Aurora 26

Habang naglalakad patungo sa kwarto kung nasaan si Angeli ay hindi ko maiwasan na mapaisip na.. sobrang swerte lang talaga ng mga taong nabibigyan ng pagkakataon na mabuhay at madugtungan pa ang buhay. Ang laki pa rin nang pasasalamat ko kasi kahit nawala ang isang tao na yun ay nakapagbigay pa rin s'ya ng isang special na regalo.

Napatigil ako dahil nakaramdam ako ng isang malamig na hangin na biglang dumaan sa'kin. Hindi basta basta ang hangin at alam ko na kakaiba s'ya, kinilabutan ako dahil sa hindi ko malaman na dahilan, basta ang alam ko parang may dumaan sa akin na kung ano at natakot ako ng konti.

"Silky?" Napatingin ako sa pusang lumabas mula sa kwarto at tumingin ang pusa na parang kinikilala rin n'ya ako.

Lumapit ako at naupo sa tabi at kahit na natatakot ako ay hinaplos ko pa rin ang ulo ng pusa. "Silky, maging mabuti kang pusa ha." Sabay ngumiti ako dahil kinukuskos ni Silky ang ulo n'ya sa kamay ko.

"Silky pumasok ka na dito." Boses ni Angeli na kalalabas lang ng kwarto

Nagkatinginan kami at nakita kong may pagtataka s'ya sa mga mata n'ya. Nagulat siguro s'ya sa'min ni Silky

"Na'ndito ka na pala Rina. Tara na sa loob." Pagaaya ni Angeli tapos umupo s'ya at binitbit si Silky. Tumayo kaming dalawa.

"Kamusta, gumising na ba s'ya?" Usisa ko

"How I wish na gumising na s'ya, after kasi nang surgery n'ya ay hindi pa s'ya nagkakamalay. Nagaalala na ako para sa kanya."

Pumasok na si Angeli sa kwarto at sumunod naman ako sa kanya at natatanaw ko na s'ya mula rito, nakahiga at mukhang mahimbing na nagpapahinga at nagpapalakas.

Naupo si Angeli sa sofa na malapit sa isang mini table at hinahaplos lang n'ya si Silky.

"Namimiss na siguro ni Silky ang amo n'ya kaya dinala ko na s'ya dito." Paliwanag ni Angeli

Lumapit ako sa tabi ng kama at tinitingan ko lang ang itsura n'ya.

Kahit ang isang hayop kapag naging mabait ang amo nila ay hindi nila talaga ito nakakalimutan, paano pa kaya ang totoong tao? Syempre mas masakit para sa kanila na makita ang ganito.

"Gumising ka na please.." Sabay hinawakan ko ang kamay n'ya na sobrang init

Hindi ko kayang makita na nakahiga lang s'ya dito. Hindi ko kayang makita na nakikipaglaban s'ya sa buhay n'ya. Sana habang maaga pa ay gumising na s'ya para naman mawala na 'tong pagaalala ko para sa kanya.

"Lalabas muna kami ni Silky para bumili ng makakain, dito ka na muna Rina." Pagpapaalam ni Angeli tapos lumabas na s'ya ng kwarto. Hindi ko na nakuhang magresponse kay Angeli kasi mas nakafocus ako dito.

Nilagay ko ang isang kong kamay sa noo niya habang hinahaplos ito ng dahan-dahan. Hinawi ko ang ilang piraso ng buhok n'ya sa noo at unti unti kong nilapit ang mukha ko. Hindi ko alam kung ano 'tong pumapasok sa utak ko basta ang alam ko ayoko s'yang mawala at sobra akong masasaktan kapag nawala talaga s'ya ng tuluyan.

Dinampi ko ang nanginginig kong mga labi sa malambot na balat ng noo n'ya at saka pumikit. Naramdaman ko ang luha ko na biglang kumawala sa mata ko. Lumuluha na pala talaga ako. Hinigpitan ko ang paghawak sa kamay n'ya at sa muli kong pagmulat ng mata ay ang pagalis nang labi ko. Mas lalo kong naramdaman ang labis kong pagkagusto sa taong 'to.

