Chapter 1
Chapter 1
"Kazandra!"
Kumunot ang aking noo. Nakarinig ako ng malakas na hikbi mula sa kung saan. Ihahakbang ko na sana ang aking mga paa para alamin kung sino ang may-ari niyon pero nang subukan kong gumalaw ay hindi ko magawa.
Napaigtad ako bigla nang makarinig ako ng malakas na tunog ng pagkabasag ng isang bagay. Kasunod niyon ay may sumigaw.
"Saan ka na naman pupunta, August?!" Garalgal ang boses ng sumigaw, halatang umiiyak. "Sa kanya na naman?! Iiwan mo na naman ako?! Hindi ka na naman uuwi?!" Sa bawat tanong ay palakas nang palakas ang kanyang boses.
Napapikit ako nang muling may nabasag.
"Damn it, Alicia! Stop throwing things! Puwede ba, tama na? Baka marinig ka ng anak natin!" galit na sagot ng lalaki.
"Anak? Anak natin?! Simula nang ipanganak ko ang batang iyan, lumayo ka na sa akin! Siya ang dahilan kung bakit tayo nagkakaganito! Siya ang sumira sa atin!"
Naikuyom ko ang aking mga kamay. Hindi na bago sa akin ang eksenang ito. Nasa likod ako ngayon ng pintuan at mula sa maliit na siwang niyon ay nakita ko ang aking mga magulang na nag-aaway.
Nakita kong naihilamos ni Papa ang kanyang mga kamay sa buong mukha, halatang nauubusan na ng pasensiya.
"Nababaliw ka na ba? Anak natin siya, Alicia! Huwag na huwag kang magsasalita nang ganyan tungkol sa anak natin!"
"Wala akong pakialam, August! Anak o hindi, siya pa rin ang sumira sa atin! Salot siya sa buhay ko! Inaagaw ka niya sa akin! Inilalayo ka niya sa akin!"
Pagkatapos niyon ay may narinig akong iyak. Maraming iyak. Iba't ibang boses. May malakas na iyak, may mahinang iyak. Marami... Napakarami. Palakas nang palakas ang kanilang mga boses hanggang sa pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko.
Lumabas ako mula sa likod ng pintuan at kasabay niyon ang pagputok ng baril.
"Kazandra!"
Napaigtad ako.
Nagmulat ako ng mga mata at ang unang tumambad sa aking paningin ay ang bookshelf sa aking kaliwa. Kumurap ako nang ilang beses, nagtataka kung bakit malinaw ang aking paningin.
Pinakiramdaman ko ang aking sarili at natantong nakatulog na naman pala ako nang maramdaman ang pananakit ng aking leeg. Nakatulog ako sa aking mesa at nanaginip... na naman.
I immediately shoved the thought away.
Inangat ko ang aking ulo mula sa pagkakayukyok sa desk at agad na nag-unat ng likod. Suot ko pa rin ang salamin kaya malinaw kong nakikita ang aking paligid.
Tumambad sa akin ang laptop na ngayon ay fully charged na. Patay na ang monitor niyon dahil naiwanan ko na naman kagabi. O baka kaninang madaling araw. Hindi ko alam kung ano'ng oras na naman ako biglang dinalaw ng antok.
Humihikab na tinanggal ko ang charger. Panlimang beses na itong nakatulugan ko ang laptop habang naka-charge. Kapag nalaman ito ni Jed ay susumpungin na naman iyon. Uulanin na naman ako ng sermon na baka hindi ko raw mamalayan at mag-overheat ang laptop, baka mag-ground ang kuryente, baka magkasunog o ano at kung anu-ano pang kapraningan niya sa buhay.
Sumama ang tingin ko nang mapansin ang mug na nakalapag sa bookshelf na nasa kanan ko naman. May mukha iyon ni Jed. Kalahati pa ang kapeng laman niyon na hindi ko na naman naubos kagabi.
"Rhyne!"
I rolled my eyes. Napamura ako nang mahina, sabay tayo at lapit sa aking kama. Dinampot ko ang alarm clock sa bed side table at pinatay iyon. Umagang-umaga at boses agad ni Jed ang maririnig ko. Hindi ko alam kung paano niya i-s-in-et up iyon bilang alarm ko. Kung anu-anong nalalaman ng lalaking iyon.
Bumalik ako sa aking desk, kinuha ang mug sa bookshelf at dinala iyon sa kusina. Nilagay ko agad iyon sa sink at nagtimpla ng panibagong kape.
Pagkatapos kong mag-toothbrush at maghilamos ay bumalik ako sa desk habang iniinom na ang kape.
Muli akong napamura nang makita ang petsa ngayong araw sa kanang bahagi ng desktop. Kadalasan talaga ay hindi ko na namamalayan ang pagdaan ng mga araw dahil masyado akong subsob dito sa lungga ko.
At sa sobrang abala ko sa dami ng mga projects at ine-edit ko ngayon sa trabaho ay nawala na sa isip ko ang mga sinabi sa akin ni Jed ilang buwan na ang nakalipas. Ngayon ko na lang naalala ulit.
"Rhyne, magkasing-edad kayo ni Czeila, hindi ba?"
Tumango ako habang nakatutok sa screen ng laptop. "I'm a few months younger."
Kasalukuyan kong pinapasadahan ng basa ang panibagong manuscript na ipinasa ni Dinn. Sa lahat ng writers sa APH na handle ko, siya ang pinakamabilis mag-isip ng konsepto at plot. Ngayong buwan lang ay panlimang manuscript niya na ito. Bukod doon ay halos wala akong makitang palya sa kanyang mga isinusulat kaya wala rin akong halos na-e-edit sa mga iyon.
Ang problema ko lang talaga sa kanya ay ang hilig niyang magpasa kung kailan bukas o sa makalawa na ang schedule ng pagpapasa sa EIC. Kung hindi pa ako magsusungit ay hindi pa siya magpapasa.
Madalas din siyang hindi pumupunta sa APH. Malihim si Dinn at kapag nasa APH man ay halos hindi rin nakikipag-usap. Naririnig ko lang ang boses niya kapag nag-uusap kami tungkol sa mga manuscripts niya.
Sa kalagitnaan ng aking pag-e-edit ay uminom ako ng kape.
"May boyfriend na siya. Alam mo ba?"
Tumango ako ulit. "Tapos? Ano'ng mali roon?"
Umiling siya habang nagha-hum. "Si Princess, mayroon din daw. Bakit ikaw, wala pa rin?"
Tinatamad na nilingon ko siya. Nag-isang linya agad ang mga labi ko nang makita ko ang ayos niya. Nakahiga siya sa kama na parang siya ang may-ari niyon. Tulala rin sa kisame habang nakaangat nang diretso ang mga braso at nilalaro ang mga daliri.
Lagpas hatinggabi na at hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay nandito pa rin siya. Dapat ay diretso na siyang umuwi kanina pagkatapos ng gig nila sa Mico Moco. Para siyang timang. Hindi tuloy ako makapagtrabaho nang maayos.
"Kapag kumain sina Czeila at Princess ng tsokolate, hindi ibig sabihin niyon ay kakain na rin ako. Mga kaibigan ko sila pero iba ako. Paano pala kung may allergy ako sa tsokolate? Pipilitin ko para pareho kaming tatlo?"
Napanguso si Jed. "Ang sungit! Nagtatanong lang naman." Naupo siya at niyakap ang isa sa mga unan ko at mataman akong tinitigan.
Umirap ako bago muling binalingan ang ginagawa.
"Ayaw mong maghanap? Noong college, wala kang sinagot ni isa sa mga nanligaw sa iyo, hindi ba?"
"Bakit ako ang maghahanap?" Uminom ako ulit ng kape habang titig na titig sa isang linya sa manuscript ni Dinn. "Hanapin niya ako."
"Paano kung matagal ka na niyang nahanap?"
Naguguluhang nilingon ko si Jed. "Huh? Sino'ng nakahanap sa akin?"
"Ang sabi mo, hanapin ka niya." Nakanguso pa rin siya.
Saka ko lang naintindihan. "Ah, that was a line I just read." Tinalikuran ko siya ulit. "Wala akong planong maghanap."
Humugot siya ng malalim na hininga at maingay na pinakawalan iyon. "Ganito na lang. Ba't hindi natin subukan? Ilang buwan na rin naman at magtu-twenty-four ka na. Sa birthday mo, kung wala ka pa ring boyfriend..."
Kinuha ko ulit ang mug at uminom doon.
"Ako muna. Ayos ba?"
Muntik ko nang maibuga ang kape dahil sa sinabi niya. Sapilitan kong nilunok iyon bago ako napaubo nang ilang beses. Muntik pa akong mabilaukan, lintik na Jed na ito!
Nagmamadaling tumayo siya at lumapit sa akin. "Uy, ayos ka lang?! Dahan-dahan lang kasi sa pag-inom ng kape, hindi ka naman mauubusan niyan!" Sinapo niya nang mabilis ngunit marahan ang likod ko.
Nang mahimasmasan ako ay hinarap ko siya at asar na hinampas sa tiyan.
"Aray naman! Bakit?"
"Nag-iisip ka ba? Ano'ng ikaw muna?!" Umiinit ang ulo ko sa mga ideyang bigla na lang niyang naiisip.
"Ah, iyon!" Natawa siya. Pagkatapos ay kumindat at yumuko para ilapit sa akin ang mukha niya. "Ano sa tingin mo? Deal? Ayaw mo iyon? Wala rin akong girlfriend at hindi pa nagkakaroon. Ever. Kaya una natin ang isa't isa. Matutuwa pa si Mama! Alam mo namang favorite ka no'n."
Ngising-ngisi ang gago kaya hinampas ko ulit.
Mas lumakas ang tawa niya.
Inignora ko na siya at muling itinutok ang aking atensiyon sa laptop. Kung anu-ano talagang kabaliwan ang pumapasok sa utak ng lalaking ito kapag walang magawa. Idadamay pa ako sa kabaliwan niya.
"Ano na, Rhyne? Huwag nang aangal, ha? Sa birthday mo, kapag wala ka pa ring mahanap, I'm going to be your boyfriend. And you'll be my first girlfriend." Tumawa siya nang malakas habang nakataas ang dalawang kamay at umaktong hari na nagtagumpay sakupin ang buong mundo. Ang baliw talaga!
Hinampas ko siya ulit para matigil siya sa kagaguhan niya. Dumaing siya sabay hawak sa kanyang tiyan pero nandoon pa rin ang ngiti niyang nakakaloko.
"Gago," pairap na sambit ko.
Hindi ako naniniwalang wala pa siyang naging girlfriend kahit isa. Maraming babae ang umaaligid sa kanya noong college. For sure ay may nagustuhan naman siya kahit isa sa mga iyon. Imposibleng wala.
"Umuwi ka na nga! Istorbo ka sa trabaho ko." Tinulak ko siya gamit ang aking braso para paalisin.
Sa halip na sundin ako, bumalik lamang siya sa kama at pabagsak na nahiga. "Dito na ako matutulog, Rhyne. Pagod na ako! Hindi ko na kayang mag-drive pauwi."
"Palagi ka na lang natutulog dito. Kulang na lang ay lumipat ka na rin dito sa dami ng mga damit at gamit mo sa cabinet. Hindi ka ba pinagsasabihan ni Tita?" Nagpatuloy ako sa pagbabasa.
He scoffed. "Tuwang-tuwa pa nga iyon na rito ako natutulog sa iyo, eh. Basta, Rhyne, ha? Ang usapan ay usapan. Tayo na sa birthday mo."
Itinapon ko sa kanya ang wireless mouse na gamit ko sa sobrang inis.
Hindi naman siguro niya seseryosohin iyon, hindi ba? Out of the blue niya lang naman kasi nasabi iyon. Wala lang siyang magawa at bored siya nang mga oras na iyon kaya bigla siyang nakaisip ng kalokohan. Nagkataon lang din na ako ang kasama niya kaya nadamay ako.
Nagdesisyon akong iwaglit na lamang iyon sa aking isipan upang makapagsimula nang magtrabaho. Nagbukas ako ng email para tingnan kung ilang manuscripts ang bagong dating. Unang tumambad sa akin ang pangalan ni Dinn. Pagka-click ko ng kanyang email ay siyang pagtunog naman ng doorbell.
Lumipad ang tingin ko sa pintuan. Kapag tumunog ulit ang doorbell ay siguradong bisita o sina Ate Ysay ang nasa labas. Pero kapag—
Sumunod na narinig ko ang pagpindot ng passcode sa digital door lock sa labas.
Napabuga ako ng hangin.
Hindi bisita ang nasa labas. Bwisita.
Tumayo na ako at inunahan na siya sa pagbukas ng pinto.
Studio type ang aking bahay kaya wala itong kuwarto. Ang tanging nagsilbing dingding niyon ay ang mga bookshelves. Ipinuwesto ko ang kama malapit sa terasa kung saan sa labas niyon ay mayroong hagdanan paakyat sa bubong. Banyo lamang ang tanging nakabukod na kuwarto.
Pagpasok sa bahay ay ang katamtaman ang laking sala agad ang mabubungaran at ang kusina sa gilid niyon. My living room contained a brown sofa set and a coffee table. Ang TV naman ay naka-set up sa likod ng bookshelf.
Nang mabuksan ko ang pintuan, ngiting-ngiti si Jed nang salubungin ako. Sa sobrang lawak ng ngiti niya ay halos mag-isang linya na ang singkit niyang mga mata. Hindi ko alam kung paano pa siya nakakakita sa lagay na iyon.
"Magandang umaga, binibini!" masiglang bati niya sa akin, sabay taas ng dalawang supot na hawak niya.
Tumaas ang kilay ko.
"I brought breakfast. Ipinagluto ka ni Mama. Gusto ka talaga ni Mama!" masayang balita niya. Ngiting-ngiting lumapit siya at humalik sa noo ko bago pumasok sa bahay. "Kunot na naman 'yang noo mo."
I rolled my eyes as I closed the door. At napapailing na lang na sumunod sa kanya. Sumandal ako sa ref at humalukipkip habang pinagmamasdan siyang inilalagay ang mga pagkaing dala niya sa counter.
"Pakisabi na lang na 'thank you' kay Tita. Pero ang aga-aga pa, Jed. Pupuwede namang idaan mo na lang sa APH iyan."
"Kasi kilala kita. Alam kong hindi ka na naman kakain dahil walang laman ang ref mo nang tingnan ko kahapon. Ayun nga, oh!" Tinuro niya ang desk ko. "Sigurado akong may lamang kape na naman 'yang mug mo. Kape ka nang kape. Dapat ay gatas ang iniinom mo sa umaga. O hindi kaya ay tubig. Dapat ay damihan mo ang inom ng tubig. Hindi 'yong kape ang pinapadaloy mo sa mga ugat mo," panenermon niya.
Nilingon niya ako at namaywang gamit ang isa niyang kamay. "At hindi na po maaga. Pasado alas otso na po. Late ka na sa trabaho, boss." Kumindat pa ang bwisit.
Sinamaan ko siya ng tingin. Ayoko talagang tinatawag niya akong boss. At alam niyang ayaw ko kaya mas lalo niya akong tinatawag na ganoon.
"I can go to work any time I want," nakataas ang kilay na sagot ko kahit ito pa lang naman ang unang pagkakataon na male-late ako. Hindi na nga dapat ako papasok pero dahil dumating ang kumag na ito, papasok na lang ako kaysa mabuwisit nang tuluyan sa kanya.
"Aigoo! Boss na boss!" pang-aasar pa niya lalo sa akin. "Kain na po tayo, boss!"
Busangot ang mukhang naupo na ako at nagsimulang kumain. Sinabayan na rin niya ako and like the usual, magana siyang kumain. Parehong-pareho sila ni Czeila.
Ilang segundo ko pa siyang inobserbahan pero mukhang wala naman na siyang ibang pakay sa pagpunta rito. Sana ay nakalimutan niyang birthday ko ngayon. At mas lalong sana ay nakalimutan niya ang tungkol sa naging usapan namin noon. Na kung tutuusin ay hindi naman talaga usapan dahil hindi ako tumanggi at hindi rin ako sumang-ayon. Walang usapan sa pagitan namin. Siya lang itong nag-insist sa kabaliwang iyon.
Naligo ako pagkatapos habang siya naman ay naghugas ng mga pinagkainan namin. Hindi umabot ng isang oras ay handa na akong pumasok sa trabaho. Paglabas namin ng bahay ay dumiretso na ako papunta sa aking motorbike.
"Sabay na tayo, Rhyne. Papunta rin naman ako sa APH ngayon. Sa kotse ka na," pigil sa akin ni Jed bago ko maisuot ang helmet. "Mataas na ang sikat ng araw. Huwag mo nang gamitin iyan."
Kumunot ang noo ko. "Ano'ng gagawin mo sa APH?" nagdududang tanong ko.
Bihira lang naman kasi siyang pumunta roon dahil sideline lang niya ang pagiging songwriter ng kumpanya. May trabaho lang siya roon kapag may mga nobelang ginagawan ng pelikula o TV series.
"Sikreto para guwapo," ngiting-ngiting sagot niya. "Sige na, sabay na tayo." Hinawakan niya ako sa braso at iginiya sa nakaparadang kulay-abong Hyundai Elantra.
Nagdududa man ay nagpahila na rin ako sa kanya at tahimik na pumasok sa loob ng kotse. Nanuot agad sa ilong ko ang aroma ng kape. Hindi pa rin pala nauubos ang binigay ko sa kanyang car freshener.
Pagkaupo ni Jed sa driver's seat, naniningkit na tiningnan ko siya, nagdududa pa rin.
Natawa siya nang mapansin ako. "Bakit?" Nag-iwas siya ng tingin at ikinabit muna ang aking seatbelt bago ang sa kanya.
Inayos ko ang salamin ko. "May pinopormahan ka ba sa APH?" diretsong tanong ko.
Nakakaduda naman talaga ang biglaang pagpunta niya roon ngayon. Simula nang kunin siya ng APH bilang songwriter, isang beses lang sa isang buwan siya pumupunta roon. At iyon ay kapag nagkakaroon lang ng mga meetings at projects.
"Bakit parang ayaw mo at tunog nagseselos ka?" Tumaas ang kilay niya habang pinapaandar na ang kotse.
I crossed my arms. Nakasimangot na tumingin ako sa labas ng kotse habang umaandar na iyon sa kahabaan ng Ortigas Avenue. "Kaduda-duda ka ngayon, Jed. Iba ang ngiti mo. Mukha kang excited. May pinopormahan ka. Sigurado ako kaya umamin ka na."
Humagalpak siya ng tawa at napahampas pa nga sa manibela. "Eh, bakit ka nakasimangot diyan? Ayaw mong may pormahan ako?" nakakalokong tanong niya. "Ipinagdadamot mo ako?"
What the fuck? Nagtanong lang ako, hindi ibig sabihin na ipinagdadamot ko na siya. Ano bang klase ng utak mayroon ang lalaking ito? Nasobrahan sa imagination!
Hindi na lang ako umimik. Kapag pinatulan ko pa ang kabaliwan niya, maiinis lang ako.
"Nga pala. May ipapabasa ako sa iyo," biglang sabi niya nang maipit kami sa traffic.
Tinapunan ko siya ng tingin. May kinuha siyang nakatuping papel mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Nakataas ang kilay na tiningnan ko lang iyon nang ilahad niya sa akin. "Pink?" nagdududa na namang tanong ko.
"What do you expect from Czeila?" natatawang sagot niya. "Sige na, basahin mo."
I snatched the paper from his hand and unfolded it. Kumunot ang aking noo nang makita ko sa itaas ng papel ang mga katagang "To-Do List with my Future Wife." At sa ibaba niyon ay ang buo niyang pangalan.
"What the fuck, Jed?"
Tumikhim siya. "Bibig mo, Rhyne," saway niya sa akin. "Basahin mo muna bago ka mag-react diyan."
