Kabanata 1
"Not all books have a fairy tale stories."
---Kelly_gracious
******
Habol ang sariling hininga habang nakikipaglaban si Ace kay Kamatayan. Napakahirap mabuhay sa mundo. Napakahirap lalo pa't pinagkaitan ng kalayaan at kapayapaan. Laging nabubuhay sa isang madilim at masalimuot na lugar, kawalan ng pag-asa, kahit kunting liwanag ay ayaw magpakita. Gusto mang baguhin ni Ace ang sariling kapalaran ay wala siyang magagawa. Suntok sa buwan ang gusto niyang mangyari. Isinilang siya para magdusa. Itinakda ang kanyang kapalaran sa isang kasumpa-sumpa na tadhana. Napaka-unfair ng buhay para sa isang katulad niya. Hindi niya magawang mamili ng daan na kanyang tatahakin. Lahat ay planado kahit hindi pa siya isinilang.
"Tangjuice! Hindi kita sinanay para mamatay sa ganitong paraan!" masasakit na salita ng isang lalaking nababagot sa kanyang paghihina habang walang pagod siyang binabato ng mga bagay na mahahawakan nito.
Mga masasakit na salita, mga pagmumura, mga pananakit. Lahat ay ibinato sa kanya. Tinapakan ang buo niyang pagkatao. Inalisan ng respeto, ni walang itinira para sa kanyang dignidad.
"Mahina ang manok mo Usa," pang-aasar at natatawang sabi ng isa pang lalaki sa taong bumabato sa kanya.
"Lintik! Huwag mo akong ipahiya! Wala ka talagang kwentang babae!"
Mabilis isinalag ni Ace ang kanyang braso upang hindi masaktan ang kanyang ulo nang makitang lumilipad ang bote ng alak patungo sa kanya. Napangiwi siya nang mabasag ito at humiwa ang mga bubong sa kanyang balat. Sinilip niya ang nangangalaiting mukha ng lalaki na kulang na lang ay saksakin siya sa mga titig nito.
Mga masasakit na salita at galit ng lalaki kay Ace ay walang katumbas sa nag-aapoy niyang galit para dito. Nagpupuyos ang dibdib niya, ano mang oras ay puputok siya sa nagbabaga niyang pakiramdam. Nilibot niya ang paningin. Sinusuka niya ang kademonyohan ng mga taong nakapaligid sa kanya habang pinagtatawanan ang paghihirap na kanyang nararanasan. Mga babae at lalaki ay walang pinagkaiba, at mga batang sumusunod sa yapak nang mga hinayupak na walang ibang ginawa kundi paglaruan siya. Ginawa siyang pustuhan para sa kanilang kaligayahan. Ginawa siyang hayop para gawing katuwaan. Kasayahan na para sa kanila. Nasaan ang kasayahan para sa kanya?
"Ano pang tinatayo mo diyan? Patayin mo na sila!"
Kung makapag-utos ay parang hari. Ni hindi ramdam ang paghihina at pagod ni Ace. Marahas niyang tiningnan ang tatlong lalaki na katulad niya ay halos hindi na makatayo. Isang oras. Isang oras siyang nakipaglaban sa sampung lalaki na nahuli ng mga parak sa laot. Mga mangingisda na katulad niya ay naging bihag. Pareho silang nakikipaglaban para sa kanilang buhay. Ang kaibahan lang, sampo laban sa isa. Kapag isa sa kanila ay napatay si Ace ay makakalaya sila, samantalang sa panig ng babae ay walang kapalit. Sadyang kailangan lang niyang makipaglaban para iligtas ang kanyang buhay.
Mahigpit ang pagkakahawak ni Ace sa kanyang kutsilyo habang pinipilit na tumayo. Kailangan niyang tapusin ang laban bago pa maubos ang kanyang lakas ngunit kahit mga tuhod niya ay hindi na siya kayang ipaglaban. Napangiwi siya nang mapaluhod sa sahig na kawayan. Mga dugo ng kalaban at kanyang dugo ang nagpapakulay sa tubig ng karagatan. Tatlo na lang ang nakatayo sa kanyang mga kalaban, ang katawan ng pitong mangingisda ay nilamon na ng karagatan.
"Tama na Usa! Hindi na kakayanin ni Ace, baka ikapahamak pa niya!"
