best

Nevan na pangit calling…

I hit the end button. Hindi ko na mabilang kung ilan beses ko na nirereject ang mga tawag mo sa akin. Nagtatampo pa rin kasi ako sa’yo. Ang saya ko na sana kahapon pero wala ka naman kaya ‘yung saya na naramdaman ko kahapon ay 50% lang. Magiging 100% sana ang happiness ko kahapon kaya lang wala ang presensya mo. Panira ka talaga ng moment.

Tumatawag ka na naman ngayon sa phone ko pero hindi ko na pinansin iyon dahil hindi naman na maingay ang phone ko. Syempre, nakakadagdag ng inis ‘yung kaingayan ng ringtone ko kaya naman sinilent mode ko iyon. Nagbabasa na lang ako ng libro ngayon na may umaalingawngaw na masarap at mabangong amoy na nanggagaling sa baba.

“Nagbe-bake si Mommy ng baked mac,” bulong ko sa hangin. Umabot ang amoy nito sa kwarto ko dahil bahagyang nakabukas ang pintuan ng kwarto ko.

Nakapagdesisyon ako na lumabas sa aking kwarto dahil nakaramdam ako ng gutom simula na maamoy ko ‘yung baked mac. Hindi ko na naituloy ang paghakbang ko sa hagdanan dahil naririnig ko ang boses ni Mommy sa sala. At sigurado ako na ikaw ang kausap niya.

“May tampo nga sa’yo ang bata na iyon. Hinintay ka niya kahapon, ayaw pa nga niya pagalaw ang cake niya dahil wala ka pa kahapon. Alam mo naman ang bata na ‘yon, masyado nang na-attached sa’yo nak. Favorite flavour niyo pa naman ‘yung pinabili niyang cake,” Aish! Kinuwento pa talaga sa’yo ‘yan ni Mommy. Oo rin, nakikinig ako sa pinag-uusapan niyo.

“Tita, pasensya na po talaga kung hindi ako nakarating kahapon,” pagpapaumanhin mo kay Mommy.

“Ayos lang, nak. Puntahan mo na si Mica sa kwarto niya baka kasi kapag ako ang nagpunta ay hindi ka babaan. Alam mo naman iyon, may tampo sa iyo,” Nang marinig ko na pinapapunta ka ni Mommy sa kwarto ay mabilis pero maingat ako na bumalik sa loob ng kwarto ko.

Gaya ng ginawa kong pagbalik sa akin kwarto ay gano’n din ang ginawa ko sa pagsara ng pintuan. Mabuti na lang hindi ko naisara ang pintuan kaninang paglabas ko.

Pero nahihibang na ba si Mommy? Sa apat na taon tayong magkasama ay hindi ka pa nakakapasok sa kwarto ko. Ngayon ka pa lang makakapasok sa kwarto ko.

Narinig ko naman na pinihit mo ang seradura ng pintuan bagama’t hindi mo iyon binuksan. “Mica, papasok ako sa kwarto mo,” paalam mo pa pero hindi na ako sumagot dahil nagtatampo pa rin ako sa’yo. Pagkabukas mo ng pintuan ay naamoy ko na naman ang baked mac kaya lang parang mas lumapit yata ang amoy no’n.

Naramdaman ko naman na nakapasok ka na talaga dito sa loob kaya naman nagpapanggap na lang ako na nakikinig ng kanta sa phone ko. Thank you, earphones dahil nasa ibabaw ka ng kama kanina.

Nakita ko sa peripheral vision ko na lumapit ka sa akin. Nakatayo ka sa gilid ko. Inalis mo ang right earphones sa tainga ko.

“Ano ba? Kita mong nakikinig ako ng sounds dito,” sinadya ko talaga na bahidan ng pagkainis ang boses ko. Nagtatampo nga kasi ako sa’yo pero nawala iyon nang makapasok ka na dito sa loob. Makita pa lang kita, nanghihina na ako.

“Gusto kong mag-sorry kaya h’wag mo ibabalik ‘yan earphones sa tainga mo.”

Sinunod ko naman ang sinabi mo at ang totoo niyan ay hindi naman talaga ako nakikinig ng kanta eh. Nagpapanggap lang ako. Kinuha mo naman ang upuan na nasa study table ko at nilagay ito sa gilid ng kama kung nasaan ako. Umupo ka na rin.

“Sorry na talaga. May emergency kasing nangyari kahapon kaya hindi ako nakapunta,” pagpapaliwanag mo. Hinawakan mo pa ang kamay ko. It is warm, your hand. Pero nakna, ang sweet mo talaga.

“Eh ba’t hindi ka man lang nag-text?” tanong ko sa’yo pero hindi pa rin ako nakatingin sa’yo.

“Dead battery na ang phone ko,” paliwanag mo pero hindi pa rin kita pinapansin.

“Sorry na talaga. Patawarin mo na ako. May dala pa naman akong baked mac,” Favorite ko ‘yun.

“Bwisit ka! Alam mo talaga kung paano ako suyuin,” sa pangigigil ko sa’yo kinurot ko na ang mga pisngi mo.

“Pero sincere naman ako sa pagsosorry ko ha.”

“Sincere ba? Eh, ba’t wala yata ‘yung information about sa emergency na sinasabi mo,” sabi ko sa iyo.

Tinabihan mo naman ako sa kama ko. Naka-indian seat tayo sa kama habang pinaglalaruan mo ang palad at daliri ng kamay ko. Nagsimula ka nang magkwento.

Nalaman ko na pagkauwi mo sa bahay ay naabutan mo si Ayessa na umiiyak at mahirap pakalmahin. Kaya pala gano’n dahil namatay pala ang alaga niyang aso. Mahal na mahal iyon ni Ayessa kaya gano’n siya makaiyak.

Kinurot ko ang ilong mo, “Valid reason so apology accepted.”

“Dapat lang,” sabi mo pa. May kinuha ka sa bulsa mo. Box iyon na rectangle. Lalagyan ng jewelry.

Nakita ko ‘yung design. Diamond Star of David iyon, personalized pa dahil may pangalan ko iyon. Naramdaman ko na nasa likod kita.

“Hawakan mo ang buhok mo,” utos mo sa akin. Sinunod ko naman iyon, sa totoo lang bigla ako nailang.

“Alam kong late na ako pero maaari pa naman na i-extend ang kaarawan mo,” saad mo pagkatapos mong ikabit ang kwintas sa leeg ko. Mabilis kang pumunta sa tabi ko.

Hindi ko na namalayan na nailabas mo agad ang phone at nasa front camera ito. At nag-selfie ka na kasama ako. Nakangiti ka sa picture habang nakaturo ang kaliwang kamay mo sa akin na hawak ang diamond star habang nakayuko ako.

“Happy Birthday sa’yo, bestfriend.” sambit mo.

Yep, hindi kita boyfriend. P’wera sa pamilya ko, ikaw rin ‘yung pinaka-best na taong nakilala ko.

Ikaw ‘yung tao na agad akong naiintindihan. Handa ka maging clown ko kapag nararamdaman mong malungkot ako. Nagiging unan at tissue rin kita kapag umiiyak ako. Handa ka rin maging listener kapag nagsasabi ako sa’yo ng mga rants, hinain at problema ko. Ikaw rin ‘yung taong kasama ko sa kalokohan. Ikaw ‘yun.

Ikaw na bestfriend ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top