57-The Big Night
(Mia's diary entry 26)
Saturday, February 12, 1977
Napakarami kong gustong ikwento!
Buhay na buhay ang Valentine's Night kagabi, February 11.
Inayos nila ang buong gymnasium at nagmukha itong impromptu disco house. Nakagayak ang lahat at ayos na ayos, mula sa mga estudyante na naka-coat and tie, dress, gown, at pati na rin ang mga propesor na parang pupunta sa isang pormal na party. Nakakatuwa at lahat ay nakabihis at kumikinang na parang mga tala sa gabing ito.
Akala ko ay mahuhuli ako ng dating, ngunit pagpasok ko sa gym, saktong tumutugtog ang Ligalig sa stage. Naabutan ko si Bestre na umaawit ng "Manila" ng bandang Hotdog. Hinanap ko si Alma sa kumpulan, ngunit di ko siya nakita. Sa halip, nakisabay ako sa pagsayaw ng mga tao. Kahit di ko kilala ang mga nasa paligid, napangiti ako sa sarili habang sumasabay sa indak ng musika at sa kaligayahan ng mga taong sumasayaw.
Nang matapos na ang number ng Ligalig, napalitan ito ng mga piling awitin na pinapatugtog sa speakers. Naglakad na ako patungo sa dining area. Buti inaya ako ng aking mga kaklase na sumabay sa kanila sa pagkain. Masaya ang aming naging usapan, at buti ay walang nagtanong kung bakit ako nahuli ng dating.
Kaunti lang ang aking kinain, at agad akong nagpaalam para umalis. Biro ng isa, may date daw ako, at pabiro akong sumang-ayon dito. Nagtawanan ang lahat at nagpaalam na ako sa kanila.
Habang naglalakad ako sa loob ng gym, pinanood ko na lang ang mga nagsasayaw ng slow dance sa gitna. Mabagal ang musikang pinapatugtog at hiniling ko na sana ay mag-slow dance kami ni Ferdie.
Buti na lang ay nakita ko sila Alma, Jepoy, at Ferdie sa tabi. Lumapit ako sa kanila at sinalubong ako ni Ferdie ng isang mainit na yakap.
Aayain ko na siyang mag-slow dance nang winika ni Jepoy, "Tumingin kayo sa bandang gitna, nagsasayaw na sila Bestre at Miss Miranda."
Agad kaming lumingon nila Alma at Ferdie. Totoo nga, magkalapit na ang dalawa at mabagal na sumasabay sa saliw ng isang English love song.
"Kulang na lang, matunaw iyan si Ranie sa mainit na tingin ni Bestre," ngisi ni Ferdie.
"Sabi ko na nga ba, gusto niya si Ranie!" Galak na napapalakpak si Alma.
"Napaamin ko iyan si Bestre," pagmamalaki ko sa tatlo kong kasama. "Hinikayat ko rin na magtapat siya kay Miss Miranda."
Lahat ng kanilang mga mata ay nakapako sa akin. "Paano?" Pagtataka ni Jepoy.
"Nag-uusap kami ni Ferdie at kami ang gumagawa ng paraan para mainis si Bestre," ngisi ko. "Nakausap ko rin si Bestre, sabi niya, gusto niya si Rania."
"Aba, mukhang epektibo ang inyong ginawa ah!" Ika ni Alma.
"Hala, bakit mukhang nag-aaway yata sila?"
Ibinaling ni Jepoy ang kanyang ulo sa direksyon kung saan nakatayo sila Silvestre at Miss Miranda. Hindi na sila magkaakbay ngayon; sa halip ay parang nag-uusap sila.
At bigla na lang tumakbo papalayo si Bestre at iniwan sa gitna si Miss Miranda.
Dito natapos ang tagpo nilang dalawa. Napakibit-balikat na lang kaming lahat.
Ngunit sa bandang huli ay naka-slow dance ko rin si Ferdie. Natapos ito sa isang mainit na halik, na aking inuwi at sinariwa sa alaala hanggang sa aking pagtulog.
Sana ay Lunes na, para magkita kami ni Ferdie. At para malaman na rin ang nangyari kay Bestre.
Mia
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top