Chapter 21: Ark

꧁༒༺🦉༻༒꧂

Year: 2018, Milan, Italy (Future)

"Ce n'è un altro qui! (May isa pa rito!)" sigaw ng isang Italianong Paramedic. Sa pinangyarihan ng aksidente, makikita ang tumaob na truck at ang nayupi nitong kotse sa gitna ng kalsada. Nababalot ang paligid ng hamog at tanging bughaw at pulang ilaw ang makikita mula sa dalawang ambulansya.

Bumalik si Adam sa lugar na tinalunan nito nang maglaho siya sa gondola. Nakabulagta si Adam sa gitna ng highway. Tanging alikabok ang nakabalot sa hubad nitong katawan. Hindi kalayuan sa kanya ay ang truck na minsang iniwasan siya sa loob ng makapal na hamog. May napakapulang dugo na nagmumula sa kanyang ulo at puro galos ang kanyang mukha mula sa kanyang paghambalos sa malaking bato sa bangin. Wala itong malay habang nagkakagulo ang lahat sa lokasyon ng banggaan. Marahan siyang inilagay sa isang stretcher habang iniiangatan ang kanyang leeg.

Sa harap ni Adam ay ang truck na kung saan ang nagmamaneho ay natagpuang patay na. Isang metro mula sa kanyang kanan ay ang isang mamahaling kotse. Nakasindi pa ang headlight nito habang ang mga paramedic ay natulong-tulong upang iligtas ang mga pasahero.

Ang dugong naiwan mula sa ulo ni Adam ay gumagapang patungo sa kalapit na kotse. Nakatagilid ang naturang sasakyan habang may isang kamay na nakalabas sa basag-basag na bintana. Ang dugo ni Adam ay tila nakaturo sa kamay ng isang malamig na bangkay. Labi ng isang binatang mahigpit ang pagkakayap sa isa pang pasahero sa loob.

Dinala si Adam ng mga Paramedic malapit sa ambulansya. Nang masiguradong napigilan na ang pagdurugo nito ay muling bumalik ang mga tao sa iba pang biktima ng aksidente. Iniwan ng mga Paramedic si Adam upang pagtulungang iligtas ang dalawang tao sa loob ng kotse.

"Fretta! (Bilis!)" bulyaw ng kanilang pinuno. Hindi ito magkanda mayaw na iligtas ang dalawang tao sa loob. Nakatitig ito sa dalawang sikat na musikero na naipit sa nayuping sasakyan. Ang isa ay nagdurugo ang mga mata habang ang isa ay nakangiti lamang. Ngiti ng isang taong namayapa. Ngiti ng isang kuyang isinakripisyo ang kanyang sarili para sa kapatid. Ngiti ng taong may panghihinayang ngunit piniling isakripisyo ang kanyang sarili.

"Qualcuno ha chiamato Lucas Tramonto? (Did anyone already notified Lucas Tramonto?)" tanong ng isa pang Paramedic habang hinahanap numero ng ama ng mga biktima.

Samantala, abala naman ang iba pa sa paghahanap ng maaring naiwang gamit ni Adam. Hindi nila matukoy kung bakit wala itong suot na kahit na ano o pitaka man lang na naglalaman ng kahit impormasyon tungkol sa kanya.

Sa kalagitnaan ng kaguluhan ay naiwang mag-isa si Adam sa likod ng ambulansya. Nababalot pa rin ng hamog ang buong paligid. Ang bilog na liwanag sa langit ay humahalik na sa kanluran. HIndi kalayuan kay Adam ay ang isang puno. Sa taas ay isang kuwago na matiyaga siyang pinagmamasdan. Panay ang kampas ng pakpak nito na tila tinataboy ang hamog na bumabalot sa lumalamig na katawan ni Adam.

Gaya ng madilim na gabi. Lumulutang ang diwa ni Adam sa kawalan. Nakaupo ito sa madilim na kalawak. Tulala at walang ideya sa nangyayari sa kasalukuyan.

