99-Muli

(Narrative)


Kay sarap ng simoy ng malamig na hangin na bumabalot sa paligid. Napayakap si Mia sa sarili kahit na makapal na jacket ang kanyang suot. Tumingala siya sa kalangitan at napangiti sa sinag ng araw na sumisilip sa likod ng mga ulap. Pinagmasdan niya ang paligid, na napalilibutan ng mga pine trees, mga kabundukan sa malayo, at ang mga tanim na bulaklak gaya ng Daisies, Sunflowers, at Everlasting.



Pagkatapos ng matagal na biyahe ay nandito na sila sa La Trinidad, Benguet. Parang isang painting na nabuhay ang buong paligid, at ito ang pumawi sa mga pag-aalinlangan na kanina pa namumuo sa kanyang puso.



Kasalukuyan siyang naglalakad sa isang pababang daanan habang nasa likuran niya ang kanyang mga kasama.



Lumingon si Mia at sinulyapan ang kanyang mga kasama. Magkaakbay na naglalakad sila Ranie at Bestre, na kinasal noong isang taon. Hinigpitan ni Ranie ang kanyang pagkapit sa braso ni Bestre, na ngumiti sa kanyang maybahay.



Sa likuran naman nila ay nagtatalo sila Jepoy at Alma, habang inaawat sila nila Tina at ng asawa nitong si Nimrod.



Ngumiti si Mia at lihim itong masaya para sa kanyang mga kaibigan. Lahat sila ay nakatuluyan ang kanilang mga minamahal. Di niya mapigilang isipin na siya lang ang may sad ending sa love stories nilang lahat sa barkada.



"Naiinggit ka sa amin, Doktora!" Biro ni Jepoy dito.



"Loko ka, batukan kita diyan!" Akmang tinaas ni Alma ang kanyang kamao, at sinagi itong papalayo ni Jepoy.



"Malay niyo naman, andito ang makakatuluyan ni Ma'am!" Ngisi ni Nimrod.



"Oo nga!" Pagsang-ayon naman ni Tina.



Tumigil si Mia sa paglalakad at hinarap silang lahat. "Mga gutom lang kayo, kaya nauuwi na sa tuksuhan ang usapan!" Tawa niya.



"Bilisan niyo kasi ang paglalakad, para di na siya makakita ng mga naglalambingan!" Isang wagas na ngiti ang sumilay kay Bestre.



"Halika na nga!" Hinablot ni Ranie ang braso ni Bestre at hinila na siya para mauna na silang maglakad. Natawa na lang ang lahat at tinuloy na nila ang kanilang lakad.




Matarik at mabato ang daan pababa. Kailangan ingatan ang bawat hakbang ng mga paa para hindi matisod o mawalan ng balanse. Buti ay inalalayan ni Ranie si Mia sa kanyang kanang bahagi, habang nasa kaliwa ni Ranie ang asawa na si Bestre.



May nadaanan silang mga bahay na karamihan ay mga bungalow o 2-storey. Gawa sa bato ang karamihan sa mga kabahayan, habang ang iba ay mas moderno ang disenyo. Pagkatapos ng ilan pang minuto ay narating na nila ang isang may kalakihang wooden house sa paanan ng purok. Gawa ito sa pinewood at ang bubong ay yero. Dalawa ang palapag nito at may teraso sa kaliwang bahagi.



"Andito na tayo!" Galak na sambit ni Jepoy. Tumakbo siya papalapit sa pintuan na gawa sa pulang kahoy at pinindot ang doorbell sa gilid.



Hindi nagtagal at bumukas ang pintuan. Isang lalaki na nasa edad trenta mahigit ang bumungad. Nakasuot ito ng sweater na kulay brown, pantalon, at sandalyas. Maiksi ang gupit ng kanyang itim na buhok at makapal ang frames ng kanyang salamin sa mata. Halatang may itsura pa rin ito kahit ilang taon na ang lumipas.



"Ferdinand Beltran, ikaw na ba iyan?" Ika ni Jepoy.



"Kumpletong pangalan, ah, Jeffrey!" Natawa ang lalaki at napayakap siya kay Jepoy. Agad sumunod sila Ranie, Bestre, Tina, at Nimrod para bumati sa kanya. Silang lahat ay masayang yumakap kay Ferdinand o "Ferdie."



Natulala si Mia sa tagpong ito. Hindi niya alam kung paano niya babatiin ang isang taong matagal na niyang hindi nakikita. Isang tao na naging importanteng bahagi ng kanyang buhay na matagal din niyang hinanap-hanap.



"Mia, andito ka pala."



Agad napatingin si Mia sa pinanggalingan ng boses. Nagkasalubong sila ng mga mata ni Ferdie, na siyang naunang ngumiti dito.



"Kumusta?"



Ito lang ang kayang sabihin ni Mia. Pinigilan niya ang sarili na yumakap dito.



"Ikaw, kumusta?" Tanong ni Ferdie pabalik sa kanya.



"Ma...mabuti naman." Isang pilit na ngiti ang ipinakita ni Mia. Buti na lang ay inaya na silang pumasok ni Jepoy, at dito na natapos ang kanilang usapan.

---


Doon na sila nananghalian sa tahanan ni Ferdie, na kasama ang kanyang tiya at ang nakatatandang kapatid nito, na tiyo ni Ferdie. Biyudo ang tiyo na ito at may anak itong lalaki na kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo sa Baguio City.

Tahimik na nakikinig si Mia sa masayang usapan ng mga kasama. Alam niyang nakatitig si Ferdie sa kanya mula sa harapan ng pahabang lamesa, at pilit niyang iniiwasan na sumulyap dito.



Bulalo, longganisang Baguio, mainit na sinaing, at chopsuey ang kanilang potahe. Para sa panghimagas naman ay strawberry shortcake ang hinanda ng tiya ni Ferdie. Ayon dito, galing daw ang strawberries mula sa kanilang farm sa likod bahay. Buti na lang masarap ang mga pagkain, at nabusog si Mia sa mga hinanda.



"Tita, dalhin mo kami doon!" Pag-aaya ni Alma.



"Mamaya, kapag alas kwatro na, magpahinga muna kayo sa itaas," ika ng tiya ni Ferdie.



Dinala sila sa second floor, kung saan may tatlong kwarto. Hiwalay ang kwarto ng mga babae sa mga lalaki. Namalagi muna si Mia kasama sila Alma, Ranie, at Tina. Nakita ni Mia na andoon ang teraso sa kanilang kwarto, kaya nagpahangin muna siya sa labas.



"Solo ka diyan," ika ni Ranie, na lumabas para samahan siya sa teraso.



"Nagpapahangin lang," ngiti ni Mia sa kanyang kaibigan.



"Ramdam ko naiilang ka kay Ferdie," wika ni Ranie.



"Napansin mo pala iyon," tawa ni Mia.



"Oo. Kung ako sa iyo, mag-usap kayo nang masinsinan."



"Wala nang dapat pag-usapan, matagal na kaming wala," ismid ni Mia.



"Paano kung naghihintay siya ng sagot? Kita mo nga oh, wala pa rin siyang asawa hanggang ngayon. Pwede pang humabol," ngiti ni Ranie.



Nagbuntong-hininga si Mia.



"Kausapin mo kahit isang beses lang. Tatlong araw lang tayo dito. Sige ka, baka pagsisihan mo ang lahat." Sumandal si Ranie sa railing ng teraso at tumingin sa malayo. "Wala naman mawawala kapag ginawa mo."



Napakagat-labi si Mia. Bumalik na siya sa loob ng kwarto at naabutan niyang tulog sila Alma at Tina sa isang malaking kama.

---

Kinahapunan ay nagtungo ang grupo sa strawberry farm ng tiya ni Ferdie. Kay tamis ng amoy ng buong paligid mula sa mga nakatanim na strawberries. Isang hektarya ang buong lupain at may mga trabahador din na kasalukuyang tinitingnan ang kalidad ng mga tanim na strawberries.



"Magaling nang strawberry farmer itong si Ferdie," pagmamalaki ng tiya nito. "Inaangkat nga ang mga tanim namin sa Baguio, Ilocos Norte, Batangas, at Tagaytay. Tinda sa mga palengke, groceries, at ginagamit na ingredients sa mga desserts sa restaurants."



