49-Isang Kwento
(Ferdie's letter to Mia, Thursday, January 20, 1977)
Cara Mia,
Salamat sa iyong suhestiyon. Nasabi ko na ito kay Bestre at siya na ang pupunta sa Conservatory para magpareserba sa darating namin na band practice.
May kwento pala ako tungkol kay Bestre.
Kahapon, habang nagigitara at umaawit kami sa isang bakanteng classroom, nagkataong nakasilip pala sa labas ang anak ng may-ari ng Luxuriant, yung department store.
Si Bestre ay nagkataong nakita siya habang kumakanta ng Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko, yung awitin ng Hotdog. Lumabas ito para sumilip at tinuloy ang kanta niya hanggang sa nakatayo na siya sa likuran ni Miss Miranda.
Nag-away na parang aso at pusa ang dalawa. Muntik na rin niyang halikan si Miss Miranda, pero nasampal siya nito. Biniro ko pa nga na sana hinalikan na lang niya pero nagalit ang ating kaibigan.
Nagkamali kami na di namin sila inawat at ang bilis ng mga pangyayari. Agad kaming umalis sa eksena at iniwan ang nag-aalimpuyo na si Miss Miranda.
Pusta ko, nagkakagusto na si Bestre sa dalagang ito. Kahit na sinasabi niya palagi na ang mga mayayaman na kagaya niya ay di dapat mag-aral sa ating unibersidad. Kahit na may tsismis daw na ang Pamilya Miranda ay malapit sa pangulo at ang pamilya rin nito. Mas lalo nga siyang naiinis dahil dito.
Tapos kapag nagkakasalubong sila, sabi ni Jepoy, nililingon daw niya ito at humahabol ng tingin.
Nakakatawa si Silvestre Felix.
Buti di niya nababasa itong sulat ko sa iyo, kaya sa atin muna ito. Baka itakwil ako ng loko kapag nalaman na pinagkakaisahan natin siya.
Ti amo cosi tanto,
Ferdie
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top