66-Sandalan

(Mia's diary entry 32)

Monday, March 7, 1977



Sa dami ng mga nangyari, hindi ko alam kung saan ako magsisimula.



Unahin ko muna ang pinakamabigat na dinadala ng aking kalooban. Inilihim ng aking ama ang tunay kong pagkatao.



Anak niya ako sa kanilang dating kasambahay, na naging lihim nitong kalaguyo. Ako ang bunga ng kanilang bawal na pag-ibig.



Ngunit nagpakalayo ang aking tunay na ina dahil ikinasal si Papa sa babaeng inakala ko na aking ina. Pinagkasundo sila kahit na ang aking "Mama" ay may anak sa pagkadalaga, si Kuya Wency. Ito ang kanilang paraan para itago ang kanilang mga lihim.



Namatay ang aking totoong ina dahil daw sa sobrang kalungkutan. Inabutan ako doon ng aking ama at naisipan niya akong kunin. Isa itong lihim na hindi isinapubliko, pwera na lang sa isang lumang sulatin sa isang dyaryo, kung saan di pinangalanan ang aking ama.



Mas nararamdaman ko na ngayon na mahal ako ni Papa kaysa sa kinikilala kong ama. Kumain nga kami ng ice cream sa labas kasama si Kuya Wency. Buti at mas naging mabuti sila sa akin.



Ngunit tanggap ko na sa mga sandaling ito na di ako kayang mahalin ng kinikilala kong ina. Ilang beses ko nang sinubukan mula pagkabata na mahalin din niya ako, mula sa pagiging honor student at pagsali sa mga school contests. Ngayon alam ko na sadyang malayo ang kalooban niya sa akin. Dahil anak ako sa ibang babae at minahal din niya ang aking ama.



Sa school, kay Ferdie ko lang sinabi ang aking lihim. Pinangako niya sa akin na hindi niya ito ikukwento kina Jepoy, Alma, at Silvestre.



"Sa ngayon, hindi kami nagkikita sa bahay ng kinikilala kong Mama," kwento ko. "Busy kasi bilang doktor. At kapag Sabado at Linggo, wala rin iyon doon. Pero mas nakakasama ko na si Papa pati ang kuya ko."



"Mainam na rin iyon, kaysa nagkakasalubong kayo o magkasamang kumakain, pero di nagkikibuan," tugon sa akin ni Ferdie.
"Baka magsisi siya sa ginawa niya, baka hindi, hayaan mo na lang ang panahon para maghilom ang mga sugat mo at dinadala sa puso. Hindi mo kasalanan na anak ka ng iyong ama sa ibang babae."



Napayakap ako kay Ferdie. Buti madali siyang umunawa at laging nakikinig sa aking mga hinaing. Siya ang aking sandalan sa mga oras na ito, na nagulo ang aking buhay.



Kung may masayang ganap man, nakilala ko na ang nobya ni Bestre na si Ranie Miranda.



May bang practice sila sa auditorium at dumayo ako doon para dalhan sila ng merienda. Saktong andoon si Ranie Miranda, at nagpakilala na kami sa isa't-isa. Inaya ko pa nga siyang manigarilyo sa labas. Sumama siya sa akin pero di siya nanigarilyo.



Dumating si Bestre at inaya si Ranie na kumain sa labas. Napangiti na lang ako habang tumatakbo ang dalawa sa ilalim ng ulan.



Parte na ng "Ligalig Family" si Ranie. At natutuwa ako na may bago akong kakilala na maituturing kong kaibigan.


Mia

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top