"Gumising ka na Yuel." Bulong ko tapos binitiwan ko na s'ya

Sana lang wag mong tagalan ang pagpapagaling mo kasi hangga't hindi kita nakikitang nakamulat ay hindi talaga ako mapapanatag. Wag mo sanang sayangin ang binigay sayo na pagkakataon at sana wag mong sayangin ang binigay sayo ni Denver.

Pinunasan ko ang naiwan na luha sa noo ni Yuel at saka ako naupo sa upuan na malapit sa kama n'ya tapos muli kong hinawakan ang kamay ni Yuel. Kahit sana ngayon lang hayaan mo akong gawin ito sayo dahil hindi ko alam kung magagawa ko pa ba ulit ito sa susunod. Nakatitig lang ako sa mukha n'ya hanggang sa nararamdaman kong bumibigat na ang mga mata ko kaya hinayaan ko nalang ang sarili ko na makatulog.

**
Teka? Umaga na ba? Lagot! Mukhang napasarap ako ng pagtulog dito. Minulat ko ang mata ko at sinag nang araw ang tumatama sa mukha ko.

"Si Angeli?" Isang boses na nagpatigil sa akin.

Napabitaw ako sa kamay ni Yuel at biglang tumayo mula sa pagkakaupo ko. Ramdam ko pa ang pangangalay at pangingimay ng likod at paa ko dahil sa paggising.

"Salamat naman at na gising ka na." Hindi ko maiwasan ang ngumiti at maging masaya dahil sa nakikita ko ngayon

Hindi ko akalain na heto na pala ang oras. Parang kagabi lang bago ako matulog ay nakapikit pa s'ya pero ngayon. Hindi ko lang talaga maexplain itong saya ko ngayon.

"Wala bang masakit sayo? Meron ka bang kailangan magsabi ka lang sa'kin." Pero parang hindi n'ya ako naririnig. Nagtataka lang s'ya sa mga gamit nakadikit sa katawan n'ya.

"Nasaan si Denver?" Isang tanong na nabigla ako. Naging iba tuloy ang mood ko.

Nasaan na nga ba si Denver? Kailangan na ba n'yang malaman, dapat ba ako ang magsabi sa kanya nang kung anong nangyari. Para akong naparalisa sa kinatatayuan ko dahil wala akong maibigay na sagot kay Yuel.

"Bakit ka ba umiiyak? Nasaan si Denver kailangan kong malaman kung ayos lang ba s'ya kasi ang huling natatandaan ko ay naaksidente kami." Nanlalaki ang mga mata ni Yuel habang naghihintay sa sagot ko

Bigla akong kinabahan dahil ngayon ko lang s'ya nakitang nagkakaganito.

"Y-yuel kasi..." Nanginginig ako sa pagsasalita

Akmang tatayo na si Yuel kaso bigla s'yang na tigilan, ininda n'ya ang sugat sa katawan n'ya. Umalingawngaw sa bawat sulok ang pagsigaw ni Yuel sa sakit na nararamdaman n'ya.

"B-bakit ako may benda sa dibdib ko ha!" Sumisigaw na si Yuel nang makita ang opera sa dibdib n'ya

Lumapit ako ng konti para check s'ya kung ayos lang s'ya. "Kumalma ka nga Yuel makakasama sayo yan e."

"Anong nangyari Rina? Bakit ako nakabenda? At nasaan si Denver?" Sunod sunod ang tanong n'ya

Hinawakan ko ang braso n'ya para pakalmahin si Yuel pero sadyang ayaw n'ya sa akin magpapaawat.

Ano bang gagawin ko? Naistress na ako sa lagay ko ngayon, paano ko s'ya papakalmahin. Hindi ko alam talaga kung papaano. Naiiyak nalang talaga ako sa sobrang kaba sa sitwasyon ni Yuel, kinakabahan ako na mas lumala ang sugat na inopera sa kanya. Hindi ko na alam ang gagawin ko, "Tumigil ka na Yuel! Patay na si Denver! Wala na s'ya kaya please tumigil ka na." Tuluyan na akong naiyak sa oras na ito dahil hindi ko na alam ang dapat kung gawin o tama bang sinabi ko na sa kanya 'yon.