"Dov'è? (Nasaan na ang isa?)" tanong ng isa pang Paramedic nang balikan nito si Adam. Tanging bakanteng stretcher na lamang nadatnan nito sa likod ng ambulansya.

***

꧁༒༺🦉༻༒꧂

Year: 1992, Finland

"Abe! Huwag mo nang hanapin. Baka nakalayo na," kinakabahang sabi ni Tina. Hindi ito mapakali sa kanyang pinagtataguan. Muli siyang napatingin sa lamesang pinaglagyan niya ng kanyang Nokia phone at ang unti-unting natutoyong bakas ng mga basang paa sa loob ng bahay.

Ang loob ng bahay ay amoy champorado. Naiwang nakahain sa lamesa ang kanilang pagkain. May mga bakas pa ng nyebe mula sa harapan ng bahay kung saan naglaro at gumawa ng snow angel ang kanyang mag-ama.

"Huwag kang maingay, baka nandito pa ang magnanakaw," pagsaway ni Abe. Hawak pa rin nito ang kanyang shotgun habang marahang sinusuyod ang butas sa ibabaw ng nagyeyelong lawa.

Hindi ito mapakali dahil walang maaring pagtaguan ang sino mang manlolob sa kanila. Kung nasa ilalim man ito ng tubig, hindi nito kakayaning pigilan ang paghinga nang ganoon katagal. Ikinalat ni Abemuli ang kanyang mata sa paligid. Wala itong makita maliban sa magandang tanawing nababalot ng puti na may kaunting lunian.

Si Tina na nagtatago sa hagdan ay nagsimula nang mainip. Habang bitibit pa rin ang anak nito ay marahan siyang natungo sa kuwarto upang subukang tumawag ng pulis. Tumatawa lamang ang anak niya dahil sa mahina niyang pagkilos. Akala nito ay naglalaro silang dalawa ng taguan habang naiiwan ang kanyang ama sa labas.

"Shh! Adam. Huwag kang maingay, baka nandito pa sa loob ang magnanakaw," bulong ni Tina. Hindi ito mapakali. Tila may tumatawag sa kanyang pangalan upang pumasok sa loob ng kuwarto.

Kinakabahan rin ito habang ang kanyang asawa ay naiwan sa labas. Malapit sa ilalim ng hagdan na kanyang pinagtataguan ay ang kanilang kuwarto. Pinihit pabukas ni Tina ang pinto habang nakatitig pa rin sa labas.

"Dadam!" saad ng anak nito na tumatawa habang nakatitig sa loob ng silid.

"Ah!" Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Tina. Tumambad sa kanya ang duguang katawan ng binatang Adam. Puno ng sugat ang katawan nito at tadtad ng gasgas ang mukha. Tumakbo si Tina palabas ng pinto habang tinatakpan ang mata ng batang dala niya.

Mula sa pagkakayuko sa nagyeyelong lawa ay napabalikwas si Abe dahil sa ingay sa loob. Madapa-dapa pa ito sa pagtakbo papunta sa bahay. Hindi ito nagdalawang isip na iwan ang butas sa lawa upang saklolohan ang kanyang mag-ina. Nagtatalsikan ang mga niyebe sa kanyang bota sa kanyang pagharurot papasok ng bahay.

"Oh? Nandito ba?" tanong ni Abe. Hinihingal pa ito. Ang lamig mula sa labas ay sumabay sa kanyang pagpasok. Lamig na hindi inaasahan gaya ng binatang nakabulagta sa loob ng kuwarto.

"May tao sa loob ng kuwarto!" bulalas ni Tina. Nanginginig pa ito dahil sa nakita niyang nagkalat na dugo.

Unang itinutok ni Abe ang baril sa loob. "Älä liiku tai ammun! (Huwag kang kikilos o babarilin kita!)"

Muling sumilip si Tina. Pinagmasdan nito ang binatang walang malay. Ang kulay kahoy nitong buhok at ang maamo nitong pilik mata. May sumisigaw sa kanyang puso na tila tumatawag sa kanya upang lumapit dito.

"Teka lang, he looks familiar!" singit ni Tina mula sa likod ni Abe. Hinawi nito pababa ang baril habang pinagmamasdang mabuti ang binata sa kama.