Dumiretso ang mga mata ko sa unang nakalista at binasa iyon nang malakas. "Paramihan ng 'I love you' in one minute. Ang manalo, may kiss. Ang matalo, may yakap. Ano'ng klaseng kondisyon naman ito? Pareho namang advantage ito sa iyo," paratang ko sa kanya na hindi na rin napigilang matawa. "Ang corny mo talaga!"
"Basa pa," nangingiting udyok niya sa akin. Umandar ulit ang kotse.
"Babysit with her. Maligo sa ulan kasama siya. Twenty-second hug. Kakantahan siya bago matulog over the phone. Ibe-braid ang buhok niya..." Natatawang itinuro ko ang ibang item sa listahan. "Wait, Jed. Tanggalin mo ang iba! Hindi naman puwedeng 'yong madalas mong gawin sa amin ni Czeila ay gagawin mo rin sa kanya. I mean, you can, but make it more special. This is for your future wife, not just anyone."
"Number seven, selfie with her while she's sleeping. Number eight, ipasuot sa kanya ang paborito kong t-shirt. See, Jed? Ipapasuot mo sa kanya ang t-shirt na palagi kong isinusuot? 'Yong Naruto?"
Dahil nga paborito niya iyon at palagi siyang nasa bahay, doon na rin tumira ang t-shirt niyang iyon. Kapag nauubusan ako ng damit ay isinusuot ko iyon.
Nagpatuloy ako. "Number nine, couple mug." Kunot-noo na naman ako agad. "Alisin mo rin ito, Jed. May mug tayong dalawa. Ibahin mo naman! Ayokong maging dahilan ng pagseselos ng magiging asawa mo."
Napailing ako nang ngisihan niya lang ako. "Number ten, maghugas ng plato habang nakayakap sa kanya mula sa likuran. Hindi kaya masakal siya sa iyo, Jed? Masyado kang clingy. Gusto mo, lagi kang nakadikit. Para kang teenager." Tinawanan ko siya nang makita kong bahagya siyang ngumuso.
"Stargazing habang nakahiga sa tiyan niya." Pinanliitan ko siya ng mga mata. "Mabigat ang ulo mo, maawa ka sa kanya. Huwag mong iparanas sa kanya ang malupit na dinaranas ko sa iyo."
"Grabe ka naman! Ikaw, palagi ka na lang nagsusungit sa akin, ha? Best friend mo ako. Pero kung saktan mo ako, parang may lihim na galit ka sa akin. Ang lakas ng kamao mo! Sino sa atin ngayon ang malupit? Ang sweet ko kaya sa iyo, ikaw itong boksingero!" reklamo niya habang nakanguso pa rin.
"Sino'ng nagsabing best friend kita? Sina Czeila at Princess ang best friend ko at hindi ka kasali. Ikaw lang itong nag-self-proclaim na mag-best friends tayo." I scoffed.
"Ouch!" Sinapo niya ang dibdib at nagkunwaring nasaktan. "Mag-aanim na taon na tayong magkakilala. Labas-masok ako sa pamamahay mo. Nakatabi na natin ang isa't isa sa pagtulog. Ilang beses na kitang nakitang tinagusan. Ako pa nga ang bumibili ng mga sanitary pads mo. Noong nakaraan nga ay nilabhan ko pa ang mga undies mo—"
Hinampas ko siya agad. "Hindi ko na kasalanan kung bakit nasama ang undies ko sa mga labada mo! Ikaw itong naglalagay ng mga damit mo sa hamper ko!"
"See?! Pati hamper, nagshe-share tayo. Sa lagay na iyon, hindi pa ba tayo mag-best friends? We do things you never did with Princess and my sister." Ngumisi siya na mukhang proud pa. Ang arogante talaga!
Iningusan ko siya at muling tiningnan ang papel na hawak ko. "Kapag nagkasakit ako, siya ang gusto kong mag-alaga sa akin. Not Czeila and not my mom. Dapat ay hindi rin ako, Jed. Ilagay mo rito, hindi rin ako."
Ngumiti siya nang nakakaloko.
