28-Burger Date
(Mia's diary entry 12)
Kumain kami ni Ferdie sa isang fast food na may mga burgers at French fries. Tropical Hut ang tawag dito at may katabi rin itong grocery.
Hindi ko maikakaila na masarap ang classic burger ng kainan na ito. Ngayon lang ako nakapunta dito, dahil di naman ako palalabas at kung lumalabas man ako, kasama ko ang aking pamilya. Madalas ay sa mga mamahaling restaurant kami kumakain.
Magaan naman ang usapan sa simula habang nilalasap namin ang aming mga pagkain. Hanggang sa naitanong ko ang tungkol sa pagiging aktibista ni Ferdie.
"Nabalitaan ko kay Alma na nasa underground kayo nila Bestre. Nagsusulat daw kayo bilang mga aktibista."
Pagkatapos kong banggitin ang mga katagang ito, dito na siya nanahimik at napatingin sa malayo.
Ramdam ko na parang may mali akong sinabi at nangapa ng susunod na mga kataga, ngunit nagsalita agad si Ferdie.
"Pakiusap, huwag mo itong babanggitin kahit kanino," hiling nito.
"Hi...hindi, sikreto natin lahat ito," tugon ko kay Ferdie.
Sinalubong ko ang kanyang mga mata, na puno ng pangamba.
"Ngayon alam niyo na ang aking lihim. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano ako magtitiwala sa iyo, lalo na't galing ka sa may-kayang pamilya at pwede niyo akong ipahuli sa mga awtoridad. Pero mangangahas akong ibigay sa iyo ang aking tiwala, Mia. Hindi ko na kayang iurong ang aming laban, ngunit hindi ko na rin kayang talikuran ka at ang namumuo kong damdamin para sa iyo."
Nagulat ako sa kanyang rebelasyon.
"Gusto mo ako?" Halos mahulog na ang aking panga sa sahig. Labis ang dagundong ng aking puso.
Kinuha ni Ferdie ang aking kamay at hinalikan ang likod nito.
"Ito ang sagot. Maghihintay ako ng iyong tugon. Kung ayaw mo na, matatanggap ko ito."
"Gusto rin kita," pag-amin ko. "Sasama ako sa inyong laban. Marunong akong magsulat," wika ko.
"Salamat, ngunit hindi kita pahihintulutan na sumama sa amin. Hindi mo alam ang mga panganib na kailangan mong harapin. Manatili ka na lang sa aking tabi, ito ang papawi sa pagod at lungkot na aking kinukubli. Kahit makinig ka lang sa aking mga hinaing at umunawa, sapat na iyon kasama ng iyong pagmamahal."
Natawa ako. "Makata ka pala ah."
Humalik ulit si Ferdie sa likod ng aking kamay.
Ngayong gabi, napapangiti ako habang nagsusulat.
Hindi ako makapaniwala na sa wakas, ay mag-nobyo na kami.
Wala muna akong balak ipaalam ito sa aking mga magulang. Sa ngayon, ito na muna ako sa aking sariling mundo na umiibig at dinarama ang kanyang pag-ibig.
-Mia
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top