Gaya ng gabi, pinangunahan si Tina ng lungot higit pa sa takot para sa estranghero. Tilang madilim na gabi ay nais niyang ikubli ito at saklolohan. Isang binatang walang saplot at puro latay ang katawan.

Nang wala silang marinig na tunog sa loob ay marahang pumasok si Abe. Natagpuan nito ang nakadapang si Adam sa kama. May dugo sa ulo nito at ang katawan ay puro latay. Ang mukha nito ay puro galos.

Marahan siyang nilapitan ni Abe habang nakasunod si Tina.

"Should I call Claude?" tanong ni Tina. May hawak na itong telepono habang mahigpit pa rin ang kapit sa anak nito.

"Teka lang," sagot ni Abe. Nang mapansing walang malay ang estranghero ay itinabi niya ang kanyang baril. Dahan-dahan siyang lumapit upang pulsuhan ang binata. "Tina, call an Ambulance!"

***

Nakaupo si Tina sa gilid ng kama sa isang ospital. Nasa loob sila ng isang private room habang nakatitig sa binatang wala pa ring malay. Sa paanan ng kama ay nakaupo ang kanyang anak na naglalaro ng teddy bear. Mula nang maobserbahan niya ang binata ito sa loob ng kuwarto ay hindi na mawala ang pakiramdam na sumisigaw sa kanyang puso. Isang bagay na nag-uutos sa kanyang tulunungan ito.

Nakumbinsi nito si Abe na pagamutin ang estranghero at nagprisinta si Tina na bantayan ito sa ospital. Pinipilit pagmasdan ni Tina ang nakapikit na binata. Hindi niya magawang mamukhaan ito dahil sa mga bendaheng nakabalot sa kanyang mukha. Sa gilid ng kama ay mga monitor na maaaring mag-alarm kung may mangyaring kakaiba sa pasyente.

Panay ang buntonghininga ni Tina. Hindi nito maunawan ang kakaibang awa para sa binatang nasa kanyang harapan. May mga naghilom nang galos sa katawan nito at mas nakakahinga na ito nang maayos hindi gaya noong una nila itong matagpuan.

Apat na oras sa isang araw lagi ang inilalaan ni Tina sa ospital upang bantayan ito. Sa gilid ng kama ay mga prutas at bulaklak na kanyang dinadala araw-araw kung sakaling magising ang estranghero. Napansin ni Tina na nilalaro ng anak niya ang daliri sa paa ng binatang natutulog.

"Shh! Adam, huwag kang malikot. Behave ka lang diyan," paalala ni Tina.

Ngunit hindi siya pinansin ng anak nito. Tumayo si Tina upang buhatin ang kanyang anak sa paanan ng kama. Nang kunin na niya ito ay nagsimulang tumunog ang monitor. Para siyang nakanginga nang maluwag nang makitang unti-unti nang gumigising ang kanyang pasyente.

"Hey! Are you okay?" tanong ni Tina. Umaapaw sa galak ito upang mausisa ang pamilyar na estranghero. Marami siyang hinandang katanungan para sa na binata.

Napangiti si Adam sa pamilyar na tanong ngunit medyo masakit pa rin ang kanyang ulo. Nang makabuwelo ay marahan niyang naimulat ang kanyang mga mata at nakita ang babaeng may hawak na bata.

"Do you speak English? Finnish?" tanong muli ni Tina. Bilgang nagpumilit ang karga nitong bata na pumunta sa kama. "Anak, dito ka lang."

"Tagalog po," sagot ng nahihilong si Adam. Pinipilit niyang gumalaw ngunit tila umiikot ang buong silid.

Mabilis na kumurba pataas ang mga labi ni Tina nang magsalita ng Tagalog ang kausap nito. Nakatitig siya sa mga bughaw na mata ng binata ngunit hindi pa rin niya matukoy kung bakit pamilyar ito.

