Chapter 25: Only Love Can Hurt Like This

Noah's POV

Year: 2013, Metro Manila (Present)

"Pipilitin kong magpatuloy," bulong ko.

Kausap ko ang aking sarili habang marahan akong naglalakad papasok ng Amusement Park. Sinimulan ko nang bitawan ang mga bagay na magpapaalala sa akin sa kanya. Ang journal ko na itinago ni Nico matapos kong pagtangkaang ihagis ito sa bangin sa Batanes. Ang pulang Teddy Bear na hinabilin ko kay Sandro sa Palawan. Maging ang biyulin na hindi ko na madalas gamitin ay pinasuyo ko na rin sa pangangalaga ni Sir Legato.

Ngunit may isang bagay pa akong hindi ko magawang bitawan. Isang bagay na siya mismo ang nagbigay noong una ko siyang makita sa nakaraan. Inilabas ko sa aking damit ang kuwintas na nakasabit sa leeg ko.

"Owlie." Ito ang kadalasan niyang tawag sa bagay na aking suot. Lagi siyang nakangiti na parang batang nabubulol sa tuwing binabanggit ang pangalang iyon. Isang bagay na binigay sa kanya ng kanyang ina. Kalaunan, ibibigay rin niya sa batang kanyang natagpuan sa ilalim ng punong Narra. Isang batang nakilala niya dahil sa kayang kakaibang kakayahan. Kakayahan na nagdulot ng lahat ng ito.

Lahat ng sakit.

Lahat ng hapdi.

Lahat ng magandang alaala.

Sa aking paglalakad ay hindi ko napansin ang maraming tao. Naghanap ng maari kong unahing sakyan. Nakapurselas sa akin ang ticket na binili ko sa entrada kanina. Maari kong sakyan ang kahit na anong naisin ko ayon dito. Hindi maalis ang tingin ko sa Ferris Wheel, isa pa sa mga bagay na nagpapaala sa akin sa kanya.

Nagpatugtog ako ng awitin sa aking cell phone at isinalpak ang ear phones ko. Pinalakasan ko ang tugtog sa aking tainga. Maging doon man lang ay maiba ang tumatakbo sa aking isipan. Nagpatuloy ako sa paglibot habang naka bulsa ang dalawa kong kamay. Ang suot kong itim na hoodie ay akma sa mukha kong balisa at walang buhay.

Napatitig ako sa mga batang naghahagis ng bola sa gilid. Tila ang sasaya ng mga ito habang sinusubukang makuha ang premyong malaking Teddy Bear. Isang oso na may matatambok na kamay at braso. May nakataling gintong laso.

Naalala ko na naman siya.

Muli akong naglakad at nagpatuloy sa paghanap ng masasakyan sa Amusement Park. Sa aking sunod na napuntahan ay napalibutan ako ng mga turista. May mga matatanda at may mga paslit. May mga magagandang dalaga. May mga guwapong binata. May mga buhok na kulay ginto. May kulay itim. May kulay kahoy.

Kulay kahoy gaya ng kanya.

Inalog kong muli ang aking ulo. Baka sakaling mawala kanyang imahe sa aking isipan.

Tila may ibong lumipad sa aking gilid. Pumapagaspas nang maganda ngunit maliksi. Tila isang ibong kulay puti na naging ginto na dumaan sa aking harapan. Dahilan upang umikot ang aking ulo at mapatingin sa isang sulok. Paglingon ko ay wala na ang ibong lumilipad. Ibang bagay ang aking napansin sa malayo.

May nakita akong kasing tangkad niya na nakatitig sa malaking teddy bear sa lugar na pinaggalingan ko. Mula sa malayo ay kita ko ang nakatalikod nitong katawan gayun din ang matikas nitong balikat. Ilang minuto itong tulala nang bigla siyang yayain ng kasama nitong dalagang may kulay tansong buhok.

"Kulay tanso." Gaya ng buhok kong kasing pula ng nagdurugong langit. Isinuot ko ang hood ng aking damit upang matakpan ang aking ulo. Iniba ko ang tugtog sa aking tainga upang mas lalong pukawin ang aking iniisip.

Huli na nang makita kong nasa gitna na pala ako ng Amusement Park. Natagpuan ko ang aking sarili sa tapat ng Ferris Wheel. Isang dambuhalang gusali na may kumplikadong disensyo. Inalis ko ang headset sa aking tainga upang pakinggan ang pagtawag sa mga nakapila. Kulay puti ang pintura ng Ferris Wheel upang hindi madaling mag-init ang bakal na materyales nito. May hindi mabilang na gondola na nakasabit sa bilog nitong katawan.

"Gondola." Katulad ng huling lugar na aming pinasyalan. Tinangka kong umalis sa tapat ng Ferris Wheel ngunit ako ay natigilan. Nakita kong muli ang binata sa malayo kasama ang kanyang kasintahan. Medyo hindi ko maaninag ang kanilang itsura dahil sa layo ng kanilang kinatatayuan. Upang makaiwas ay muli akong tumalikod ang nagtungo sa pila ng Ferris Wheel.

Mag-isa akong sumakay. Walang Adam na maingay. Walang Adam na makulit. Walang Adam na may mga napakaamong ngiti. Walang Adam na may bughaw na mga mata. Walang Adam na maglalambing sa nobyo nitong laging nag-aalala. Walang Adam na biglang hahalikan ako sa pisngi at bibigyan ako ng mga quotable quotes niyang kung saang lupalop niya pinulot.

"Siguro nga panahon na upang tanggapin ko. Wala na siguro talaga siya sa buhay ko." Habang marahang umandaar paakyat ang gondola, sa loob ay mag-isa akong humagulgol. Ang kaninang malupit na ulan ay unti-unti nang humina. Kasabay ng bawat pagpatak nito sa salamin ng aking sasakyan, ay ang mga paghikbi ng bibig kong isinisigaw muli ang kanyang pangalan.

"Adam!" bulalas ko sa loob. Sa loob ng gondola na hugis kahon, alam kong walang makaririnig sa akin. Sa loob ng sasakyang tanging ako lamang ang saksi sa aking mga pighati.

Nang nasa tuktok na ang aking kinauupuan ay napatingin ako sa langit. Ang madilim na ulap ay kusa nang nawala. Sa labas ay nagsimula nang matuyo ang mga naiwang patak ng ulan.

"Sa oras na magsimulang umikot pababa itong sinasakyan ko, kakalimutan na kita," bulong ko. Tila wala na akong ipipigang luha sa aking mga mata. Pinatuyo ko ang aking mga pisngi. Inayos kong muli ang aking sarili habang umiikot pababa ang aking sinasakyan. "Magpapatuloy na ako sa buhay ko."

Sa gilid ng Ferris Wheel ay mayroong isang mahabang Roller Coaster. Napakatulin ng andar nito sa mahabang riles. May mga anggulong pataas upang ang mga sakay ay mabilis na dadausdos pababa. Ang ilang daanan ay nakahugis bilog upang bumaliktad ang tren na sakay nito.

May lumipad muling ibon sa labas ng kinauupuan ko. Mabilis masyado at tanging kislap ng ginto nitong balahibo ang aking nakita. Sa pagkawala nito ay napako ang aking tingin sa kumpol ng mga tao.

Muli kong napansin ang magkasintahan na kanina ko pa naaninag. Halatang masaya silang dalawa habang patungo sa pila ng Roller Coaster.

Unti-unting bumababa ang gondlang aking sinasakyan. Kasabay nito ay mas lalo kong nakikita ang mukha ng mga tao sa baba. Ang magkasintahang kanina ko pa napapansin.

"Lub dub."

Sa isang iglap ay bumuhos lahat ng aking emosyon. Bumilis ang tibok ng aking puso. Tila nagdedeliryo ako sa aking nakikita. Kasing tulin ng humaharurot na Roller Coaster ang pagdaloy ng dugo sa aking batok. Muli kong inalog ang aking ulo. Baka sakaling mawala ang ilusyon sa aking harapan. Sa aking pagmulat ay naroon pa rin siya. Kayakap ang isang babaeng pamilyar ngunit hindi ko maalala kung saan ko unang nakita.

"Adam!" Kusang lumabas ang sigaw sa aking bibig. Ramdam kong umaalog ang aking sinasakyan sa pagpipilit kong bumaba. "Adam Ambrosi!"

Unti-unti kong nakilala ang binatang may buhok na kulay kahoy. Ang mga mata nitong kasing ganda ng sapiro. Ang ngiti nitong walang katulad.

Malayo pa ang sinasakyan ko sa lupa. Sa sobrang bagal nito ay gusto ko nang tumalon upang habulin ang nobyo kong tila may iba nang mundo. Ang nobyo kong tila hindi nawala sa Palawan. Ang nobyo kong masayang namamasyal sa Maynila.

Nang ako ay makababa ay siya namang pagsakay nila Adam sa Roller Coaster. Humarurot ako ng takbo. Tila mabangga ko na ang lahat ng tao sa daanan sa sobrang pagmamadali ko. Ang hoodie sa aking ulo ay kusa nang bumagsak. Ang mga luha ko ay lumilipad sa hangin kasabay ng aking pagharurot.

"Adam!" muli kong sigaw. Napatingin sa akin ang lahat ng tao. Nilingon ako ng lahat. Lahat maliban sa kanya.

Mabilis na umandar ang kanilang sinasakyan. Muli kong napansin ang riles nitong kumplikado. Mga pataas at pababang maaring magdulot ng kakaibang pakiramdam sa mga nakasakay rito.

"Kakaibang pakiramdam." Muli kong naalala ang kakaiba niyang kakayahan. Hindi siya puwede sa ganitong lugar. Lalong-lalo na sa kanyang sinasakyan dahil maari siyang maglaho sa oras na siya ay kabahan.

Agad akong nagtungo sa bilihan ng mga souvenirs. Binili ko agad ang una kong nakitang mga damit at hindi na hinintay ang aking sukli. Mabilis akong bumalik sa tapat ng Roller Coaster habang nakasakay pa rin siya. Nanginginig ako habang pinagmamasdan ko siyang mabuti. Ang kanyang katawan na maaring maglaho sa mga sandaling iyon. Umikot-ikot sila sa ere habang nakataas ang kanyang mga kamay. Naririnig ko ang kanilang mga masasayang sigaw habang bumubulusok ang kanilang sinasakyan. Nakita ko kung paano siya magdiwang habang unti-unting bumabalik ang kanilang tren sa pinaggalingan nito.

Ako ay natauhan. Napirmi sa aking kinasasadlakan. Sa unang pagkakataon, naranasan niyang sumakay ng Roller Coaster na walang kakaibang nangyari.

"Hindi siya naglaho."

Tinangka ko siyang lapitan habang dala pa rin ang aking mga pinamili. Ngunit ang paa kong kanina ay parang bata kung tumakbo, sa akin ay naging traydor. Nakapako ako sa aking puwesto habang pinanood ko silang sumakay sa susunod na atraksyon.

Sinubukan kong lumapit. Nakaupo sila sa tinatawag na 'Viking'. Isang malaking barko na nakasuspinde sa isang malaking poste. Sa dulo ang kanilang upuan habang mabilis silang dinuduyan sa hangin. Pinanood ko siyang sumigaw habang ang kanyang magandang buhok ay umaalon sa bawat pagtaas at pagbaba nila. Ang kanyang mga tawa habang tuwang-tuwa sa kakaibang karanasan. Kulang na lang ay bumalikwas sila dahil sa taas ng kanilang napupuntahan. Ang ilang taong nakasakay ay nag-iiyakan na dahil sa takot. Ang iba ay nagtitilian. Ang lahat ay kinakabahan maliban sa binatang nakataas ang kamay at tumatawa sa kanyang nararanasan.

Binaba ko ang aking kamay. Nakasayad na sa lupa ang mga damit na dala ko.

"Muli ay hindi siya naglaho."

Ilang segundo akong tulala. Pumunta ako sa sulok upang mas maigi ko siyang mapagmasdan. Ang mga pamilyar niyang reaksyon. Ang kakaiba niyang tawa. Higit sa lahat ang mga titig niya sa dalagang kasama niya. Mabilis akong napatakbo sa kanilang puwesto nang mapansin ko ang sunod nilang balak sakyan. 'Frisbee' ang tawag nila roon. Mas malala pa sa Roller Coaster at Viking na nauna nilang sinubukan. Ang hugis plato nitong upuan ay iitsa ang mga sakay patungo sa langit. Para kang nakasakay sa literal na frisbee habang lumilipad sa iba't ibang direksyon habang umiikot. Ang ilan sa sapatos ng mga nakasakay ay nagliliparan sa hangin dahil sa sobrang bilis nito.

Hindi na ako nagdalawang isip. Hindi ako nakipagsapalaran. Kung kinaya niya ang dalawang nauna ay sigurado akong maglalaho na siya sa susunod nilang sasakyan. Ngunit traydor nga ang aking mga hita. Sa aking kinatatayuan ay nanatili akong nanonood. May kakaibang boses sa aking isipan na nagsasabing huwag akong kumilos. Gumana ang kuryosidad ko sa susunod na mangyayari sa kanya.

Pinanood ko kung paano siya iselyado ng tagapamahala sa kanyang kinauupuan. Pinagdasal ko na sana ay maigi ang pagkakahigpit sa kanyang seatbelt upang hindi siya mapahamak. Nagsimula silang umandar. Initsa sila ng parang turumpo sa hangin. Paikot-ikot na parang sarangola sa gitna ng bagyo. Bagamat mabilis ay kitang-kita ko si Adam na tuwang-tuwa sa kinauupuan nito. Ang buhok niyang umaalon habang mahigpit ang kanyang pagkakahawk sa mga bakal. Hindi gaya ng Ferris Wheel sa Bayan ng Alitaptap na mabilis siyang naglaho sa simpleng brown out, dito ay nagagawa niyang magpakasaya.

"Magpakasaya na parang normal na tao."

Ligtas siyang nakababa sa kanilang sinakyan. Tumatawa pa ito habang kaakap ang kasama niya. Kahit na may sikip sa aking dibdib, may kahalong tuwa naman sa aking puso. Sa unang pagkakataon ay para na siyang karaniwang tao. Masayang nabubuhay. Malayo sa panganib.

"Siguro mas ayos na ang ganito," bulong ko. Dala ang damit na aking hawak ay marahan akong tumalikod. Ipinandong kong muli ang aking hood. Nagtungo ako patungo sa bilihan ng souvenirs upang ibalik ang mga pinamili ko.

Ilang minuto pa ay tulala na akong naglalakad. Ang mga mata ko ay basang-basa ng luha mula sa tuwa na muli siyang makita. Ang bibig ko ay pinipigilan ang mga paghikbi nito habang para akong sundalong nagmamartsa sa gitna ng maraming tao.

Natagpuan ko ang aking sarili sa gilid ng ng unang palaruang napuntahan ko. May mga bata pa ring tinatangkang kunin ang premyong Teddy Bear na may gintong laso. Ilang minuto akong nakatitig.

"Bata amin na. Ako ang titira para mapanalunan mo," sabi ng pamilyar na boses sa kabilang dulo ng tindahan.

Nakita ko nakatayong mag-isa si Adam. Tinutulungan niya ang bata na mapanalunan ang premyo. Gaya ng binatang madaling makagaanan ng batang ako sa ilalim ng punong Narra, sadyang may kakaibang karisma si Adam. Madaling mapalapit sa kanya ang mga batang kanyang nakikisalamuha. Pinanood ko kung paano niya mapanalunan ang premyo. Kinuha ng may-ari ito at inabot sa kanya.

"Oh, ayan na. Ang galing ni Kuya, hindi ba?" tumatawa tanong ni Adam sa bata. Nakayuko siya habang inaabot ang ulo nito. Hinaplos niya ang buhok ng batang kaharap niya. Ang ngiti sa kanya mukha ay mabilis na naglaho. Tila may bigla siyang naalala.

