Chapter 17: Stardust
Year: 2013, Palawan (Present )
Noah's POV:
Ang inakala naming isang araw lamang na pananatili sa pamilya ng mga Banawag ay naging tatlo hanggang nauwi na sa isang linggo. And desisyon kong ipagpaliban ang aking trabaho at pagsama kay Adam ay hindi ko naman pinagsisihan. Walang-wala naman ang buhay ko loob ng apat na sulok ng aking opisina sa Maynila kung ikukumpara sa umaapaw na kaligayahan ng aking nobyo sa piling ng mga kamaganak nito.
"Masarap ba?" tanong ni Perlita.
Nakaupo ako sa hardin habang umiinom ng mainit na tsokolate. Sa gilid ng kanilang lupain ay makikita ang hindi mabilang na taniman ng cacao at macapuno. Ang iniinom ko ay maingat na inihanda sa akin ni Perlita na hindi pa rin ako tinitigilan kahit alam na nitong ako'y nakalaan na para sa kanyang pinsan.
"Oo, salamat," mahina kong bulong sabay kindat sa kanya. Pinanood ko kung paano kiligin ito pabalik ng bahay. Rinig ko ang mga tili nito pabalik sa kanyang mga hugasin.
Muli akong napatitig kay Adam na nasa gitna ng hardin. Nakikipaglaro ito ng habulan sa dalawa niyang maliit na pinsan habang nakasakay sa kanyang leeg ang pinakabunso. May mga makukulay na paruparo pa na nagliliparan sa bawat palumpong ng bulaklak na kanilang dinadaanan. May mga alitonton ding nagkalat malapit sa puno ng sineguelas habang nagiging kahel ang alapaap.
"Magkakapamilya rin kaya kami gaya nito?" bulong ko habang hinihigop ang laman ng tasa gawa sa porselana. Ang mga mata ko ay nakapako pa rin kay Adam na parang batang matagal na hindi nakalabas.
Puro halakhak nila ang naririnig ko kasabay ng tunog ng mga kuliglig at sikada. Bumalik ako sa realidad nang biglang tumunog ang aking cell phone. Tumatawag ang numerong halatang galing sa ibang bansa.
"Hello?" bungad ko.
"Noah, this is Sij. Any news for us?" mabilis na tanong ng pamilyar na boses. Ang boses ng taong kumumpirma sa lahat ng hinala ko isang taon na ang nakakaraan. Ang saya ko ay mabilis na napalitan ng takot matapos marinig ang kanyang katanungan.
"Wala naman. Normal ang lahat," paliwanag ko.
"Are you sure? Walang senyales ng pagtalon niya sa ibang panahon nitong mga nakaraang linggo?" Iba na ang taong kausap ko. Huli na nang mapagtanto kong nakaspeaker pala sa kabilang linya ang aking boses.
"Dr. Cornwell?" usisa ko sa tinig ng matandang kay tagal kong hindi narinig.
"Noah, balitaan mo kami agad. Bantayan mong mabuti ang kasintahan mo," giit ng doktor.
Mabilis rin itong nagpaalam halatang nagmamadali silang dalawa. Nag-iwan rin ito ng ilang payo at mga bagay na kailangan kong tandaan sa mga ginagawa kong pagmamatyag kay Adam. Ngunit ang hindi mawala sa isipan ko ay ang mga sinabi sa akin ni Sij noong nakaraang taon.
"You are the trigger, Noah," ang mga katagang paulit-ulit na umiikot sa aking ulo.
***
Nilalakbay namin ni Adam ang maalikabok na kalsada patungong plaza. Sa aming unahan ay si Perlita na kanina pa ako nililingon at si Sandro na iniilawan ng flashlight ang madilim na daan. Panay ang tingala ko sa langit upang sulitin ang mga bituwin na sa tahimik na probinsya lamang makikita.
"Kumakanta ka ba, Noah?" tanong sa akin ni Perlita nang bigla niya akong nilingon.
"Oo, kumakanta ang boyfriend ko." Mabilis na hinawakan ni Adam ang kamay ko sabay pilit na nginitian ang pinsan niya. Agad na tumalikod si Perlita matapos irapan nito.
"Oh, 'di ba? Pahiya ka na naman," pang-aasar ni Sandro. Nag-aalaskahan silang dalawa habang unti-unting lumalakas ang tugtog na nagmumula sa piyesta sa gitna ng Baryo Alitaptap.
