Chapter 20: Onnettomuus

Year: 2013, Palawan (Present)

Noah's POV

Ilang buwan na akong nag-iisip kung paano sosolusyunan ang aking problema. Bantayan ko man siya 24/7 o kahit LDR, maglalaho at maglalaho pa rin Adam. Hanggat konektado ako sa kanya, mayroon siyang trigger. Gumuho ang mundo ko nang mapatunayan ko ito. Buong buhay ko, akala ko ay ako ang tagasalubong sa kanya. Ang taong sisiguraduhing siya ay palaging ligtas. Hindi ko inakala ako rin pala ang laging tagahatid. Ang taong maghahatid sa kanya sa panganib.

Napatingin ako sa malaking salamin sa kisame ng lumang kuwarto. Nakahiga kami sa silid ng Nanay ni Adam kung saan kami ay natutulog. Maririnig ang mahinang paghilik ng aking kasintahan. Marahan kong hinahaplos ang kanyang likod habang nakaunan ang kanyang ulo sa aking dibdib. Ang mga matikas niyang braso ay nakabalot sa aking tiyan at ang mga paa niya ay nalingkis sa aking kaliwang hita. Para siyang bata na ayaw humiwalay sa paborito nitong manika.

Nakatitig ako sa repleksyon naming dalawa sa kisame habang may maliit na gamugamong lumilipad patungo sa lampara sa lamesa. Kasabay ng huni ng mga kuliglig at awit ng mga palaka ang paghilik ng nobyo kong nakakaawa. Nakakaawa dahil tila pinaglalaruan ni Bathala.

"Oh, tadhana. Bakit sa lahat ng taong pinili mo, bakit si Adam pa?" pagluksa ko habang pinag-iisipang mabuti ang susunod kong gagawin.

Patuloy ako sa pagkausap sa aking sarili sa salamin habang hindi alam kung anong landas ang dapat kong tahakin. Nangako ako noon kay Adam hindi ko na siya muling iiwan. Sa gitna ng mga estudyanteng nagsasayawan sa Saturnino, niyakap ko siya ng mahigpit habang binibigay ang mga pangako ko.

"Paano ko ba pipigilan ang mga pagtalon mo Adam?" bulong ko. Ang utak ko ay tila naiipit sa pagitan ng dalawang sementadong pader.

Gaya ng pagkumpas ng apoy sa lampara, ganoon din kapusok ang bawat pagaypay ng mariposang lumalapit rito. Buti pa ang gamugamo, matapang at desidido. Kahit ikakapahamak nito ay handa siyang sumulong sa apoy. Hindi gaya ng puso kong duwag na parang alikabok na sumasayaw sa hangin kung saan man ako dalhin nito.

"Paano ko pipigilan kung iyon ang mga itinakda ng tadhana?" dagdag ko.

Nagsimulang lumuha ang aking mga mata habang marahang sumayad ang apoy sa pakpak ng mariposa. Sa loob ng kuwarto ay mabilis itong nagliyab. Nagliyap na parang papel na nababalot ng langis. Gaya ng posporo ay mabilis rin itong naupos. Naupos na gaya ko. Ako na isa lamang kabanata sa buhay ng taong mahal ko.

"Napakadaya mo tadhana." Itinakip ko ang isa kong kamay sa aking bibig upang pigilan ang aking mga hagulgol. "Paano ko pa pipigilan ang mga bagay na itinakda? Wala akong kalaban-laban sa mga pagtalon ng aking kasintahan na kailangan upang ako'y kanyang makilala."

Nakatitig muli ako sa salamin. Ngunit ngayon ay hindi na sa amin ni Adam kundi sa nanigas na gamugamo sa sahig. Sa una, ito ay kulay itim hanggang sa matuyo at naging abo. Kasabay ng pag-ihip ng hangin sa bintana, kusa itong naglaho na parang alikabok papunta sa kalawakan.

Naalala ko ang unang pagkakataong ganito kabigat ang aking pasanin. Ilang araw akong umiiyak kakaisip kung paano siya hihiwalayan sa Saturnino. Minsan na rin akong nagluksa ng ganito noon JS Prom sa Saturnino.

"Sa Saturnino-" bulong ko.

