74-Beach trip
(Mia's diary entry 38)
Friday, May 20, 1977
Aking diary, siguro ay na-miss mo ako. Pasensiya na at inabot ng isang buwan bago ulit ako makapagsulat dito.
Ikukwento ko na lang ang aking memorable na beach trip.
Inaya ako nila Alma na magpunta sa beach noong unang linggo ng Mayo. Kasama namin sila Jepoy, Ranie, Bestre, at Ferdie. Sumama rin ang kaibigan ni Ranie na si Tina. Sa combi van ng Ligalig kami sumakay.
Sa isang resort sa Matabungkay Beach kami tumuloy. Sa Lian, Batangas ito matatagpuan.
Dalawang cottages ang inupahan namin; sa unang cottage ay kaming mga babae ang nandoon habang hiwalay naman ang mga kasama naming lalaki. Nanatili kami dito mula Biyernes hanggang Lunes.
Masaya naman ang aming biglaang outing. Nagtampisaw kami sa dagat, umarkela ng balsa na nakalutang malapit sa pampang, at kumain ng masasarap na pagkain, mula seafood gaya ng pritong tilapia at hipon, at pati na rin mga pang araw-araw ulam gaya ng adobo at inihaw na liempo. May mga prutas din na panghimagas gaya ng hiniwang pakwan, mga mangga, melon, at saging.
Sa huling gabi namin sa resort ay nag-bonfire kami sa may tabing dagat. Dala nila Bestre ang kanilang gitara at doon ay umawit kami ng mga kilalang kanta, mula "Sweet Sixteen" ni Vilma Santos, mga awitin ng bandang Bread, at mga Beatles hits. Paborito kong moment ay ang inawit namin lahat ang "In My Life." Nang matapos namin ang awitin ay wala kaming nasabi pa na para bang may anghel na dumaan.
"Maging seryoso muna tayo, mga kasama," panimula ni Bestre, na siyang bumasag sa katahimikan na namamalagi. "Matanong ko lang, anong pangarap niyo para sa sarili at sa mga minamahal sa buhay?"
Sa mga oras na iyon ay noon ko lang natanto na wala akong sariling pangarap. Parang tinutupad ko lang ang gusto ng aking pamilya para sa akin, na maging isang doktor.
"Wala akong pangarap para sa sarili," panimula ko. "Tinutupad ko lang ang gusto ng aking pamilya na maging doktor."
"Ako rin," tinaas ni Ranie ang kanyang kamay. "Business-related course ang kinuha ko dahil gusto ng aking ama na ako ang mamamahala sa Luxuriant balang araw."
"Muntik ko nang nakalimutan, mga alta pala ang dalawang ito!" Halakhak ni Tina.
"Makinig ka muna sa kanila," paalala ni Alma.
"Pero matanong ko kayo, gusto niyo ba ang ginagawa ninyo?" Seryoso kaming tiningnan ni Bestre.
Sa gitna ng dilim ay nasa harapan ko ang kumukurap na apoy mula sa bonfire. Ito ay naging hudyat na para bang hinihikayat akong isiwalat ang aking buong kaluluwa sa aking mga kaibigan.
"Kung ako ang tatanungin, gusto kong maging doktor. Misyon ito at gusto kong tumulong sa tao sa abot ng aking makakaya. Siguro kukunin ko ang internal medicine or pediatrics pagkatapos ng aking pre-med course sa unibersidad natin. Noong una, ayoko ito, pero nagkaroon ako ng prof sa Filipino 1 dati. Sabi niya, gawin mong misyon ang iyong buhay. Gawin mo itong makabuluhan di lang para sa sarili, kundi na rin para sa kapwa."
Ngumiti ako sa kanila. Sa pagkurap ng apoy ay naaninag ko sa aking harapan ang ngiti na sumisilay sa mukha ni Bestre. Nakaupo si Ranie sa tabi niya at napapangiti rin ito. Sa tabi ni Bestre ay napangisi si Jepoy. "Makata rin pala itong si Mia."
"Nagmana lang ako kay Ferdie." Ningitian ko ang aking nobyo na katabi ko ngayon.
"Tamo, nahahawa na siya sa akin!" Tawa ni Ferdie.
"Kay Ranie naman tayo, bukal ba sa kalooban ang iyong kinukuhang kurso?" Tanong ni Tina.
Napakagat-labi si Ranie at sumagot.
"Kung nagustuhan ni Mia ang kanyang inaaral, ako, hindi. Napilitan lang ako na kunin ito para i-please ang aking mga magulang. Dating print ad model si Mommy at naging kilala rin siya sa ramp modeling. Isa siya sa founding members ng Sandico Models Association, at best friend niya si George Sandico. Si Daddy naman, alam niyo na kung anong ginagawa niya," tawa nito.
