CHAPTER TEN | THE MAN WHO CAN'T BE MOVED
When a friend does something wrong, don't forget all the things they did right
CRUEL BASTARD
CHAPTER TEN | THE MAN WHO CAN'T BE MOVED
MARCUS
Magmula nang magkaisip at lumaki dito sa Barangay Bayagbayag, alam kong si Laurel na ang itinitibok ng puso. Siya na ang mahal ko. Kahit na nakikita ko siyang sipunin noon. Naglalaro ng nakasando at naka-panty lang sa harap ng bahay nila ng piko. Kahit hitsurang gusgusin siya noon. Maitim ang tuhod, amoy-araw na tulad ko. Kinuto pa nga. Literal na batang lumaki na naglalaro sa kalye. Mahal na mahal ko na siya. Hanggang sa maging ganito ako, siya pa rin talaga. At ipinangako ko sa sarili ko na kahit anong mangyari, siya ang magiging unang girlfriend ko at mapapangasawa.
Tiniis ko lahat ang panlalait ng magulang niya lalo na ni Aling Lagring. Kahit minsan talagang pakiramdam ko napakababang uri kong tao sa bawat salitang binibitiwan ng nanay niya, nilulunok ko lahat iyon. Sa isip ko ay pilit kong sinasabi na isang araw, matatanggap din nila ako para kay Laurel. At si Laurel mismo. Alam kong darating ang araw na mamahalin din niya ako. Kaya ako nagsisikap na yumaman dahil alam kong isang dahilan iyon para matanggap niya ako. Iniisip ko, kahit na anong paraan gagawin ko para maabot ko ang pangarap ko. Para kay Laurel. At sa tulong ni Elica, unti-unti kong naaabot iyon. Maayos na ang hitsura ko. May pera na ako. Kaya ko nang bilhin ang kahit na anong gusto niya. Kaya ko na siyang dalhin sa mga mamahaling restaurant para mai-date siya. Para sa kanya kaya kong awayin ang lahat maging ang nag-iisang kong kapatid na kasama ko sa buong buhay ko. Pero ngayon na nasa harap ko siya at may kasama siyang ibang lalaki, pakiramdam ko ay gumuho ang buong mundo ko.
Agad na napatayo si Laurel nang makita ako na nakatayo pinto ng bahay nila. Nakita ko pa siyang napalunok tapos ay napatingin ako sa lalaking katabi niya. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ako ng insecurity. Ang lalaking katabi ni Laurel ay talagang kabaligtaran ko. Maayos. Mabango. Malinis. Matangkad. Guwapo. Hitsura pa lang halatang may sinasabi na. Ang mga damit, halatang mamahalin. Tindig pa lang, halatang mayaman na. Ay halatang hindi pilit.
"Anong ginagawa mo dito?" Nanlalaki ang matang tanong sa akin ni Laurel.
"Sinasabi ko na nga sa lalaking iyan na umalis na dito. Ang kapal ng mukha! Umalis ka na at nakakaistorbo ka!"
Si Aling Lagring iyon na nagsisisigaw sa likuran ko at hinihila pa ako pero hindi ako tumitinag at nakatingin lang kay Laurel.
"Arcus, umalis ka na." tonong tinataboy ako ni Laurel.
"Mag-usap naman tayo." Pakiusap ko.
Umiling siya. "Umalis ka na." Unti-unting nababasag ang boses ni Laurel. Pakiramdam ko ay nag-init ang ulo ko nang makita kong hinawakan siya ng lalaki sa braso kaya humakbang ako palapit sa kanila.
"Ano ba, Arcus? Umalis ka na nga. Nanggugulo ka dito. Nakakahiya sa bisita namin. Hindi mo ka-level si Doctor Verden. Doctor 'yan siya. Apo ng may-ari ng ospital. Mayaman. Edukado. Hindi katulad mo na mahirap pa sa daga at halos magdildil ng asin. Umalis ka na," talagang hinihila na ako ni Aling Lagring na mapalabas sa bahay niya.
Nananakit ang lalamunan ko sa pagpipigil kong umiyak habang nakatingin ako kay Laurel. Kita kong namumuo din ang luha niya sa mga mata tapos ay iniiwas ang tingin sa akin.
