Sayo, na hindi marunong lumingon

***

Isinara ko ang pinto
nang gabing umalis ka nang walang paalam
Malakas ang hampas ng malamig na hangin
pumipigil sa maaari sanang pag-iyak ko
Marahas ang talsik ng nagpupuyos na ulan
pumipigil sa maaari sanang pagsigaw ko
sa pangalan mo
para pabalikin ka
Tulad ng pananahimik mo
isinara ko ang pinto
nang walang imik
nang walang pag-iyak
nang walang pag-aalala

Nakakapagod na kasing laging umiyak at magmakaawa
na ipaalala sa'yong sa tuwing hahakbang ka nang pasulong
isa, dalawa,
tatlo hanggang ilan pa
ay nasa likod mo lang ako
nakasunod
tumatawag
para lumingon ka
Napagod na kasi akong iyakan
ang mga damit mong hinubad at iniwan
mga bagaheng marumi ayon sa'yo
na ayaw mong dalhin sa bago mong paraiso
Napagod na akong alalahanin
Kumakain ka ba?
Nalulungkot?
Nangungulila?
Iniisip mo ba ako?
Sa isang tulad kong laging nakatanaw sa'yo
sa bawat pagngiti at pagluha mo
sa bawat pagbagsak at paglipad mo
sa bawat pagtulog at paggising mo
nakakapagod na rin

Pagod at sawa na akong
tumayo sa pinto
kung saan mas marami pang pagkakataon
na tumawid ka para lumabas
umalis
lumayo
dahil ang tulad ko
na may pangarap na kakapiraso para sa'yo
na may kakayahang kakapiraso kaysa sa'yo
na may kinabukasang malabo kumpara sa'yo
ay pagmamahal lang na para sa'yo ang sobra
At hindi ito ang uri ng pagmamahal
na tahanan
ng tayog ng pangarap mo
ng langit ng ambisyon mo
ng ligaya ng bukas mo
ng pintig ng mailap mong puso

Kaya't, mahal ko,
huwag kang mabahala
Isinara ko na lang ang pinto
kung saan ka lumabas
at tahimik na tahimik na bumuntonghininga
upang hindi mo marinig
at hindi makaabala
Ako
na tanging pag-ibig lang ang sobra
ay hindi na mag-aabang pa sa'yo
sa isang pintong sarado
Sapagkat sa huling pagtalikod mo
tanggap ko na
na ang daan upang mahalin ka
at mahalin din ang sarili ko
nang hindi inililista
ang lahat ng pagluha
ay ang iyong paglaya
at ang hindi pag-asa
na kakayanin mong lumingon
kahit isang minsan
kapag naalala mo ako.

Sayo, na hindi marunong lumingon,
huwag kang mag-alala,
hindi na kita tatawagin pa
Sapagkat nang isara ko ang pinto
tumalikod
na rin
ako. 

#0415h /03252017

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top