Kapitulo XXI - West

Habang nakasakay sa jeep pauwi ay sinusubukan kong i-contact ang number ni North ngunit hindi niya ito sinasagot kaya naman naisipan kong tawagan si JV nang makauwi ako sa bahay. "Oh, bakit napatawag ka? Kakauwi ko lang, eh. Ano, kamusta 'yong—"

"Bakla, nakauwi na raw ba d'yan si North? Hindi niya sinasagot lahat ng tawag ko, eh. Ilang beses ko na rin siyang sinubukang i-message pero wala ring reply!"

"Huh? Sige, wait lang kakatukin ko lang 'yong bahay nila," aniya at pagkatapos ay narinig ko ang paggalaw niya mula sa kabilang linya. Narinig ko rin ang pagdoorbell niya sa bahay nila North pero nanatiling walang tugon dito. "Walang nasagot, beshy. Sigurado ka bang hindi niya sinasagot 'yong tawag? Baka naman tulog o kaya may pinuntahan kaya hindi naririnig ang tunog ng phone niya?"

Napabuntong-hininga ako dahil sa sinabi niya at napakagat sa aking mga kuko sa kamay. Damn, North... Nasaan ka na ba?

"May number ka ba ni Mrs. Thompson?" Hindi ko alam pero iyon ang unang pumasok sa isip ko dahil sa sobrang kabang nararamdaman ko ngayon.

"Ay, meron! Wait lang, itetext ko sa'yo. Ibababa ko na 'tong tawag, ah?" nagmamadaling sabi niya bago narinig ang tunog na dulot ng pagkaputol ng linya ng tawag.

Nang ma-receive ang number ni Mrs. Thompson ay agad ko itong ini-dial. Nanginginig pa ang aking mga kamay habang itinitipa ang numero kaya medyo natagalan ako dahil sa kakabura ng maling naitipa. Medyo matagal din akong naghintay bago ko narinig ang kanyang boses sa kabilang linya.

"Hello? Who's this?" Napakunot ang noo ko nang marinig ang isang hindi pamilyar na tinig.

"M-Mrs. Thompson, si Demetria po ito," sagot ko.

"Demetria? Pasensya na, hija, wala si Ate Sylvia sa bahay ngayon. Kapatid niya ito, si Cynthia. Sasabihin ko na lang na tumawag ka sa kanya mamaya. Nga pala, ba't napatawag ka?"

Tumikhim muna ako bago magsalita. "Kasama niyo po ba d'yan si Theo?" Napakagat ako sa aking labi dahil sa itinanong ko. Umaasa akong kasama ni Theo si North ngayon kaya baka alam niya kung nasaan ito nagpunta. Sana...

"Theo? Sinong Theo ba?" Napakunot ang noo ko sa kanyang naging tanong.

"S-Si Theo po mismo..." naiilang na sagot ko.

"Huh? Sino bang ibig mong sabihin, hija? Si North o si West?" Natigilan ako sa kanyang tanong.

"E-Excuse me lang po, Ate Cynthia... Pero sino po si West?" Nanginginig ang aking mga kamay dahil nararamdaman ko na ang panunuot ng sakit sa aking sentido dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan.

"Ah, 'yong kapatid ni North," sagot niya.

"H-Hindi po ba si Theo ang kapatid ni North?" Halos mapugto ang aking paghinga nang matagalan sa pagsagot si Ate Cynthia sa kabilang linya.

Maya maya'y narinig ko ang mahinang tawa niya sa kabilang linya. "Ah, si West iyon. Parehas kasing 'Theo' ang mga pamangkin ko. Ang panganay na si West Theo, at ang pangalawa ay si North Theo." Tila huminto sa pag-ikot ang mundo ko nang marinig ang kanyang kasagutan. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang umagos ang matinding kirot sa aking ulo at biglang nanlabo ang aking paningin.

"Pwede po bang pakibigay kay W-West 'yong telepono?" Narinig ko namang tinawag niya si West at maya maya'y narinig ko ang boses nito.

"D-Demi?" Bakas ang pagkailang sa boses niya nang magsalita ito.

"West..." Ramdam kong natigilan siya sa kabilang linya pagkatapos ko siyang tawagin sa first name niya. "Your name is West Theo, am I right?"

"Y-Yes..." Lalong nanlabo ang aking paningin dahil sa mga luhang nagbabadya na namang tumulo mula sa aking mga mata nang marinig ang sagot niya.

"I... I think we need to talk." Rinig ko ang pagbuntong-hininga niya mula sa kabilang linya.

Ilang saglit pa itong natahimik bago muling nagsalita. "I'll fetch you there. Wait for me," aniya bago pinutol ang tawag.

Pinalis ko ang aking mga luha bago napahawak sa aking ulo. Hinilot ko ang aking sentido at pinakalma ang sarili. Kailangan kong malaman ang katotohanan, hindi ako pwedeng magbreakdown ngayon.

Alam kong may kailangan akong malaman na parte ng nakaraan dahil muling na-trigger ang pagsakit ng aking sentido nang may bagong nalaman. Kung ano man 'yong malalaman ko ngayon, sigurado akong isa ito sa pinakaimportanteng bahagi ng aking nawalang alaala.

Halos kalahating oras ang lumipas bago ko narinig ang isang busina mula sa tapat ng bahay. Huminga muna ako nang malalim bago tumayo at lumabas ng bahay. Sinigurado ko munang nakasarado ang buong bahay bago ako umalis dahil hindi pa nakakauwi si Anna galing sa school.