"Akala ko ba okay tayo? 'Di ba nag-usap tayo noong nakaraan?" Pigil na pigil ko ang mapapapiyok dahil sa pinipigil kong mapaiyak.
Sumama ang tingin sa akin ni Laurel. "Alin? Ang pagmamagaling mong pagbayad sa tuition ko? Hindi ko naman hiningi sa'yo 'yon. Hindi ko sinabing gawin mo. At saan mo kinuha ang perang pinambayad mo noon? Sa matrona mo?"
Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig sa sinabi niyang iyon. Nakita kong tumulo ang luha ni Laurel pagkasabi noon pero mabilis niyang pinahid at matalim na tumingin sa akin.
"Laurel, mag-usap naman tayo. 'Yong walang ibang tao." Pilit na akong lumapit sa kanya pero agad na humarang ang lalaking nakatabi sa kanya.
"Pinapaalis ka na, 'Pre. Ayaw ka niyang kausap. Umalis ka na." Seryosong sabi sa akin at at talagang hitsurang pinoprotektahan pa si Laurel laban sa akin.
Doon nagdilim ang paningin ko. Lahat ng galit na tinitimpi ko gawa nang pag-aaway namin ng kuya ko ay sumabog ngayon. Walang sabi-sabing umigkas ang kamao ko at malakas kong sinuntok ang lalaki. Bagsak ito sa semento. Ang lakas ng sigaw ni Laurel. Ganoon din si Aling Lagring. Hindi ako nakuntento at hinila ko ang damit ng lalaki at sinuntok ko uli. Sa pagkakataong iyon ay nasalag niya ang suntok ko at itinulak ako. Lumaban na. Pero wala na akong ibang nakikita kundi ang lalaking iyon. Demonyo ang tingin ko sa kanya. Demonyo na kailangan kong patayin. Sige ako sugod. Sige suntok kahit nga hindi ko na alam kung sino ang tinatamaan ko. Nagpambuno kami ng lalaki. Pilit akong kumakawala sa kanya at pag-igkas ng kamay ko ay hindi sinasadyang natamaan ko si Laurel. Bagsak siya sa lapag at napasiksik pa sa gilid ng sofa.
"Laurel!" Sigaw ni Aling Lagring at agad na tinulungan ang anak. Napahinto ako sa pagwawala ko at noon ko lang nakita ang gulong nagawa ko dito. Sira-sira ang mga gamit ni Aling Lagring. Ang lalaking kaaway ko ay putok ang mukha. At si Laurel...
Ang pinakamamahal kong si Laurel. Namumula ang bandang pisngi gawa ng pagkakatama ko sa kanya. Takot na takot siyang nakatingin sa akin.
"L-Laurel, hindi ko sinasadya." Nag-aalalang sabi ko at lalapitan ko siya para tulungan pero doon na ako itinulak ng marahas ng lalaki.
"Lumayo ka na sa kanya!" Sigaw nito at talagang prinotektahan siya laban sa akin. Umiiyak si Laurel habang nakatingin sa akin.
"Arcus! Putangina ka! Umalis ka na dito! Ipapa-barangay kita sa ginawa mo!" Sigaw nang sigaw si Aling Lagring. Naghihisterikal na. Napatingin na ako sa paligid at nakita kong marami nang tao ang naroon. Nag-uusyoso na sa mga nangyari.
Pero wala akong pakialam sa kanila. Si Laurel lang ang kailangan ko. Si Laurel lang ang iintindihin ko. Nasaktan ko ng hindi sinasadya ang babaeng mahal ko.
"Laurel-"
"Umalis ka na, Arcus! Ang kapal naman ng mukha mo. Ang tibay din ng dibdib mo na pumunta pa dito? Kailan ba papasok sa isip mo na ayaw ko sa iyo? Hindi ako pumapatol sa sanggano at kabit ng mga matrona." Umiiyak na sigaw niya sa akin.
Parang kutsilyong bumaon ang bawat salitang iyon ni Laurel sa pagkatao ko. Pakiramdam ko ay nanghihina na ako sa nangyayari.
