CHAPTER NINETEEN | NEW OWNER

Do what is right, not what is easy nor what is popular – Roy T. Benett

CRUEL BASTARD

CHAPTER NINETEEN | NEW OWNER

LAUREL

"Ayoko."

Matigas kong tanggi habang inaayos ko ang mga housekeeping tools na ginamit ko kanina nang maglinis ako sa wing na naka-assign sa akin. Matapos akong himatayin kagabi, sinabi na ng supervisor ko na puwede na akong umuwi pero hindi ko sinunod. Nag-duty pa rin ako hanggang ngayong umaga. Mas gusto ko nang mapagod na nandito sa trabaho kaysa uuwi ako at maingay na pagbabangayan ng nanay ko at ni Tito Rey ang maririnig ko.

Sumimangot ang mukha ni Wanda. "Kagabi pa text nang text si Arcus. Susunduin naman daw tayo. Tapos hanggang ngayon umaga. Tanong nang tanong bakit daw hindi tayo sumama sa invitation niya."

Napailing lang ako at painis na isinara ang pinto ng lalagyan ng mga gamit namin. Lumakad ako pabalik sa locker room at nanatiling nakasunod si Wanda.

"Ayaw ko nga. Sa tingin mo pagkatapos ng nangyari sa amin ni Arcus, sa ginawa ko at ginawa ang nanay ko sa kanya magiging mabait pa sa akin iyon?" Pumasok na ako sa loob at sumunod din siya sa akin.

"Mukhang wala na naman kay Arcus ang nangyari sa inyo. Nakita mo naman alalang-alala pa rin siya sa iyo. N'ong wala kang malay, natataranta talaga siya. Inaalam sa mga doctor kung ano ang kalagayan mo."

Pabagsak akong naupo sa upuan na naroon at tumingin sa kaibigan ko. "Hindi ako naniniwala doon, Wanda. Tingin ko may hidden agenda ang lalaking iyon. Walang tao na basta-basta magpapatawad matapos masaktan ng ganoon."

At talagang hindi ako maniniwala na wala lang iyon kay Arcus. Alam ko kung paano ko siya nasaktan kasama ang pamilya ko. Hindi biro ang nagawa namin kaya tanga na lang ang basta na lang kakalimutan ang nangyaring ganoon.

"Malay mo naman talagang nakalimutan na niya 'yon. Nakita mo naman siya ngayon. Mayaman. Successful. Alam mo 'yon? May mga taong kinakalimutan ang nakaraan nila para mag-focus sa future. Dahil minsan ang mga pait ng nakaraan ay nakakasira sa panibagong buhay na tinatahak nila." Paliwanag pa rin ni Wanda.

Tumaas ang kilay ko sa kanya. "Kailan ka pa naging makata? Kaya nga mas lalong nakakakaba. Mas lalo akong kinakabahan na baka may ibang intensyon 'yan si Arcus. Basta. Hindi ako sasama sa kahit na anong invitation niya." Matigas na tanggi ko.

Pareho kaming natahimik nang bumukas ang pinto ng locker room namin at pumapasok ang kasamahan kong si Neska.

"Alam n'yo na ba ang balita?"

Nagkatinginan kami ni Wanda dahil mukhang seryoso ang balitang alam ng kasama ko.

"Ano naman ang balita? Magtataas na ba sila ng suweldo? Kung iyon ang ibabalita mo, magandang balita 'yan." Si Wanda ang sumagot noon.

"Hindi," kumumpas pa sa hangin si Neska. "Naglilinis kasi ako sa admin office. Nagkakagulo sila doon ngayon. Usap-usapan, nabenta na daw itong ospital."

"Ano?" halos panabay na sabi namin ni Wanda. "Paanong ibebenta 'to? Wala naman akong naririnig na ganoong mga balita kahit noon pa. Saka hindi ito basta-basta ibebenta ng mga Manansala. Institusyon na ang ospital na 'to. Ilang henerasyon na ang nagdaan dito." Si Wanda pa rin iyon.

Naniniwala naman ako sa sinasabi ni Wanda. Matagal na ang ospital na ito at kung mayroon mang balita na ibebenta ito, dapat matagal na naming alam dahil labas-masok kaming mga naglilinis sa mga opisina ng mga boss dito. Minsan kahit may mga meetings nakakapasok din kaming mga naglilinis kaya naririnig namin ang mga importante nilang pinag-uusapan. Pero itong balita na bentahan ng ospital? Tingin ko tsismis lang talaga 'to nila Neska.

"Maniwala nga kayo. Galing ako sa office ni Doc Verden. Galit na galit doon na nakikipagtalo sa mga board of trustee ng ospital. Paano daw nabenta ang ospital nang hindi man lang niya nalalaman?"

Pakiramdam ko ay kinabog ang dibdib ko dahil sa narinig na pangalan. Doc Verden? Nandito si Doc Verden?

"Doc Verden? Nandito si Doc Verden?" Paniniguro ko. Tumingin pa ako kay Wanda at nakita kong nag-alala na rin ang mukha ng kaibigan ko.

"Oo. Dumating siya kanina lang tapos galit na galit nga. Sa narinig ko, parang lolo niya yata ang nagbenta. Hindi ako masyadong sure kasi hindi ko rin naman maintindihan ang usapan pagdating sa mga ganyang negosyo, shares. Iyon kasi ang naririnig ko. Bale kasi parang eighty percent yata ang pag-aari ng lolo nila tapos 'yong natitirang twenty percent hati-hati na sa mga anak at apo. Basta naguguluhan din ako. Ang narinig ko pa 'yong, eighty percent na share ng lolo nila, 'yon ang binenta for three hundred million. Kaya halos iba na ang may-ari nito." Mahabang paliwanag pa ni Neska.

"'To naman, magma-maritess na lang hindi pa nilubos-lubos. Hindi mo narinig kung sino ang bumili?" Hinampas pa ni Wanda sa balikat si Neska.

"Wala. Hindi ko narinig. Puro sigaw lang ni Doc Verden ang narinig ko. Galit na galit kasi nga bakit nga daw binenta ang ganoong kalaking share na hindi sinabihan. Grabe 'no? Rich problems. Three hundred million. Parang gusto ko na lang aswangin ang matandang Manansala kahit naka-wheelchair na lang 'yon." Natawa si Neska. "Kaya nandoon ngayon ang mga big boss, may emergency meeting ang board. Nagkakagulo sila kasi nga biglaan ang nangyari. Isipin mo, overnight lang biglang iba na ang may-ari nitong ospital."

Nagkibit-balikat ako. "Problema na nila iyon. Basta siguraduhin lang na ang trabaho natin ay secured saka ang suweldo. Iyon lang ang importante sa akin. Bahala na 'yang mga mayayaman na 'yan na maglabo-labo." Tumayo na ako at binuksan ang locker ko tapos ay nagpalita ng t-shirt at inayos ko na ang gamit ko.

"Uuwi ka?" Tanong ni Wanda.

"Dadalawin ko si Lawrence. Para mabigyan na din ng allowance. Ang telepono ko kanina pa rin tunog nang tunog. Sigurado akong si nanay lang 'to." Kinuha ko ang telepono ko at napakarami nang missed calls doon ng nanay ko. Napailing na lang ako dahil bukod sa missed calls, marami ding text si nanay na sigurado akong nanghihingi na naman ng pera. Mayroon pang mga tawag from unknown number kagabi pa. Hindi ko na rin pinansin.

Nagpaalam na ako kay Neska at sumunod sa akin si Wanda.

"Hindi mo ba talaga tatanggapin ang invitation ni Arcus? Friendly dinner lang naman daw iyon."

Napahinga ako ng malalim. "Wanda, hindi nga. Hangga't maaari iiwasan ko na lang ang taong iyon. Wala akong panahon sa mga ganyang bagay dahil ang tanging concern ko ay magtrabaho at matapos ang utang na binabayaran ko diyan kay Doc Verden. Ayan nga at bumalik na. Siguradong magkikita at magkikita kami ng lalaking iyon."

Napangiwi si Wanda. "Sabagay. Grabe naman kasi, girl. Ang tindi ng obsession sa iyo ng doctor na iyon. Dahil hindi ka pumayag sa gusto niya, ayan ginipit ka. Hindi ko akalain na may ganyang tendency si Doc. Mukha pa naman siyang mabait noon. Pero alam mo, ang may kasalanan talaga kung bakit nasa ganyan kang problema, 'yang nanay mo saka si Mang Rey. Kung hindi sila nagpagamit diyan kay Doc Verden, hindi ka nagkakandakuba magtrabaho para lang mabayaran ang utang ng nanay mo do'n."

"Wala akong magagawa. Ganito na yata talaga ang kapalaran ng buhay ko." Naiiling na sabi ko at lumakad na papunta sa exit ng ospital.