Nang makapasok ako sa kanyang sasakyan ay bumungad ang katahimikan at pagkaka-ilangan sa aming dalawa. Hindi bumabagal ang tibok ng puso ko habang pinapakiramdaman kung sino sa aming dalawa ang unang magsasalita.

"Demetria, I'm sorry..." panimula niya na siyang nagpatulo muli sa mga luha ko.

"F-For what?"

"I lied... We lied." Napako ang paningin ko sa kanya dahil sa kanyang sinabi.

"What are you talking about?"

Bumuntong-hininga muna siya bago bumagsak ang tingin sa kanyang kamay. "Hindi ako si Theo na nasa mga panaginip mo..."

Bumagsak ang mga balikat ko sa sinabi niya. "Eh, sino?" Pinilit kong magmaang-maangan upang takbuhan ang katotohanan pero nang makita ko ang malungkot niyang mga matang nakatitig sa akin, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili upang mapahikbi nang malakas. "Si North ba?"

Dahan-dahan siyang tumango sa akin bago nag-iwas ng tingin. "I'm sorry, Demetria... We did it on purpose."

"For what purpose? Para saktan ako? Para paniwalain ako sa isang panibagong kasinungalingan? Para paglaruan yung damdamin ko? Para pahirapan akong maalala ang nakaraang nakalimutan ko? Tell me!"

"Hindi ako ang taong dapat magsabi nito sa'yo, Demetria..."

"At bakit hindi? Sino ba dapat? Si North? Nasaan ba si North?"

"Nangako ako kay North na hindi ako ang magsasabi ng dahilan na iyon sa'yo sa oras na malaman mo ang totoo. Kaya, halika at pupuntahan natin siya ngayon," seryosong sagot niya sa akin. Pinaandar niya na ang sasakyan bago pinaharurot paalis. Nanatili lamang ang titig ko sa labas ng bintana.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangan nilang magsinungaling sa akin tungkol dito! Hindi ko ba deserve malaman ang totoo? I just can't think of any other reason why they hid the truth from me!

Si North at si Theo sa panaginip ko ay iisa. Ang tao sa nakaraan at kasalukuyan ko ay iisa. Ang taong minahal ko noong mayroon pa akong alaala at ang taong mahal ko ngayong wala akong alaala ay iisa. Hindi ako makapaniwala...

"Nandito na tayo, Demetria." Nabalik ako sa reyalidad nang magsalita si West at doon ko lang din naramdaman na nakatigil na pala ang sasakyan.

Napaawang ang aking bibig nang tignan kung saan kami nakatigil. "B-Bakit tayo nasa ospital?"

Nanatiling tikom ang kanyang bibig bago bumaba ng sasakyan at umikot upang pagbuksan din ako ng pinto. Nangangatog ang aking mga tuhod habang humahakbang papasok sa building ng ospital. Pagkasakay sa elevator ay mas lalo kong narinig ang malakas na kabog ng aking dibdib. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay mas dumoble lang ang kaba ko nang bumukas na ang elevator at nakarating na kami sa floor na pupuntahan namin.

Sumunod lamang ako kay West habang naglalakad siya at natingin sa mga numero sa ibabang ng mga pintuan at nang makarating kami sa tapat ng Room 405 ay tumigil na siya. Nabaling ang atensyon ko sa pangalang nakalagay sa tabi ng pintuan.

'Thompson, North Theo G.'

Pigil ang aking paghinga nang dahan-dahang pihitin ni West ang doorknob at nanatili lang ang aking tingin sa sahig nang tuluyang bumukas ito. Purong katahimikan ang nangibabaw sa buong paligid at ang tanging naririnig ko lamang ay ang aking mabibigat na paghinga at malakas na tibok ng aking puso na parang lalabas na sa aking dibdib.

"Demetria?"

Awtomatikong napaangat ang aking tingin nang marinig ang tinig ni North. Sunud-sunod na pumatak ang mga luha mula sa aking mata nang makita siyang nakaupo sa hospital bed at nakasuot ng hospital gown. May dextrose sa kanyang kanang kamay at ang kaliwang kamay niya naman ay may hawak na remote ng T.V.

Tinapik ako sa balikat ni West bago iniwan kaming dalawa ni North sa silid. Umalingawngaw sa buong silid ang tunog na dulot ng pagsara ng pinto nang makalabas siya. Para naman akong nakapako sa aking kinatatayuan habang nakatitig sa kanya. Nakangiti ang kanyang maputlang labi at ang mapupungay na mga mata niya ay nakatitig lamang ng diretso sa akin.

"Anong ginagawa mo rito, Demi?" Pagkatanong niya n'on ay awtomatiko na yata ang mga paa ko dahil napatakbo ako papalapit sa kanya bago niyakap siya ng mahigpit. Nag-uunahan sa pagtulo ang aking mga luha habang nakayakap ako sa kanya.

"Nandito ako dahil ikaw ang pinipili ko, North." Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at muling sinilayan ang kanyang mukha. Nangingilid ang kanyang mga luha sa mata habang gulat na nakatingin sa akin, "Eh, ikaw? A-Anong ginagawa mo rito? Akala ko ba ay magpapalamig ka lang? Bakit ka nasa ospital?" Sunud-sunod na tanong ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin ng matamis bago dahan-dahang inihiga ang sarili sa kama. Natigilan ako sa pag-iyak nang mapansin ang isang oxygen tank na nakatayo sa tabi ng kanyang higaan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top