Kabanata 4-Kakaiba

Mahapdi pa rin ang aking mga sugat. Minsan ay hindi ako pinapatulog nito. Sinabi ko ito kay Sor Veronica. Palihim niya akong binigyan ng pampatulog na inumin. Buti naman ay nakabawi rin ako sa pagtulog.

Labis na nababagabag ang aking isipan dahil sa mga pangyayari. Ang kakaiba lang, hindi ako umiiyak gaya ng ibang tao kapag nawalan sila ng kahit sinong miyembro ng pamilya. Iniisip ko na wala na sila Mama at Papa at sinusubukan kong maiyak. Ngunit walang luha na dumadaloy sa aking mga mata.

Wala akong nararamdaman sa kanilang pagkawala o sa kalunos-lunos na nangyari sa akin. Nakita ko na nga ang aking sugatang mukha sa salamin. Oo, di na ako ang dating Almira, ngunit wala pa rin akong naramdaman kundi isang malaking kawalan sa aking kalooban.

Patawarin sana ako ng Panginoon sa aking pagiging manhid sa mga nangyari.

Kamakailan ay tinanong ko si Sor Veronica kung anong pwedeng maitulong sa kanila sa mga gawain.

Sabi niya ay kailangan ko pang magpagaling bago magkikikilos. Ngunit pinilit ko siya.

Kagabi lang ay ako ang naghugas ng kanilang mga pinagkainan. Madali lang pala ito kahit ang dami nilang mga plato, baso, at kubyertos. Maliit na kumbento ito, mga nasa trenta na madre ang nakatira, kasama na si Madre Superiora. May mga katulong din na namamasukan para maglinis. Lima naman sila at kada isang linggo nila ito ginagawa.

Maaga ako nagising at agad ako nagpunta sa kusina para malaman kung ano ang pwede kong gawin.

Naabutan ko si Sor Monica (Madre Superiora) at isa pang matandang madre.

Nag-usap kami saglit ni Sor Monica. Siya ay pumayag na ako ang maghuhugas ng mga pinggan pagkatapos ng kanilang agahan. Inalok na niya akong mag-agahan ng tinapay at kape, at pumayag naman ako.

Habang kasabay ko siyang kumakain, umalis na ang matandang madre. Umirap siya sa akin sabay sabi, "Buti naman ay tumutulong ka na dito. Di ka na buhay Señorita."

"Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Sor Feliza."

Umalis na si Sor Feliza. Humingi sa akin ng paumanhin si Sor Monica.

"Minsan talaga ay di niya mapigilan ang kanyang bunganga. Tonta siya."

Nagulat ako sa sinabi ni Sor Monica. Aba, marunong pala magmaldita ang mga kamadrehan!

"Wala po iyon sa akin. Matagal na nga akong nagkukulong sa kwarto. Oras na para gumalaw-galaw."

Doon ko naramdaman na nakangiti pala ako. Nagulat si Sor Monica. Natuwa naman siya sa kanyang nakita.

Nagwalis ako sa kusina pagkakain. Pagkatapos ay naghugas na rin ako ng mga pinagkainan.  Buti hindi na ulit sumilip si Sor Feliza. Siya ay masungit at di ko siya gusto.

Pero hindi siya ang inaalala ko.

Kinagabihan ay may naramdaman akong kakaiba. Bakit ang bigat ng pakiramdam ko?

Naduwal ako kanina lamang. Dalawang beses itong nangyari bago ko pa naisulat ang mga talatang ito.

Dahil kaya ito sa pampatulog?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top