Naiyak nalang ako at tumigil na si Yuel sa pagwawala n'ya. Nakatingin lang s'ya sa'kin habang nangingilid din ang luha. Naririnig ko ang paghikbi ko at hindi ko lang talaga ito mapagilan. Nakatulala lang si Yuel sa akin at parang may iniisip na kung ano.

"Sa kanya ba 'to?" Tinuro ni Yuel ang dibdib n'ya at nanginginig ang mapulta n'yang labi.

Tumango lang ako dahil hindi ko na magawang makapagsalita.

Dahan dahan na hinawakan ni Yuel ang dibdib n'ya kung na saan ang bago n'yang puso. Napapatong nalang ang kamay n'ya sa mukha n'ya at umiyak. Alam kong mahirap para kay Yuel na tanggapin ang lahat nang ito. Lalong lalo na ang pagkamatay ni Denver, ang nagiisa n'yang kaibigan at ang tinuturing n'yang kapatid. Sino ba naman ang magaakala na sa isang pangyayari ay mawawalan ka ng isang taong mahalaga para sayo. Ako nga na hindi na kasama si Denver mula pagkabata ay sobra na ang sakit na naramdam, ito pa bang si Yuel na halos buong buhay ni Denver ay magkasama silang dalawa. Kaya hindi ako magtataka kung iiyak nang ganito si Yuel.

"Anong nangyayari Rina?" Tanong ni Angeli nakakapasok palang ng kwarto.

"Si Yuel -"

"Teka tatawagin ko ang mga doctor." Tapos lumabas din kaagad si Angeli.

Pinipilit ko naman kumalma e kaso hindi ko talaga kaya habang pinapanood ko si Yuel na nagkakaganito lalo lang ako natataranta.

Ilang saglit pa ay dumating ang mga doktor at nurse tapos lumapit sila kaagad kay Yuel at chineck ito. Nakatayo lang ako dito at balisa habang tinatap ni Angeli ang likod ko.

"Magiging maayos din ang lahat, na bigla lang siguro si Yuel." Mahinang sabi ni Angeli sa'kin, buti nalang talaga at na'ndito si Angeli para pakalmahin ako.

Matapos ma-check nang doctor ang lagay ni Yuel ay lumapit ang doctor sa amin ni Angeli.

"Hindi pwedeng mapwersa ang bawat paggalaw ni Yuel dahil maaring makaapekto ito sa naging surgery n'ya at maganda naman ang naging heart transplant sa kanya, walang kahit anong naging kumplikasyon. Ang maipapayo ko lang ay makapagpahinga s'ya nang mabuti dahil maaaring abutin s'ya dito ng anim o higit pa kung matatagalan ang recovery n'ya."

Kahit gaano naman katagal basta ang mahalaga ay ang gumaling at lumakas s'ya. Sobrang saya ko na talaga siguro kung nakikita ko na s'yang makakaalis dito sa ospital. Hindi na ako makapaghintay.

"Salamat po Doc." Sabi ni Angeli

Umalis na ang doktor at ang mga nurse. Natira nalang kaming tatlo dito sa loob ng kwarto ni Yuel. Nakatulala lang si Yuel sa kisame at mukhang kalmado na s'ya kumpara kanina. Gusto ko s'yang lapitan kaso pinigilan ako ni Angeli baka daw kasi kailangan muna ni Yuel mapagisa.

Magkatabi kami ni Angeli sa sofa habang pinapanood lang si Yuel. "Inumaga ka na dito. Sorry kung hindi na kita ginising kagabi kasi mukhang pagod na pagod ka. May pasok ka 'di ba?"

"Ayos lang nagtext na ako sa professor ko na hindi muna ako makakapasok ngayon."

"Naawa ako kay Yuel siguro nahihirapan s'yang tanggapin ang mga nangyari."

"Hindi ko sinasadyang sabihin sa kanya na patay na si Denver baka kaya s'ya nagwala kanina dahil do'n."

Nagbuntong hininga si Angeli tapos hinawakan ako sa kamay, "Wag mo sisihin ang sarili mo, sadyang nabigla lang s'ya. Salamat nalang talaga at ligtas s'ya, worth it ang ginawa ni Denver." Tumingin ako kay Angeli at hindi n'ya na pigilan ang nararamdaman n'ya at lumuha na s'ya.

Ang pagkakaibigan nila ang bigla kong naalala nung narinig ko ang pangalan ni Denver, naalala ko nung ikwento n'ya sa akin ang simula ng lahat sa pagitan nilang tatlo at kung paano naging masaya si Angeli at Denver noon sa isa't isa.

"Mahal na mahal mo talaga si Denver at nararamdaman ko 'yon."

"Sa sobrang pagmamahal ko kay Denver ay parang gusto ko ng sumunod sa kanya. Ang sakit sakit Rina lalo na nung makita ko s'yang walang buhay, hindi ko alam kung anong gagawin ko, halos mawalan ako nang malay. Pinagsisihan ko na hindi ko s'ya ipinaglaban, kung alam ko lang sana na mawawala si Denver edi sana ginawa ko na ang lahat. Akala ko may sasakit pa kapag nakita mo ang taong mahal mo sa iba pero hindi pala.. mas masakit palang makita mo s'yang mamatay at wala man lang ako nagawa." Napayapos sa'kin si Angeli dahil hindi na n'ya kayang ihandle ang nararamdaman n'ya

Ito yung oras na nakita ko si Angeli na sobrang mahina at sobrang puno ng pagsisisi, malayo s'ya sa Angeli na hinangaan ko ng sobra noon. S'ya ang Angeli na sobrang nagmahal at walang ibang ginawa kundi ang mahalin lang si Denver. Wala na sigurong mas sasakit pa sa nararamdaman ni Angeli ngayon. Sobrang nadadown na s'ya, kung may kaya lang akong gawin para kunin ang kalahati ng nararamdaman n'ya ngayon ay gagawin ko.
Sa ngayon pinagpapasalamat kong nakilala ko si Denver kasi kahit papaano ay marami s'yang nagawa para sa akin. Kahit alam kong wala akong nagawa pabalik sa kanya ay tinuturing ko pa rin s'yang matalik na kaibigan.

"Sana katulad ni Yuel ay gumaling din ang sugat mula d'yan sa puso mo." Sabi ko pagkaalis nang yakap ni Angeli

"Hindi ko alam kung kaya ko kalimutan si Denver nang gano'n kadali. Hindi ko alam kung kaya ko pang magmahal ng ibang tao, si Denver lang mula noon at na nanatili s'ya hanggang ngayon."

"Sorry Angeli."

"Bakit ka nagsosorry?"

Dapat ko bang sabihin ito sa kanya? O itatago ko nalang at ibabaon sa limot?

"Wala, basta sorry."

Nagtaka ako nang binigyan ako ni Angeli ng isang ngiti, "Wag ka magaalala alam kong bago mawala si Denver ikaw na ang mahal n'ya at tanggap ko 'yon." Kita ko sa mga mata ang sincerity ng sinasabi n'ya kaya nakahinga na ako ng maluwag

"Salamat at hindi ka sa'kin galit "

"Sige aalis na ako." Sabay tumayo na s'ya at naglakad na palayo sa'kin

Hindi ko nalang talaga maiwasan na mapahanga kay Angeli, sa lahat ng aspeto na meron s'ya.

"Saan ka pupunta Angeli?" Tanong ni Yuel

Hindi man lang lumingon si Angeli kay Yuel at dumaretso na itong lumabas sa kwarto. Tumayo ako sa sofa at lumapit kay Yuel. Hindi man lang n'ya ako makuhang tingnan at hindi ko alam kung bakit.

"Magpahinga ka nang mabuti, aalis na din ako." Pagpaalam ko kay Yuel tapos akmang aalis na ako ng bigla n'ya akong pinigilan, "Wag ka muna umalis please." Hawak n'ya ang kamay ko

Nakatalikod na ako sa kanya at hindi ko maiwasang maawa kay Yuel. Hindi ko kayang hindi gawin ang gusto n'ya.

"Sige dito na muna ako."




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top