"Ayaw ko sa mahirap. Mahirap na nga ako, papatol pa ako sa katulad mong mahirap. Humanap ka ng kauri mo at hindi ako 'yon. Hindi ko pinangarap na maging asawa ang katulad mo. Dahil yayaman ako. Ikaw maiiwan dito. Mabubulok ka dito kasama ang mga kabarkada mong walang pangarap."
Hindi ako makapaniwala sa naririnig kong sinasabi ni Laurel. Noon ko naramdaman na may humihila sa akin.
"Halika na, Arcus. Papunta na dito ang barangay. Dadamputin ka na. Halika na."
Si Boyet iyon at sapilitan akong hinihila palabas sa bahay nila Laurel. Pero ayaw kong umalis. Magpapaliwanag ako kay Laurel.
"Tara na! Putangina ka. Ang laki nitong gulo na ginawa mo. Doktor pa ang ginulpi mo. Tara!" Halos kaladkarin ako ni Boyet palabas ng bahay. Hinahawi pa niya ang mga tsismosa na naroon. Habang palayo kami ay naririnig ko pa ang pagsisigaw ni Aling Lagring. Minumura ako at talagang sinasabing ipapakulong ako.
Hindi ko alam kung saan kami napadpad ni Boyet. Basta ang sabi niya kailangan naming makalayo doon. Paulit-ulit niyang sinasabi sa akin na malaking kaso ang ginawa ko. Nang tumingin ako sa kanya ay nakita kong hawak pa niya ang bulaklak at tsokolate na ibibigay ko sana kay Laurel. Marahas kong kinuha iyon at iniwan siya. Hindi ko inintindi ang pagtawag niya sa akin. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Basta lakad lang ako nang lakad palayo doon tapos ay huminto at pinagsisira ang mga bulaklak na dala ko. Itinapon ko ang mamahaling tsokalate. Sa isip ko ay bumabalik ang mga salitang binitiwan ni Laurel sa akin.
"Ang kapal naman ng mukha mo. Ang tibay din ng dibdib mo na pumunta pa dito? Kailan ba papasok sa isip mo na ayaw ko sa iyo? Hindi ako pumapatol sa sanggano at kabit ng mga matrona."
Pakiramdam ko ay ang liit-liit ko habang lumalakad pabalik sa bahay namin bitbit ang mga bulaklak na sira-sira. Hindi ko pansin ang mga taong bumabati sa akin at inaaya akong tumagay. Lutang ako. Ang isip ko ay bumabalik sa nangyari at pakiramdam ko naririnig ko pa ang mga sinabi ng babaeng mahal ko na talagang sumugat sa pagkatao ko.
"Ayaw ko sa mahirap. Mahirap na nga ako, papatol pa ako sa katulad mong mahirap. Humanap ka ng kauri mo at hindi ako 'yon. Hindi ko pinangarap na maging asawa ang katulad mo. Dahil yayaman ako. Ikaw maiiwan dito. Mabubulok ka dito kasama ang mga kabarkada mong walang pangarap."
Nagtagis ang bagang ko at inis kong itinapon ang hawak kong sira-sira ng bulaklak. Pati ang mga isang kahon tsokolate na kulang-kulang na ang laman ay ganoon din ang ginawa ko. Tinapak-tapakan ko. Galit na galit akong durugin iyon. Kasalanan ko bang naging mahirap ako? Kasalanan ko bang hindi ako nakatapos ng high school at hindi nakapag-kolehiyo? Kasalanan ko bang hindi ako nabigyan ng suwerte katulad ng ibang mga mayayaman na nakikita ko sa TV at diyaryo? May pangarap din ako. Gusto ko ring makaalis sa lugar na ito. Gusto ko ring yumaman at magkaroon ng sarili kong kotse, mansion, makatapos sa pag-aaral at lumebel sa mga mayayaman na iniidolo ko.
Masipag akong tao. Hindi ako namimili ng trabaho. Kaya kahit ano pinapasok ko kahit pa sabihan akong lalaking pokpok. Putangina, kung iintindihin ko ang sasabihin ng mga tao sa paligid ko, walang mangyayari sa akin. Hindi ako kakain. Hindi ako makakatulong sa kuya ko na maliit pa lang ay nag-alaga na sa akin.
Pero ang ginawa ni Laurel.
Napahinto ako at naupo sa gilid ng kalsada at sumubsob sa mga braso ko. Hindi ko napigil ang sarili ko at talagang humahagulgol ko. Ang sakit-sakit ng ginawa niya. Ang sakit-sakit ng mga sinabi niya. Bawat salitang binitiwan niya ay dumudurog sa pagkatao ko. Pakiramdam ko, ako na ang pinaka-walang kuwentang tao sa mundo dahil sa mga sinabi niya sa akin. Wala naman akong kasalanan sa kanya. Siguro kung meron man, iyon ay ang talagang minamahal ko siya.
Gago man ako. Kilalang tambay at basagulero dito sa lugar namin pero pagdating kay Laurel, talagang siya lang ang itinitibok ng puso ko. Kahit idinadaan ko sa biro ang pagsasabi ko ng nararamdaman sa kanya, sa kalooban ko, alam kong siya lang ang minamahal ko ng totoo. Kaya kanina naglakas-loob na akong umakyat ng ligaw at magpaalam sa mga magulang niya. Pero ang napala ko? Mula ulo hanggang paang panlalait mula sa magulang niya.
Matatanggap ko pa sana iyon kung galing sa magulang niya. Hindi ko iindahin. Pero ang manggaling mismo kay Laurel na sabihin niyang kahit kailan ay hinding-hindi niya ako papatulan dahil sa mahirap lang ako, iyon talaga ang nagpasakit sa akin.
Awang-awa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko hindi yata ako makaka-recover sa sakit na nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal dito. Hindi ko pansin na dinadaan-daanan ako ng mga tao at mga sasakyan sa harap ko. Napaangat lang ako ng ulo nang mapansin kong may nakatayo sa harap ko. Nang mag-angat ako ng mukha ay nakita ko ang isang may-edad na lalaki na nakasuot ng amerikana at nakatingin sa akin.
"Marcus. Marcus Aurelius Zapanta." Paniniguro ng lalaking nasa harap ko.
Suminghot-singhot ako at pinahid ang luha at sipon ng manggas ng suot kong polo bago tumayo. Napaatras pa nga ako dahil nahiya ako sa hitsura ng nasa harap ko. Ang bango. Hitsurang yayamanin. Mukhang tela pa lang ng amerikanang suot mamahalin na. Ang sapatos. Napakalinis. Puwede yata akong manalamin.
"Sino ka?" Tanong ko.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at napatango-tango tapos ay ngumiti sa akin.
"I am Fedor Rozovsky. I am family."
Kumunot ang noo. Ano ang pinagsasabi nito? Family? 'Tangina, wala akong kilalang pamilya na ganitong kayaman. Lumaki kami ng kuya ko sa masikip na lugar dito sa Barangay Bayagbayag. Nababaliw yata ito. Mukhang mapagbabalingan pa ng init ng ulo ko.
"Boss, kung wala kang magawa umalis ka na. Wala akong panahon sa mga scam na ganyan. Wala akong pera." Sagot ko at tinalikuran ko na siya.
"Kapatid mo si Memphis. MVP."
Doon ako napahinto at muling tumingin sa nagsalita. Sa hitsura nito ay mukhang hindi naman nagjo-joke. Seryoso ang hitsura at lumapit sa akin.
"What if I can change the course of your life? I mean, you deserve to have what your father have."
"'Tangina, umalis ka na nga. Nanggagago ka." Inis na pagtataboy ko sa lalaki.
"Hindi ba sinabi ng kapatid mo sa iyo kung gaano kayaman ang tatay n'yo? Your father Viktor Rozovsky was a rich and powerful man. I already talked to your brother and told him that you can have whatever your father left for you two."
"Huh?" Naguguluhan pa rin ako sa sinasabi niya.
"I reached out to him for so many times. I told him to embrace who you really are. To become a Rozovsky and leave this place. Marcus, you can have whatever you want in just a snap of your finger but your brother kept on declining it."