Ilang minuto pa ay narating na namin ang plaza. Kampante ako na walang gaanong tao rito dahil isa nga itong tagong probinsiya. Mararating lamang ang isla gamit ang bangka at bilang lamang ang bus na bumabyahe papuntang baryo. Ngunit natigilan ako nang makita ko ang dami ng tao malapit sa entablado.
"Saan galing ang mga ito?" tanong ko. Napatigil ako sa paglalakad at parang gusto ko nang umuwi.
"Sikat kasi itong baryo dahil sa piyesta namin. Ang ilan sa kanila ay mga dayo pa galing sa barangay. Ang iba naman ay turista na galing pa sa ibang isla," paliwanag ni Perlita. Itinuro nito ang bakanteng lote malapit sa parke kung saan nakaparada ang mga pribadong sasakyan.
"Oh, bakit ka natigilan?" tanong ni Adam. Naiwan ito kasama ko habang ang dalawa niyang pinsan ay nagtungo sa mga taong sumasayaw sa rakrakan ng banda sa harapan.
"Uwi na lang kaya tayo?" yaya ko. Muli kong naalala ang mga bilin sa akin ni Sij at ng doktor.
"Ano ka ba? Dati ako ang takot sa maraming tao. Bakit ngayon, ikaw na?" usisa ni Adam. "SIge na please, first time ko sa fiesta."
Hindi ko siya sinagot at napalunok lamang ako ng laway. Ilang minuto pa at nakumbinsi na rin ako ni Adam na sumama sa kanila. Maingay ang gabi, may mga pamilyar na tugtog na naririnig ko sa Maynila ngunit may ilang awiting gamit ay salitang Cuyonon. Pinanood ko si Adam na sumayaw sa ibaba ng entablado. Nagtatalon ito kasabay ng bawat hampas ng tambol at kalabit ng gitara mula sa bandang tumutugtog. Ang simangot sa aking mukha ay marahang napalitan ng ngiti habang nakatitig nobyo kong bihira makisalamuha sa ibang tao..
"Hayaan ko na," bulong ko. "Minsan lang naman siya maging magsaya," dagdag ko pa.
Lumipas ang gabi at inaya kami ng dalawa niyang pinsan sa isang lamesa. May dala silang ilang bote ng alak at plato ng dinakdakan. Sa iba pang bahagi ng plaza ay may mga peryahan kung saan naglalaro ang ilang kabataan at magsing-irog. Sa gilid ng entablado ay hindi maalis ang tingin ni Adam sa malaking pulang teddy bear na may suot na lasong ginto.
"Ah, iyon?" saad ni Sandro nang mapansing kanina pa nakatitig doon ang kanyang pinsan. "Premyo iyon sa singing contest mamaya."
Mabilis na napalingon sa akin si Adam. Abot tainga ang ngiti nito. Pinagaypay nito ang kanyang mga pilikmata. Unti-uti niyang inilalapit ang kanyang bibig sa aking tainga. Hinarang ko ang aking daliri sa mga labi niya bago pa ito makapagsalita.
"Alam ko na ang iniisip mo," pagpigil ko sa kanya. Pinilit niyang ngumiti kahit na aking daliri ay nakatakip pa rin sa kanyang labi. "Ayaw ko."
"Sige na, please. Sige ka, ako ang kakanta," babala nito. Mabilis akong napahalakhak dahil sa kanyang sinabi. Hindi naman sa hindi maganda ang kanyang boses ngunit madali siyang pumiyok. Isa na rin sa mga dahilan kung bakit tumatanggi ito sa mga pag-awit sa karaoke noong high school pa lamang kami. Magaling naman tumugtog ng piano si Adam ngunit alam kong hindi siya sanay sa maraming tao.
"Maraming tao," bulong ko. Mabilis na nawala ang aking ngiti nang mapansin kong seryoso ang aking nobyo. Agad akong umayos ng puwesto at hinawakan ang dalawa niyang balikat. "Adam, bibilhan na lang kita sa Maynila."
"Gusto ko ng galing dito para may souvenir," giit nito. Umiral na naman ang pagiging isip bata niya.
"Malamang meron niyan sa bayan, hindi ba Sandro?" tanong ko sa lalaking abala kakatitig sa mga dalagang panay ang sulyap kay Adam.
"Wala, ngayon nga lang ako nakakita ng ganyang kalaki."
"Tangina rin nito, eh," bulong ko. "Walang pakisama."
"Last na iyan, Noah," dagdag pa ni Perlita.