"Ayan! Ayan na naman ang ngiting iyan! Kaduda-duda talaga. Pakiramdam ko talaga ay may pinopormahan ka na. Sa APH, ano?" Naningkit ang aking mga mata habang iniisip kung sino sa mga babae sa trabaho ang natipuhan niya.
Sa Art department ba? Sa production team? Sa Marketing?
"Wala nga." Natawa siya nang sinundot ko ang kanyang tagiliran. Alam kong malakas ang kiliti niya roon. "Huwag diyan, may kiliti ako riyan! I am driving, Kazandra Rhyne Sandoval!"
Inirapan ko siya sa pagbanggit niya ng buo kong pangalan.
"Titanic scene. Yuck! What the fuck, Jed?!" bulalas ko. Napahagalpak ako ng tawa habang ini-imagine ko iyon.
"Ang bibig mo, Rhyne," aniyang tumikhim ulit bilang pananaway.
"Sorry," sabi ko habang natatawa pa rin. "Grabe! Ito ang pinaka-epic, Jed! At pinaka-corny!"
"Ang sweet kaya niyan!" pagtatanggol niya sa kanyang isinulat.
"Give her a baby. Of course, Jed."
"Gusto ko ng marami," sagot niya. Humalakhak siya nang tingnan ko nang masama.
"Bigyan siya ng sticky note na may nakasulat na phone number mo?"
"Uh-huh." He stopped the car when the stoplight became red.
I scoffed as I watched people crossing the lane. "You and your old tricks, Jed. You did this to me before. Akala mo naman ay tatawagan kita. Feeling!"
Second week yata iyon ng first semester noong unang taon namin sa college nina Czeila at Princess. Jed was already in his second year with his Bachelor of Music, but we were classmates in one of our minor subjects.
I was reading a book in the last row inside the classroom – kung saan madalas akong matulog sa umaga – nang biglang may isang kamay na nagdikit ng sticky note sa librong hawak ko. Cellphone number ang nakasulat.
Pag-angat ko ng tingin, likod na lamang ni Jed ang naabutan ko at palabas na siya ng classroom. Nagkibit-balikat lang ako at hindi ko pinansin iyon. Hindi ko siya t-in-ext o tinawagan.
"Noon pa lang, ang suplada mo na talaga." Ngumuso siya, sabay paandar ulit sa sasakyan.
Tinatawanan ko pa rin siya. "I wasn't. It was my resting bitch face! Pero totoo naman talagang naiinis ako sa iyo noon. Makikipagkaibigan ka lang naman, bakit kailangan pang magbigay ng sticky note na may number mo? Hindi talaga ako mahilig sa mga text-text na ganyan."
Tiningnan ko ulit ang papel.
"At ang pinakahuli..." mahinang sabi niya. "Love her with all of me." May munting ngiti sa kanyang mga labi.
Napangiti na rin ako habang titig na titig sa huling linyang isinulat niya. Strangely, I believed him. "Now this is... sweet." Itinupi ko ulit ang papel at ibinalik sa kanya. "Lucky girl. I hope you find her soon."
Walang halong biro. I had seen him with his mother and sister. Sobra siyang magmahal. Ayaw na ayaw niyang nasasaktan ang dalawa. Most of the time, he acted like he didn't care at all, but underneath the happy, annoying face, mas Kuya pa siya kaysa sa tatlong Kuya niya kung mag-alala at mag-alaga. He'd do anything to protect the two women in the family. Ganoon siya magmahal. At sigurado akong sa ganoong paraan niya rin mamahalin ang kung sinumang babaeng magiging asawa niya.
Lucky girl, indeed.
I couldn't hear what he whispered after that.
"Ano'ng sabi mo?"
"Ang sabi ko, nandito na tayo."
Napatingin ako sa labas at natantong papasok na kami sa loob ng underground parking lot ng APH. May parking space din sa tapat ng building niyon pero dahil kilala ng mga tao si Jed, bihira kaming mag-park sa labas.
Sabay kaming nagtanggal ng seatbelt at sabay rin kaming bumaba ng sasakyan.
