Regalo ni Mahiway - Part 1

Copyright © Jay-c de Lente 

Self-published under PNY (Timeless)

Cover: DigitalArt by © Jay-c de Lente 


All rights reserved. This book or any portion thereof may not be reproduced or used in any manner whatsoever without the express written permission of the author/publisher except for the use of brief quotations in a book review.

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.



| Regalo ni Mahiway (Short Story) |

PART 1




Tok! Tok! Tok!

Nang walang tumugon, umulit pa ang mga katok sa pinto.

"Sandali lang," ani may-ari ng bahay. Pagbukas nito, isang babae na may maamong mukha ang makikitang nakahalukipkip.

Magkasintangkad ang may-ari ng bahay at ang magandang babae. Nakaputing blusa at hanggang tuhod na palda ang huli, at... nakayapak pa rin.

Umaliwalas ang mukha ng may-ari. "Mahiway!"

"Selma." Yumukod ang panauhin bilang pagbati. Halatang nainip dahil matagal itong naghintay na mapagbuksan ng pinto. Nakakunot din ang noo dahil sa nakikitang ayos ng kaharap: hindi nasuklayang buhok, mabahong suot na daster, at mukhang hindi pa naliligo.

"Pasok," nakangiting wika ni Selma.

Ngumiti na rin si Mahiway. Para saan pa'ng magrereklamo siya, e, hindi niya rin matitiis ito. Noong nakaraang dalawang araw nga ay nakapagbitiw siya rito ng pangako. Pangakong maaaring pagsisisihan niya. May nawawala raw kasi itong napakaimportanteng gamit, ngunit hindi matandaan kung ano. Kailangan daw mahanap iyon bago matapos ang tatlong araw. Napaisip siya kung ano'ng meron sa araw na iyon. Hanggang sa maalala niyang iyon ang araw ng kaarawan nito. Kaya nangako siyang hahanapin iyon at iyon ang ireregalo niya sa kaarawan.

"May dala ako, Selma."

"'Yong regalo mo?"

"Hindi." Iniabot niya ang isang bote ng langis. Sa loob noon, kitang-kita ang iba't ibang ugat ng halaman.

"Hindi na kailangan."

"Hindi raw kailangan, e, hindi mo na nga kayang maglakad at pagbuksan ako ng pinto. Nirarayuma ka na naman, pero ayaw pang umamin."

"Sige na, sige na!" kunwari ay naiinis na saad ni Selma matapos na kunin ang bote at tuluy-tuloy sa sala.

"Umupo ka na para mapahiran ng langis 'yang likod at mga binti mo." Kasabay ng pag-alalay kay Selma, inilibot ni Mahiway ang paningin sa loob ng simple at katamtaman sa laking bahay. Kahit ang disenyo noon ay makaluma, dapat maaliwalas at malinis doon. Dapat ay kumikintab ang sahig na gawa sa kahoy, walang alikabok sa mga bintana, o napalitan na ang maruruming kurtina at sapin ng mga kutson ng silya. Sa halip, puro kabaligtaran lahat.

Napamewang tuloy siya at marahas na umiling.

"Nasaan na naman si Karen?" aniya. "Mag-isa ka na naman ba rito?"

"Nandiyan lang 'yon," tugon ni Selma.

"O baka naman ilang araw ka nang hindi pinupuntahan ng babaeng 'yon dito." Naningkit ang mga mata niya. "Kapag natiyempuhan ko talaga 'yon—" Subalit pinigilan niyang hindi mainis lalo. Makatitikim din 'yon sa kanya. Sa ngayon, mas importanteng maasikaso niya muna ang kaibigan.

"Mahiway," ani Selma ilang saglit, "nagugutom ako."

Napabuntonghininga siya nang malakas. "At hindi ka pa pala niya pinakain?!" hindi niya naiwasang isigaw.

"Sa'n mo 'ko dadalhin?" takang tanong ni Selma nang buhatin ito.

"Sa banyo. Paliliguan muna kita bago ka kumain."

Ngunit habang binubuhusan niya ang ulo nito ng maligamgam na tubig gamit ang tabo, nababanggit pa rin niya ang pangalang Karen.

"Sino ba'ng Karen na 'yan?" inosenteng tanong ni Selma.

Napatda siya.

"Kilala ko ba?" patuloy pa nito.

Patay! Heto na naman, sa isip-isip niya. Nakailang iling siya saka sinabing, "Oo, Selma. Siya ang nag-aalaga sa 'yo rito at nagbabantay na rin. Ilang buwan mo na siyang kasa-kasama."

Kumunot lang ang noo ni Selma.

"Si Karen?.." ulit niya. "'Yong babaeng may napakalaking nunal sa ibaba ng ilong na may buhok pa? 'Di ba ikaw ang laging nakapapansin no'n at patagong pinagtatawanan?"

Unti-unting sumungaw ang rekoleksiyon sa mukha ni Selma. "Oo... naaalala ko na." Sabay ngumiti nang todo.

Lumamlam ang mga mata ni Mahiway nang masilayan ang mga ngiting 'yon. Kakatwa at kakaiba na naman ang kilos at pananalita ng kaibigan niya. Pero alam niyang sinusumpong na naman ito ng pagiging ulyanin. Sabagay, mahigit otsenta anyos na ito. Kaya nga kumuha ang anak nitong si Dante ng mag-aalaga at makakasama nito, lalo pa't hindi na laging naaasikaso ang ina dahil sa trabaho sa malayong siyudad. Tumatawag at nagpapadala ng pera ang anak, pero bihira na silang magkitang mag-ina. Umuuwi na lang si Dante kapag may espesyal na okasyon.

Ngunit simula pa man, diskumpiyado na siya kay Karen.

Kung bakit pa kasi sa dinami-rami ng maha-hire, ang babaeng 'yon pa!

Sabay 'di niya maiwasang mangiti ulit. Gumamit kasi siya ng Ingles na salita. Oo, marunong siya konti ng makabago at banyagang mga salita. Epekto iyon ng madalas niyang pakikisalamuha kay Selma.

Nang maginhawa na ang kalagayan ng kaibigan sa mahabang bangko, lumabas na siya ng bahay nito. Pero napalingon siya bigla sa mapunong direksiyon sa kanyang kanan.

Sa malaking puno ng sampalok, may biglang sumilip mula sa likod noon!

Sumeryoso si Mahiway. Humakbang ang mga paa niyang walang suot. Nilapitan ang puno at huminto sa tapat noon. "Dangway," aniya.

Lumabas sa pinagtataguan ang tinawag at yumukod. Anito, "Mahiway."

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Nakikiusyoso at pinapanood ka." Pilya ang ngiti nito.

Tumaas ang isang kilay niya. "Humanap ka na lang ng ibang mapaglilibangan."

Natawa ang kausap at naaaliw na lumapit pa. Tulad niya, nakayapak din ito. Puti ang kulay ng mahabang buhok kasama pati mga kilay, pilikmata, at maninipis na balahibo sa mga braso. Makinis ang balat at itsurang nasa edad na beynte anyos. Ang damit ay komon na makikitang suot ng mga taga-Sitio Cabugan: makaluma at konserbatibo.

"Mas lalong napapadalas ang dalaw mo kay Selma. Alam mong pupuwede tayong maimpluwensiyahan ng kanilang pag-uugali, pananalita, paraan ng pamumuhay at pagkilos, persepsiyon, damdamin, at kung ano-ano pa, Mahiway. Hindi mabuti para sa tulad nating mga Aghoy. Kailangang madalas tayong nasa kabundukan. Ang bantayan at pangalagaan ito ang siyang ginagawa at pinagkakaabalahan mo dapat."

"Hindi ko naman nakalilimutan 'yan, Dangway. Kaya lang, hindi ko p'wedeng iwan si Selma lalo na't mahina na ito at may Alzheimer's desease pa."

"A-a-alshayyy—ano?!" Nagsalubong ang mga kilay ni Dangway.

"Alzheimer's," ulit niya. "Narinig kong pinag-uusapan nila noon kasama ng doktor. Isa raw itong uri ng sakit ng mga tao na halintulad ang sintomas sa pagiging ulyanin."

Tumango ang kasama.

"Kaya mahirap iwan nang mag-isa si Selma. Mas lalo pa ngayon dahil wala na naman si Karen. Imbes na alagaan nito. Sayang ang pinapasahod ni Dante!"

Muling humakbang si Mahiway. Ang tungo ay sa puno ng sampalok. Unti-unti, nawala ang suot niyang blusa at palda. Napalitan iyon ng pinagtagpi-tagping kulay tsokolateng mga dahon, balat, ugat ng punongkahoy; at berdeng lumot. Humapit ang mga iyon sa kanyang katawan at mga bisig—na pigura pa rin ng isang tao. Sa ulo niya, may tumubo na maliliit na sanga, at ang mga tainga niya ay humaba at tumulis.

Tulad niya, nagbago rin ng ganoong anyo si Dangway. "Sa'n ka pupunta?" anito.

"Kukuha ng impormasyon sa ibang mga kasamahan natin. Bukas na kasi ang kaarawan ni Selma at hindi ko mahanap-hanap ang nawawala niyang gamit. Nangako akong 'yon ang ireregalo ko sa kanya."    

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top