55-Excitement

(Mia's diary entry 25)

Tuesday, February 1, 1977



Sa unang pagkakataon, excited na ako para sa Valentine's Day. Hindi, para sa Valentine's Night sa unibersidad.



Magkikita kaming muli ni Ferdie sa gabing iyon. Excited na akong mapakinggan ang kanilang banda dahil sila ang opening act.



Di ko muna gagambalain ang aking nobyo, at abala sila sa band practice. Pero nakatanggap ako ng liham kay Ferdie, na nangungumusta. Inabot ito sa akin ni Alma kaninang tanghali habang magkasama kaming kumakain sa canteen.



Agad akong nagsulat ng liham para ibigay ni Alma kay Ferdie. Sabi ko lang doon, ingatan niya ang sarili at mahal ko rin siya.



Tinanong ko kay Alma kung totoo ba yung mga plainclothes military na palihim na pinapatiktik ang mga estudyante ng unibersidad. Tugon ni Alma, "Oo. Iyon din ang kwento sa akin ni Jepoy."



"Kaya kami naglayo muna ni Ferdie, dahil doon," bulong ko.



"Ah, oo, naintindihan ko. Parang meron nga, yung mga binatang ahit ang ulo. Pero ayon sa huli kong obserbasyon, nawala na yung mga binatang iyon."



"Buti naman." Para akong nabunutan ng tinik sa mga sandaling ito.



Sa ngayon, ang tangi kong alalahanin ay ang aking isusuot sa Valentine's Night. Pero nakakita ako ng isang dress na kulay brown sa loob ng aking cabinet. Hindi ko pa naisusuot ito, mukhang ito na lang ang pipiliin kong damit sa espesyal na gabing iyon.



Mia

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top