Minsan, hiningian mo ako ng isang ngiti

***

"Ngiti ka naman."
Sobrang dalas mong hilingin sakin.
Hindi naman kita masisisi kasi gano'n mo 'ko nakilala.
Nakangiti na bago ka pa dumating.
Nakangiti kapag kaharap ka.
Nakangiti pa kahit nakasimangot ka.
Nakangiti pa rin
kahit nasasaktan mo na.
Kusa kasi akong napapangiti
kung para sayo.
Kung dahil sayo.

"Ngiti ka naman"
Lagi mong hiling kasi nakasanayan na natin
na nakangiti ako para makangiti ka
pagkatapos ng pag-iyak.
Na nakangiti ako para humupa
ang lahat ng sakit na dinadanas mo.
Na nakangiti pa rin ako
kahit sa totoo lang,
gustong-gusto kong umiyak
At magreklamo
kasabay ka.
Karamay ka.
Yung malakas.
Yung isisigaw ko kung gaano kabigat...
kung gaano kabigat ang yakapin ka
kapag parang mawawala ka na.
Kung gaano kahirap ang hawakan ka,
nang magaan, kaysa mahigpit,
kasi mawawala ka na.
Kung gaano kasakit
panoorin kang gipit sa paghinga
Kung gaanong nakakagalit na
baka bukas
baka sa isang iglap
hindi na kita kasama.
Traydor kasi ang puso mo.
Ayaw kang huminga
kahit na hindi sana para sa'kin
kundi para sa'yo
Traydor kasi ang siyensiya
ayaw dugtungan ang buhay mo
kahit na hindi para sa'kin
kundi para sa'yo.
Traydor kasi ang oras,
ang tadhana,
at lahat ng mga planeta
na ayaw pahabain pa ang oras,
tadhana,
at mundo nating dalawa
kahit na hindi para sa'kin
Kahit para sa'yo lang
Dahil basta nakikita pa kitang
humihinga at ngumingiti
kakayanin ko pang
Magtiis uli
Masaktan uli
Mahirapan uli
Nang palihim
At magbigay sa'yo ng ngiti
kapag sinabi mong
"Ngiti ka naman."

"Ngiti ka naman."
Hanggang dulo hiniling mo.
Madali sanang gawin
kasi pagngiti ang isang bagay na sanay na sanay ako
Pero hindi ko mapilit
kasi alam ko, sa paghingi mo
at pagbibigay ko
Iyon na ang huli.
Ngingiti ako
at pipikit ka
At tuluyang magtatraydor
Ang puso mo
Ang mundo
Ang oras, tadhana, at mga planeta
Ang siyensiya
Ang paghinga...
Isang ngiti ko lang
at isang bitiw ng paghinga mo
Alam kong hindi na ulit ako masasaktan
magtitiis
o mahihirapan
sa pagkapit sayo
Dahil isang ngiti ko lang
pagbitaw ng paghinga mo
masasaktan
magtitiis
at mahihirapan na lang ako
sa pagkapit sa alaala mo
nang mag-isa. 

#0251h / 02212017

#ForGirlOfNever

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top