"Magkakamag-anak nga itong tatlong ito," saad ko habang tumatagay ng beer. "Sige na, ako na ang kakanta."
Wala na nga akong pagpipilian. Kaysa ang aking kasintahan ang maglaho sa taas ng entablado ay maigi nang ipanalo ko na lang. Lumipas ang ilang minuto at nagsimula na ang patimpalak. May mga dalagang bihis na bihis pa at ilang binatang naka long sleeves na umawit kahit napakiinit sa plaza.
Sa harap kami nakaupong apat nang ako na ang tinawag. Sa gilid ng entablado ay binanggit ko ang aking aawitin bago ako umakyat. Nanghiram na rin ako ng gitara sa naunang kalahok na kakilala ni Sandro. Maririnig ang tilian ng ibang kababaihan gayun din si Perlita na kanina pa pumapalakpak sa tabi ni Adam. Inaayos ko ang mikropono at tinitimpla ang gitarang nakakanlong sa akin.
"Ang guwapo naman niyan!" sabi ng isang babae sa malayo.
"Kuya borta, galingan mo!" dagdag ng binabae sa may peryahan.
"Boyfriend ko iyan!" sigaw ni Adam.
Kulang na lang ay lumubog ako sa aking kinauupuan. Gustong-gusto ko nang tumakbo pababa dahil sinundan ng malakas na tawanan ang kanyang pagsigaw. Nilakihan ko siya ng mata sa siya namang sinuklian ng lumilipad na halik.
Nahihiya na lang ako dahil simple lang ang aking suot at wala naman talaga akong balak na kumanta. Ilang buwan na rin akong walang ensayo at tanging si Adam lamang ang aking inaawitan tuwing magkausap kami sa telepono bago ako matulog.
Muli akong umayos sa aking puwesto at nagsimulang tumugtog. Natigilan silang lahat.
"Tandhanang kay lupit. Dinggin ang puso kong nagwawangis," simula ko gamit ang pinakamalambing kong tono.
Nakapikit pa ang aking mga mata habang dinadama ang ilang linyahan sa aking awitin.
"Mamahalin kita kahit sa panaginip lang." Ilang minuto ay natapos ko rin ang aking kanta. Sinundan ito ng palakpakan ng mga tagapanood. Sinalubong ako ng mga pagbati sa ibaba ng entablado mula sa mga taong hindi ko kilala. May mga ilang dalaga nang dumudumog sa akin nang bigla akong akbayan ni Adam.
"Ladies, come on. He's taken," saad nito. Binigyan niya ng matamis na ngiti ang mga kababaihan na lalo nila ikinilig.
Natapos nga ang gabi at ako nanalo. Bilang wala naman talaga akong balak sumali ay kinuha ko lang ang malaking teddy bear at ibinigay sa ikalawang puwesto ang perang napanalunan ko. Sakto namang nasa ikaapat na puwesto ang may-ari ng gitarang hiniraman ko kaya na urong ang mga premyo papunta sa kanya.
Naglalakad na kami pabalik ng bahay. Kitang-kita ko ang pagkislap ng mga mata ni Adam habang yakap ang malaking teddy bear na ipinanalo ko para sa kanya.
"Happy?" tanong ko.
Mabilis niya akong hinila at hinalikan sa pisngi. "Super!"
Nang makarating kami sa bahay ay sinalubong kami ni Tito Tope. May hawak itong lampara at mukhang nagagalak na makita kami ni Adam.
"Saktong-sakto. May ipapakita ako sa inyo," bati nito. Marahan nitong hinatak si Adam papunta sa likurang pinto.
"Teka lang po. Ilalagay ko lang ito sa kuwarto," saad ni Adam. Nang itago ang napanalunan ko ay agad itong bumalik.
Binabagtas namin ang likurang labas ng bahay. Sa isang linggo naming pananatili ay noon lang kami nakatapak sa bahaging iyong ng kanilang lupain. Limang minuto na kaming naglalakad habang iniilawan ng lampara ni Tito Tope ang aming dinadaanan.
"Alam mo ba kung bakit nagpasya si Ate na sa Finaland na lang tumira?" saad ni Tito Tope. Maririnig ang boses nito paikot sa madilim na kakahuyan kasabay ng huni ng mga kulisap.
"Hindi po," magalang na tugon ni Adam.