Napansin ko ang aking journal sa tabi ng lampara. Nilakasan ko ang aking loob. Hinalikan ko ang noo ng aking nobyo bago ako nagsimulang gumalaw. Inalis ko ang pagkakayakap sa akin ni Adam at marahang umupo sa gilid ng kama.

"Minsan matutulungan mo ang sarili mo kung tutulungan mo ang iba." Sa sitwasyon ko, kailangan kong tulungan ang batang bersyon kong umiiyak sa JS Prom noong 2006. Hindi ko man alam ang dapat gawin sa sarili kong problema, alam ko naman kung paano sosolusyunan ang sa kanya.

Kinuha ko ang pinakamatinta kong ballpen at pinili ang pinakamagandang pahina sa bandang likuran. Nagsimula akong magsulat sa journal ng mga bagay na dadalhin ni Adam pabalik sa nakaraan balang araw.

"Dear young Noah of 2006-" pasimula ko.

Nakangiti ako habang inaalala ang tatlong bagay noon na nais kong itanong sa aking sarili rito sa hinaharap. Mga bagay na alam ko na ang kasagutan ngayon. Nawa ay ang sarili ko mula sa mas malayong hinaharap ay maghatid rin sa akin ng mensahe gaya ng ginagawa ko sa mga oras na ito. Ilang minutong napukaw ang aking mga iniisip habang nagsusulat. Para akong nasa sariling mundo habang kinakausap ang batang bersyon ko. Ang batang Noah na may sariling agam-agam. Ang batang Noah na hindi alam paano lumabas ng aparador at harapin ang mundo.

Sa saglit kong paglikha ng liham ay nalimutan ko ang aking mga pasanin. Kahit saglit lang, nakalimutan ko ang lahat.

"Para sa batang ako, magpatuloy ka. Kailangan kita rito.-Noah from 2013," pagtatapos ko. Isinarado ko ang journal at huminga nang malalim. Kasing lalim ng dagat na walang kasiguraduhan. "Oh young Noah, I wish I was strong as you. Kailangang-kailangan kita rito ngayon, batang Apple."

***

Nag-iimpake na ako ng gamit at handang bumalik sa Maynila. Matapos ang mahabang gabi ay napagpasyahan kong iwan si Adam sa Baryo Alitaptap. Sa ganoong paraan ay mawawala ako sa tabi niya. Hindi rin gaanong kalakas ang signal dito upang lagi niya akong matawagan. Maari ko ring hindi sagutin ang kanyang mga tawag kung kinakailangan.

Madaling araw pa nang ako ay lumabas. Sinigurado kong tulog pa ang lahat habang papunta ako sa estasyon ng bus. Sumisilip na ang haring araw sa silangan nang dumating ang sasakyan na walang laman. Tila iisang bus lang ang bumabyahe sa lugar na iyon dahil ito rin ang aming sinakyan noong kami ay dumating dito.

Pagsakay ko ng bus ay may sampung minuto rin itong naghintay. Nakahinga ako nang maluwag kahit papano dahil maayos naman ang kasalukyang takbo ng aking mga plano. Iiwan ko ang aking nobyo at magiging ligtas siya sa piling ng mga taong nagmamahal sa kanya. Nang ako lamang talaga ang pasahero ay nagsimula na umandar ang bus.

"Teka lang!" sigaw ng pamilyar na boses na hinihingal. Malalim ngunit may punto dahil sa bansang kanyang pinagmulan.

Napalingon ako sa labas at ang mukha kong payapa ay biglang nagimbal. Ang desisyon na matagal kong pinagplanuhan ay gumuho na parang gusali. Mabilis na umakyat pasakay ang aking nobyo kahit nakapambahay lamang ito. Dala ang kanyang maleta at gulu-gulo pa ang buhok na halatang bagong gising.

"Takte ka, Noah! Iiwan mo ako?" naiinis na tanong ni Adam. Hinahabol nito ang kanyang hininga habang magkasalubong ang makakapal niyang kilay.

"Kailangan ko na kasing bumalik sa Maynila para sa biglaang trabaho. Sasabihan sana kita kaso ang sarap ng tulog mo," pagsisinungaling ko.

Ang kaba sa aking dibdib ay walang mapaglagyan. Panay ang tingin ko sa kaliwa't kanan, naghahanap ng maaring maging dahilan ng bigla niyang pagtalon sa nakaraan. Nakaupo ako malapit sa pintuan. Agad akong pinaruong ni Adam at pinagsiksikan ang malaki nitong katawan. Nagsimula nang umandar muli ang sasakyan.

"Adik ka rin eh, no. Iiwan mo ako doon tapos mukha lang ni Perlita lagi kong makikita. Huwag na uy!" bulalas ng aking nobyo. Nagsimulang pumatag ang kanyang kilay habang natatawa sa kanyang mga sinasabi.

"Akala ko ba gusto mong mas ma-enjoy ang pinagmulan ng Nanay mo? Mukha kasing masayang-masaya ka naman, eh," giit ko. Naalala ko ang kanyang mga ngiti sa tuwing nagkukuwento ang kanyang Lola at Tiyo tungkol sa Nanay Tina niya. Gayundin ang mga hagalpak ni Adam tuwing kalaro sa hardin ang tatlong maliliit niyang pinsan.

"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo, Apple! Ikaw lang ang gusto kong kasama. Ano ka ba?" bulalas ni Adam. Naiirita ito habang inaayos ang sintas ng kanyang sapatos. Naglabas siya ng suklay upang pantayin ang kanyang buhok. "Ano ba naman iyan? Hindi tuloy ako nakapagpaalam nang maayos kanina!"

"Sabi naman kasi sa 'yo, dapat naiwan ka na," tugon ko. Nagsisimula na akong mainis dahil sa pagkawasak ng aking mga plano.

"Tsk, nagsabi naman ako kay Tito Tope. Nagkataon na sabay kaming nagising. Sabi ko emergency," paliwanag ni Adam habang tumatawa.

Nang matapos mag-ayos ay isinandal niyang muli ang kanyang ulo sa aking balikat upang ipagpatuloy ang naudlot niyang tulog. Hindi naman mawala ang kunot sa aking noo habang pinagmamasdan ang nobyo kong nakalinkis sa aking braso.

***

Naalimpungatan ako sa mabilis na takbo ng bus. Pagtingin ko sa aking relo ay nasa dalawang oras na ang lumipas mula sa Baryo Alitaptap ngunit kaming dalawa pa rin ni Adam ang pasahero.

Matagtag ang sasakyan. Binabaybay namin ang talampas katabi ng matarik na bangin. Dito rin kami dumaan noong pumunta kami sa bahay nila Adam. Nagsimula akong magtaka. Dulong estasyon kasi ang sinakyan ko ngunit wala man lang ni isang pasaherong sumakay.

"Kuya Driver!" sigaw ko. May kakaiba na akong nararamdaman. Hindi na ako mapakali. "Kuya, bakit ang bilis po ng takbo ninyo?"

Napansin ko sa rearview mirror ang itsura ng nagmamaneho. Tumatagaktak ang pawis nito habang pinipilit ituon ang kanyang atensyon sa kanyang ginagawa.

"Kuya!" muling kong sigaw na gumising sa nahihimbing kong nobyo.

"Bakit?" usisa ni Adam.

"Sir pasensya na, nawalan tayo ng preno pagdating natin sa gilid ng bundok. Naghahanap lang ako ng puwede nating tamaan. Kumapit lang po kayo," bulalas ng driver.

Gumegewang na ang sasakyan. Sa kurbang daanan ay tila ilang sentimetro na lamang ang layo nito sa bangin. Pareho kaming napakapit ni Adam sa upuan. Tinititigan kong mabuti kung saan kami tatama habang mahigpit ang hawak ko sa aking kasintahan.

"Shit! Noah!" bulyaw ng aking Nobyo. Paglingon ko sa kanya ay unti-unti na siyang naglalaho.

Ang utak ng tao ay mabilis mag-isip sa oras ng panganib. Sa sitwasyon namin ngayon ay naalala ko ang aksidenteng ikinuwento niya noong siya ay paslit pa lamang. Kung paano siya nakaligtas sa aksidente dahil sa pagtalon sa ibang panahon dulot ng kakaiba niyang kakayahan. Naiwan siyang walang galos samatalang wala nang buhay ang kanyang mga magulang nang siya ay matagpuan.

"Sige lang, Adam. Mag time travel ka na!" utos ko. Nakatuon ako sa kanya habang mabilis ang kaba ng dibdib ko.

Hiling ko na lamang ay mapunta siya sa mas ligtas na lugar kaysa sa sinasakyan namin ngayon. Sa kanyang pagbalik, sana ay tumigil na ang aming sinasakyan at ligtas na siyang nakaupong muli.

Hindi sumagot si Adam. Ipinikit nito ang kanyang mga mata. Nakahinga na ako nang maluwag nang magsimulang maglaho ang kamay niya na hawak hawak ko. Muli kong ibinaling ang aking tingin sa bangin na nasa harapan na ng bus.

"Hindi kita iiwan dito!" bulalas ng aking nobyo. Muli akong nagimbal nang maramdaman kong muli ang kamay niyang kanina ay naglalaho.

"Ang kulit mo!" sigaw ko. Ang lahat ng aking lakas ay nasa aking lalamunan. "Maglaho ka na!"

Walang mapaglagyan ang pag-aalala sa aking puso hindi para sa aking kaligtasan kundi para sa taong iniibig ko. Ngunit wala akong magawa, hindi na siya tuluyang naglaho.

"Magtime travel ka na dali!" bulyaw kong muli. Hindi ko inakalang mababangit ko ang mga katagang iyon sa buong buhay ko. Ngunit nakangiti lamang sa akin sa Adam. Mga ngiti ng taong tila sanay na sa ganitong sitwasyon.

Ngiti ng taong nakapagdesisyon na.

"I have an idea," saad ni Adam.

Minsan sa buhay ng tao, makakaramdam tayo ng pagbagal ng oras. Ang sunod na ginawa ni Adam ay isa sa mga iyon. Tuluyan nang nawalan ng kontrol ang nagmamaneho. Hinatak ako ni Adam patayo sa aming upuan. Dinala niya ako papunta sa pinto habang ang bus ay patungo na sa bangin. Napalingon ako sa labas at nakita ko ang malaking bato na naghihintay sa amin kung sakaling kami ay tatalon. Kasunod ng bato ay makapal na gupat at dagat na ang naghihintay sa ibaba.

Tila naka slow motion ang lahat. Sa pintuan ng bus ay niyakap akong mahigpit ni Adam. Itinalon niya ako palabas bago pa bumulusok pababa ang aming sinasakyan. Umiikot kami sa hangin. Para kaming sumasayaw sa Prom habang magkayakap at nakagtitig sa isa't isa. May mga huni ng ibon, tunog ng alon at saliw ng biyulin.

"Tandaan mo, mahal na mahal kita." Bagamat hindi ko naririnig ang boses ni Adam ay nabasa ako ang galaw ng kanyang mga labi.

Gaya ng reputasyon niya sa paaralan ay sadyang magaling ngang estudyante ang aking nobyo. Ang binatang nagtuturo sa akin sa ilalim ng puno ay siya ring binatang nakaakap sa akin ngayon. Tila kalkulado niya ang lahat. Umiikot kami sa hangin at sinigurado ni Adam na sa likod niya tatama ang malaking bato nang kami ay bumagsak.

"Adam!" sigaw ko.

Kitang kita ko ang pagtama ng kanyang likod at ulo sa malaking bato bago pa siya maglaho. Sa ginawa niyang iyon ay napahina ang paghampas ko sa malaking bagay na pumigil sa aking pagdalusdos. Bagamat hindi ganoon kalakas ay naramdaman ko pa rin ang paghambalos ng aking baga sa bato na siyang nagpasikip sa aking dibdib.

Huli kong nakita ang bus na patungong gubat sa ibaba ng bangin. Sa paligid ay nakita kong nagliparan ang mga naiwang damit ng aking kasintahan.

"Oh, tadhana. Bakit sa lahat ng taong pinili mo, bakit ako pa?" bulong ko bago tuluyang mawalan ng malay.

***

Nakatanggap ng tawag si Tito Claude mula kay Nico. Nasa kalagitnaan siya ng meeting kasama ng mga investors nila sa Finland. Nagulat ang lahat nang bigla itong tumayo at ipinatigil ang kanilang pagpupulong.

"Mitä tapahtui? (What happened?)" tanong ng isa sa mga business partners nito.

"I need to go to the Philippines," bulalas ni Tito Claude. Tila nabuhusan ito ng malamig tubig dahil sa kanyang nalaman. "On tapahtunut onnettomuus (There has been an accident)."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb