Simula
Simula
Halos mabitawan ko sa gulat ang garapong hawak-hawak. Madaling araw na kaya hindi ko inaasahan ang pagdaing ni Mama sa katabing kuwarto. Napatingala ako sa taluktok ng pader. Walang kisame kaya kita ko mula sa kuwarto ko ang yero sa ibabaw ng kaniya.
"Ma?" Binaba ko ang hawak sa pag-aalala.
"Katherine?" Sagot ni Mama. Namamaos ang boses niya. "Kakauwi mo lang ba, anak?"
"A-ano, ma... o-opo, kakauwi ko lang po,"
Nanatili ang tingin ko sa bubong nang sunod-sunod siyang umubo. Hindi ko alam kung iniinom niya ba ang mga gamot niya. Parang mas lalong tumitigas ang kaniyang ubo habang nasusundan ang araw. Pinakiramdaman ko ang paligid pagkatapos. Sunod kong narinig ang pag-ugong ng papag. Mukhang lumilipat siya ng puwesto.
"Ma? Nagising ko po ba kayo?"
"Hindi. M-may sasabihin lang ako sa 'yo," aniya.
"Mag-aalas dos pa lang ng madaling araw. Bukas na lang po. Bumalik na muna kayo sa pagtulog. Ikakasama iyan lalo ng kalagayan ninyo, e,"
"Ano ka ba. At kukuha rin ako ng maiinom ko,"
Kumunot ang noo ko. Nag-isip sandali bago muling nagsalita.
"Mag-aalas dos pa lang po," sabi ko nang mas mahinahon.
Pinakiramdaman ko ulit ang buong paligid.
"Ma," saway ko dahil rinig kong tinutuloy pa rin niya ang ginagawa.
"Iinom na lang ako ng tubig, anak,"
"Diyan na lang kayo. Ako na lang po ang kukuha."
Hindi na ako naghintay pa. Agad akong lumabas ng kuwarto at dumiretso sa kusina para kumuha ng tubig niya. Matapos malagyan ang baso, dumiretso kaagad ako sa kaniyang kuwarto. Pagkapasok, naabutan ko siyang nakatayo. Nilahad ko ang baso at tinanggap niya agad ito. Pinanood ko ang kaniyang pag-inom.
"Katherine, hindi pa pala kayo nagkaayos no'ng Maderal diyan sa malaking bahay. Nakuwento sa akin ni Analyn kanina. Pumunta siya rito," binalik niya sa akin ang baso. Maingat din siyang umupo sa gilid ng papag.
Nag-iwas ako ng tingin. Hindi makapagsalita sa biglaang kumprontasyon.
"Katherine, ano ba ang ginawa mo noon sa kaniya?"
"Ma..."
"Katherine," saway niya.
Nag-iwas ulit ako ng tingin pero naagaw lang dahil sa paglalim ng paghinga niya.
"Ma, matagal na po 'yon," bumalik sa pagkamalumanay ang boses ko.
"Matagal na nga iyon Katherine pero hindi maganda iyan. Alam ko ang ugali mo. Mabuti nga dahil naisipan nilang bumalik muli rito sa probinsya."
"U-umuwi po sila?!" Hindi ko napigilan ang pagkagulat.
Mas lalong dumiin ang mga tingin sa akin ni mama. Kasabay noon ang pag-usbong ng kaba ko.
"Kahapon. Kaya nga napapunta rito ang kaibigan mo dahil iniimbitahan tayo."
"Huh? B-bakit daw? Anong mayroon?
"Graduate na si Isaiah. Dito raw muna siya kaya nagpahanda sa bahay nila,"
Napakurap-kurap ako sa impormasyong binigay ni Mama. Naramdaman ko ang pagbigat ng katawan ko. Hindi sigurado kung dahil ba sa takot o may iba pa. Binalikan ko sa isip ko ang kasalanang nagawa kay Isaiah. Pero matagal na iyon. Ilang taon na ang lumipas.
"Ngayon lang sila muling bumalik dito sa probinsya. Sobrang tagal na noong huli nilang bisita kaya nakakahiya kung tatanggihan mo ang imbitasyon nila. At huwag kang magkakamali dahil binata na rin 'yang si Isaiah. Hindi mo alam ang magagawa niya."
Tumango ako sa sinabi ni Mama. Dinagdagan din niya kung anong araw at anong oras gaganapin. Hindi na rin humaba ang usapan namin. Dala na rin siguro ng pagkabahala, muling dumalaw ang pagod ko kanina. Nakatulog lang ako nang mapayapa nang maalalang may contest ako sa araw na iyon. Kaya naging positibo akong hindi makakadalo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top