Kabanata 5
"Nothing we can do can change the past, but everything we do changes the future."
---- Ashleigh Brilliant
*****
'SOMEWHERE IN INDIAN OCEAN - Day 7, 5:15 am'
Araw ng paglalayag.
Tahimik na nakasunod si Ace kay Zyrus nang magtungo sila sa headquarter ng barko. Siya ang gagawa ng report para sa Intelligence Department at ang binata naman ay ang sundalong doktor na sasabak sa giyera, aasahang palagi silang magkasama sa lahat nang pagpupulong na gagawin.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin magawang tingnan ni Ace ang mga mata ng binata. Totoong nakaramdam siya ng hiya. Nang magising siya sa umagang iyon ay wala talaga siyang matandaan. Ang alam lang niya ay payapa siyang nakatulog at hindi sinundan ng bangungot. Hindi niya akalaing mas higit pa sa bangungot ang mangyayari. Ang inaalala niya, paano kung nasabi niya sa binata ang totoo niyang pagkatao. Malalaman nito ang tinatago niyang sekreto na gusto niyang kalimutan habang buhay.
Napatitig si Ace sa likuran ng binata. Napakagwapo nito sa suot nitong military suit. Mas nakadagdag strikto sa mukha ng lalaki. Malakas ang dating. Napakatikas at lalaking-lalaki kung kumilos pero para kay Ace, ito pa rin ang lalaking walang modo, lalaking nagpatuloy sa bahay nito nang malasing siya.
"Today, 4:30 am, we received emergency reports, according to our Intel, this man nickname scorpion is the leader of the group," simula ni Jane Trinidad nang makarating sila sa meeting.
Lumabas sa malaking TV screen ang mukha ng isang lalaki, kasama ang mga impormasyon tungkol dito. Agad naman itong pinag-aralan ng mga sundalo kung gaano ito kadelikado.
"From the phone message of their ambassador, we are allowed into the city, still assisted by their army. Tomorrow morning, we will arrive in the middle eastern island."
"Ma'am, paano kung dinala ang Amianiang hostage palabas ng city? Hindi ba namin pwedeng sundan?" tanong ng isang sundalo sa sinabi ng Admiral.
"Ang sundalo na nila ang gagawa ng aksyon, kung susuway tayo, ituturing tayong trespassing at kalaban sa kanilang bansa."
Napatitig si Ace sa admiral dahil sa sinabi nito. Kung hindi maliligtas ng mga sundalo ang kanilang mga kababayan ay mawawalan ng halaga ang pagtataya nila sa kanilang buhay.
Napakahirap. Naiipit sila sa sitwasyong hindi sila ang makapagdesisyon.
***
"Zyrus!"
Napatigil si Ace sa paglalakad nang marinig ang boses ng isang babae. Napahigpit ang pagkakahawak niya sa dalang folder para pigilan ang pagnanais na silipan ang mga ito ngunit nanaig ang kanyang gusto. Naramdaman na lang niya ang sariling nagtatago sa isang poste ng barko habang tinatanaw ang dalawang taong nakatayo sa may railings ng barko. Seryosong nakaharap si Zyrus sa pagsikat ng araw habang nakangiting nakatitig sa kanya ang babae.
Tinawag ito ni Lucas na Melany. Maganda ito, nababagay dito ang mahabang buhok na sinasayaw ng hangin at damit nitong fitted sa sexy nitong katawan. Rinig niyang doktora na rin ito pero pinili na makasama ang lalaking doktor at maging assistant dito. Sa kilos pa lang ng babae, alam ni Ace na may pagtingin ito sa binata. Kung titingnan ang closeness nila ay parang may namamagitan sa kanilang dalawa. Siguradong matagal nang magkasama ang dalawa dahil tinatawag nila ang isa't isa sa una nilang pangalan.
Akala niya ilag ang binata sa mga babae pero bakit pagdating sa Melany na 'yan ay kampante ito? Napapangising inayos ni Ace ang sariling salamin sa mga mata. Nakaramdam ng excitement. Matagal-tagal na rin siyang nakikipaglaban sa buhay niyang walang kapayapaan. Na akala niya ay walang patutunguhan pero ngayong namuhay na siya ng mapayapa sa Amian, parang gusto niya ulit makipaglaban, hindi kay kamatayan, hindi kay kapalaran kundi sa mga babaeng nalalapit sa lalaking walang modo. Ang lalaking unang nakakuha sa kanyang atensyon. Ang lalaking walang pakialam na nag-exist siya sa mundo. Gusto niyang matitigang muli ang matalim nitong mga mata, inisin ang malakas na karisma nitong mukha at marinig ang naninigaw nitong boses.
Sawang-sawa na siya sa mga taong kumukontrol sa buhay niya. Alam niyang iba si Zyrus Trinidad Sebastian, malakas ang kanyang pakiramdam na ito ang taong magliligtas sa kanya sa bangungot ng kanyang nakaraan at hindi siya papayag na may hahadlang. Ngayong nahanap na niya ang kanyang liwanag, makikipagpatayan siya kahit ito ay kadiliman.
"Miss lovely, oras na para sa agahan. Bakit nandito ka pa?"
Napaigtad si Ace nang biglang sumulpot sa kanyang harapan si Lucas. Agad niyang tiningnan si Zyrus, baka narinig nito ang sinabi ni Lucas at isipin pang nakikinig siya sa kanila. Nakahinga siya ng maluwag nang wala na ang dalawa at siya na lang ang naiwan sa labas ng cabin.
"Sino bang hinahanap mo?" nagtatakang sabi ni Lucas habang nililibot ang paningin.
"W-wala, nagpapahangin lang ako at iniisip ang misyon. Tara na sa loob."
Nakangiting tumango ang doktor at pinauna siyang maglakad papasok sa loob ng barko. Bitbit ang tray na may mga pagkain, nilibot ni Ace ang paningin sa buong canteen ng barko para maghanap nang mauupuan pero lahat ng mesa ay okupado na.
"Lucas, here!"
Sabay silang napalingon ng binata nang marinig ang pagtawag ng doktora. Kumakaway ito at nagsasabing dun na maupo sa mesa nila.
"Miss lovely, dun na tayo."
"Huwag mo akong tawagin sa ganyang pangalan, Aye na lang," naiilang niyang sabi kay Lucas.
"Bagay naman sayo ang miss lovely ah. Para ka kasing babasaging-bagay," pilyo nitong sabi dahilan para mapahigpit ang pagkakahawak ni Ace sa dinadala.
Nakakaasiwa, gusto niyang isigaw pero binalutan agad siya ng hiya nang mapatingin sa kanila ang mga sundalong nadadaanan. Nakaramdam ng inis si Ace pero agad din niyang pinakalma ang sarili lalo na't kaharap niya ang lalaking nagbibigay sa kanya ng strangherong pakiramdam.
"Ms Lovely, si Doctora Melany Montes, kaibigan namin ni Zyrus. Mel, si Aye Cua, kapit-bahay ni Zyrus," nakangising sabi ni Lucas. Pinagdidiinan ang kapit-bahay.
Gustong palakpakan ni Ace ang binata nang magtaas ng isang kilay ang doktora at masamang tumitig sa kanya. Hindi nito nagustuhan na may babaeng kapit-bahay ang lalaking minamahal. Gusto niya tuloy magyabang na nakapasok na siya sa pamamahay nito at pinatulog sa sofa. Dahil sa kabaitan ay pinagluto pa niya ang binata ng adobong baboy. Gusto niyang makita kung paano magalit ang babae.
"H-helllo po Doctora," nahihiya niyang sabi. Siya na ang nagkusa dahil wala itong balak na batiin siya. Gusto rin niyang palakpakan ang sarili, napakadali sa kanya ang magpanggap.
Tumango ito at hindi siya binati pabalik. "Anong trabaho niya?" tanong nito kay Lucas. Pinapakita ng doktora na hindi nito gusto ang kanyang presensiya.
"Assistant siya ni Tita Amaya," sagot ng binata bago sumubo. Mukhang hindi nito napapansin na hindi maganda ang timpla ng kaibigan.
Napangisi ang doktora at hindi makapaniwalang napatingin sa kanya. "Paano ka napunta sa trabahong 'yan? Mukha namang hindi ka marunong humawak ng baril," maanghang nitong sabi.
Kung hindi lang kilala ni Ace ang sarili ay masasaktan siya sa panghuhusga ng doktora. Matalas ang dila nito kung magsalita. Bumuka ang kanyang bibig pero naunahan siyang sumagot ni Lucas kaya pinili na lang niyang manahimik at kumain na lang.
"Masyadong mala-anghel kung kumilos, magsalita at mandamit si Lovely, kaya hindi aakalaing pumasok siya sa Saferiane para sa mandatoring pagsasanay," anito.
Nagkibit-balikat si Ace bago sinulyapan ang kaharap pero agad ding natigilan. Akala niya tahimik lang itong kumakain at walang pakialam sa kanila pero hindi niya inaasahang nakatingin sa kanya ang binata. Napatitig siya dito. Gusto niyang basahin ang mga mata nito pero nadismaya siya nang wala siyang nakikita kundi kaseryosohan.
"Anyway, Zy, inihanda ko na ang mga gamit mo. Huwag mong kalimutang magsuot ng dalawang bullet proof sa katawan," pahina nang pahina ang pagsasalita ng doktora habang palipat-lipat ang tingin sa dalawa. Agad namang sumubo ng pagkain si Ace para itago ang mga ngiti nang lalong tumalim ang pagkakatingin sa kanya ng doktora.
"Thanks."
"Anything for you."
"Naks, alagang-alaga ah," pagbibiro ni Lucas.
Napangiti naman ang doktora, tila kinilig sa sinabi ng kaibigan. Ang mga masasamang tingin sa kanya ay biglang lumambot. Gustong matawa ni Ace nang hindi man lang naapektuhan si Zyrus sa mga naririnig sa kaibigan, lalo nang tumayo ito para magpaalam.
"I'm done, I'll go ahead," anito pero pareho silang natigilan ni Ace nang sumagi ang kanilang mga tuhod sa ilalim ng mesa nang tumayo ang binata. "Sorry."
Napangiti ang dalaga dahil sa narinig. Sa gilid ng kanyang mga mata, nakita niya ang nakangisi at mapangdudang si Lucas. Gustong matawa ni Ace nang muling tumingin ng masama sa kanya ang doktora bago sinundan nang tingin ang lalaking umalis.
"Tapos na rin ako," nagmamadali siyang tumayo. Ayaw niyang makipagplastikan sa doktorang gusto na yata siyang barilin. "Pasensya na pero may tatapusin pa akong trabaho."
***
'Day 7, 3:39 pm'
Buong araw nanatili sa loob ng inu-okupang silid si Ace habang gumagawa ng report. Nang makaramdam ng pagod ay nagpasya siyang lumabas at mag-ikot sa barkong pandigma. Tahimik ang bawat pasilyo. May mga sundalong nadadaanan niya pero busy sa ginagawa ang lahat. Nakarating siya sa pangalawang palapag ng barko. Ang nakakuha ng kanyang pansin ay ang isang silid na punong-puno ng mga baril. May maliit at mahahabang armas, nakakamangha ang iba't ibang uri nito.
"Ma'am, hindi po kayo pwede diyan."
Agad yumuko si Ace sa sundalong bigla na lang sumulpot sa kanyang tabi. "P-pasenysa na po sir, hindi ko po alam." Mabilis pa sa kisap-mata ang pag-alis niya sa lugar na iyon.
Nakarating siya sa labas ng cabin. Huminga ng malalim habang ninanamnam ang ihip ng hangin. Matagal na siyang wala sa gitna ng karagatan, ngayon lang niya na-appreciate ang malamig at preskong hangin na dumadampi sa kanyang balat. Napatitig si Ace sa kalawakan, kumalat na ang dilim pero parang nakikita niya pa rin kung gaano kalawak ang karagatan. Matagal siyang nangarap ng kapayapaan pero mailap sa kanya ang mamuhay ng tahimik at maging masaya. Kahit wala na siya sa gitna ng karagatan ay sinusundan pa rin siya ng bangungot ng kanyang nakaraan. Napapikit ng mariin si Ace. Kailan ako magtitiis? Kailan ako makakawala sa pait ng aking tadhana? Kung pwede ko lang takasan ang---
"Cua!"
Napadilat ang dalaga nang marinig ang boses ni Zyrus. Lilingunin sana niya ito pero may biglang sumulpot na lalaki sa kanyang harapan. Malakas siyang sinuntok sa sikmura dahilan para manghina at mapaluhod siya sa sahig. Mabilis ang paglapit ng sundalong-doktor, nagpalipad ng sipa at magkasunod na suntok dahilan para bumagsak ang kalaban sa tabi ng dalaga. Wala ng malay. Kasunod nito ay ang pagtunog ng serin ng barko.
"Crap?"
Kahit namimilipit sa sakit ay pilit na tumayo ang dalaga. "A-anong nangyayari?"
"Hudyat na may nakapasok na pirata," anito habang nakatitig sa kalaban.
P-pirata? Agad binalot ng matinding kaba si Ace, nanlalaki ang mga mata nang lingunin ang lalaking nakahiga sa sahig. Kinilabutan siya nang makita ang suot nito. Mahaba ang buhok, nakasuot ng pulang dambana sa ulo at sa braso ng lalaki naka-tattoo ang ikis na marka. Napahawak sa sariling dibdib si Ace at agad lumayo sa lalaki. Napakapit siya sa railings nang manginig ang kanyang mga tuhod.
A-ang bangungot ng aking nakaraan... B-bakit nandito ang mga tao'ng ilang taon kong isinumpa? Bakit muling nag-cross ang aming mga landas? A-anong ibig sabihin nito?
****
Law of Amian
· Artikulo 5 (Seksyon 1) – mandatory na magsanay ang mga babae at lalaki ng dalawang taon sa martial arts, arnis, espada at paghawak ng baril at espada.
- Tinatawag itong pagsasanay para sa misyon
*****
Salamat po sa pagbabasa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top