Kapitulo IV - Second Time
"Demetria..."
"At bakit ako susunod sa'yo? Boss ba kita?" mataray na sabi ko sa kanya bago inalis ang kanyang kamay sa pala-pulsuhan ko.
Humalakhak siya sa sinabi ko. "Pinapaupo lang naman kita, boss na agad ako?"
Hindi ko pinansin ang sinabi niya ngunit parang kusa akong umupo pabalik sa may tabi niya. Iniwas ko na lang ang tingin sa kanya kahit alam kong may naglalarong ngiti na naman sa kanyang labi.
"Mabait ka naman pala, Demetria. Pwede na ba tayong maging magkaibigan?" mahinahong sabi niya.
Gulat na napatingin ako sa kanya at kitang-kita ko ang matamis na ngiti sa kanyang labi. Bagay pala sa kanya ang nakangiti na walang bahid pang-aasar... at bagay rin sa kanya ang mahinahong pagsasalita.
Hindi ko namalayan na inangat ko na pala ang kamay ko dahilan upang makita kong muli ang pagkamangha sa mga mata niya. Dahan-dahan niyang inabot ito at nagshake hands kaming dalawa.
Tumingin siya nang diretso sa mga mata ko at ngumiti nang abot-tainga. Unti-unting umangat ang magkabilang-gilid ng aking labi at hindi na napigilan ang pagkawala ng isang ngiti sa aking mga labi.
"Demi!" Tila nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang tinig ni Hilaga. Gulat na napatingin ako sa kanya at sa kamay niyang nakahawak pa rin sa may pala-pulsuhan ko.
"You're spacing out..." puna niya sa akin.
Iniwas ko ang tingin ko sa kanya at inalis ang kanyang kamay sa aking pala-pulsuhan. Bumalik ako sa upuang nasa tabi niya at umayos nang upo. Hindi ko na ibinalik ang tingin ko sa kanya dahil naramdaman ko ang matinding pagkirot ng aking sentido.
"Demi, ang tahimik mo yata ngayon?" Napatingin ako kay Anna nang bigla siyang magsalita. Nandito kami ngayon sa canteen dahil nagkasabay kami ng break time.
Hinipo niya muna ang aking noo at leeg bago nagtatakang tumitig sa akin. "Wala ka namang lagnat, pero parang nanlalamig ka. Ayos ka lang ba? May masakit ba sa'yo?" muling tanong niya.
"A-Ayos lang. Medyo sumakit lang yung ulo ko," sagot ko.
Nagulat naman ako nang biglang tumayo si Anna at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang braso ko at hinila ako patayo. "H-Hoy, saan tayo pupunta?" gulat na tanong ko sa kanya bago sinubukang kumawala sa mahigpit na hawak niya sa akin.
"Pupunta tayo sa clinic! Bakit 'di mo agad sinabi na sumasakit na naman 'yang ulo mo? Paano kung bigla ka na lang bumulagta riyan?! Engot ka talaga, Demetria!" sermon niya sa akin bago pinitik ang tungki ng ilong ko.
Napabuntong-hininga na lang ako at napahawak sa ilong ko bago umupo pabalik sa kinauupuan ko kanina. Pumunta siya sa harapan ko at humalukipkip bago ako matalim na tinitigan. "Ano? Bakit ka umupo?! Pupunta nga tayong clinic!"
"Anna naman, okay lang ako. Hindi ka pa nasanay..."
"Aba! Hindi talaga ako masasanay! Syempre simula noong araw na iyon ay hindi na ako masasanay!"
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Anong araw?"
Napaawang naman ang bibig niya ngunit agad niya ring itinikom at napalunok. Umiling-iling siya sa akin na tila ba todo-tanggi sa tinanong ko. Napabuntong-hininga na lamang ako at napahawak sa aking sentido. There's something wrong with me...
"Hoy, ang tatahimik niyo yata? LQ ba 'yan, mga bakla?" Napalingon ako kay JV na may bitbit na isang tray kung saan nakapatong ang mga pagkain namin.
"Masama raw ang pakiramdam ni Demi..." matamlay na sabi ni Anna.
"Wow, ang lamya mo yatang magsalita ngayon, Anna-tot? Kakaiba!" kunwaring namamanghang sabi ni JV. Napailing na lang ako sa pang-aasar niya at napatawa.
"Pwedeng makisabay sa inyo?" Napatingin kaming tatlo sa lalaking nagsalita. Nagtama ang tingin namin ni Hilaga kaya agad akong nag-iwas ng tingin sa kanya. Uminom na lamang ako sa baso ng tubig upang maibaling ang atensyon sa ibang bagay.
"Oo naman, North! Tara dito, tabi kayo ni Demi!" suhestiyon ni Anna.
Halos maibuga ko naman ang iniinom kong tubig nang marinig ang sinabi ng aking kaibigan kaya napaubo ako bigla. Inabutan naman ako ng tissue ni Hilaga pero hindi ko ito pinansin at kinuha ang panyo sa aking bulsa.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin.
Pinakalma ko muna ang aking sarili bago tumingin sa kanya. "Wala ka bang mata? Hindi ba obvious?" sarkastikong tanong ko sa kanya. "Excuse me, guys. C.R. lang muna ako," pagpapaalam ko sa kanila.
"Wow, kailan ka pa naging building?" sabat ni JV.
Tumawa ako nang peke bago siya inirapan. "Pilosopo! Tss," singhal ko bago tumayo at naglakad papalayo.
"Bakit kaya kapag kasama tayo ni Demi, lagi siyang papuntang CR?" tanong ni Anna.
Hinayaan ko na lang silang mag-isip nang kung anu-ano dahil sa sinabi ko at nauna na akong pumunta sa comfort room na katapat lang ng pinto papasok ng canteen. Nagpalamig lang naman ako roon dahil may aircon pero hindi naman ako umihi.
Pagkalabas ko ng C.R. ay napagdesisyunan kong i-chat na lang sila Anna at JV sa Messenger na mauuna na akong pumasok sa room ko dahil busog pa ako. Ni-like zone lang naman ako ng dalawa kaya hindi na ako nag-abalang magreply pa ulit.
Habang umaakyat sa hagdan ay ramdam ko ang bigat ng aking ulo. Mayroon pa ring kaunting kirot dito pero hindi na kasing-sakit ng kirot kanina. Marahil ay naagapan ko ito dahil sa pag-inom ko ng gamot bago ako bumaba upang magrecess.
Nang makarating sa ika-apat na palapag ay dumiretso na ako sa room ngunit pagkapasok ko sa loob ay natigilan agad ako nang makita ang isang pamilyar na hubog ng katawang nakatayo ngunit nakatalikod sa akin. Napaawang ang aking bibig at ramdam ko ang panginginig ng aking mga tuhod at kamay.
"D-Drake..." Naramdaman ko ang panunuyot ng aking lalamunan kaya napalunok ako.
Tangina naman, bakit ba lagi na lang kaming nagkakasalubong ng gagong 'to?
Dahan-dahan siyang lumingon at bumakas ang gulat sa kanyang mukha nang makita ako ngunit agad din siyang nakabawi kaya ngumiti siya sa akin. "Hi, Demi!"
Nanginig ang aking mga labi pero pinilit ko pa ring itanong sa kanya kung anong gusto kong itanong. "A-Anong ginagawa mo rito?"
Lumapit siya sa akin nang ilang hakbang at ngayon ay magkaharap na kami nang tuluyan. Itinagilid niya nang kaunti ang kanyang ulo habang nakatingin sa akin. "Room ko 'to, eh."
"B-Blockmate kita?"
Tumango siya sa akin bago ngumiti. "Mm-hmm."
"Drake, excuse raw sa'yo! May naghahanap na chix sa'yo sa labas!" sigaw ni Logan, kaklase namin, na nakasilip mula sa labas ng kabilang pinto.
Nabaling ang atensyon niya roon at ngumiti siya sa akin muli bago nagsimulang maglakad papalayo.
"Hoy, anong chix! Girlfriend ko 'yan, boy!" Sigaw niya pabalik kay Logan.
Unti-unting nawala ang ingay sa paligid na tila ba wala akong kahit anong marinig kun'di ang aking puso na tila ba naghihingalo na at nahihirapan nang tumibok. Unti-unting namuo ang luha sa aking mga mata kaya napahawak ako sa aking dibdib.
Demetria... 'Wag kang iiyak, please? 'Wag ngayon... 'Wag dito... Magpakatatag ka, please?
"Tsk. Isa pa talagang pananakit niya sa'yo, babaliin ko na ang leeg niya sa mismong harap mo."
Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang isang malamig na tinig sa aking likuran. Kilala ko ang boses na iyon... Pero wala akong sapat na lakas para lumingon dahil alam kong anumang oras ay papatak na ang mga luha mula sa mga mata ko.
Naramdaman ko ang kusang paghakbang ng aking mga paa papalapit sa pinto kung saan nag-uusap si Drake at ang bago niyang girlfriend, pero bago ko pa man sila matanaw ay naramdaman ko ang marahang paghawak ni Hilaga sa aking kamay bago ako hinila palabas ng classroom.
Ramdam ko ang sunud-sunod na pag-agos ng aking mga luha sa pisngi ko habang tumatakbo kami palabas. Ramdam ko rin ang mga nagtatakang tingin ng mga taong nakakasalubong namin sa hallway.
Bawat hakbang na tinatahak namin ay tila bumabagal pati na rin ang paligid at ang tanging alam ko lamang ay hinahayaan kong dalhin ako ng lalaking ito kung saan man upang ilayo ang aking paningin sa mga taong nananakit sa akin.
Nagulat ako nang biglang bumagal ang pagtakbo niya at unti-unting naging lakad hanggang sa kami'y tuluyan nang tumigil. Rinig na rinig ng aking mga tainga ang paghampas ng hangin sa mga dahon ng puno at pati na rin sa damuhan.
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin at kitang-kita ko ang kinang sa kanyang mapupungay na mga mata. Humakbang siya papalapit sa akin at nang tuluyang lumiit ang distansya namin sa isa't isa ay inangat niya ang kanyang mga kamay at marahang pinalis ang mga luhang pumatak mula sa aking mata.
Napapikit ako sa kanyang ginawa at ramdam ko ang pagkalma ng aking sistema. For the second time, nandito na naman siya upang punasin ang mga luhang pumatak mula sa aking mga mata sa tuwing nakikita ko ang taong dumurog sa aking puso... kasama ang bago niya.
Nanatiling nakapikit ang aking mga mata habang sumasayaw sa hangin ang aking buhok at hinahayaang tangayin ng hangin ang mga luhang pinapalis niya. Purong katahimikan ang namagitan sa aming dalawa ngunit sapat na iyon para maramdaman kong hindi ako nag-iisa.
Maya maya'y naramdaman ko ang kanyang mga labi sa aking noo nang marahan niya itong hinagkan. Hinila niya ako at ibinalot sa kanyang mga bisig na siyang nagpabagsak muli ng panibagong mga luha ko.
"Shh... Nandito lang ako, Demetria. Naniniwala akong makakalimutan mo rin siya..." Mahinahong sabi niya sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top