"Anim na buwan ka nang tulog," saad ni Tina. Nagsimulang tumawa ang bitbit nitong bata habang nakatitig sa binatilyo. " Ang daming nawalang dugo sa iyo. Buti na lang same kayo ng blood type ng asawa ko. Taga saan ka ba? Wala ka kasing damit at ibang gamit. Hindi mahanap ng asawa ko ang mga kamag-anak mo."

Tinangkang alalahanin ni Adam ang lahat. Pinikit niya ang kanyang mga mata upang subukang sagutin ang mga tanong ng babae sa kanyang harapan.

Ngunit blanko. Gaya ng gabing walang bituin. Gaya ng gabing nakabalot sa kalawakan. Gaya ng diwa niyang tulala sa kadiliman, wala siyang maalala.

"Hindi ko po alam, hindi ko po matandaan," magalang na sagot ni Adam. Kumirot ang ulo nito sa pagtatangkang alalahanin ang lahat.

"Kahit pangalan mo? Para sana mahanap natin ang mga magulang mo?" tanong ni Tina.

Ang puso ng tao ay may sariling pag-iisip. Bagamat nakalimot ang utak, may nakatagong alaala sa damdaming sumisigaw ng pag-ibig.

Ilang segundong tulala si Adam habang may pamilyar na malambig na tinig na bumubulong sa kanyang blankong isipan. Tinig ng isang taong tumatawag mula sa malayong liwanag habang ang kanyang diwa ay nakayuko sa madilim na kalawakan.

"A... Kumain ka na ba?"
"A... Ito na ang damit mo."
"A... Are you okay?"

Sinubukan niyang muling alalahanin ang kanyang pangalan mula sa mahinang boses na kumikislap mula sa malayong liwanag.

"A... Hindi ako papayag na habang buhay kang mag-isa." Ito ang kanyang huling narinig bago tuluyang maglaho ang maamong tinig.

"Aaa.. aaa," bulalas ng batang dala ni Tina. Naglalaway pa ito habang pinipilit magsalita.

"Aaa..." Tinatangka ni Adam na alalahanin.

Bagamat naghilom na ang kanyang sugat ay hindi pa nakakabalik ang memorya nito. Muli siyang napapikit at pinilit na buksan ang liwanag na na may kahalong boses. Inilaan niya ang kanyang buong lakas sa pagalaala. Tila binubuksan niya ang kadiliman gamit ang buo niyang puwersa. Nang muling masulyapan ang maaliwalas na liwanag ay tila nakita ni Adam ang pamilyar na ngiti. Ngiti na may dalawang butas sa pisngi.

"Ark," sambit ng maamong boses. Sa isang iglap ay agad itong naglaho sa karimlan.

Sa kanyang pagmulat ay may dala na siyang isang salita. Isang salitang naglalaman ng magagandang alaala.

"Ark, iyon po ang natatandaan ko," sagot ni Adam. Napapikit ito dahil sumakit ang kanyang ulo. "Maliban po roon ay wala na akong maalala."

"Sige, Ark. Tatawagin lang namin ang nurse, ah. Higa ka lang diyan," paalam ni Tina.

Tila bumagal ang oras. Pinagmasdan ni Adam ang pamilyar na buhok ng mabuting babae. Kung paano ito maglakad nang marahan kasama ang batang bitbit nito. Hindi niya maalala ngunit may kakaibang kirot sa puso ni Adam. Ang pamilyar na mukha ni Tina, ang kakaibang amoy nito, at higit sa lahat, ang malambing nitong boses.

Habang nakahiga ay nakaramdam ng basa si Adam sa kanyang pisngi. Hindi niya napansin na umaagos na ang kanyang mga luha habang pinipilit tukuyin ang kumausap sa kanya. Gaya ng madilim na gabi, wala siyang maalala. Walang maalala kung sino siya, saan siya nagmula, maging ang pangalan ng binatang kanyang sinisinta.

"Ark?" pagtataka ni Tina pagbalik nito. Tanging bakanteng kama ang kanyang nadatnan habang malakas ang tunog ng monitor sa gilid. Ang mga bendaheng nakabalot sa mukha ng binata ay naiwan sa ibabaw ng unang basa ng luha.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb