CHAPTER SEVENTEEN | INVITE


Whenever you completely trust someone, you are actually giving them every opportunity to use it against you.

CRUEL BASTARD

CHAPTER SEVENTEEN | INVITE

LAUREL

Ang lambot ng hinihigaan ko.

Ang kumportable. Ang tahimik pa ng paligid. Walang maingay na nagsisigawan katulad ng madalas kong marinig sa bahay. Bibig ni Nanay at ni Tito Rey ang alarm clock ko. Pero dito, wala akong ibang naririnig kundi ang mahinang ugong ng kung ano. Electric fan yata pero malamig ang paligid.

Umayos pa ako ng higa at pinipilit pa rin ang sarili na matulog pa. Hindi ako nagmumulat ng mata dahil napakaganda ng panaginip ko. Nagkita daw kami ni Arcus. At sa panaginip ko hindi siya galit sa akin. Nakangiti siya at sinasabi niyang kahit kailan ay hindi siya nagalit sa akin.

Pero agad din akong napamulat nang maalala ko kung ano ang nangyari. Dali-dali akong napabalikwas at nanlalaki ang mata na tumingin sa paligid ko.

'Tangina, nasaan ako?

Oo nga at pamilyar ang lugar na kinaroroonan ko. Katulad ito ng mga nililinis kong mga kuwarto dito sa ospital. Bakit ako nandito? Tiningnan ko pa ang hinihigaan ko at para akong napapaso na mabilis na umalis doon. Suite room ito ng ospital. Alam ko ang presyo ng silid na ito bawat araw. Natataranta ako at pilit na inaalala kung paano ako napunta dito. Ano ba ang nangyari? Ang huling natatandaan ko lang naman ay naglinis ako sa isang silid tapos may nakasalubong akong tao at...

Naitakip ko ang kamay ko sa bibig.

Nakita ko si Arcus!

Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi pa rin ako maniwala na siya iyon. Ibang tao ang lalaking nakita ko kanina. Imposibleng si Arcus iyon. Tindig at hitsura pa lang, ibang-iba sa Arcus na nakilala kong tambay noon sa barangay Bayag-Bayag.

Muntik na akong mapatalon nang may marinig akong kumatok sa pinto at dahan-dahang bumukas iyon. Nakahinga ako ng maluwag nang makita kong si Wanda iyon. Ang kaibigan kong ngayon ay nurse na dito sa ospital. Ngiting-ngiti siya nang tuluyang pumasok at may dalang medicine tray.

"W-Wanda, anong ginagawa ko dito?" Kinakabahang tanong ko. "Anong ginagawa mo dito?"

Lalong lumapad ang ngiti niya. Nanunukso nga ang hitsura habang inilapag ang hawak na medicine tray.

"Ma'am, higa lang po kayo sa bed para makuha ang vital signs n'yo," tonong nang-aasar ang kaibigan ko.

"Hindi ako nagbibiro, Wanda. Paano ako napunta dito? Suite room ito. Bakit hindi mo man lang ako ginising kung nakatulog man ako sa isa sa mga kuwarto dito. Mayayari ako sa supervisor namin."

Tinaasan lang niya ako ng kilay pero nanatiling nakangiti. "Sige na, Ma'am. Higa lang po."

Doon ko na siya sinamaan ng tingin. "Wanda, tumigil ka na. Ano ang nangyari?"

"Ano ang nangyari? Naka-confine ka dito. Kasi hinimatay ka. Don't worry, nakita ko naman ang mga test mo at normal naman lahat. Tingin ko hinimatay ka lang kasi may bumalik." Napahagikgik pa siya.

Napaawang ang bibig ko. Naka-confine? Dito? Hinding-hindi ako magpapa-confine dito. Alam ko ang presyo ng mga silid dito. Hindi ako nasisiraan ng bait.

"Ano ang pinagsasasabi mo? Anong naka-confine?"