"Hindi kasi siya na-homesick noong nandoon siya. Tignan mo." Itinuro ni niya ang malawak na anyong tubig sa aming harapan. Hindi na kailangang ilawan ng lampara ni Tito Tope ang isang malaking lawa. Kahit na madilim ang gabi, sumasalamin dito ang pilak na buwan gayun din ang hindi mabilang na bituin.
Lalong kaming namangha ni Adam nang mapansin namin ang mga maliliit na liwanag na parang bumbilya na lumulutang sa tubig. Tila tumatalbog ang mga ito sa hangin kasabay ng pag-awit ng mga sikada sa mga puno.
"Kaya pala Baryo Alitaptap," saad ko. Lumulundag ang puso ko sa sobrang tuwa.
Mabilis na tumango si Tito Tope.
"Kapareho ito ng lawa sa likod ng bahay namin sa Finland," wika ni Adam. Hindi na maalis ang mga ngiti nito. "Kaya pala at home si Nanay doon."
"Maghilig kaming maglaro ni Ate noong kabataan namin sa lawa na iyan. Naikuwento niya sa akin na may ganito rin sa likod ng mansion ng mga Ambrosi," paliwanag nito. Naglakad papalapit sa amin si Tito Tope. Mapapansin ang tuwa sa kanyang mukha habang ginugunita ang kanyang kabataan. "May mga nagkalat ding batong Lazuli sa ilalim na baka makita ninyo kung susuwetihin. Huwag kayong mag-alala. Hindi kayo malulunod diyan. Hanggang balikat mo lang iyan siguro, Noah."
"Wala po bang ibang tao rito?" usisa ko.
"Meron," halakhak ni Tito Tope. "Baka makita n'yo iyong sinasabi nilang mga kawal ng kastilyo."
"Kastilyo?" pagtataka ni Adam.
"Nako, kuwentong matatanda," giit ng gabay namin. "May kaharian daw sa bandang gitna ng bayan na sikretong nagpapalakad sa buong isla."
Natulala kami sa sinabi niya. Biglang umihip ang malamig na hangin. Panandaliang huminto ang sa pagtugtog ang mga kulisap. Napatigil sa pag-awit ang mga palaka. Napahigpit ang hawak ko kay Adam.
"Ano ba kayo? Para kayong nakakita ng multo!" bulalas ni Tito Tope. "Kuwentong matanda nga, eh. Malamang hindi totoo."
Iniwan sa amin ni Tito Tope ang lampara bago siya umalis pabalik ng bahay. Napansin ni Adam na tulala pa rin ako sa misteryosong kuwento mg kanyang tiyo. Upang maiba ang aking iniisip ay sinimulan niya akong kulitin. Agad akong hinawakan ng mapaglaro kong kasintahan patungo sa tabi ng lawa.
"Tara, skinny dipping," nakangiti nitong pagyaya sa akin.
"Adik," pagsaway ko. Ngunit mabilis siyang naghubad sa aking harapan. "Abnuy ka talaga!"
"Wala namang tao. Ala una na ng madaling araw!" giit ni Adam habang sinisimulan na ring hubarin ang pang-itaas ko.
Mabilis ko siyang pinigilan at kusa ko nang inalis ang mga damit ko. Iniwan kong nakasuot ang aking salawal samantalang nakahubong sumulong si Adam sa tubig. Magdamag kaming naghaharutan sa kadiliman hanggang sa unti-unting bumababa ang pilak na buwan patungong sa malayong kabundukan. Ilang oras pa ay pareho na kaming lumulutang ni Adam sa tubig habang nagkukuwentuhan. Kahit nasa tubig ang aming tainga ay rinig namin ang isa't isa dahil magkadikit ang aming mga ulo. Nakatingala kami sa langit habang nagbibilang ng mga tala. "You are just a speck in the universe," naalala kong turo sa akin noong elementarya.
"Adam, sa tuwing nakatitig ako sa ganito karaming bituin, hindi ko mapigilang maramdaman na wala akong halaga," saad ko. Sa lawak ng kalawakan ay alam kong isa lamang akong alikabok na naiwan ng isa sa mga namayapang tala sa langit. Napatingin ako kay Adam na abala sa pagbibilang nito. "Ikaw din ba?"
"Hindi, no," saad ni Adam bago niya ako lingunin. "Tuwing nakatitig ako sa mga tala, pakiramdam ko, napakasuwerte ko."
"Ha, bakit naman?" pagtataka ko.
"Dahil sa dami ng bituin sa langit, nakita kita," nakangiting sagot ni Adam.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top