya mula noon hanggang ngayon, sa tuwing may nakakakita akong lalaki na mahaba ang buhok, aking naaalala ang kabayanihan ni Hen. Sakay at pati na rin si Gng. Nebres nang dahil sa kanya, nakilala ko si Hen. Sákay na inakala kong BANIDIDO.
Ika-26 ng Disyembre, 2011
11:55 ng gabi.
-------------*
Mapalad ako dahil nahanap ko ang ilan kong mga sulatin na matagal na palang nakalagak sa pansamantalang taguan ko ng mga gamit dito sa aking silid. At hindi ko tuloy maiwasang maalala ang ilang gunita ukol sa inyong nabasang buod na naisulat ko noong taong 2011 sa itaas. Buod lamang iyon kaya tila bitin ng kaunti…
Nabanggit agad sa itaas na kay Gng. Cagalingan ang eksena, ngunit, bago pa man kay Gng. Cagalingan, narito:
Baitang apat ako noon (grade 4)…(pasalamat ako't tandang-tanda ko pa), hiniram ko ang isang pangkasaysayang aklat sa kapitbahay (noon nasa pangagalaga pa ako ng tiyahin ko noon). Wala lang, gusto ko lang basahin, kahit sandamakmak na libro na ang maaaring mabasa sa bahay ng tiyahin ko ay ayokong basahin ang ilan doon, dahil karamihan sa mga libro ay pang Kolehiyo…asignaturang accounting. (Hindi ako mahilig magbasa ng mga gan'on!). At hayun, nawili akong nagbasa ng aklat-pangkasaysayan na aking hiniram. At sa kalagitnaan ng aking pagbabasa, ako ay may nabasa : “Itinuturing na bandido sina Sákay at de Vega kaya sila binitay noong Ika-13 ng Setyembre, 1907” at kalakip sa pahina ang isang larawan. Kung naaalala niyo ang larawan ni Gat Macario Sákay kasama ang kanyang limang kasamahan na kabilang sa mga opisyal ng Republika Ng Katagalugan…iyon ang aking nakita. Sa una'y hindi ko talaga kung sino ang mga iyon. At ako'y nausisa nang “kaunti” noon sa aking nabasang “Itinuturing na bandido sina Sákay at de Vega kaya sila binitay noong Ika-13 ng Setyembre, 1907” at sa isang katanungan sa isang pagsasanay sa aklat na ang tanong ay “Sinong bandido ang binitay noong Ika-13 ng Setyembre, 1907?”. Dito nagsimula ang aking pag-usisa ukol dito. Napaka-kontrobersyal naman, 'ka'ko. At palibhasa'y mula noong bata ako ay hilig ko na ang kasaysayan. Ngunit, dahil sa kahigpitan ng mga pinsan at tiyahin ko noon, hindi ko nagawa ang aking nais.
At dumaan ang mga panahon, baitang lima (grade five) na ako noon, at laging sabik sa asignaturang Heograpiya, Kasaysayan at Sibika o He.Ka.Si kapag pinaikli (mula noon, hanggang ngayon) at kamalas-malasan nga lang dahil ang guro namin sa naturang asignatura ay isang Guidance Councilor na si Gng. Cagalingan (nakalimutan ko na ang kanyang pangalan at apelyido na lang ang aking natandaan) na sadyang sobrang istrikta, kaya takot kami sa kanya. Aminado akong “boring” siya magturo, nakakaantok pagdating sa kanya (maging yung mga kamag-aral ko kahit hindi ko sila kasundo ay gan'on din ang impresyon nila sa naturang guro) ngunit hindi ako natutulog sa oras ng klase, at hindi ko pinababayaan na mabagsak ako sa asignaturang iyon…kahit siya mismo, ay nambabagsak talaga.
Kasagsagan ng talakayan sa klase, (bandang Digmaang Pilipino-Amerikano na ang aming aralin) nagtanong si Gng. Cagalingan sa amin, "Sino ang nagtatag ng Republika ng Katagalugan?”…at ayon nga sa aking sinulat noong taong 2011: Walang nakasagot...Inulit niya ang tanong, ni hindi namin mahanap sa libro ang sagot. Maya-maya, may nagtaas ng kamay, at tinawag siya ni Gng. Cagalingan...at ang kanyang sagot ay MACARIO SÁKAY.
Ah…iyon naman pala...ngunit…sa lesson naming, ito ay itinuring na BAYANI. Pahapyaw lamang ang pagtuturo ni Gng. Cagalingan. Malayong malayo sa nabasa ko sa dati kong hiniram na pangkasaysayang aklat. At sa aming librong pagkasaysayang ginamit noong ikalimang baitang ay wala ang kanyang ngalan o anumang ambag sa kasaysayan…Ah…marahil, matalino nga yung nakasagot naming kaklase na…akala ko ay magiging matalik kong kaibigan balang-araw dahil kasama din siya sa palihim na nambu-bully sa akin (pisikal at sikolohikal). Matagal ko nang gustong saliksikin ang ukol kay Gat Sákay, ngunit, dahil nga sa kahigpitan ng mga pinsan at tiyahin ko noon, hindi ko nagawa ang aking nais.
At kaybilis ng panahon, at baitang anim (grade six) na ako. Si Gng. Jocelyn B. Nebres ang aming naging guro sa He.Ka.Si. VI. Sinuwerte kami dahil napakabuti niyang guro sa amin. Ngunit para sa akin, hindi lamang iyan ang nakikita ko sa kanya. Malawak ang kanyang pang-unawa sa ating kasaysayan. Bukod sa gumagawa ng mga estilo habang nagtuturo upang hindi “ma-boringan” ang mga estudyante sa pakikinig, ay nilalawakan niya ang paksa upang masa madaling maunawaan at dagdag na din sa kaalaman. Hindi siya yung tipo ng guro na yung naka-base lamang sa libro namin, kundi may isa o dalawang libro pa, o mula sa kanyang mga napag-aralan dati noong estudyante pa lamang siya at sa kahit ano pang mga sangguniang nakukuha ang ilang impormasyon. At ang mahalaga din dito sa kanyang pagtuturo ay hinahalaw niya ang kasaysayan sa araw-araw na pamumuhay natin noon, hanggang sa kasalukuyan. Kaya kabilang siya sa mga huwarang guro na aking nakilala. Gayong kahit ginagawa na niya ang lahat, matuto lang kami, hindi pa din maiwasan ang hindi makinig o yung mga “walang pakialam” na mga dati kong kamag-aral…ngunit…hay naku, talaga!
Narinig ko na naman ang pangalang MACARIO SÁKAY mula sa aming guro at naging aralin namin ito. "Ang Pakikipaglaban ni Sákay" –naalala kong paksa sa nabasa kong libro na tinalakay ni Gng. Nebres. Palibhasa'y hindi nga makuntento sa isang aklat (aklat-pangkasaysayan na ginamit namin no'ng baitang anim), ay nagkwento pa siya ng kanyang nalalaman sa ibang mga sanggunian. Tila doon ako nakakita ng liwanag. “Ngayon, alam ko na”, sabi ko nun…na kung bakit “kontrobersyal” itong si Gat Sákay. Ang mga Amerikano kasi, paano'y pinaratangan ng panunulisan sina Gat Sákay at ang ilan niyang kapanalig gayong ang ipinaglalaban nila ay hindi ang sarili nilang interes, kun'di ang magkaroon ng TUNAY NA KALAYAAN ANG ATING BANSA. At hindi lang iyan, may bonus pa…ang kanyang buhay simula noong kanyang kapanganakan. Ngunit kahit hindi detalyado ang kanyang buhay (kasing dami ng talà sa buhay tulad ni Gat Rizal, Gat Bonifacio, Gat Mabini at iba pa…) ang mas mahalaga, ang kanyang naging kabayanihan na kabilang sa mga nagbigay inspirasyon sa nakararami. Isa na ako doon. At ika ko nga sa aking sinulat noong 2011, Ilang beses na sinabi ni Gng. Nebres na "HINDI SIYA (si Hen. Sákay) BANDIDO, BAYANI SIYA" huwag daw kaming maniwala sa mga nagsilabasan sa mga libro ng kasaysayan na siya ay taksil sa ating bayan. Aminado ako noong una, inakala ko siyang tulisan.
Kaya, nalikha ko noong 2008 ang isang talambuhay (buhay at pakikibaka) ni Gat Macario Sákay. Na pangunahing tagapagkunan ko ng impormasyon ay si Gng. Nebres mismo. Ang naturang sulatin na aking nilikha noong 2008 ay hindi ko nabigyan ng pamagat. At noong 2013, kung saan muli kong sinulat ang nalikhang talambuhay ukol kay Gat Sákay ay nalapatan ko ito ng pamagat na “Loob, Labas, At Lalim Ni Macario Sákay” (na mababasa sa unang paksa ng akdang ito at sa akdang “Ang Aking Mga Sulatin” dito sa Wattpad).
Sayang nga lang, sinunog na ng tiyahin ko (walang katapusang sunugan nga naman!) ang mga kwaderno ko noong baitang anim. Malamang, nasama ang kwaderno ko sa He.Ka.Si kung saan, bukod sa nandoon yung mga pinagsusulat ko na ukol kay Gat Sákay na itinuro ni Gng. Nebres, ay nandoon din ang ilang kaalaman ukol sa iba pang bahagi ng ating kasaysayan. Ngunit sinubukan kong balikan ang mga sinunog ng tiyahin ko upang tingnan kung may mga maisasalba pa ako. ngunit ang tanging naisalba ko lamang ay yung talambuhay na nalikha ko noong 2008. Mabuti na lamang yung sinulat kong talambuhay ay nakaligtas pa. Ngunit ang orihinal na likhang iyon ay tuluyan nang naglaho noong ako'y nasa ikalawang taon na ng hayskul, kasabay ng pagsunog ng nauna kong nilikhang “Macario Sákay, Unang Yugto” na ang nagsunog ay ang aking madrasta.
Ika-15 ng Marso, 2014, Sabado, 5:15 ng hapon
Bahay Nakpil-Bautista (Quiapo, Maynila)
(nakaupo sa ikalawang palapag ng Bahay Nakpil-Bautista kung saan doon naka-upo si Gregoria de Jesus (Ka Oriang), ang Lakambini Ng Katipunan noong nabubuhay pa ito).
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top