Unti-unti niyang itinaas ang kanyang mukha patungo sa direksyon ko. Pag-angat ng kanyang ulo ay napatitig siya sa akin. Nagtama ang aming mga tingin. Kaytagal kong hindi nakita ang ang kanyang mga matang tila kumikislap na sapiro.

"Mas bughaw pa kaysa sa lahat ng dagat na napuntahan ko."

Hindi ako makakilos. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig. Tila tumigil sa pagproseso ng hangin ang aking mga baga.

Nagsimulang umawit ang kantang "Only Love Can Hurt Like This" ni Faloma Faith sa speaker ng Amusement Park. Tumatagos ang mga linya ng awit sa aking puso kahit nangingibabaw ang ingay ng maraming tao. Kasabay ng pag-awit ng chorus ng kanta sa speaker ay ang pagpipigil ng aking bibig. Pinigilan kong lumuha. Pinigilan kong humagulgol. Pinigilan kong isigaw ang kanyang pangalan.

"You are the trigger, Noah." Muling imikot ang mga katagang iyon sa aking isipan.

Nakatitig si Adam sa akin na tila hinuhulaan kung sino ako. Ang kulay tanso kong buhok ay nakatago sa ilalim ng hoodie na aking suot. Patuloy lang ang pagdagsa ng mga tao sa pagitan naming dalawa. Ramdam ko sa kanyang titig na sinusbukuan niyang isipin kung sino ang binata na nakatingin sa kanya.

"Ark, tara na," yaya ng babaeng kanyang kasama. Mabilis na nilingkisan nito ang kanyang braso. Napatingin si Adam sa kanya.

"Teka lang, parang-" saad ni Adam. Ngunit paglingon muli nito sa puwesto ko ay wala na ako. Sinubukan niya akong hanapin sa likod ng mga rumaragasang tao ngunit mabilis na akong tumakbo palayo.

Palayo sa kanyang paningin.

Palayo sa kanyang ala-ala.

Palayo sa buhay niya.

***

Mukha akong basang sisiw na naglalakad papasok ng opisina. Handa na akong bitawan ang huling bagay na magpapaalala sa akin sa kanya. Sa daan malapit sa aming gusali ay may isang mamang namamalimos. Napakagusgusin nito at may hawak na basong gawa sa plastic. Nakasuot siya ng itim na pandong habang may bakas pa ng putik sa kanyang balat.

Yumuko ako sa kanyang puwesto at hinulog ko sa kayang baso ang hawak kong kuwintas.

"Kayo na po ang bahala riyan," sabi ko sa pulubi. Walang panghihinayang sa aking boses dahil buo na ang aking pasya. "Isanla niyo po para magkapera kayo."

Bagamat hindi ko nakita ang kanyang mukha ay alam kong tuwang-tuwa siya sa limos na ibinigay ko. Mabilis nitong itinago ang kuwintas habang nanginginig pa ang kanyang mga braso.

I fixed myself.

Ilang minuto pa ay nasa loob na ako ng lobby ng aming opisina. Ang aking buhok ay maayos na nakasuklay. Ang mukha ko ay bagong ahit. Maging ang amoy ko ay mabango na.

"How are you, Noah?" tanong ni Regina na kasunod ko lamang na pumasok sa entrada. Sinuklian ko siya ng matamis na ngiti. Klinaro ko ang aking lalamunan bago ako tumugon.

"I've never been better," pagsisinungaling ko. Pagsisinungaling na hindi para sa aking sarili ngunit para sa taong mahal ko.

I will do anything for him. Kahit ang hindi na niya ako makilala. Kahit ang hindi na niya makilala ang batang ako. Gagawin ko ang lahat para sa ikaliligtas ng mahal ko. Kahit magbago pa ang kuwento namin. If leaving him would save him, I would embrace that. Kahit na makaapekto ito sa tadhana naming dalawa. Para sa maayos at ligtas na buhay ni Ark, I would do anything. Even if my decisions will rewrite the stars.

***
End of Book 3

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb