Chapter 19: Rule Number Three
Year: 2013, Palawan (Present)
Adam's POV
Natapos ang nakakainis na araw sa flower shop. Alas onse na ng gabi nang muli kaming yayain ng dalawa kong pinsan sa tapat ng Plaza upang mag-inuman. Hindi gaya noong mga simulang araw ng piyesta, wala nang gaanong tao sa perya. Nasa isang sulok kaming apat habang ang tatlong maliliit ko pang pinsan ay nasa palabunutan kasama si Tito Tope.
"So, Noah. Anong lugar na ang mga napuntahan mo?" pag-usisa ng nakakabuwiset na si Perlita. Kung hindi lang babae 'to malamang noon ko pa sinapak. Ayaw tantanan ang nobyo ko. Harap-harapan kung lumandi kala mo wala ako sa paligid.
"Marami na kaming napuntahan," banat ko. Gusto kong ilista sa kanya ang lahat ngunit pinangunahan ako ng kapilyuhan. "Marami na kaming ginawa sa kama, sa banyo, sa sala, sa kotse, sa-"
"Ark!" pagsaway ni Noah at bigla niya akong siniko. Lumolobo ang pisngi nito halatang pinipigilan ang paghagalpak.
Sapat na ang mga sinabi ko para makita ang napipikong reaksyon ni Perlita. Si Sandro naman ay wagas ang ngiti habang pinapanood kami ni Noah.
"I've been to Finland, to Rome at saka ang paborito ko, saan nga ulit iyon sa Italy, Adam?" pagkuwento ni Noah.
"Milan!" bulalas ko. Mabilis kong nilabas ang aking cell phone upang ipakita kay Perlita ang mga larawan namin malapit sa simbahan. Mahamog sa Milan, maraming magagandang tanawin at makasaysayang lugar. Paborito ito ni Noah dahil marami siyang natutunan mula sa Milan. Nagpunta kami roon noong school break ni Noah sa kolehiyo upang kumuha siya ng mga ideya para sa ginagawa niyang thesis sa Architecture.
Iniharap ko kay Perilita ang cellphone ko. Magkadikit sina Perlita ant Sandro habang nakatitig sa larawan namin ni Noah sa screen nito.
"Gusto mo pa ng maraming pictures, Perlita? Sige swipe mo," udyok ko. Walang mapaglagyan ang tuwa ko nang mabilis niya akong sinunod.
"Ah!" tili ni Perlita.
Nang i-swipe niya ang cell phone, tumambad sa kanya ang nakatapis naming larawan ni Noah sa banyo ng isang mamahaling hotel. Panay naman ang tawa ni Sandro sa reakson ng kapatid nito. Tinatakpan ni Perlita ang mga mata niya samatalang kulang nalang ay mapahiga si Sandro sa lupa kakahagalpak.
"Ano ba itong-" Agad na inagaw ni Noah ang cell phone na hawak ko upang usisain. "Abnuy ka talaga, Ark!"
Pareho kaming humahagalpak ni Sandro habang namumula sa hiya sina Noah at Perlita. Nagpatuloy kami sa pagkukuwentuhan tungkol sa aming dalawa ni Noah. Kung paano kami nagkatunggali sa Saturnino High School. Ang long distance relationship namin. Ibinahagi rin namin ang trabaho ng isa't isa. Marami kaming ikinuwento maliban sa bagay na nililihim ko.
Nagbabalak na silang umuwi nang biglang lumapit sa akin ang tatlong makukulit na batang lagi kong kalaro.
"Kuya Adam, sakay tayo sa Ferris Wheel," yaya ng pinaka bata kong pinsan.
Maingat ko siyang inilagay sa aking balikat at pinasakay. Nagsimula itong tumawa habang marahan akong tumayo.
"Lipad! Wooh," bulalas nito.
"Sanay na sanay ka sa mga bata, ha?" puna ni Tito Tope habang hawak-hawak ang dalawa pang maliit na anak nito.
"Well, I've had my experience," sagot ko. Nagkatitigan kami ni Noah. Kinindatan ko siya na mabilis niyang sinundan ng mahinang hagikgik. Ang pinaka pinagpapasalamat ko sa aking kakayahan ay natutunan kong pag-alaga sa aking munting nobyo tuwing tatalon ako sa ilalim ng punong Narra. "Sisiw na sisiw ito, TIto Tope. May inaalagaan kasi akong makulit na bata dati."
"Oh, nasaan na?" usisa ng aking Tiyo.
"Ayon, naging babaero. Humaharot kung kani-kanino. Kerengkeng- Aray!"
Hindi pa ako natatapos sa sinasabi ko nang bigla akong batuhin ni Noah ng tansan ng beer.
"Pasmado iyang bibig mo, ha. Umayos ka," bulalas ni Noah. May hawak pa itong isang tansan na handang muling ihagis sa akin.
Natawa nalang ako sa reaksyon nito. Pinipigilan din ng aking nobyo ang kanyang mga halakhak. Ang mga tao sa aming harapan ay hindi makasakay sa aming pinag-uusapan.
"Ferris Wheel!" sigaw ng bata sa aking balikat. Sinisimulan na niya akong sabunutan dahil sa inip. Tila nais humiwalay ng anit ko dahil sa panggigigil nito.
"Oo na, boss. Heto na," sagot ko.
Tumakbo kami patungo sa Ferris Wheel. Hindi ito kasing ganda ng mga makikita sa Maynila. Maliit lamang ito at tila manipis na bakal ang mga ginamit. Sa ibaba ay may malaking generator na nagpapandar sa naturang gusali maging sa mga ilang ilaw sa peryahan. Pasakay na sana kami ng batang dala ko nang bigla akong hinarang ni Noah.
"Teka lang, sasama ako," sabi nito. Iginala nito ang kanyang paningin sa aming sasakyan na tila hinuhusgahan kung ligtas ba ito.
"Huwag na, kaya ko namang sumakay mag-isa," giit ko. Pinipigilan ko ang mga kamay ng paslit sa aking ulo na kanina pa nanggigil sa kulay kahoy kong buhok.
"Basta!" Naunang sumakay si Noah sa loob ng gondola. Ramdam ko ang pagkabahala sa kanyang mga ikinikilos. Ilang araw ko nang napapansin na hindi ito mapakali.
Tatlo kaming nasa loob ng gondola. Nasa pagitan naming dalawa ang maliit kong pinsan na tumigil na sa pagwawala. Pumapalakpak pa ito habang marahang umiikot pataas ang aming sinasakyan. Kumakaway ito sa kanyang mga kapatid at ama habang marahang umaakyat pataas ang aming kinauupuan.
"Kuya Adam, ang ganda!" bulalas nito. Hindi mawaksi ang ngiti sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang unti-unting pagliit ng mga tao sa ibaba.
Napatingin ako kay Noah na kanina pa nakatulala sa akin.
"Sounds familiar, Noah?" usisa ko. Natatawa ako tuwing may tumatawag sa akin ng Kuya.
"Ang alin?" pagtataka ng aking nobyo..
"Ganyan na ganyan ang tawag mo sa akin tuwing tumatalon ako papunta sa ilalim ng punong Narra," paliwanag ko. Parang mga munting lambana ang mga alaala ng batang Noah na kakulitan ko sa ilalim ng puno. "Gaya niya, napaka inosente ng boses mo. Napakakulit mo rin dati."
Walang reaksyon sa mukha ni Noah. Nakatitig lamang ito sa akin na tila hindi mapakali. Nagpatuloy ako sa pag-asikaso sa batang aming dala. Unti-unti pa ay nasa taas na kami ng mga puno at tanaw na namin ang buong Baryo Alitaptap.
"Noah!" bulyaw ko sa nobyo kong kanina pa maraming iniisip.
"Ha?" bulalas nito. Para siyang nabitin sa kanyang mga agam-agam.
"Ayos ka lang ba?"
"Ah, oo."
Inabot ko ang kanyang pisngi at marahang hinaplos ang kanyang tainga. Ang noo niyang kanina pa nakakunot ay unti-unti nang pumatag nang ipagpatuloy ko ang pagkarinyo sa kanyang mukha.
"Kung ano man iyang iniisip mo, lagi mong tandaan--" sabi ko.
Walang bubong ang mga gondola ng Ferris Wheel. Yari din sa salamin ang paligid nito. Itinuro ko ang langit sa aming itaas. Walang bundok na makikita at walang maliwanag na bayan na nagnanakaw sa kislap ng mga bituin. Tumambad sa amin ang hindi mabilang na mga tala. Tila lumulutang kami sa kalawakan dahil maging ang ibaba ay nababalot ng dilim.
"You are not a speck in the universe. You are the universe in a speck."
Nagsimulang magliwanag ang mukha ng aking nobyo. Hinawakan nito ang kamay ko habang nakalapat pa sa kanyang mukha. Lalo niyang idiniin ang kanyang malambot na pisngi sa aking matigas na palad. Tila isa siyang bata na hinehele sa gabing madilim at ang mga tala ay parang mga nota ng musika sa pagkislap. Mga bituing gumagabay sa nobyo kong walang pag-iimbot.
"Kuya Adam, nasaan ang pinaka maliwanag na star?" tanong ng paslit sa aming pagitan. Ang ulo nito ay kanina pa nangangawit kakahanap sa langit.
"Ayan, oh. Si Kuya Noah mo. Siya ang pinakamaliwanag sa lahat," wala pag-atubili kong sagot. Gaya ng puso kong walang ikinukubli, tuwang-tuwa ako nang kusa lumabas ang mga salitang iyon mula sa aking bibig.
Walang mapaglagyan ang ngiti sa mukha ng aking nobyo. Natatawa na lamang ito habang kinakagat ang kanyang mga labi sa kilig. Ibang-iba na ang itsura niya mula kanina. Kinuha niya ang aking kamay at hinawakang mahigpit. Muli siyang napatingin sa langit. Huminga siya nang malalim at pinuno ng malamig na hangin ang kanyang baga.
"Adam, may aaminin ako sa iyo," saad ni Noah. Napansin ko ang mabilis na pagpukaw ng saya sa kanyang mukha. Humarap siya sa akin at napabuntong hininga. "Ako ang-"
"Boom!"
Hindi pa niya nababangit ang susunod na salita nang may marinig kaming sumabog mula sa ibaba. Napatingin kami pareho sa pinagmulan ng ingay at nakita namin ang generator sa perya na umuusok. May mga nagtitiliang tao sa ibaba at ang ilang malapit sa Ferris Wheel ay mabilis na nagsitakbo palayo. Biglang tumagilid ang aming upuan. Pareho kaming napakapit sa rehas na bakal at sabay na hinawakang mahigpit ang bata sa aming pagitan.
"Adam, Noah! Humawak kayong maigi!" sigaw ni Tito Tope mula sa ibaba. "Inaayos na ang kuryente!"
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Nagsimula akong manginig sa sobrang takot. Takot na hindi para sa aking kaligtasan ngunit para sa taong mahal ko.
"Kumapit ka lang Adam, makakababa rin tayo," saad ni Noah habang nakatitig sa ibaba. Ngunit wala siyang narinig na tugon.
"Nasaan si Kuya Adam?" sabi ng paslit sa tabi ni Noah.
Paglingon ng aking nobyo ay wala na ako sa gondola. Nilipad ng hangin ang t-shirt ko at tanging pontalon ko ang nakasabit sa bakal ng aming upuan.
꧁༒༺🦉༻༒꧂
Year: 2018, Milan (Future)
Hindi ko alam kung anong panahon ang aking napuntahan. Maging ang lugar ay hindi ko sigurado kung saan. Bumagsak ako sa isang mahamog na highway na walang saplot. Sinubukan kong tumayo ngunit wala akong maaninag na maaring pagtaguan.
Malamang ay dapithapon na dahil nasa kanluran na ang bilog na liwanag sa langit. Nagmadali akong tumayo ngunit huli na ang lahat. Sa aking kaliwa ay may papariting na malaking sasakyan. Mula sa makapal na hamog ay parang bumulaga ang nakakasilaw nitong liwanag. Napakalakas ng busina nito habang bumubulusok papunta sa akin.
Ilang metro na lamang ang layo nito sa nang biglang lumihis patungo sa kabilang linya. Kung gaano ako kamalas sa pagkakaroon ng ganitong kakayahan, ganoon rin ako kasuwerte kung minsan. Muli ay nakaligtas ako sa kamatayan. Nakahinga ako nang maluwag dahil tuluyan nang naglaho ang sasakyan sa hamog. Mabilis akong tumakbo paalis ng highway ngunit bago pa ako makarating sa mga damo ay may narinig akong malakas na banggaan sa direksyon ng sasakyang umiwas sa akin.
Tinangka ko itong puntahanan ngunit sa hamog ay muli akong naglaho pabalik sa kasalukuyan.
꧁༒༺🦉༻༒꧂
Year: 2013, Palawan (Present)
Limang minuto lamang akong naglaho. Nagkakagulo silang lahat sa peryahan. Panay ang tilian ng mga nakasakay sa Ferris Wheel. Maging ang batang kasama ni Noah ay sobrang lakas ng iyak.
"Taha na, makakababa rin tayo," sabi ni Noah. Hindi nito alam ang uunahin, kung ako ba na nawawala o ang batang nagwawala.
Nasa pinakatuktok pa rin ang gondola namin nang muli akong sumulpot sa likod ng bakal. Abala sa pag-iyak ang batang kasama namin kaya hindi ako nito napansin. Kitang-kita ko ang balisang itsura ni Noah habang hinahabol ang kanyang paghinga sa sobrang kaba.
"Nandito na ko, Apple," saad ko. Nang siya ay matauhan ay muli siyang napalunok. Inabot niya sa aking ang naiwan kong pantalon.
"Are you okay?" usisa nito. Ako ay tumango kahit hindi ko mamukhaan ang lugar na napuntahan ko. "Dalian mo, magbihis ka na."
Nagmamadali pa akong magsuot. Agad kong isinarado ang zipper ko bago pa namin marating ang ibaba. Sinalubong kami ni Tito Tope na mabilis na niyakap ang kanyang anak.
"Oh, Adam. Bakit naka pantalon ka lang? Nasaan ang damit mo?" tanong ni Sandro.
"Nilipad ng hangin," mabilis na sagot ni Noah.
Sa aming likuran ay maayos nang muli ang Ferris Wheel ngunit pansamantalang itinigil ang operasyon nito. Matapos na masigurado na wala kaming galos ay nagsimula na kaming magtungo pauwi sa bahay. Naglalakad akong walang pang-itaas sa dilim ngunit hindi maalis ang isip ko sa nobyo kong tila kanina pa balisa.
"Noah, hindi ba dapat may sasabihin ka kanina?" usisa ko.
Natigilan si Noah sa paglalakad. Napalunok ito ng laway habang seryoso ang mga titig sa akin. Ilang segundo ko siyang pinagmasdan bago kumurba pataas ang kanyang mga labi.
"Wala iyon, hindi ata importante. Nakalimutan ko na dahil sa nangyari kanina," saad ni Noah. Hindi ko mapigilang pagdudahan ang aking nobyo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top