"W-wala namang nababanggit ang kuya ko tungkol diyan. Saka imposible ang sinasabi mo. Mahirap pa kami sa daga. Ang tatay namin ay iniwan kami. Pinaasa ang nanay namin hanggang sa namatay kakahintay sa kanya."
Lumapit pa ang lalaki sa akin. "There's another story for that and if you really want to hear what happened to your father, you can ask me. We are willing to sit down with you and your brother. We just want to give what is meant for you."
May inilabas na mga litrato ang lalaki at naroon ang litrato ng nanay namin na may kasamang lalaki. Kasal. May ipinakita ring marriage contract ang lalaki sa akin at naroon ang pangalan ni Nanay at pangalan ng isang Viktor Rozovsky.
Gulat akong napatingin sa lalaki. Ano 'to? Buong buhay ko alam kong anak kami sa labas ng kuya ko. May ibang pamilya ang tatay namin. Kaya ano 'to?
"Your brother doesn't want you to know how rich you are. How powerful your father was and how you could be that person too."
Nanlalaki ang mata kong nakatitig sa marriage contract at unti-unting nanginginig ang mga kamay ko. Naaalala ko ang sinasabi ni Kuya. Walanghiya ang tatay namin at ang pamilya noon. Pinabayaan kami.
"A-alam ng kuya ko 'to?" Nagtagis ang bagang ko habang nakatitig sa marriage contract.
"I already told him many times. I asked him to come with us to get what is really yours so you can have a new decent life but he kept declining it. He said you and him can live the life you have right now."
Napakuyom ang kamay ko at iniwan ko ang lalaking kausap. Patakbo akong umuwi ng bahay at dere-deretso akong pumasok doon. Ibinalandra ko ang kuwarto namin ng kapatid ko at halatang katatapos lang makipag-sex sa kung sinong babaeng kasama niya dito.
"Alam mo?" Sa pagitan ng mga ngipin ay tanong ko.
"Ang ano? 'Tangina, Arcus hindi ka ba marunong kumatok?" Nagtataas pa ng pantalon ang kuya ko at ang babaeng nasa katre ay mabilis ding nagbihis.
"Na mayaman tayo." Ang sama ng tingin ko sa kanya.
Sa reaksyon pa lang ng mukha ng kapatid ko, alam kong alam na niya ang ibig kong sabihin. Agad niyang iniiwas ang tingin at sinenyasan ang babaeng lumabas na. Dinampot ni Kuya MVP ang t-shirt niya at isinuot iyon tapos ay lumabas din ng silid.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin?" Nakasunod ako sa kanya hanggang sa pumunta siya sa kusina at uminom ng tubig.
"Wala akong dapat sabihin sa'yo. Hindi totoo kung anuman ang narinig mo." Mariing sagot niya.
"Hindi rin totoo ito?" Ibinato ko sa kanya ang nakuha kong marriage contract sa lalaking kausap ko kanina.
Mahinang napamura si Kuya at napailing. "Mga putangina talaga niya. Ayaw pa tayong tigilan. Sinabi ko nang hindi natin tatanggapin ang kung anuman na ibibigay nila."
Natigilan ako at napaurong sa narinig na sinabi niya. "Totoo nga? Totoo nga ang sinasabi ng lalaking iyon? Rozovsky tayo?"
"Arcus," lumapit sa akin si Kuya pero tinaboy ko siya. "Hindi natin kailangan ang mga taong iyon. Hindi natin kailangang magpalit ng pagkatao. Hindi natin kailangan ang yaman nila. Nabuhay tayo ng tayo lang sa loob ng mahabang panahon. Tandaan mo, iniwan tayo ng walanghiyang lalaking iyon. Nakita natin kung paano maghirap si Nanay."