"Manahimik ka! Kung mamamatay siya, eh di mamamatay! Hoy, babae, mas masasaktan itong nanay-nanayan mo kapag hindi ka pa kumilos!"
Pistot ka talaga Usa! Darating ang panahon na puputulin ko 'yang lintik na mga kamay mo! Bawat daliri mo ay itutumbas ko sa bawat sapak na binibigay mo kay Elah, piping hiyaw ng dalaga.
"Ano, tatayo ka na lang ba?" tiim-bagang sabi ng lalaki, pinagdiskitahang sampalin ang kawawang si Elah. Nangangalaiting nagtangis ng bagang si Ace. Nangangati ang kamaong suntukin ang walang hiyang lalaki. Gusto niyang iparanas dito ang mala-impernong sakit na pinaramdam nito sa kanila ni Elah. Gustong-gusto niyang ibalik ng triple pero hindi niya magawa. Wala silang laban. Ang lahat ng taong nandito ay kampon ng walang-hiya. Mamamatay sila nang maaga kung magpadalos-dalos siya sa gagawin.
"Hoy! Kayong tatlo, ang kupad n'yo! Tapusin n'yo na lang ang buhay nang walang silbing babaeng 'yan!" muling hiyaw ng walang-hiya dahilan para masuntok ni Ace ang sahig na kawayan. Agad bumalatay ang sakit na dulot nito pero wala siyang pakialam. Sinong hindi mamamanhid kung simulat-sapol pa lang ay paulit-ulit niyang nararamdaman ang walang katumbas na sakit ni Kamatayan, physically at emotionally?
Mabilis nahawakan ni Ace ang kamay ng kalaban na may hawak na kutsilyo, umikot siya at napapatiim-bagang itinaas ang hawak na sandata at ilang ulit na sinaksak sa tagiliran ang kalaban.
Bawat saksak na natatamo nito ay napapahiyaw ito sa sakit. Mga palahaw nitong tumatama sa batok ng babae pero hindi man lang nakaramdam ng awa si Ace. Kamatayan niya o kamatayan ko? paulit-ulit na sigaw ng utak ni Ace. Ang puso niya ay kasing tigas ng koral ng karagatan na namatay na. Ang kademonyohan ng mga tao sa paligid niya ay ipinamana sa kanya. Pamanang kahit ayaw niyang tanggagin ay bumalatay na sa buong pagkatao niya.
"Patyon taka!"
Napalingon si Ace sa sumigaw pero huli na. Tumama ang kutsilyo ng kalaban sa kanyang balikat dahilan para umungol siya sa sakit nang bunutin ng kalaban ang sariling kutsilyo. Muli sana siya nitong sasaksakin pero bago pa nito nagawa ay mabilis na niyang hiniwa ang leeg ng lalaki.
"Ace!"
Mga sigaw ni Elah at daing niya ang namayani sa buong lugar. Nanginginig ang sariling kamay nang hawakan ang dumudugong braso. Ang sakit na ito ay walang-wala sa sakit na natatamo niya araw-araw. Marahas siyang napalingon sa natitirang lalaki ngunit bago pa lumapat ang nag-aapoy niyang paningin ay kinitil na nito ang sariling buhay.
"Walanjo! Duwag!" sigaw ng isang lalaki sa ginawa ng kanyang kalaban.
Napahalakhak si Usa. "Panalo na naman ang manok ko!"
Napangising-aso si Ace. Natutuwa ang hinayupak sa lahat ng laban niya, nagkakapera kasi ito pero patuloy pa rin siya nitong sinasaktan. Walang araw na hindi lumalapat ang kamao nito sa kanyang katawan. Isa lamang siyang aso na kailangang kumilos sa pinag-uutos ng amo.
Hinayaan ni Ace ang sariling matumba sa tubig ng karagatan. Hinayaan na lamunin siya nito. Ang bawat hangin na kumakawala sa kanyang bibig ay nagbibigay ng pag-asa para makamit niya ang katahimikin pero bawat paglubog naman niya sa ilalim ay ang unti-unting pagkawala ng liwanag sa kalangitan.
No!
Napabalikwas siya nang bangon habang habol ang sariling hininga. Nilibot niya ang kanyang paningin, nang masigurong nasa sariling kwarto ay frustrated siyang napahilamos sa sariling mukha. Dalawang taon na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay hinahabol pa rin siya ng bangungot ng nakaraan.
