Kapitulo XVIII - Lunch

Mabilis na lumipas ang mga araw at hindi namin halos namalayan na Biyernes na pala ngayon dahil sa sobrang busy sa mga school works dahil papalapit na rin ang final exams. Madalang na lang din kaming magkasama ni North dahil madalas ay nauuna akong umuwi dahil marami pa akong tinatapos na requirements. Siya naman ay busy rin sa paghahanda para sa kanyang thesis defense bukas. Tuwing umaga na lang kami nagkakausap dahil araw-araw niya pa rin akong hinahatid papuntang school pero pagkatapos no'n ay seryoso na ulit kami sa pag-aaral.

"Demi, mamaya na 'yong lunch natin kasama sila Mama at Papa," paalala niya sa akin nang makababa ako mula sa sasakyan niya nang makarating na kami sa school.

Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya. "Hala! Oo nga pala! Tuloy pa talaga 'yon?"

Natatawa naman niyang pinitik ang noo ko. "Oo naman! Bakit naman 'yon hindi matutuloy?"

Napairap ako dahil sa kanyang sinabi. "Malay ko bang nagj-joke ka lang noong sinabi mo sa akin na ipapakilala mo ako sa kanila! Tss..."

Nagulat naman ako nang gumapang patungo sa aking balikat ang kanyang mga kamay bago niya ako tuluyang inakbayan. "Halika nga rito!" natatawang sabi niya bago pinisil ang tungki ng aking ilong. "Huwag ka ngang maghisterical d'yan! Sigurado akong magugustuhan ka nila Mama, at saka kilala ka na kaya nila!"

"Eh, baka kasi may nagawa akong masama sa kanila dati na hindi ko matandaan ngayon... Kinakabahan ako baka magalit sila sa akin 'pag nakita nila ako—"

"Shh! Napaka-nega mo talaga!" natatawang pigil niya sa aking sasabihin. "Nakalimutan mo na bang nandito pa sa tabi mo ang napakagwapo at napaka-hot mong boyfriend? Ako ang bahala sa'yo!"

Napairap na lang ulit ako dahil sa sinabi niya. "Napakakapal talaga ng pagmumukha mo, 'no?"

Ngumisi siya nang malawak sa akin bago itinaas-taas ang isa niyang kilay. "Pero gwapo pa rin, 'di ba?"

Tinanggal ko ang pagkakaakbay niya sa akin at iwinasiwas ang aking buhok sa kanya. "Bahala ka d'yan! Hambog ka talaga!" sigaw ko sa kanya bago tumakbo na paakyat sa hagdan. Narinig ko ang malakas na halakhak niya sa aking likuran.

Nang makarating kami sa room ay iba't ibang eksena ang aming nasaksihan. Mayroong isang grupo na nagtitipon-tipon upang magkopyahan sa assignment ng isa naming kablock mate na matalino. Mayroon ding mga nakahilera sa tapat ng aircon upang solo-hin at magpalamig. Mayroon ding kabi-kabilang grupo na nagtatawanan nang malakas habang nagk-kwentuhan. Mayroon namang iba na parang may kanya-kanyang mundo habang nagbabasa ng mga librong inilimbag galing sa isang app na tinatawag nilang 'Wattpad'. At 'yong iba naman ay tahimik na natutulog lamang sa isang tabi habang may nakasalpak na earphones sa magkabilang tainga.

Maya maya ay natahimik na rin ang buong classroom nang dumating ang professor namin sa unang subject. Mabilis na lumipas ang mga oras at ngayon ay uwian na namin. Kanina pa ako pinagtatawanan ni North habang nakaturo sa mukha kong halata raw na kabadong-kabado. Nagbangayan pa kami bago makalabas ng classroom. Tiningnan ko sa huling pagkakataon ang bakanteng upuan ni Drake na nakapagtatakang absent ngayong araw bago ako tuluyang nagpahila kay North palabas ng room.

Tahimik lang kami buong biyahe hanggang sa makarating kami nang tuluyan sa bahay nila North. Bago kami bumaba ay hinawakan niya ang mga kamay kong nangangatog sa kaba at tiningnan ako nang diretso sa mga mata. "Babe, it will be alright, okay? Trust me," aniya.

Nagawa ko pa ring ngumiti kahit halos nanginginig na ang mga labi ko sa kaba. Hinagkan niya ang aking noo bago tinanggal ang aking seatbelt at mabilis na umikot palabas ng sasakyan upang pagbuksan ako ng pinto. Inalalayan niya pa ako pababa bago isinara ang pinto at ni-lock ang sasakyan. Pinagsalikop niya ang kamay naming dalawa bago kami tuluyang pumasok sa loob ng kanilang bahay. Hindi ko maiwari kung paano ko iwawaksi ang kabang kanina pa nangingibabaw sa aking sistema.

Calm down, Demi... Hindi kayo totoong couple ni North...

Napailing ako sa aking naisip. Huminga muna ulit ako nang malalim upang mapakalma ang sarili. Naramdaman ko ang marahang pagpisil ni North sa aking kamay kaya naman napangiti ako.

"Demetria?" Bumilis ang pagpintig ng aking puso nang marinig ang isang pamilyar na tinig mula sa isang silid. Nang magtama ang tingin naming dalawa ng isang babaeng pamilyar ang mukha sa akin ay ramdam ko agad ang pagtibok ng mga ugat sa aking utak. Napaawang ang aking bibig upang mas makahinga nang maayos.

"Demetria, hija... Ikaw na ba 'yan?" Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa akin at nang nasa harap ko na siya ay hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. "Ang laki nang pinagbago mo, Demi! Halos hindi na kita makilala! Lalo kang gumanda!"

Napangiti ako dahil sa sinabi niya at pilit na hindi pinansin ang kirot na aking nararamdaman sa aking sentido. "H-Hello po, Mrs. Thompson..." Nagulat naman ako nang bigla niya akong yakapin at naramdaman kong tumutulo ang kanyang mga luha sa aking balikat.

"Hija, namiss kita! Nabalitaan ko kung anong nangyari sa'yo, at sigurado akong hindi mo na ako natatandaan... pati ang anak kong si Theo." Halos malagutan ako nang hininga dahil sa sinabi niya sa akin. Naagaw ang atensyon ko nang makita kong lumalakad papunta sa gawi ko ang isang pamilyar na lalaki.

Bumitiw ako sa yakap namin ng ina ni North bago bumati sa lalaki. "Good afternoon po, Mr. Thompson..." Nakita ko ang unti-unting pag-angat ng mga gilid ng kanyang labi nang siya'y ngumiti sa akin.

"Nakakapanibago naman," aniya bago bahagyang humalakhak. "You always call us 'Mama and Papa' before, noong kayo pa ni..." Itinigil niya siguro ang kanyang susunod na sasabihin dahil naalala niyang nasa may tabi ko nga pala ang isa pa niyang anak na ngayon ay 'boyfriend' ko na.

Ramdam ko ang pagdaan ng matinding kirot sa aking sentido na pilit kong hindi pinapansin simula kanina pa na para bang may nasabi silang parte ng alaala ko noon.

"Uh, shall we eat?" pagsingit ni Mrs. Thompson nang makahalata sa sitwasyon. "Halika, hija! Tumabi ka sa akin. Call us 'Mama' and 'Papa' again, alright?" Hinawakan niya ang aking siko at dahan-dahang inalalayan ako papunta sa dining area bago pinaupo ako sa isang bakanteng upuan na katabi ng upuan niya.

Kumain muna kami at nang matapos na ay doon na sila nagsimulang magtanong sa akin. "So, how did you lost your memories?" Natigalgal ako dahil sa tanong ni Mrs. Thompson sa akin. Buong akala ko ang itatanong niya ay kung kailan naging kami ni North o kaya naman ay kung paano kami nagkakilala, pero nagkamali ako!

"I... I'm sorry, I can't remember anything about the accident po," magalang na pagsagot ko sa tanong niya.

Nagkatinginan naman sila ng kanyang asawa bago nag-aalalang napatingin sa akin. "May bumalik na ba sa mga alaala mo, hija?" tanong sa akin ni Mr. Thompson.

Umiling ako bilang sagot at napabuntong-hininga. Pagkatapos ng huli kong panaginip noong nandito ako sa bahay nila ay hindi na ako muling nagkaroon pa ng ganoong mga panaginip. Wala na ring nadadagdag sa aking mga alaala buhat sa huling memorya ko bago umalis si Theo papuntang ibang bansa. Bukod doon ay wala na akong ibang matandaan pa kahit anong pilit kong makaalala.

Nagulat naman ako nang biglang hawakan ni Mrs. Thompson ang aking mga kamay na nakapatong sa aking hita. Inangat ko ang aking paningin at nakita ko siyang nakangiti sa akin. "Masaya ako para sa inyong dalawa ng anak ko. Kung ano man 'yong parte ng nakaraan na hindi mo maalala, 'wag mo na masyadong isipin iyon at mag-focus na lang tayo sa kung anong mayroon sa ngayon," payo niya sa akin.

Kahit papaano ay napagaan ni Mrs. Thompson ang loob ko dahil sa sinabi niya. Nagkwentuhan na lang kami ng iba pang mga bagay na hindi na konektado sa nakaraan at maya maya ay nagpaalam na si North na ihahatid niya na raw ako pauwi dahil may kailangan pa akong tapusing mga requirements.

Nang makarating ang sasakyan niya sa tapat ng dorm namin ay ngumiti siya nang matamis sa akin. "Sabi ko sa'yo magugustuhan ka nila Mama, eh!" pagmamalaki niya sa akin na siyang nagpahalakhak sa akin.

"Thanks for today, Hilaga," nakangiting sabi ko sa kanya.

Napataas naman ang isang kilay ko nang humaba ang nguso niya habang nakatingin sa akin. Nang makuha ko ang kanyang ibig sabihin ay napairap na lang ako ngunit hindi ko napigilan ang pag-ngiti. Mabilis naman siyang lumapit sa akin at ninakawan ako ng halik sa pisngi. "Hmm, ang bango naman ng babe ko," aniya.

Tinanggal niya ang seatbelt ko at katulad kanina ay pinagbuksan niya ako ng pinto. Kahit nakaalis na siya sa tapat ng bahay namin ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa aking labi, ngunit agad itong napawi nang matanaw ang isang lalaking nakasandal sa may poste sa tapat ng dorm namin.

"Drake?" Tinanggal niya ang kamay niya sa magkabilang bulsa bago tumawid papalapit sa akin. "A-Anong ginagawa mo rito?"

"Hinihintay kita," maikling sagot niya na siyang nagpakunot sa aking noo.

Humalukipkip ako sa harap niya at mataman siyang tinitigan. "For what?" seryosong tanong ko sa kanya. Nagulat naman ako nang tila biglang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha na para bang nagtanggal siya ng isang maskarang matagal niya nang sinusuot. Nakita kong muli ang mukha ng lalaking unang minahal ko simula nang magising ako mula sa mahabang pagkakatulog noon.

"P-Pwede bang mag-usap tayo, Demetria?" tanong ni Drake na siyang parang nagpatigil sa tibok ng puso ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top