"Pero maayos na buhay ang ibinibigay nila sa atin. Hindi natin kailangang mabulok sa putanginang lugar na ito at laitin ng mga tao." Hindi ko napigil ang luha ko. "Nagtiis ako na mag-basurero. Lahat ng klase ng trabaho ginawa ko para lang mabuhay at makatulong sa'yo. Tiniis ko lahat. Alam mo na pangarap kong mag-aral at makatapos. Pangarap kong maging mayaman-"
"Pangarap mong maging mayaman para matanggap ka ni Laurel at ng pamilya niyang mukhang pera." putol ni Kuya sa sasabihin ko. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang mukha ko. "Kaya nating magsikap. Tayong dalawa. Hindi natin kailangan ang pamilya ng walanghiyang lalaking iyon."
Umiling ako kay kuya at dahan-dahang inialis ang pagkakahawak niya sa mukha ko at lumalayo sa kanya.
"Ikaw. Hindi mo kailangan. Pero ako, kailangan ko. Sawa na ako sa ganitong buhay. May maayos na buhay ang naghihintay sa atin. Kung ayaw mo, mabulok ka dito."
Nakita kong nagtagis ang bagang ni Kuya. "Marcus, huwag. Hindi mo alam ang buhay na naghihintay sa'yo doon. Hindi mo kilala ang pamilyang iyon. Gagamitin ka lang nila."
"Saan? Saan nila ako gagamitin?" Umiiling ako. "Rozovsky ako at yayakapin ko ang tunay kong pagkatao."
Pagkasabi ko noon ay iniwan ko na siya at dali-dali akong lumabas ng bahay. Hindi ko pinapansin ang pagtawag ni Kuya sa akin. Nakita kong nakaparada sa tapat ng bahay namin ang kotseng nasa harap ko kanina at bumaba doon ang may-edad na lalaking kausap ko.
Panay ang tawag ni Kuya sa akin. Nakatingin lang ako sa kanya habang hindi siya lumalapit sa sasakyan. Ang lalaking nagpakilalang Fedor Rozovsky ang pangalan ay nasa nakabukas na pinto ng kotse at tila naghihintay sa akin.
"Marcus! Huwag kang sumakay diyan!" Sigaw niya.
"Memphis, let your brother decide for himself. If he wanted a good life for him, let him be." Sabi ng may-edad na lalaki.
"Putangina mo! Pati ang kapatid ko bini-brainwash n'yo. Hindi namin kailangan ang yaman n'yo! Marcus! Pumasok ka sa bahay at mag-usap tayo."
Walang patid ang pagtulo ng luha ko. Sumasakit ang dibdib ko sa sobrang sama ng loob dahil sa nalaman kong pagsisinungaling ng kapatid ko sa akin. Sa panghaharang niya sa magandang kinabukasan na mayroon ako sana.
Umiling na lang ako at sumakay ako sa kotse na naghihintay doon. Hindi ko pinakinggan ang pagtawag ni Kuya.
"Memphis, you can come with us." Sabi pa ng lalaki. "Embrace who you really are."
"Marcus!" Tingin ko ay hindi pinansin ng kuya ko ang sinabi ng lalaki. "Marcus, kapag hindi ka bumaba diyan, kalimutan mo ng may kapatid ka. Kalimutan mo na ako."
Nagtagis ang bagang ko pero nanatili akong nakaupo sa hulihan ng sasakyan at hinihintay na umalis iyon. Napapikit lang ako dahil sa mga naririnig kong sinasabi ni Kuya. Hanggang sa sumakay ang may-edad na lalaki at isara ang pinto tapos ay sabihin sa driver na umalis na doon.
Hindi ko nilingon si Kuya. Napapikit lang ako habang umiiyak. Nakakaramdam ako ng konsiyensiya. Mahal na mahal ko ang kapatid ko pero sa naiisip kong itinago niya sa akin ang tunay naming pagkatao, napupuno ng galit ang dibdib ko.
Nagagalit ako sa Kuya ko dahil sinungaling siya.
Nagagalit ako sa Kuya ko dahil inalisan niya ako ng karapatan na mabuhay ng maayos.
Kung gusto niyang mabulok doon, bahala siya. Basta ako, tatanggapin ko kung ano ako. Buong puso kong yayakapin na isa akong Rozovsky.
At pagbalik ko dito, siguradong lahat sasamba na sa akin.
Kasama na si Laurel at ang pamilya niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top