"Pasyente ka dito. Sabi ng nagdala sa iyo dito, kailangan mo daw ng proper medical attention. At hindi dapat titigil ang mga doctor hangga't hindi nasisiguro na okay ka na." Napakagat-labi na si Wanda tapos ay hitsurang hindi na mapigil ang sarili at impit na tumili. "Laurel! Ang guwapo niya!"

Hindi ko masakyan ang sinasabi niya. "Nababaliw ka ba? Tingin ko ikaw ang kulang sa tulog at kain. Mukhang ikaw ang dapat na ma-confine."

"Gaga ka ba? Wala ka bang naaalala? Si Arcus ang nagdala sa iyo dito. Si Arcus ang nagpa-confine sa iyo. At kung iisipin mo ang bill mo dito sa ospital, nag-advance payment na siya. Binayaran na niya lahat."

Pakiramdam ko ay nanlamig ang buo kong katawan at gusto ko na lang na himatayin na naman.

Totoo nga. Si Arcus nga ang nakaharap ko kanina.

"Hindi rin ako makapaniwala nang magpakilala siya sa akin. Siya nga ang unang bumati. Hindi rin ako makapaniwala sa napakalaking pagbabago niya. At alam mo ba, na-stalk ko na siya. Hindi na Zapanta ang apelyido niya. Rozovsky na. Tingnan mo," kinuha ni Wanda ang telepono sa bulsa at nagpipindot doon tapos ay may ipinakita sa akin.

Mga articles iyon sa internet. At naroon nga si Arcus. Mga business page pa ito. Ibang-iba ang hitsura niya. Pati na ang mga taong kasama niya sa mga litratong naroon. Mga businessmen. Rich and famous personality na tanging sa mga ganitong balita lang makikita. Naguguluhang tumingin ako kay Wanda at tumatango-tango lang siya sa akin.

"'Di ba? Ayan na si Arcus ngayon. Hindi ko din alam kung anong nangyari sa kanya na mula sa pagiging barker at kargador sa Bayag-Bayag, mayaman na siya ngayon at nagpalit pa ng apelyido. Kilalang mayayaman ang mga Rozovsky na 'yan." Halata din sa boses ng kaibigan ko ang pagkagulat.

"Baka nakapangasawa siya ng mayamang matrona? 'Di ba may syota siya noon na ganoon?" Sagot ko.

"Nakapangasawa siya tapos siya ang nagpalit ng apelyido? Baliw, hindi puwede iyon. Saka wala naman sa hitsura ni Arcus ang may-asawa na. Mukhang hunky model. Iyon siya." saglit na tumahimik si Wanda tapos ngumiti ng pilya. "Pero alam mo, halatang gustong-gusto ka pa rin ni Arcus. Grabe ang pag-aalala niya kanina nang himatayin ka. Natataranta talaga siya nang tumawag ng tulong tapos binuhat ka niya at dinala sa kung saang kuwarto ang available dito sa wing na 'to. Tapos kung mag-utos siya sa mga tao nakakatakot." Hitsurang nag-isip si Wanda. "Actually, hindi naman talagang nakakatakot. Ano lang, 'yong nakakakaba kasi napaka-authoritative. Bagsak pa lang ng salita talagang susunod ka na. Boss na boss ang aura."

"Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano. Imposibleng hindi galit sa akin ang lalaking iyon. Sa ginawa ko sa kanya at ng pamilya ko. Imposibleng mapatawad ako noon." Inayos ko na ang sarili ko. "Puwede na ba akong lumabas dito? Ayaw kong magtagal dito. Siguradong maraming tanong ang mangyayari. Ang supervisor ko. Kapag nalaman pa ni Doc Verden ito siguradong mayayari na naman ako.

Doon sumimangot ang mukha ni Wanda. "Demonyong doctor. Nabudol talaga ako niyang si Doc Verden. Akala ko pa naman mabait. Hindi pa ba tapos ang utang mo doon? Grabe din ang obsession sa'yo ng gagong iyon. Dahil hindi ka niya makuha kaya ang ginawa, ikinulong ka dito para hindi ka makapagtrabaho sa iba. At ito ka, ang balita ko, uuwi na daw. Tapos na ang two years na kung anong ginawa sa ibang bansa."

Napahinga ako ng malalim. Panibagong problema na naman kapag umuwi dito ang doctor na iyon.

Pareho kaming napatingin sa pinto ni Wanda nang makarinig kami ng katok. Nang bumukas iyon, pakiramdam ko ay nanginig ang tuhod ko at gusto ko na lang talagang himatayin uli.

Dahil si Arcus ang naroon. Nakangiti. At nang pumasok ay may dala pang bungkos ng bulaklak at box ng chocolate.

Ferrero Rocher chocolates.

Naalala ko na ganitong-ganito ang dala niya noong pumunta siya noon sa bahay at ipagtabuyan ko siya. Gusto kong lumubog sa tindi ng guilt na nararamdaman ko harap ni Arcus.

"Hi. I hope I am not interrupting something." Nakangiting sabi niya.

Literal talagang nanginginig ang buo kong katawan. Hindi ko alam kung dahil sa gutom ba ito o sa kaba dahil sa presensiya ni Arcus. Katulad ng makaharap ko siya kanina, at katulad ng sinasabi ni Wanda, napakalaki talaga ng ipinagbago ng lalaking ito. Wala na ang hitsurang tambay na Arcus na taga-Bayag-Bayag. Hindi na siya ang Arcus na parang asong sunod nang sunod sa akin.

"Hindi naman, Sir. Tsini-check ko lang ang patient kung okay siya kasi sabi mo, kailangan na hindi siya mapabayaan."

Gusto kong sabunutan ang kaibigan ko dahil ang hitsura niya ay parang nakakita ng artista at titig na titig kay Arcus.

"Wanda naman. Huwag mo naman akong tawaging Sir. Arcus is still fine. After all, I am still the same Arcus that grew up in Bayag-Bayag." Nakangiting sagot ng lalaki.

'Tangina. Ano ba talaga ang nangyari dito kay Arcus? Naduwende ba ito kaya naging ganito ang hitsura? O nakatagpo ng genie at nagkaroon ng wish kaya nagkaganito? Ibang-iba talaga siya.

"Grabe, Arcus. Hindi talaga kita nakilala. Boss na boss ang dating mo." Hindi na napigil ni Wanda ang sarili.

Lalong ngumiti si Arcus. At pakiramdam ko, sa ngiting iyon na ako hihimatayin hind isa gutom na nararamdaman ko..

"Let's just say that finally, luck got on my side." Kumindat pa ito kay Wanda at lalong kinilig ang kaibigan ko.

Nang tapunan ako ng tingin ni Arcus ay doon na ako nataranta. Agad kong inialis ang tingin ko sa kanya at hindi ko malaman kung paano ako kikilos sa harap niya.

"Are you feeling better now?" Dama ang totoong pag-aalala sa boses ni Arcus.

Hindi ako sumagot kaya siniko ako ni Wanda. "Tinatanong ka." Sabi pa ng kaibigan ko.

Naiinis ako kay Wanda dahil nanunukso ang hitsura niya. At naiinis din ako sa sarili ko dahil bakit ako kinakabahan sa harap ng lalaking ito. Marahan na lang akong tumango. "T-Thank you."

"I brought you flowers. Sana naman tanggapin mo na ngayon. It doesn't mean a thing if you are wondering why I gave you one. Just to make you feel better. I brought chocolates too." Itinaas pa niya ang hawak na kahon.

Narinig ko ang impit na tili ni Wanda at alam kong hindi iyon nakaligtas kay Arcus.

"L-lalabas na rin naman ako. Okay na ako." Tumingin ako kay Wanda. "Paayos naman ng discharge ko. Marami pang trabaho ang naghihintay sa akin."

Kumunot ang noo ni Arcus. "Trabaho? You should be resting. Don't worry about the bill. I already covered for it. Magpahinga ka na lang muna. I think you need that terribly." Damang-dama ko ang concern sa boses ni Arcus habang titig na titig sa mukha ko.

Gusto kong murahin si Arcus. Bakit ba siyang english nang english? Tagalog naman kaming mag-usap noon. Dalawang taon lang siyang napadpad kung saan kung umarte na siya para na siyang ang mga mayayamang sinasamba niya noon.

Saka hindi ako naniniwala sa ipinapakita niya sa akin. Bakit ang bait niya? Sigurado ako kaplastikan lang itong ipinapakita niya.

"Huwag na tayong magplastikan, Arcus. Sumbatan mo na ako. Murahin mo na. Magalit ka na." Iyon na lang ang nasabi ko.

Ang magaang na atmosphere sa paligid namin ay biglang bumigat. Nawala ang masayang ekspresyon ng mukha ni Arcus at napakunot ang noo sa akin. Si Wanda ay ganoon din. Halatang nagulat sa sinabi ko.

"Laurel," tanging nasabi ni Wanda at pinanlakihan ako ng mga mata.

"Hindi ako naniniwala sa ipinapakita niyang lalaking iyan. Alam ko galit ka sa akin dahil sa ginawa ko. Sumbatan mo na ako."

Napahinga ng malalim si Arcus na ngayon ay napapangiti at napapailing.

"Bakit ako magagalit? Kahit kailan hindi ako nagalit sa iyo, Laurel. Kung ano naman ang nangyari noon, kinalimutan ko na iyon. The situation asked for it and I know it was my fault. I trespassed in your home. Normal ang reaction ng nanay mo. Normal ang reaction mo." Malumanay na sagot niya.

Hindi ako nakasagot at napatitig lang sa kanya. Totoo ba 'to? Hindi siya galit?

"I mean, yeah. Nakakasama ng loob but, I totally forget about it over the years. Actually, that incident paved the way why I am like this now. Kaya hindi ako magagalit sa iyo. Sa inyo ng magulang mo. Hinding-hindi mangyayari iyon."

Kahit dama ko ang sinseridad ng sinabi ni Arcus ay hindi ako maniwala. Sa tuwing maaalala ko ang mga nasabi ni Nanay sa kanya at ang mga nasabi ko, kahit ako ay nanliliit doon.

Naramdaman kong kinuha ni Arcus ang kamay ko at hindi ko maintindihan ang tindi ng kilabot na gumapang sa buong katawan ko.

"I hope we can start all over again. I mean, like when we are still neighbors in our barangay." Tumingin pa siya kay Wanda. "And for that, can I invite you two for a dinner?"

"Hindi ako tatanggi diyan. Sabihin mo lang kung saan at kung anong oras, darating kami ni Laurel." Sabat ni Wanda.

Lalong gumanda ang ngiti ni Arcus. "My Uncle owns Fire Palace hotel. Is eight PM tonight okay with you guys?"

Namilog ang mata ni Wanda. "Fire Palace?" Hindi makapaniwalang sabi ng kaibigan ko. "Kilala mo ang may-ari noon. Bigating hotel 'yon dito sa Pilipinas. Mayayaman lang ang nakakapunta doon."

Gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko sa kahihiyan sa sinasabi ni Wanda. Minsan talaga nawawala sa hulog 'tong kaibigan ko na 'to lalo na kapag nai-excite.

"My uncle's family. Don't worry, I tell you everything that happened to me the last two years. We are going to catch up. I'll pick you up here later."

Alam kong may sasabihin pa si Arcus pero tumunog ang telepono nitong nasa bulsa. Kinuha iyon at tiningnan pero hindi sinagot at inilagay lang sa silent ang call.

"Anyway, I got to go. My phone is ringing non-stop. Work calls." Tumingin sa akin si Arcus. "Feel better, okay? I'll see you later."

Pagkasabi niya noon ay tuluyan na siyang lumabas sa pinto at naiwan kami ni Wanda na nakatanga lang dahil sa hindi namin mapaniwalaang nangyari.

---------

This story is already complete in Patreon https://www.patreon.com/c/helene_mendoza and FB VIP group. You can message Helene Mendoza's FB page to know how to subscribe and read the exclusive complete stories. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top