Kabanata 9-Kaibigan
Nagkulong ako ng tatlong araw sa aking cuarto. Labis na naguguluhan ang aking kalooban.
Ako ay magiging ina. Anong klaseng buhay ang aking maibibigay sa nabubuong bata sa aking sinapupunan? Sa ganitong kondisyon, mukhang ako ay mabibigo na bigyan siya ng magandang kinabukasan. Lalo na ako ay mag-isa at naghihilom pa rin ang aking mga sugat.
---
Kinagabihan ay inaya ako ni Sor Monica na uminom ng tsaa sa cocina. Kaming dalawa lang ang nandoon. Pinayuhan niya ako na kumain ng maayos para sa aking magiging anak. Sinisigurado niya na masusustansiyang pagkain lamang ang ihahanda para sa akin.
Nagpapasalamat ako sa kanyang kabutihan.
---
Hindi pala maganda na magkulong sa cuarto. Nagising ako kinaumagahan at naglakad-lakad sa mga pasilyo ng kumbento. Nagtungo ako sa hardin kung saan ko nakita si Sor Veronica na nagsasampay ng mga punda ng kama at mga kumot. Inalok ko ang sarili na tulungan siya at siya naman ay pumayag. Habang nagsasampay ay nagkukwento si Sor Veronica ng mga bagay-bagay habang tahimik ako na nakikinig.
Napadaan si Sor Felisa at akmang pinaringgan ako.
"Salamat naman at lumabas din ang Señorita sa kanyang cuarto. Mabuti at di ka nagiging pabigat dito."
"Madam, humayo na po tayo kung ikaw ay puro palabras lamang," nakangising sagot ni Sor Veronica.
Umirap lamang ang matanda at siya ay lumayo. Nang wala na siya ay humagalpak sa tawa si Sor Veronica.
"Bakit ka natatawa?" Tanong ko.
"Marami na sa amin ang naiinis sa kanyang pag-uugali. Naku, sana nakita mo mukha niya nang sinagot ko siya! Para siyang sinabuyan ng dumi ng kalabaw sa ulo!" Tawa ni Sor Veronica.
Natawa ako nang maisip ko si Sor Felisa na naliligo sa dumi ng kalabaw.
"Buti natawa na po kayo!" Ngiti ni Sor Veronica sa akin.
"Kasalanan mo ito. Buti gumaan kalooban ko." Ngumiti ako sa kanya.
"Mas makakatulong po sa inyong magiging anak kung masaya po disposisyon niyo," bulong ni Veronica sa akin. "Ay, pasensiya na po. Sinabi lang po sa akin ni Sor Monica. Kung gusto niyo, maari niyo akong samahan sa mga gawain kung nais niyo. Naglalaba po ako at nagsasampay, pati na rin pagluluto tuwing Sabado," alok niya.
"Oo ba, para maaliw rin ako."
"Pero kapag lumaki na po tiyan niyo ay--"
"Huwag kang mag-alala, kikilos ako hangga't kaya ko."
Magaan na kalooban ko kay Sor Veronica. Simula ng araw na iyon ay lagi na kami magkasama na nagsasampay o nagluluto.
Tumutol noong una si Sor Monica sa aking pagtulong kay Veronica dahil sa aking kalagayan. Ngunit pumayag din siya kalaunan.
Nalimutan ko na ata ang pakiramdam kung paano magkaroon ng isang kaibigan. Masaya ako at mabuti sa akin si Sor Veronica.
Pagpalain siya nawa ng Maykapal.
-Teresa (Almira)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top