Inilagda sa Dugo II: Macario Sákay

Inilagda sa Dugo II: Macario Sákay

ni Ginoong George M. Hizon

Sa pagkakulong nina Artemio Ricarte at Eulalio Diaz noong kalagitnaan ng Abril, 1904, isa pang “Pilipinong rebelde” ang tumayo bilang pinuno ng mga rebolusyonaryong pwersa. Siya ay si Macario Sakay at naghasik siya ng isang madugong pakikibaka laban sa mga pwersa ng US sa rehiyon ng mga Tagalog mula Abril, 1904 hanggang sa Hulyo, 1906.

Nguni’t sino nga ba talaga si Macario Sakay? Isa ba siyang bayani o manghaharang? Sa mahigit na 80 taon, si Sakay ay kilala bilang isang mandarambong sa mga nakakatanda. Sa aming henerasyon, hindi siya kilala. Ang pangalan ni Sakay ay hindi man nabanggit sa lahat ng klase namin sa Kasaysayan noong High School at Kolehiyo.

Salamat sa kalakhan ng US propaganda machine noong panahong kolonyal, matagumpay nilang nilarawan si Sakay bilang kontrabidang nararapat na makalimutan. Noong 1939, ang matagumpay na pelikulang “Sakay” ay nakadagdag pa dito sa maling kuru-kuro. Sa pelikula, inilarawan si Sakay bilang pinuno ng mga manghaharang sa bundok ng Montalban, Cavite, Laguna, Batangas at Quezon. Siya at ang kanyang mga tulisan ay palaging naghahanap ng mga bagong bayan na pagnanakawan.

Ang buhay ni Macario Sakay sa pelikula ay ginanap ng sikat na si Salvador Zaragoza habang ang buhay ng kanyang kinatawan, si Julian Montalan ay ginanap ni Leopoldo Salcedo. Ang direktor ng pelikula ay si Lamberto V. Avellana, ang pinakamahusay na direktor noong mga panahong iyon at ang producer ay si Carlos P. Romulo. Aba! Si Leopoldo Salcedo at Salvador Zaragoza nagsama sa pelikula nina Avellana at Romulo, marahil sapat na ito upang mapaniwala ang sambayanang Pilipino sa lahat ng nilalaman ng pelikula. Nguni’t, hindi ko sinisisi ang mga taong ito. Ang taon ay 1939 at ito ay hudyat ng mga panahon, kung kailan ang pagiging maka-Amerikano ng isa ay uso at, ang pagiging maka-Pilipino lipas na o laos.

Nguni’t noong 1993, magkakaroon ng pagbabago. Sa pelikula ni Raymond Red na “Sakay”, inilarawan niya ang tunay na pagkatao ni Sakay, na isang rebolusyonaryo na nakikibaka laban sa mga pwersang kolonyal sa Pilipinas. Itinanghal rin si Sakay bilang isa sa mga orihinal na miyembro ng KATIPUNAN na lumaban sa España kasama si Andres Bonifacio noong 1896. Nagpatuloy rin siya ng pakikibaka laban sa mga Amerikano noong 1898. Hindi katagalan, nahuli siya ng mga Amerikano nguni’t napalaya rin siya noong nagtapos na ang digmaan sa taong 1902.

Gayunpaman, nagpahayag pa rin si Sakay na “ang lahat ng Pilipino ay may pangunahing karapatan na lumaban para sa kalayaan”. Noong Abril, 1904, nagtatag siya ng sariling pamahalaan na tinatawag na ” Republika ng mga Katagalugan” at ito ay pagsalungat sa kolonyal na patakaran ng US. Noong huling bahagi ng 1904, naghasik ang grupo ni Sakay ng madugong himagsikan laban sa mga Amerikano. Gamit ang diskarteng gerilya, matagumpay nilang nilusob ang mga kuta ng Philippine Constabulary sa Cavite at Batangas kung saan sila nakasamsam ng maraming sandata. Gamit ang uniporme ng Philippine Constabulary, matagumpay rin nilang nakuha ang garison ng US sa Parañaque at nakasamsam pa ng maraming mga baril, bala at iba-iba pang sandata. Upang makontra ang matagumpay na taktikang gerilya ni Sakay, sinimulan na ng Philippine Constabulary at US Army ang taktikang “hamletting”, isang marahas na diskarte (ginamit din sa Vietnam War) kung saan ang malaking bilang ng mga tao ay puwersahang itinanggal mula sa kanilang mga bahay at pinagsamasama sa isang tukoy na lugar . Ito ay malupit nguni’t mabisang paraan ng kontra-paghihimagsik, taktika na nakapipinsala sa maraming mga pamilya. Daan-daang mga matatanda at mga bata ang nagsimatay dahil sa paglaganap ang mga sakit na kolera, tipus at disinterya.

Kasabay nito ang walang puknat na paghahanap kay Sakay at kanyang mga tauhan para matapos na ang kanilang paghihimagsik. Pinaniniwalaang gumamit ang US Army ng mga mababangis na sundalong Muslim galing sa Jolo at pati na rin mga asong “Bloodhounds” mula sa California para ma-pulbos ang mga gerilya ni Sakay. Noong 1905, humina na ang puwersa ni Sakay dahil sa opensiba ng mga Amerikano at dahil na rin sa kakulangan ng suporta mula sa mga sibilyang populasyon bunga ng “hamletting”.

Maya-maya, isang bitag ang inilatag para kay Sakay. Sa isang sulat na ipinadala ng Amerikanong Gobernador-General, ipinangako ang isang amnestiya para kay Sakay at sa kanyang huling natitirang rebolusyunaryo kung sakaling susuko sila. Sumang-ayon si Sakay sa mga alituntunin ng sulat at noong Hulyo 17, 1906, nakilahok sila sa isang “dance party” na nagsilbi ring pulong ng pagkakasundo. Maya-maya, mabilis silang pinalibutan at pinagdadakip ng mga miembro ng Philippine Constabulary. Noong Setyembre 13, 1907, pinairal na ng US ang “Anti-Brigand Law” at dahil dito nahatulan ng parusang kamatayan si Sakay sa pamamagitan ng bitay. Bago ang kanyang kamatayan sinabi ni Sakay, ” Ang kamatayan ay dumarating kahit kanino man, maaga o huli. Nguni’t sa mata ng Panginoon Diyos, hindi kami pangkat ng mga manghaharang. Kabilang kami ng mga puwersang rebolusyunaryo na ang nais lamang ang kalayaan ng Pilipinas! Paalam! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas! ”

Sa ngayon, ang “Sakay” na pinalabas noong 1939, ay nakalista na sa mga pelikulang nawawala sa librong “Lost Films of Asia” na gawa ni Nick Deocampo. Sinsadya ba itong mangyari? Hindi tayo nakasisiguro nguni’t sigurado tayo sa isang bagay, lubos na nagpapaumanhin si Lamberto Avellana dahil inilrawan niyang mandarambong si Sakay. Sabi pa ni Avellana “kung sakaling gagawa ako ng panibagong pelikula, ilalarawan ko si Sakay bilang isang bayani”.

Pahabol na salaysay: Muling gumanap si Leopoldo Salcedo sa 1993 version ng “Sakay”. Sa pelikula, siya na ang ama ng rebolusyunaryong si Sakay at hindi na isang tulisan.

Taong 2012

At inilathala din ng Kuro-Kuro (www.kuro-kuro.org)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top