"Bumangon ka na at magtrabaho kung ayaw mo pang mamatay!"
Patamad niyang kinuha ang sariling cellphone na nakapatong sa mesa na katabi ng kanyang kama. Pinatay ang alarm clock nito na ang tunog ay ang kanyang pagbabanta.
Sa tuwing gumigising siya galing sa isang bangungot ay pagod na pagod si Ace. Pakiramdam niya ay kahapon lang nangyari ang lahat ng kanyang paghihirap. Pinilit niyang maging masaya sa araw-araw at kalimutan ang lahat ngunit kapag gabi ay wala siyang magawa. Kahit anong takbo niya ay lagi siyang nahuhuli ng nakaraan. Nakatatak na sa kanyang isip at ayaw siyang pakawalan. Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Ace. Hindi niya alam kung makakakita pa ba siya ng liwanag.
***
'INTELLIGENCEDEPARTMENT, AMIAN PALACE – Day 4, 8:30 am'
"Good morning peps!" masayang bati ng bagong dating.
Inayos ni Ace ang kanyang salamin sa mata bago sumabay sa kanyang mga kasamahan na batiin pabalik si Amaya. Intern siya sa Intelligence Department at assistant ng secret agent na si Amaya Trinidad Yap. Apat na buwan pa lamang siyang nagtatrabaho sa departamento ng mga agent pero mabigat na ang responsibilidad na binibigay sa kanya. Taga-gawa ng report sa lahat ng mga kasong hinahawakan ng kanyang boss.
"Aye, please bigyan mo ako ng kape," sabi ni Amaya sa kanya nang dumaan ito sa kanyang tabi.
Pilit na ngumiti si Ace bago sumagot. Pilit tinatago ang totoo niyang nararamdaman at pagkatao. Sa labas ng kanyang condo. Isa siyang nerd na babaeng babasagin pero masayahin, malayo sa totoong siya na puno ng kalungkutan ang buhay. Isa siyang babaeng nakamaskara at nakatago sa pangalang Aye.
"Ito na po ang kape ninyo, ma'am," aniya nang pumasok sa sariling opisina ng kanyang boss.
Nagpasalamat si Amaya bago ibinaba ang papel na hawak at uminom. "Nadi-distract talaga ako sa salamin mo Aye. Bakit hindi ka gumamit ng contact lens?"
"Sanay na po ako nito ma'am," nahihiya siyang tumingin sa sahig. Sa pagalingan ng pagpapanggap, tiyak siya ang mananalo. Ang maangas na Ace noon ay napalitan nang mahinhin na Aye ngayon.
"Anyway, hindi ba't magkatabi kayo ng condo ng pamangkin kong ipinaglihi ni Amanda sa sarili niya?"
Tumango si Ace. Limang buwan na siyang nakatira sa sariling condo pero 'ni minsan ay hindi pa niya nakakasalubong o nakita ng personal ang anak ng rayna ng legion. Sikat ang binata sa mga ka-opisina niya at dahil curious siya sa pagkatao nito ay minsan niya itong pinanood sa isang TV Show.
"Ibigay mo ito sa kanya. Ingatan mong huwag mawala. Mga impormasyon 'yan na kakailangan ng pamangkin ko."
"Opo." Kinuha niya ang pulang envelope at nagpaalam na lumabas.
"Aye, pahiram ng liquid eraser," salubong sa kanya ni Diane, ang katabi niyang mesa.
"Kunin mo lang."
Lima silang lahat na nandito sa iisang opisina at may kanya-kanyang mesa. Magkasama pero magkaiba ang mga secret agent na kanilang pinaglilingkuran. Matagal na sa trabaho ang kanyang mga kasama, hindi katulad niya na intern pa lamang. Nag-resign na kasi ang dating assistant ni Amaya at simula nang ikasal ito kay Doc Loki ay hindi na malalaking kaso ang hinahawakan nito. Kaya kampante itong siya muna ang ipalit sa posisyong iniwan ng sariling assistant.
***
'YAMASHITA CONDOMINIUM BUILDING – Day 4, 7:56 pm'
Mariin na napapikit si Ace, kararating lang niya galing sa trabaho, pagod pero mas lalo siyang napapagod nang magsimula na namang tumakbo sa isip niya ang mga alaalang pilit niyang binabaon sa lupa. Sa mata ng iba ay pilit niyang tinatago ang sarili niyang pagkatao para takasan ang masakit niyang nakaraan, pero kapag nag-iisa na siya ay para itong lintang ayaw bumitaw sa kanya. Patamad na bumangon si Ace sa kama at kinuha ang envelope na ibinigay sa kanya ni Amaya. Ihahatid na lamang niya ito sa kabilang condo.
Apat na beses niyang pinundot ang door bell ng kanyang kapit-bahay bago lumabas ang lalaking napakatangkad. Hiyang-hiya ang taas niya na hanggang dibdib lamang nito. Nakakunot ang dalawang makakapal nitong kilay at nanlilisik sa inis ang dalawa nitong mga mata ngunit hindi nakakabawas iyon sa napakagwapo nitong mukha. May matangos itong ilong at mapupulang mga labi.
Napalunok si Ace nang tumama ang kanyang paningin sa adams apple nito. Mga balikat nitong pantay-pantay, mga braso nitong malalaki at dibdib na napakalapad. Tingin n'ya pa lang sa katawan nito ay hindi na makakailang mayroon itong bato-bato sa katawan at sa tingin niya ay magkasing edad lang sila ng binata.
"You're wasting my time lady."
Napaigtad siya nang marinig ang buo nitong boses. Napakamatured nito na nagbibigay sa kanya ng inis at the same time ay paghanga. Lihim na napakuyom si Ace para pigilan ang sarili, paanong may lumabas na paghanga sa isip niya? Buong buhay niya ay puro galit ang nararamdaman niya lalo na sa mga lalaki pero bakit pagdating sa lalaking nasa harapan niya ay nakaramdam siya ng paghanga? Parang iba ito sa nakakasalamuha niya.
What the heck? Protesta ng isang bahagi ng isip niya. Isang minuto lang... Isang minuto lang, paano nakuha ng lalaking ito ang kanyang loob?
"Kung wala kang sasabihin ay makakaalis ka na."
Damn it! The one and only son of Amanda Trinidad, Zyrus Trinidad Sebastian. Ang lalaking pinaglihi ng ina sa kanyang sarili.
"Sandali Doc!" mabilis niyang sabi nang pagsarhan na siya nito ng pinto. Napatitig si Ace sa maabo nitong mga mata, hinanap niya ang galit na lagi niyang nakikita sa mga mata ng iba pero ang binatang nasa kanyang harapan ay bored na bored na nakatitig sa kanya. Hindi naghahanap ng away, ng atensyon, ng pagkamuhi kundi wala itong emosyon, walang pakialam.
"Hindi ka pa ba tapos na suriin ako?" puno ng pagkadigusto ang boses nito.
Imbes na mahiya si Ace dahil nahuli siyang nakatitig dito ay mas lalo pa siyang natuwa. Ang lalaking nasa kanyang harapan ay hindi interesado sa kanya. Sa unang pagkakataon ay naging invisible siya sa paningin ng iba. "Pinabibigay ni ma'am Amaya," diretsahang sabi niya. Walang galang sa sundalong-doktor. Lumabas ang totoong siya, nakalimutan ni Ace ang mahinhin na si Aye.
Simula nang tumungtong siya ng Amian, ang binatang Sebastian pa lamang ang unang nakabasag sa mahinhin niyang maskara.
Kinuha ng binata ang kanyang inabot at walang sabi-sabing pinagsarhan siya ng pinto. Lihim na napangisi si Ace. Ang sundalong-doktor na walang modo! Napakagwapo pero mabangis, mukhang magkakasundo kami, sabi ng sadistang isip niya pero alam naman niyang magkaiba sila ng binata. Magkaibang-magkaiba. Personality, background at ambisyon sa buhay. Mukhang susunod ito sa yapak ng ina, na masyadong pinagtutuunan ng pansin ang bayan at mamamayan. Samantalang siya ay wala pang dereksyon sa buhay, basta ang alam lang niya ay takasan ang kanyang nakaraan.
---
Amian Vocabulary Learning
Pistot and Walanjo – a jejemon words from Bisaya
Patyon taka – a bisaya words, means 'papatayin kita'
*** Sana po matapos ninyo ito hanggang wakas...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top