Chapter 16: Champorado

Year: 2013, Palawan (Present)

Adam's POV

Binabagtas ng sinasakyan naming bus ang isang mataas na bangin patungo sa kapatagan. Sa gilid ng sasakyan ay isang talampas na kung magkakamali ang andar, maaring mahulog ito patungo sa malupit na dagat na naghinhintay sa ibaba. Panay ang ngiti ko habang namamangha sa paligid habang sinasalat ang magagandang tanawin. Ilang ikot pa ng aking ulo ay napadpad ako sa mukha ng taong mahal ko. Nawala ang pagkakakurba ng aking mga labi nang makita kong nakabusangot ang aking nobyo.

"Nasusuka ka?" tanong ko kay Noah. Mabilis niyang pinalitan ng ngiti ang kanyang pagkakanguso.

"Baliw." Agad siyang umiling at isinandal ang kanyang pisngi sa aking balikat.

"Ang clingy mo nowadays," biro ko sa kanya.

"Wala lang, gusto ko lang sulitin ang bawat oras na kasama ka."

Sinimulan kong halikan ang kanyang bumbunan habang hinahaplos ang kulay tanso niyang buhok. Ilang minuto pa ay nakatulog na ang taong mahal ko. Gustong-gusto ko ang kulay ng buhok ni Noah. Kakulay nito ang langit ilang minuto lamang bago lamunin ng dagat ang haring araw. Hindi ito pulang-pula ngunit hindi rin masasabing kasing itim ng gabi. Ang tunay na kulay nito ay hindi mahahalata sa malayuan. Kusang lumilitaw ang pagkakatanso nito kapag tinatamaan lamang ng sinag ng araw. Naalala ko pa noong una ko siyang nakilala sa Saturnino High School. Asar na asar talaga ako sa kanya noon dahil sa tinagal ng pangingibabaw ko sa lahat ng bagay sa loob ng klase, siya ang pinakaunang naging karibal ko. Kay Jade, sa klase, sa mga babae at ang pinaka kinaiinisan ko sa kanya noon, ay ang kakaibang kuryenteng dala niya sa tuwing magdidikit ang aming balat.

Noong unang beses akong tumalon pabalik sa kanyang kabataan, agad ko siyang nakilala dahil rin sa kanyang buhok. Tila kumikislap ito noong tamaan ng sinag ng araw mula sa malayo habang ang batang bersyon niya ay nakagiti sa akin sa ilalim ng punong Narra. "Hindi mo na ba ako naalala agad?" tanda ko pang tanong ng batang Apple. Nagsimulang maglabasan ang dalawang dimples niya sa pisngi matapos ihagis sa akin ang mga damit na dala niya. "My name is Noah Arroyo, I am seven-"

"Baryo Alitaptap!" sigaw ng konduktor. "Dito na po ang dulo."

Hindi ko na natuloy ang iniisip ko nang marahan huminto ang sasakyan sa tapat ng isang baryo. Naalimpungatan na rin si Noah at agad kaming bumaba ng bus na halatang tinatakpan na lamang ng pintura ang mga kinakalawang na bahagi nito.

"Oh, handa ka na ba?" tanong ni Noah. Nakangisi ito sa akin habang hawak ang tali ng suot niyang bag. Sa totoo lang ay kinakabahan talaga ako. Hindi ko rin sigurado kung bakit ko ba itinuloy ang pagpunta rito. Ang orihinal na dahilan ay upang makalayo ako kay Noah. Sa huli ay nagkaayos rin kami at heto na nga, katabi ko pa siya habang naglaklakad papunta sa adres na ibinigay ni Uncle Claude. Napadpad kami sa isang malawak na lupain. Sumalubong sa amin isang malawak na hardin. May mga halaman ng santan sa unahan at sa pinakaloob ay maamoy ang halimuyak ng mga puno ng ilang-ilang. Nagkalat ang iba't ibang halaman na hintik sa bulaklak gaya ng mga rosas, gumamela at sampaguita.

"Oo, ginusto ko to, eh," sagot ko. Marahan kaming naglakad patungo sa gate ng isang maliit na bakod kung saan nakasulat ang apelyido ng Nanay ko noong siya ay dalaga pa.

"Mukhang tama naman ang napuntahan natin," saad ni Noah. Sinilip niya kung may matatanaw ba siyang mga tao sa loob. Hinintay niya akong kusang magtawag ng kung sino upang kami'y pagbuksan ngunit nang makita niyang tulala lamang ako, siya na ang kusang gumawa nito. "Tao po? Hello?"

Mula sa gilid ng bahay na kulay gatas, lumabas ang isang lalaking nakasuot ng salakot. Nagpapagpag pa ito ng kanyang guwantes habang tumatakbo papunta sa kinatatyuan namin.

"Ano pong kailangan ninyo?" tanong nito.

Siniko ako ni Noah na senyales na kailangan ko nang magpakilala. Inalis ko ang suot kong shades at marahang nagsalta. "Dito po ba dati nakatira si Cristina Banaw-"

"Abraham? Ikaw ba iyan?" bulyaw ng kausap ko. Nagulat ako sa pagtawag niya sa pangalan ng aking ama. Hindi naman talaga nagkakalayo ang itsura namin ni Tatay ngunit may dulot sa akin na mahinang kurot sa puso ang pagtawag niya sa pangalan nito. Agad nitong binuksan ang tarangkahan at kinapa-kapa ako mula sa balikat patungo sa ibaba ng aking braso. "Imposible. I thought you were-"

"Siya po ang anak ni Abe at Tina," singit ni Noah bago ko pa marinig ang salitang tuluyang pupunit  sa dibdib ko. Binigyan niya ng ngiti ang mamang kausap namin na agad namang nag-alis ng kanyang salakot.

"Adam?" tanong nito. Agad niya akong niyakap at sinimulang kamutin ang aking likod. Nagulat ako sa ginawa niya. Nang makitang para akong tulala at walang reaksyon ay mabilis siyang napabitaw. "Hay nako, pasensya ka na. Sanay lang kasi kami rito na hinahaplos o kinakamot ang likod ng mga mahal namin sa buhay. Tradisyon na sa mga Banawag. Hindi ba ginagawa sa iyo iyon ni Ate dati?"

"Ate?" pagtataka ko.. Nagsimula nang maglakad ang kausap namin at agad namang kaming pinasunod.

"Si Ate Tina. Ako ang Tito Toper mo," pagpapakilala nito. Nagsimula na akong ngumiti habang sinusundan siya sa makulay na hardin. Isa-isa na niyang ikinuwento ang kabataan nila ni Nanay at kung paano sila nagkakilala ni Tatay.

Marahang hinawakan ni Noah ang aking kamay. Sinenyasan niya akong yumuko upang kanyang bulungan. "Kaya pala gustong-gusto mong kinakamot ang likod mo."

"I know right?" Ilang metro na lamang ang layo namin sa bahay nang halikan ko siya sa kanyang pisngi. "I'm so glad we came here."

Napangiti lalo si Noah sa sinabi ko habang namumula ang kanyang pisngi.

Pagbukas ni Tito Tope ng bahay ay agad na nagtakbuhan ang mga bata palabas. Isa-isa silang umikot sa aking tiyo hanggang sa kinatatayuan namin ni Noah.

"Ei, wazzup?" sabi ng pinakamatanda. Tila nasa anim na taong gulang ito.

"American my man-" kanta ng paslit na may hawak na teddy bear.

"Kuya, artista ka ba?" tanong ng babaeng maliit.

"Pasensya na kayo, makukulit talaga ang mga 'yan," paliwanag ni Tito Tope. "Mga anak, magmano kayo kay Kuya Adam n'yo."

Sa buong buhay ko, akala ko ay kaming dalawa lamang ni Uncle Claude. Hindi naman niya pinagkait sa akin ang impormasyong may mga iba pa akong kamaganak sa Baryo Alitaptap. Matapos magsipagmano sa akin ang mga pinsan ko ay agad ring kaming pumasok ng bahay. Maayos sa loob nito. Matuturing na sigurong isang ancestral house ang tahanang kinalakhan ni Nanay. May iba pang tao sa loob na sumalubong sa akin. Nakilala ko sina Tiya Virgie na asawa ni Tito Tope gayundin ang mga pinsan ko pang sina Perlita at Sandro.

Maingay ang buong bahay pagdating ko. Pangkaraniwang gulo ng isang tahanang maraming miyembro. Matapos makipaguwentuhan sa kanila ay inaya nila kami patungong sala. Panay ang akbay sa akin ni Sandro na kanina pa ako tinatanong tungkol sa basketball. May kakaibang saya silang dala sa akin. Kadalasan kasi ay mag-isa lamang ako sa mansyon namin sa Finland at tanging si Noah na lamang ang kausap ko sa telepono. Abala ako sa pakikipagdaldalan sa lalaking pinsan ko nang hindi ko namalayang si Noah naman ang dinudumog ng mga makukulit na bata gayun din ng dalagang si Perlita.

"Hello, pogi. Ang guwapo mo. First time mo ba sa Palawan?" tanong ni Perlita kay Noah. Halatang-halata namang trip niya ang boyfriend ko. At gaya ng dati, masyadong maunawain at palakaibigan si Noah. Sinasabayan lamang niya ang mga tawa ng dalagang bagong rebond at kulay platinum blonde ang buhok na hanggang bewang. Pilit nitong nililingkis ang braso niya sa kanang kamay ni Noah. Pinagmamasdan ko sila habang tumatama na ang dulo ng daliri ng boyfriend ko sa ibaba ng maikling shorts ni Perlita.

"Ah, bro. Teka lang, ha. Baka naiilang na ang kasama ko," paalam ko kay Sandro. Alam kong kaya na ni Noah ang sitwasyon pero parang may nagtutulak sa aking kung ano sa tuwing may ibang humaharot kay Noah.

Papalapit na ako sa kanya nang bigyan niya ako ng matalim na tingin. Mga pamilyar na titig na nagpahinto sa aking paghakbang. "Diyan ka lang, kaya ko na ito," tila nababasa ko na ang mga nasaisip ni Noah.

"Relax ka lang, pagbigyan mo na iyang si Ate Perlita. Mahilig talaga iyan sa mga medyo chinito," dagdag pa ni Sandro sa inis ko. Hinatak niya ako patalikod at inakbayan patungong kusina. "Lola, may bisita ka!"

Tumigil ang oras. Nakatitig ako sa isang matandang babaeng kulay puti ang buhok. Bagamat may edad na ay kawangis ng kanyang tindig ang Nanay kong minsan kong nabisita sa nakaraan. Mga hindi sinasadyang pag-time travel ko sa bahay namin sa Finland sa tuwing sinusumpong ako ng aking kakayahan.

"Lola Loida. Ito po si Adam. Anak ni Tita Tina at Tito Abe," pakilala ni Sandro sa akin.

Mabilis na sinarado ng matanda ang kalan at tinakpan ang kalderong kanyang niluluto. Hindi halata sa kanyang edad na siyetenta ay agad itong humarurot upang ako ay yakapin. Yakap na pamilyar sa akin. "Adam! Ang laki laki mo na! Sabi naman kay Claude dito ka na tumira, eh. Nasaan ang Uncle mo?"

Pamilyar ang kanyang amoy. Kaamoy niya ang Nanay ko at ang mga lutuin nitong kumakapit sa kanyang damit sa tuwing inilalapag ako sa lamesa sa kusina. "Ah, eh. Busy po kasi si Uncle kaya hindi siya nakasama. At saka mahirap po palang puntahan itong lugar ninyo."

Nakatitig na sakin si Lola habang kinakapa ang bawat galamay ko. Para sinusukatan niya ako ng damit habang tinitignan kung maayos lang ba ang lahat sa akin. "Oh, kumain ka na ba?"

"Nako, nakakahiya po."

"Kumakain ka ba ng champorado?"

"Champorado," bulong ko sa aking sarili. Kaya pala pamilyar ang amoy niya. Amoy maiinit na chokolate at gatas. Ilan lamang ito sa mga naiwang alaala ng aking ina noong siya ay nabubuhay pa. Kung paano kami laging magsalong tatlo ng aking ama sa lamesa. Madalas kong panoorin ang mga magulang ko mula sa labas ng bintana habang kasalo ang sanggol na bersyon ko sa lamesa. Hindi ko akalaing maamoy ko uli ang halimuyak ng cacao sa lugar na hindi nababalutan ng niyebe. Sa lugar na napapalibutan ng mga bulaklak.

"Oh, bakit ka umiiyak?" tanong sa akin ng Lola ko. Maging ako ay nagulat rin sa kusang pag-agos ng maalat na tubig sa aking mga mata. Sinimulan niyang ipahid ang mga kamay niya sa kanyang apron upang malinis nang maayos ang mga pisngi ko.

"Lola-" hindi ko sanay na sinabi. Sa buong buhay ko ay tila ba ngayon ko na lamang nabangit ang salitang iyon. May kakaibang kurot sa aking puso na sinundan ng buhos ng tuwa. Gusto kong lumuhod ay balutin ng mga bisig ko ang matandang babaeng kawangis ng aking ina ngunit pinigilan ko ang aking sarili. "Pasensya na po kayo. Ang laki kong tao pero napakaiyakin ko."

"Halika nga rito." Bigla akong hinatak ni Lola Loida payuko sa kanyang balikat. "Okay lang, iiyak mo lang."

Hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Kasabay ng pagbuhos ng mga ito na parang talon ay ang paghagulgol ng aking boses. Dagdagan pa ng pagkamot niya sa aking likod na lalong nagpuno sa pangungulila ko sa isang ina. Ilang minuto rin niya akong tinatahan nang mapalingon ako sa pintuan at makita ko si Noah. Maluha-luha rin itong pinapanood kami habang nakasandal sa pinto at nakahalukipkip. May mga butil ng luha sa kanyang mga mata habang nakangiting nakatitig sa akin.

Inayos ko ang aking sarili at sininghot ang aking sipon. "Nasira agad ang porma ko, ano ba iyan?"

Natawa na lamang sina Lola at Sandro sa aking sinabi. Nilubos namin ang buong maghapon sa pakikipagkamustahan. Marami pang inihandang pagkain sila para sa amin sa mula nang dumating kami kaninang tanghalian. Ramdam na ramdam ko na nais nilang makabawi sa mga paahong hindi nila ako nakita. Ikunuwento rin sa akin ni Lola kung paano niligawan ni Tatay si Nanay. Ang araw na nahulog ang loob ng isang estudyanteng dayuhan mula sa Finland sa isang dalagang nagbabakasyon rin sa Amanpulo.

"Ikaw, hijo. Salamat sa pagsama mo sa apo ko, ah," saad ni Lola kay Noah habang kami ay nasa hapagkainan. Panay ngiti lamang ang mga isinukli nito habang puno ng sorbetes ang kanyang bibig. Hindi maalis ang titig sa kanya ni Perlita na nasa kanyang kaliwa na kanina pa siya inaalok ng iba't ibang matatamis. "Katrabaho mo ba si Adam?" dagdag pa ni Lola.

"Boyfriend ko po siya," mabilis kong sagot.

Biglang naubo si Noah mula sa kinakain nito. Agad nitong inagaw ang tubig sa tapat ni Perlita na sa mga oras na iyon ay hindi maipinta ang itsura dahil sa mga sinabi ko. Si Lola naman ay nakangiti dahil sa mga narinig niya. Panay lamang ang tango nito na parang kinikilig sa pagpapakilala ko sa aking nobyo.

"Ark!" sigaw ni Noah sa kabilang dulo ng lamesa. "Pasensya na po kayo. Walang preno talaga ang bibig niyan."

"Totoo naman, eh," tangi kong sagot sa kasintahan kong brusko at parang kargador sa suot niyang sando at polo. Nagtawanan na lang kaming lahat hanggang sa matapos ang hapunan. Napagtanto kong may pakinabang din pala ang kapilyuhan ng aking bibig nang mapansin kong tinatanan na ni Perlita si Noah buong maghapon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #bl#bxb