Sumakay kami sa elevator ni Wanda at nagkukuwento siya tungkol sa mga usapan nila ni Arcus. Tingin ko ay marami nang alam ang kaibigan ko sa nangyari kay Arcus. Sabi niya, tumawag daw sa kanya kagabi at nangumusta. Kinumusta si MVP. Nagtataka ako na hanggang ngayon pala ay hindi pa rin nag-uusap ang magkapatid na iyon. Ano kaya ang pinag-awayan ng dalawang iyon para maging ganoong kalalim ang away nilang dalawa? Nakita ko kung gaano ka-close si MVP at Arcus kahit noong maliliit pa kami sa Bayag-Bayag kaya nakakagulat na sa loob ng dalawang taon ay nagtikisan silang magkapatid.

Marami pang ikinukuwento si Wanda pero hindi ko na pinapansin. Hindi naman na ako interesado pa kay Arcus. Kung yumaman man siya, masaya ako para sa naging buhay niya ngayon. Kahit anong paraan pa ang ginawa niya para makuha ang yaman na iyon.

Nang makarating kami sa ground floor at bumukas ang pinto ay pareho pa kaming nagulat nang masalubong namin si Doc Verden. Agad na nakatingin sa akin ang doctor na walang kangiti-ngiti sa mukha at agad akong hinawakan sa kamay tapos ay halos hilahin sa isang gilid.

"Why you're not answering my calls?" Kunot na kunot ang noo na tanong nito. "You even blocked me on Facebook. I cannot message you in messenger. Even on Viber. What the fuck is going on, Laurel?"

"Calls? Wala naman akong nare-receive na calls galing sa iyo, Doc." Katwiran ko. "Saka hindi ako nagpi-Facebook."

"I've been calling you since last night nang dumating ako." Gigil na sabi niya.

Napa-ah lang ako. Siya siguro iyong unknown number na tumatawag sa akin kagabi na hindi ko sinasagot tapos ay blinock ko.

"Marami akong ginagawa, Doc. Kailangan kong kumita para mabayaran ko ang utang sa iyo ng nanay ko."

Lalong lumukot ang mukha ni Doc Verden. "Alam mong hindi mo mababayaran ang utang na iyon, Laurel." Napahinga na siya ng malalim at unti-unti ay kumakalma na. "I am goddamn pissed because of what is happening in this hospital. But when I saw you, you made me calm."

Tumingin ako kay Wanda at nakita kong nagpipigil lang ito ng tawa.

"Doc, two years na po. Ayaw mo pa bang mag-give up? Sabi ko naman, ayaw ko sa iyo. Saka, madami kang makikitang ibang babae na mas maayos sa akin. Tingnan mo naman ako. Tagalinis dito sa ospital n'yo. Pagtatawanan ka ng mga tao kapag nalaman nila na ako ang gusto mo."

Umangat ang kilay ni Doc Verden tapos ay natawa. "You think it's about liking you? Yeah, I could get lots of women better than you, Laurel. But you know what is the reason why I cannot just drop you?" bahagyang lumapit pa sa akin si Doc Verden kaya napaatras ako. "Because you owe me money. And until you are not yet paid, I kind of own you."

Sinamaan ko siya ng tingin at hindi nakasagot.

"So, for now, I want you to come with me. I am tired. Pissed and I want to go somewhere to clear my mind." Hinawakan ako sa braso ni Doc Verden na agad ko naman na binawi.

"Kailangan ko nang umuwi, Doc. Magpahinga ka na lang." Sagot ko.

"Oo nga, Doc. Pagod na rin si Laurel. Magdamag nagduty sa housekeeping 'yan." Sabat ni Wanda.

Alam kong lalong ikinapikon ng doctor ang sinabi ko. Sa totoo lang, hindi ko akalain na magkakaganito si Doc Verden. Akala ko nga, nang umalis siya at pumunta ng Australia at namalagi doon ng dalawang taon, matatapos na rin ang kalbaryo ko sa kanya. Okay na lang sa akin kung nagbabayad ako ng utang kahit ilang taon pa abutin iyon. Karapatan naman niya iyon na singilin ako kahit nanay ko talaga ang may utang noon sa kanya. Pero ngayon na narito na siya, sigurado akong kasama na rin sa plano niya sa buhay na haharassin niya ako.

Muli niyang hinawakan ang braso ko at mas madiin na iyon.

"Hindi ka uuwi. Sasama ka muna sa akin. Magpasalamat ka nga at hindi kita ipinapakulong sa utang mo. Pumapayag ako sa barya-baryang ibinabayad mo. Kaya dapat lang, sumunod ka sa gusto ko." Ngayon ay bahagya na niya akong hinihila kaya talagang inaagaw ko na ang kamay ko sa kanya.

"D-Doc, ayaw ko ngang sumama." Naghihilahan kami ng kamay ni Doc pero tingin ko, wala sa hulog ang doctor ngayon at mainit talaga ang ulo kaya kung ano-ano ang ginagawa.

"I think she doesn't want to go with you. Please, take your hands off her."

Pare-pareho kaming napatingin sa nagsalita noon at napaawang ang bibig ko nang makita ko si Arcus na nakatayo malapit sa amin. Kilala kong jolly si Arcus kahit noon pa. Kahit nga binabara ko nang binabara noon, hindi ko nakikitang nagagalit. Lagi lang nakangiti. Laging maaliwalas ang mukha. Kahit na nga noon na nagkagulo kami, alam kong nasaktan siya sa ginawa namin pero hindi ko nakitang ganito ang hitsura niya.

Dahil ang nakikita kong hitsura ni Arcus ngayon ay hitsurang kayang pumatay ng tao. Madilim na madilim ang mukha habang nakatingin kay Doc Verden.

Binitiwan naman ako ni Doc Verden at kunot-noong humarap kay Arcus.

"Do I know you? You look very familiar." Sinisino ni Doc Verden si Arcus na hindi naman tumitinag sa pagkakatayo. Hindi natatakot sa ginagawa ng doctor. Nakatingin lang siya dito na nakapamulsa ang dalawang kamay.

"If you don't have anything to do here, please walk yourself out." Mahinahon pa ring sabi ni Arcus pero hindi ko maintindihan kung bakit mas nakakatakot ang pagiging kalmado niya.

"The fuck do you think you are?" Inis na sabi ni Doc Verden na nanatiling nakatingin kay Arcus. "Huwag mo akong diktahan sa ospital na pagmamay-ari ko." Umangat pa ang kilay Doc Verden na tingin ko ay nakikilala na ngayon si Arcus. "Oh, yeah. I know who the fuck are you. 'Yong may kabit na matrona na habol nang habol kay Laurel," natatawa na ngayon si Doc at tumingin sa akin. "This guy is still bothering you? This fucking asshole?" Lumakas na ang tawa ni Doc Verden.

Napatingin ako kay Wanda at kita ko ang pag-aalala sa mukha ng kaibigan ko. Damang-dama kasi namin ang tensyon sa dalawa.

"Dude," sabi ni Doc Verden at humarap na nang tuluyan kay Arcus. "If I were you, you will walk away before I call the guards and they will definitely throw you out of my hospital." Dinutdot pa ni Doc ang dibdib ni Arcus. "You don't belong here. I am sure, you look good just like that because your fucking cougar dressed you up. Go back where you belong, call boy."

Hindi sumagot si Arcus at tumango-tango lang at ngumiti tapos ay may tinawag na dalawang security. Ngayon ko lang napansin na may mga naka-suit na lalaki na mga nakapaligid sa ospital. Sino ang mga 'to? Ang alam kong mga security dito sa ospital ay mga naka-uniform ng pang-guard.

Nang lumapit ang dalawang tinawag ni Arcus ay snappy ang mga iyon na tumayo sa harap ng lalaki. Halatang naghihintay kung ano ang sasabihin ni Arcus.

"Please escort him out." Itinuro ni Arcus si Doc Verden sa dalawang lalaki.

"What?" Naguguluhang sabi ni Doc. Pumalag nang hawakan ng dalawang lalaki. "Bitawan n'yo ako. Hindi n'yo ba alam na ako ang may-ari ng ospital na ito? Pamilya ko ang may-ari nito. Saka sino kayo? Hindi kayo mga security dito. I need the real security of this hospital. Security!"

Sumenyas lang si Arcus sa dalawang lalaki na ilayo na si Doc Verden na ngayon ay nagwawala na para makawala sa pagkakahawak ng dalawang lalaki dito.

"Iyan ang paalisin n'yo! Trespassing 'yan dito sa ospital ko!" Ang lakas na ng boses ni Doc at nakakakuha na talaga iyon ng atensyon. May mga tao nang nakatingin sa lugar namin.

"Tumahimik ka nga. Anong trespassing? Siya ang bagong may-ari ng ospital na 'to. Binili niya ng three hundred million kaya gagawin niya kung ano ang gusto niya dito." Sabi ng isa sa mga humahawak kay Doc at ngayon ay halos kaladkarin na palayo sa amin.

Nanlalaki ang matang napatingin ako kay Arcus na ngayon ay nakangiti lang sa akin.

Si Arcus ang bagong may-ari ng ospital na 'to?

------------------------

This story is already complete in Patreon https://www.patreon.com/c/helene_mendoza and VIP group. Message Helene Mendoza's official FB page for details.

Cruel Bastard is also available in EBOOK copy just check this link https://payhip.com/b/wdtpz

Physical books are also available but currently SOLD OUT. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top