Nanahimik si Ranie at hinintay namin siyang magsalita ulit.
"Parang may kailangan akong i-maintain na image dahil anak ako ng mga Miranda. I don't want to let my parents down kaya sumusunod ako sa kanila. Pero kung ako ang tatanungin, gusto kong lumipat sa Mass Communications at maging announcer sa TV or radio. Gusto ko rin subukan magsulat sa diyaryo, naimpluwensyahan kasi ako ni Bestre at ng kanyang mga sulatin. Pero alam ko sasama ang loob nila kapag ito ang susundin ko, lalo na si Daddy."
"Sabihan mo na lang na gusto mong mag-shift ng course, ganoon kadali. May pera naman kayo," kaswal na payo ni Jepoy.
"Di ganoon kadali iyon," tugon ni Ranie. "Tapos malalaman nilang may aktibista akong nobyo, eh di giyera!"
Nagtawanan kaming lahat.
"Bahala na," kibit-balikat ni Ranie. "Handa akong magtiis dahil ayoko silang suwayin at mahal ko sila."
"Di ako natutuwa sa sagot mo," ika ni Tina.
"Hay naku Tina, kung alam mo lang!" Ngisi ni Ranie sabay halukipkip.
"Hayaan na natin si Ranie ang magpasya," paalala ni Bestre. "Sige, ituloy na natin ang usapan."
Nagbahagi rin ang iba ng kanilang mga pangarap. Sila Alma at Jepoy ay balak magpakasal pagkatapos nilang grumadweyt, pero hindi agad. Magpaplano muna sila at hahanap ng maayos na trabaho.
Si Tina, gustong makatuluyan ang kanyang nobyo at magtayo ng negosyo, habang sila Ferdie at Bestre...
"Mananatili muna kami sa underground movement," siguradong sagot ni Bestre.
"Gagawin namin ang lahat para manatiling buhay at hindi mahuli," tugon ni Ferdie.
"Kaya nga ako umalis diyan, inaalala ko ang aking pamilya," ika ni Jepoy. "Di naman sila nagalit sa akin. Pero matitigas ulo ng mga iyan, ayaw paawat!" Tawa nito.
"Paano ang mga pamilya niyo?" Taas kilay na tanong ni Tina.
"Baka magpakalayo-layo muna kami dahil ang pangarap namin ay para sa mas maayos na lipunan, kasama na sila doon. Siguro magbubunga rin ang aming mga pinaghirapan dahil sa aming mga sulatin," wika ni Bestre.
"Sana lang di kami matodas," kunwaring natawa si Ferdie. "Pero di naman kami mamumundok gaya ng mga rebelde. Di kami pumapanig sa kanilang mga paniniwala gamit ang dahas at armas. Mas pabor kami sa kaisipan ni Gat Jose Rizal. The pen is mightier than the sword."
"Si Rizal talaga ang pasimuno nito!" Natawa si Jepoy.
"Ayos lang ba iyan sa mga nobya niyo?" Tanong ni Alma.
"Handa na ako sa kung anong magaganap," matapang na sinabi ni Ranie. "Nauunawaan ko na di para sa lahat ang pakikibaka. Di lahat ng tao ay kayang gawin ito. Pero mataas ang aking respeto sa mga nagpapatuloy ng laban. Salamat sa mga kagaya nila Bestre at Ferdie, alam kong magiging posibilidad ang mas maayos na lagay ng bayan para sa lahat. Walang perpekto, pero magbubunga rin ang kanilang adbokasiya."
"Di ko alam gagawin ko kung mahuli sila, lalo na si Ferdie." Pumiyok ang aking boses at ramdam ko ang bigat sa aking dibdib. Humikbi ako at binalot ako ni Ferdie sa isang mainit na yakap.
"Huwag kang mag-alala, mananatili kaming buhay para sa inyo ni Ranie," pangako ni Ferdie.
"Umayos kayo ah? Baka bukas, makawala, nasa headlines na kayo!" Tuluyan na akong naiyak habang nakayakap kay Ferdie.
"Walang matotodas sa Ligalig! Iyon ang isipin niyo!" Matapang na sinabi ni Jepoy.
Di ko maalala kung paano natapos ang gabing iyon, pero ipinangako ko sa sarili na magiging handa ako sa kung anong mangyayari sa hinaharap. Walang kasiguraduhan ang bukas, kaya susulitin namin ang mga panahon na kasama ko si Ferdie at ang aking mga kaibigan.
Takot ako, pero dapat maging matibay ang loob.
Mia
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top