Kabanata 3-Sana

Teresa Lopez

Teresa Lopez

Teresa

Naninibago pa rin ako sa aking bagong pangalan. Ako rin ang nakaisip nito. Kailangan, dahil baka matunton pa rin ako ni Julian.

Kung wala akong pakialam gaya ng una kong sinulat, bakit nag-aalala pa rin ako?

Wala na akong dahilan pa upang magpatuloy sa buhay dahil lahat ay nawala sa akin. Ngunit nalaman ko sa aking sarili na takot pa rin ako kapag iniisip na makita ako ni Julian sa pinagtataguan kong cuarto dito sa kumbento. Siguro nga sa kaibuturan ng aking kalooban ay nais ko pa rin mabuhay.

Araw-araw ay labis na sakit ang aking nararamdaman kapag nililinis ng isa sa mga madre ang aking mga sugat. Si Sor Veronica ang gumagawa nito bago ako maligo. Maingat niyang nililinis ang aking nalapnos na balat sa mukha, mga braso, at pati na rin sa kanang bahagi ng aking balikat. Hinuhugasan niya ito ng malamig na tubig at pagkatapos ay iniiwan na niya ako para ipagpatuloy ang aking paliligo. Minsan ay napapasigaw na lang ako sa hapdi, ngunit pilit akong nagpapakatatag

Maya't maya ay tinitignan din ako ni Doktor Procopio. Sabi niya ay kumakapal talaga ang sunog na balat habang naghihilom. Nagbilin siya sa akin na magsuot ng maninipis na blusa at parating linisin ang aking nga sugat para makaiwas sa impeksyon. Natutuwa naman siya sa kanyang kapatid na si Sor Veronica dahil maayos niyang nagagawa ang iniutos sa kanya. Nalaman ko na dati pala itong nagtatrabaho sa klinika ng kanyang kapatid bago ito pumasok na madre.

Sa ngayon ay wala akong ginagawa kundi ang kumain nang kaunti, matulog, at magsulat. Binigyan na ako ng Madre Superiora ng mas malaking talaarawan. Baka raw makatulong ito sa aking paggaling.

Nangungulila ba ako sa dati kong pamumuhay bilang isang miyembro ng alta sociedad?

Dalawa ang sagot ko diyan.

Iba pa rin ang pakiramdam na lahat ay nakatingala sa iyo. Binibigay ang lahat ng kailangan mo. Wala kang problema.

Ngunit malungkot din ito. Dahil kailangan mong umayon sa kagustuhan ng iyong mga magulang, labag man ito sa kalooban.

Nawala ko na sila Mama at Papa dahil sa aking desisyon na nakasira sa aking buhay. Hindi ko sinasadya na nadamay ko sila, pati na rin ang familia Carreon. Ngayon ko lang naisip na sana ay nakipagkalas na lang ako ng mas maaga kay Julian. Ngunit ako ay nabulag ng pag-ibig. Ako ay naging mapusok at padalos-dalos.

Sana natutunan kong mahalin muli si Sebastian.

Sana nakinig ako sa aking mga magulang.

Maraming inosenteng buhay ang nadamay ng aking kasakiman sa pag-ibig.

Sana ako ay patawarin.

Kahit na sa palagay ko ay di ako dapat mapatawad.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top