"Galing naman nito! Pahingi nga ng isa!" Biro ni Jepoy sabay gulo sa buhok ni Ferdie. Pinalo tuloy siya ni Ferdie at lahat ay natawa sa tagpong ito.



Binigyan nga sila ng fresh strawberries para tikman ito. Pagkatapos pa ng ilang sandali ng pag-uusap ay niyaya sila ni Ferdie sa kalapit na flower farm.



Mas piniling mamalagi nila Ranie at Bestre sa strawberry farm para makabalik sa bahay nila Ferdie at makapag-merienda, habang sumama sila Alma, Jepoy, Nimrod, at Tina dito.



"Mia, sama ka sa amin," wika ni Alma sa kanya.



"Sumama ka na," bulong ni Ranie.



Tumango na lang si Mia at sumama sa papaalis na grupo.



Narating nila ang malawak na flower farm, na kinse minutos ang layo at mararating kapag nilakad.
Bumungad sa kanila ang ilang hilerang tanim ng mga bulaklak, mula sa mga rosas, chrysanthemums, daisies, at ang sunflower fields sa malayo. Halimuyak ng mga bulaklak ang pumuno sa malamig na hangin at ang lilim ng araw ang nagbigay ng kaunting init ngayong bandang hapon.




Naghiwalay na ng lakad sila Alma, Jepoy, Tina, at Nimrod para tuklasin pa ang buong lugar. Mag-isang naglalakad si Mia sa gitna ng mga hilera ng mga puti at purple chrysanthemums.



"Mag-isa ka diyan," ika ni Ferdie sa kanyang likuran.



"Ikaw pala," ngisi ni Mia. Napansin niyang nakatago ang mga kamay ni Ferdie sa kanyang likuran. "Anong dala mo diyan?" Tanong niya.



Inilabas ni Ferdie ang kanyang kanang kamay at hawak niya ang tatlong stems ng purple chrysanthemums.


"Para saan iyan?" Tanong ni Mia.



"Eh kanino ko pa ba ibibigay ito?" Iniabot ni Ferdie ang mga bulaklak at nakatulalang tinanggap ito ni Mia.



"Sa... salamat," utal na sagot ni Mia sabay yuko para tignan ang mga bulaklak sa kanyang kamay.




"Ti amo cosi tanto, Cara Mia."



Agad napaangat ng ulo si Mia nang marinig niya ang mga katagang iyon mula sa dati niyang nobyo.



"I love you so much, my dear," sagot ni Mia kay Ferdie. "Alam mo ba, na-miss ko iyon?"



Pinaagos na niya ang mga luha sa kanyang mga mata at tumakbo kay Ferdie para yakapin ito nang mahigpit.



Naramdaman niya ang mga brasong bumalot sa kanyang mga balikat. Alam niyang niyakap siya pabalik ni Ferdie. Umiyak si Mia sa balikat nito.



"Palagi kitang iniisip mula nang maghiwalay tayo. Kahit may naging nobyo ako sa med school at kahit ganap na akong doktora ay hindi ka umalis sa aking mga alaala. Walang hiya ka, sana di na lang tayo nagkita! Pinaalala mo pa sa akin!"



Inangat ni Ferdie ang luhaang mukha ni Mia at pinalis ang mga luha nito gamit ang kanyang kanang kamay.



"Mas walang hiya ka, bumalik ka kasi!" Tawa ni Ferdie. "Okay na sana ako, gumaling ako doon sa trauma ko mula sa pagkakapiit ko sa Kampo Krame, may farm kami, tapos andito ka ulit!"



"Gusto pa rin kitang makasama sa pangalawang pagkakataon," hikbi ni Mia.



Ngumiti si Ferdie sa kanya. Humalik ito sa noo ni Mia at ito ang kanyang sagot.



"Para sa aking number one fan, ang aking pinakatatanging binibini, ikaw ay aking pagbibigyan. At hindi na kita pakakawalan pa."



Wagas ang ngiti ni Mia Mirasol Fortes sa gitna ng kanyang mga luha. Sinalubong niya ng halik ang mga labi ng kanyang dating nobyo. Binalot ulit siya ni Ferdie sa isang mainit na yakap.



At sa mga sandaling ito, tadhana na ang gumawa ng paraan para sila ay pagtagpuin at di na paghiwalayin pa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top