Malayo pa kami pero nakadikit na ang tingin ko sa elevator. Nagsusumigaw sa laki ang mga salitang August Publishing House sa itaas niyon. May kung anong dumakma sa puso ko habang hindi ko maalis ang tingin doon. Ngunit kagaya ng ginawa ko kaninang umaga pagkatapos kong managinip, I pushed the thought away.
"Welcome to APH... boss!" nakangising wika ni Jed.
Nang tingnan ko siya ay nakatingin din siya sa malaking pangalan ni Papa.
"I think your dad's name is cool, Rhyne. August..." He tilted his head to look at me. "Dapat ay May ang pangalan mo. I wonder if your mom has a month name as well. April? January? Febb?"
Natawa siya at inalis na ang tingin sa akin. "I want to meet them someday."
I knew he was only having fun guessing. I knew there wasn't much meaning to what he said. Pero muli kong naramdaman ang mahigpit na paghaklit sa puso ko dahil sa mga sinabi niya. Pinilit kong ignorahin ang pakiramdam na iyon.
"Alas diyes na at masyado nang late ang boss," he teased.
Tinaasan ko siya ng kilay at nang mapansin niya ako ay mabilis na nag-iwas ng tingin habang sumisipol.
On our way to the elevator, a group of writers greeted us. Tipid na tumango ako bilang bati. Samantalang si Jed naman ay kumaway at masiglang ginantihan sila ng bati. The group smiled widely.
Napailing-iling ako.
So much for fan service, Jed Suarez.
I wonder if the girl he likes is one of them.
Sumandal si Jed sa dingding pagkasara ng pinto ng elevator at tiningnan ang repleksiyon ko roon. "Did you notice how intimidated they were around you? You have this kind of stare that makes people feel intimidated. Paano pa kaya kapag nalaman nilang ikaw ang may-ari ng lahat ng ito? Ganyan ngang ang alam nila ay editor ka lang ay ganyan na sila kasindak sa iyo. Ngumiti ka naman kasi paminsan-minsan."
"I don't like smiling at strangers, let alone at people I am not close to, even if they are colleagues. And, as I previously stated, it's my resting bitch fa—"
"I know right! Ako lang naman ang nakakapagpatawa sa iyo. Ang lakas kasi ng charisma ko," mayabang na sabi niya.
I rolled my eyes, just as the door of the elevator opened on our floor. Nagtama ang mga mata namin ng lalaking nasa labas.
"Good morning, Kazandra."
Tumango ako bilang pagbati.
It was Liam Daniel Guevarra. People call him by his first name. Editor-in-chief of our team. Pakialamero, but I can deal with him. Actually, I've been dealing with him since we were young. Mula pa man noon ay nakikialam na talaga siya sa akin.
And as much as I wanted to kick him out, I couldn't because I knew that the company needed someone like him. He was smart, efficient at work and had good leadership skills.
"Breakfast?" seryosong tanong niya. Nasa mukha niya ang pag-aalinlangan na itanong iyon. But he still asked, anyway.
Naramdaman kong dumantay sa aking balikat ang mabigat na braso ni Jed. "As you can see, kararating lang namin and we had breakfast at home. Thank you, anyway. For asking us."
I saw how Liam looked at the arm that draped around my shoulders. Tumigas ang tingin niya nang balingan niya si Jed. "I asked her. Not you."
Jed flashed his sarcastic grin. He only does that when he's dead serious. Unlike me, mas mainit ang ulo niya kay Liam. Sa tuwing nagkakasalubong ang dalawa, kulang na lang ay mag-angilan sila.
I didn't know what happened between the two, but I guessed men were always like that. Pakialamero si Liam. Pakialamero rin si Jed. And despite the similarity, they just don't click. They never clicked.
"Well... Ask her again, then," confident na panghahamon ni Jed.
"Don't be so confident, Suarez. As far as I know, you're not his boyfr—"
"I am now."
Napaangat ako ng tingin sa kanya nang marinig iyon.
"In case you haven't been informed. Well, now you know that I am. I am her boyfriend," mariing pahayag niya.
Ramdam ko ang tensiyong bumabalot sa kanya dahil sa pagkakadikit naming dalawa.
'Tangina.
He was dead serious.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top