09

RIOT FLEUR

"Aanakan na ni Danger si Riot!"

Nagkalat ang confetti sa loob ng party. Ang mga bote ng beer ay nagdidikit at gumagawa ng isang nakatutuwang tunog. Napuno rin ng hiyawan at sigawan.

"Mga gago!" Sigaw ni Danger sa kanila. "Imbes na ang Placard Doré ang pagtuonan ng pansin, kami ang pinansin." Umiling-iling na paratang sa kanila ni Danger bago lagukin ang kanyang beer.

Kahit nasa kabilang dulo sila, hindi pa rin nila maiwasang magloko at magkatuwaan. Mga loko.

Natawa na lang ako. Siniko ako ni Caia na kanina pa nasa gilid ko. "Enjoy ka naman diyan? Para sa inyo rin ni Danger 'to, hindi lang sa'tin!"

Pinasadahan ko ang buhok ko, tila tinatanggal ang buhol sa dulo nito. "Oo naman. Bakit hindi? Effort niyo rin dito sa after-party, ha?" Nagkibit-balikat naman si Caia na parang sinasabing wala lang lang sa kanila ito at kayang-kaya naman nila.

Kung tutuusin, ayaw ko naman talaga pumunta dito sa after-party. Masyadong maingay, mas nat-trigger lang 'yung pagod ko. Pinilit lang ako ni Caia kasi sabi niya para sa'min naman din 'to ni Danger.

"Riot, alis lang muna ako? Entertain ko lang 'yung ibang mga pumunta." Tumango na lang ako kahit sa loob-loob ko sinasabi ko na hindi naman niya kailangan gawin 'yun.

Pumunta na lang ako sa isang sulok habang dala-dala ang tasa ng tsitsirya. Hindi naman talaga ako nakain ng tsitsirya, bibihira nga lang ako kumakain. Wala rin naman kasing makain na matino rito.

Nag-eenjoy naman silang lahat. Kahit pagod sila, makikita mo 'yung effort nila na balewalain 'yun para sa sarili nilang kasiyahan. Imbes na magpahinga ay piniling nilang magsaya sa pamamagitan ng pagsayaw at pag-inom.

Pumunta nga si Jagger kanina. Pero kailangan daw niya umalis kasi may pupuntahan pa raw siya. Pinilit ko siya na sumama na lang dahil sa'kin pero wala raw siyang magagawa kundi sumunod.

Babawi na lang daw siya sa susunod. Aayain daw niya ako sa isang date na agad kong tinanggihan. Wala naman akong nakikitang masama sa intensyon niya pero ayaw ko lang mag-isip siya ng ibang bagay.

May kamay na kumaway sa harap ng mga mata ko. "Hey." Bati ko sa kanya habang tumatabi nang konti. "Naistorbo ba kita?" Tanong ni Danger habang binibigyan ako ng isang lata ng soft drink. Nagpasalamat naman ako sa kanya bago tanggapin.

"Hindi," sagot ko sa tanong niya. "Okay ka lang? Kanina pa kita tinitignan. Parang hindi." Halata ang pagmamadali niya sa pagsasalita.

"Pagod lang ako. Kulang din sa tulog." Matamlay kong sabi habang nilalapag sa maliit na lamesa sa gilid ang tasa at binuksan ang lata.

"Gusto mo bang umalis dito? Kasama ako?"  Mataman niyang tanong habang tinitignan ako sa aking mga mata. Napalunok na lang ako at uminom.

"Nah," tanggi ko sa alok niya. "Pagod ako at gusto ko magpahinga, pero alam mo 'yun? Mas gugustuhin mong 'wag muna umuwi?" Natawa naman ako sa sarili ko dahil ang walang-kwenta nung sinabi ko.

"'Edi doon muna tayo sa labas." Hindi pa ako nakakasagot ay hinawakan na niya ang aking pulso at marahan akong hinila palabas.

"Ano naman gagawin natin sa labas?" Mahina kong tanong habang sumisiksik kami sa mga tao palabas. Ang dami na ng tao ngayon kumpara kanina.

Nang makalabas na kami sa bar ay akala ko hihinto kami. Huminto nga kami, pero para lang hilahin niya ako papalapit sa kanya at hawakan ako sa aking baywang.

"Hindi mo pa ako sinasagot," medyo naiinis kong sabi sa kanya. "Ano gagawin natin dito sa labas?"

Hindi pa naman ganun kalalim ang gabi. Kung tatantiyahin ko, nasa kalagitnaan na ng a las dies at a las once ng gabi. Marami-rami pa ang mga kotse dumadaan pero kokonti na lang ang mga taong naglalakad.

Hindi niya pa rin ako sinagot hanggat sa huminto kami sa likod ng isang kakaibang sasakyan. Isang Ford Ranger na itim. Hindi ito ang madalas niyang dinadala na sasakyan.

"Stargazing, Riot. 'Yun ang gagawin natin." Binaba niya ang harang sa likod ng kotse at may kinuhang gamit sa loob ng kotse. Paglabas niya, may hawak na siyang dalawang unan at mga kumot.

Hindi niya muna ako pinaupo. Sabi niya, aayusin lang daw niya saglit 'yung hihigaan namin. Tinignan ko siya mag-ayos, hindi ko mapigilang mapangiti. Ang cute lang niya tignan.

"Halika na." Nilahad niya ang kanang kamay niya bilang suporta. Tinanggap ko naman 'yun habang bitbit ang isang lata ng soft drink sa aking kanang kamay.

"Okay ba?" Nahihiya niyang tanong habang binibigyan ako ng kumot. Ngumiti naman ako sa kanya. "Sobrang okay. Thank you dito at sa paghanda mo ng ganito." Sabi ko habang medyo tinataas ang lata na hawak.

Parehas kaming tahimik habang nakatingin sa langit at pinagmamasdan ang kinang ng mga tala. Hanggang dibdib ang balot ng kumot sa'kin at nakalabas ang aking dalawang braso. Nakahawak ang aking dalawang kamay sa maliit na lata.

Hanggang hita naman amg kumot ni Danger. Ang siko ay nakasandal sa kotse at ang ulo ay nakasandal sa kamay.

Sobrang tahimik. Nakagiginhawa. Nakagagaan ng pakiramdam. Ganito 'yung hahanap-hanapin mo tuwing may problema ka at gusto mo mapag-isa.

"Alam mo," panimula niya. "Nagpapasalamat ako na coding 'yung kotse ko at ito 'yung dinala ko."

Napatingin ako sa kanya at nagtaka sa sinabi niya. "Bakit naman?"

"Kasi nagawa ko 'to para sa'yo. Nakasama kita at kita ko naman na natutuwa ka." Hinarap niya ako. "Natutuwa ka naman, 'diba?" Nakangiti akong tumango.

"Halatang pagod ka na. Sigurado ka bang ayaw mo muna umuwi? Pwede kitang ibaba sa condo mo." Umiling naman ako. Ayaw ko na talaga umuwi. Parang gusto kong magtagal pa.

"Gusto mong matulog muna saglit dito? Kahit hanggang a las dose lang, tapos gigisingin na kita." Tipid akong ngumiti at tipid din akong tumango. Nahihiya ako. Dinala niya ako rito tapos tutulugan ko lang siya. Anong klase 'yun?!

Humalakhak siya at kinuha ang lata sa aking mga kamay. Inayos ko naman ang higa ko at binalot ang sarili sa kumot. Sa totoo lang, hindi masarap sa pakiramdam humiga sa ganito pero ngayon, ang sarap humiga.

"'Wag ka mag-alala! Hindi kita iiwan dito. Hindi naman ako ganun kagago para hayaan na may mangyaring masama sa'yo." Umusod siya nang kaunti para sa'kin. Gusto kong sabihin na okay na ako at hindi na niya kailangan mag-adjust, pero napahikab lang ako.

"Thank you, sobra." 'Yun lang ang lumabas na mga salita sa aking bibig. Ngumiti siya sa'kin at tumango.

"Matulog ka na. Ako bahala sa'yo." Bulong niya sa'kin bago ako tuluyang makatulog.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top