Chapter 2: The Nun Behind Everything
PINAYAGAN ANG LAHAT na gumala sa mansyon pagkatapos kumain ng meryenda. Ang ibang mga estudyante ay nagpasyang tumambay sa labas upang panuorin ang magandang tanawin habang ang iba naman ay nagpasyang ubusin ang dalawang oras na libutin ang buong mansyon. Sa kabilang banda ay nanatili sa kanilang silid ang dalawang guro na sina Rome at Juliet upang mag-ayos ng gamit habang ang mga pari naman ay bumalik sa itinayo nilang maliit na chapel sa loob ng mansyon.
Nang pumayapa ang katahimikan sa buong lugar ay nagpasya ang magkakaibigan na simulan ang kanilang planong libutin ang lumang mansyon. Ang unang pinuntahan ng apat ay ang ikalawang palapag na pinangungunahan ni Blythe, ang nag-iisa nilang kaibigan na pinagpala ng third eye. Noong una ay naging sagabal ito sa ordinaryong pamumuhay ng dalaga pero hindi nagtagal ay natutunan niyang gamitin ang kanyang kakayahang makakita ng multo.
Kagaya ng multo sa pinasukan nilang silid. Isang madre ang kanyang nakita kung saan nakasuot ito ng isang kulay itim na bistida at hanggang noo ang suot nitong belo. Hindi makita ni Blythe ang mukha ng multo pero sigurado ang dalaga na sa kanilang apat ito nakatingin. Agad hinawakan ng dalaga ang kamay ni Jezzah nang mag-iba ang ihip ng hangin sa silid. Ramdam ni Blythe ang galit na naramdaman ng multo—hindi nga lang siya sigurado kung para kanino.
Para sa kanila? Wala siyang ideya.
Isa. Dalawa. Tatlo. Tatlong hakbang paabante ang ginawa ng madre at tatlong hakbang din paatras ang ginawa ng dalaga.
Hindi mapigilan ni Blythe ang makaramdam ng kaba't takot sa kanyang nakikita. Iba sa mga multong nakasalamuha ng dalaga ang madreng nasa kanyang harapan at sigurado siyang hindi kapayapaan ang pakay nito sa kanila.
"Okay ka lang, Abby?" Tanong ni Jezzah nang maramdaman niya ang panlalamig ng kamay ng kaibigan.
"Gusto niyong puntahan ang kabilang silid? May nakapagsabi sa akin na magaganda ang paintings doon, e." Pilit itinago ni Blythe ang takot sa kanyang boses habang nanatili pa rin ang tingin sa madre na halatang nanunukso.
"Sige ba," agarang sagot ni Angelyn nang makuha ang ibig sabihin ng kaibigan.
"Tara?" Pag-aya ni Shaine at naunang lumabas ng silid.
Sumunod sina Angelyn at Jezzah palabas ng silid samantalang naiwan sa loob si Blythe. Kunot ang kanyang noo habang sinusubukang gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Ilang ulit nagpipilit umiwas ng tingin ang dalaga sa kaharap niyang madre pero wala siyang lakas upang labanan kung anumang ginagawa ng multo sa kanya.
Para siyang lumulutang sa ere kahit nakapako ang kanyang mga paa sa makintab na sahig. Sa kay tagal niyang nakatitigan ang madre na ngayon ay ilang agwat na lamang ang pagitan sa kanilang dalawa ay unti-unti siyang nalulunod sa kadiliman. Kahit anong gawin niya upang makawala sa kung anumang naghihintay sa dulo ay hindi niya magawa lalo na nang makita ni Blythe ang sarili na duguan sa pagkurap ng kanyang mga mata.
Ano ba ang nangyayari? Tanong ng dalaga sa kanyang sarili habang nakatingin pa rin sa kanyang harapan.
Hahawakan na sana ni Blythe ang kanyang ulo nang mapagtanto niyang may nakabaon na patalim sa kanyang dibdib. Naliligo ang dalaga sa sariwang dugo at nang pagmasdan ni Blythe ang paligid ay laking pagtataka niyang wala siya sa silid. Nakatali ang kanyang katawan sa isang poste habang ang mga tao sa paligid ay nagdadasal pero hindi sa kanyang Panginoon. Ilang ulit sumigaw si Blythe upang humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan pero walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Hindi niya maipaliwanag kung anong nangyayari, pero alam niyang malakas ang kapit ng multo sa kadiliman.
Kung ano ang dahilan? Hindi siya sigurado.
"ANNE BLYTHE!"
"I'm awake," wala sa tamang katinuang saad ni Blythe habang bumangon sa kanyang pagkahiga nang biglang mawalan ng lakas ang kanyang paa sa nangyari. "Sa labas ng mansyon muna tayo? Balik na lang tayo sa loob kapag tinawag na tayo ng mga pari."
"Sigurado ka bang okay ka lang, Abby?" Tanong ni Angelyn at halata sa mukha ng dalaga ang labis na pag-alala para sa kanyang kaibigan.
"Oo naman," sagot ng dalaga bago sumenyas sa iba na lumabas ng silid. "Bakit naman hindi? May madre lang akong nakita kaya hindi ako agad nakasunod sa inyong tatlo—binati lang niya ako sa pagpasok natin sa kanyang teritoryo."
Tweet your thoughts and use #RHTUFaith on Twitter or Instagram.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top