88-Magkaibang Landas
(Narrative)
Saturday, July 16, 1977
"Ferdie, nalaman na ni Papa ang ating lihim na relasyon."
Natigilan si Ferdie habang kumakain ng kanyang pananghalian, na dinala sa kanya ng isang nurse. Tinitigan niya si Mia na nakaupo sa tabi. Bakas sa kanyang mukha ang panghihinayang at pangamba.
"Paano niya nalaman?" Kumunot ang noo ng binata.
"Kagabi, late akong umuwi sa amin at naabutan ako nila Papa at Mama na papasok ng bahay," panimula ni Mia. "Tinanong ako kung saan ako nanggaling at sabi ko, sa bahay ng aking kaibigan. Ngunit may pinakita si Mama o ang aking kinikilalang ina sa akin. Mga larawan...kuha sa unibersidad natin. Hindi ko alam na may nagtitiktik pala sa ating dalawa. Nalaman nila na mag-nobyo tayo. Alam din nila na aktibista ka, at mas lalo itong ikinagalit ng aking ama."
Muling napayuko si Mia. Nanginginig ang kanyang mga balikat. Inabot ni Ferdie ang kamay nito.
"Sabi nila, kailangan kong makipagkalas sa iyo, dahil hindi ako nagsabi na may relasyon tayo. Pero anong silbi kung sasabihin ko agad, tapos pagbabawalan nila? Kaya nga nilihim natin eh," pagtangis ni Mia.
Hindi makaimik si Ferdie. Hinayaan lang niyang lumuha ang dalaga hanggang sa tinuloy niya ang kanyang mga nais sabihin.
"Para sa kaligtasan nating dalawa, mukhang kailangan na nating makipagkalas." Mas lalong humagulgol si Mia sa kanyang mungkahi.
"Haharapin ko sila, magtatapat ako tungkol sa ating dalawa, at pormal kitang liligawan," alok ni Ferdie.
"Ayaw nila sa iyo," mas lalong naiyak ni Mia. "At kung tutuusin, mabuti nang maghiwalay kaysa ipagpatuloy natin ito. Lalo na ganyan ang iyong kalagayan. Baka balikan ka ng mga umaresto sa iyo."
Inilapit ni Mia ang sarili kay Ferdie at agad siyang niyakap ng binata. Kapwa sila nanahimik hanggang sa nagsalita si Ferdie.
"Cara Mia, salamat sa iyong pagmamahal na inalay. Salamat sa ating pinagsamahan."
"Hanggang dito na lang tayo, ngunit huwag mo akong kalilimutan. Ti amo cosi tanto."
Pinalis ni Mia ang kanyang mga luha. "Ipapadala na ako ni Papa sa Davao para doon magpatuloy ng aking pag-aaral. Pumayag ako sa kanyang kagustuhan. Ngunit nagkabati rin kami kaagad. Ang problema ko na lang, yung si Mama. Ayaw na niya akong kausapin."
"Hayaan mo na lang ang ginang. Kung kinamumuhian ka niya dahil hindi ka niya tunay na anak, baka isang araw, matauhan din iyon at makita na may pagkakamali rin siya. Magpapakasal siya tapos di niya mamahalin at aalagaan ang anak ng kanyang napang-asawa," pakonsuelo ni Ferdie.
"Magsusulatan ba tayo?" Tanong ni Mia.
"Huwag na. Tama na ang ating pinagsamahan. Mas mainam kung magpapatuloy tayo sa ating mga buhay na hindi nababagabag ng ating mga alaala. Sa Benguet na ako titira kasama ang aking tiyahin. Mabuti na ang malayo tayo ngunit baon ang ating mga alaala ng ating pag-iibigan."
Ngumiti si Ferdie kay Mia. Tahimik itong tumango at pumayag sa kanyang mungkahi.
Nang gabing iyon, lumabas si Mia sa kwarto ni Ferdie. Dumausdos ang kanyang mga luha habang naglalakad sa pasilyo ng ospital.
Hindi na niya nilingon ang kwarto ng kanyang nobyo. Mula ngayon ay mag-iiba na ang takbo ng kanyang buhay.
Matiwasay man silang naghiwalay, ngunit dala pa rin niya ang sakit at bigat ng kanyang desisyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top